Mga Tulong sa Pag-aaral
Juan, Anak ni Zebedeo


Juan, Anak ni Zebedeo

Isa sa Labindalawang Apostol sa Bagong Tipan, anak ni Zebedeo, at kapatid ni Santiago. Sa kanyang maagang pamumuhay isa siyang mangingisda (Mar. 1:17–20). Siya marahil ang di pinangalanang disipulo ni Juan Bautista na binanggit sa Juan 1:40. Sa bandang huli nakatanggap siya ng tawag na maging disipulo ni Jesucristo (Mat. 4:21–22; Lu. 5:1–11). Isinulat niya ang Ebanghelyo ni Juan, ang tatlong sulat, at ang aklat ng Apocalipsis. Isa siya sa tatlo na kasama ng Panginoon sa pagpapabangon ng anak ni Jairo (Mar. 5:35–42), sa Bundok ng Pagbabagong-anyo (Mat. 17:1–9), at sa Getsemani (Mat. 26:36–46). Sa kanyang sariling mga isinulat tinutukoy niya ang kanyang sarili bilang ang disipulong minamahal ni Jesus (Juan 13:23; 21:20) at bilang ang “iba pang disipulo” (Juan 20:2–8). Tinawag din siya at ang kanyang kapatid ni Jesus na Boanerges,“mga anak ng kulog” (Mar. 3:17). May malilimit na pagbanggit sa kanya sa mga ulat ng pagpapako sa krus at pagkabuhay na mag-uli (Lu. 22:8; Juan 18:15; 19:26–27; 20:2–8; 21:1–2). Nawala sa bandang huli si Juan sa Patmos, kung saan isinulat niya ang aklat ng Apocalipsis (Apoc. 1:9).

Madalas binabanggit si Juan ng paghahayag sa mga huling araw (1 Ne. 14:18–27; 3 Ne. 28:6; Eter 4:16; D at T 7; 27:12; 61:14; 77; 88:141). Nagpapatibay ang mga siping ito sa talaang Biblia ni Juan at naglalaan din ng kabatiran ng kanyang kadakilaan at ang kahalagahan ng gawaing ibinigay ng Panginoon sa kanya upang gawin sa mundo sa panahon ng Bagong Tipan at sa mga huling araw. Nililiwanag ng mga banal na kasulatan ng mga huling araw na hindi namatay si Juan subalit pinayagang manatili sa mundo bilang isang tagapaglingkod na sugo hanggang sa panahon ng ikalawang pagparito ng Panginoon (Juan 21:20–23; 3 Ne. 28:6–7; D at T 7).

Ang mga sulat ni Juan

Bagaman hindi binabanggit ng manunulat ang kanyang sarili sa pamamagitan ng pangalan sa tatlong sulat na ito, ang mga pananalita ay matibay na nahahalintulad ng kay Juan, ang Apostol, kaya ipinalalagay na isinulat niya ang tatlo.

Sa 1 Juan 1 pinapayuhan ang mga Banal na tamuhin ang pakikipagkapatiran sa Diyos. Binigyan-diin sa kabanata 2 na nakikilala ng mga Banal ang Diyos sa pamamagitan ng pagsunod at Tinagubilinan sila na huwag mahalin ang daigdig. Tinatawag sa kabanata 3 ang lahat upang maging mga anak ng Diyos at ibigin ang isa’t isa. Ipinaliliwanag sa kabanata 4 na ang Diyos ay pag-ibig at nananahanan sa mga yaong nagmamahal sa kanya. Ipinaliliwanag sa kabanata 5, na isinilang sa Diyos ang mga Banal sa pamamagitan ng paniniwala kay Cristo.

Katulad sa 1 Juan ang 2 Juan. Dito nagagalak si Juan dahil sa katapatan ng mga anak ng “hinirang na babae.”

Pinapurihan sa 3 Juan ang isang taong tinawag na Gayo dahil sa kanyang katapatan at pagtulong sa mga yaong nagmamahal sa katotohanan.

Ang Ebanghelyo ni Juan

Sa Bagong Tipang aklat na ito, nagpatotoo si Juan, ang Apostol na (1) Si Jesus ang Cristo o Mesiyas, at (2) Si Jesus ang Anak ng Diyos (Juan 20:31). Ang mga tagpo mula sa buhay ni Jesus na kanyang inilarawan ay maingat na pinili at inayos sa ganitong kaalaman. Nagsisimula ang aklat sa pahayag ng katayuan ni Cristo sa buhay bago pa naging mortal sa mundo: kasama siya ng Diyos, siya ay Diyos, at siya ang Lumikha ng lahat ng bagay. Isinilang siya sa laman bilang Bugtong na Anak ng Ama. Tinalunton ni Juan ang landas ng Pmiministeryo ni Jesus, lubhang binibigyang-diin ang kanyang pagka-Diyos at ang kanyang pagkabuhay na mag-uli mula sa mga patay. Malinaw niyang pinagtitibay na si Jesus ang Anak ng Diyos, pinatutunayan ng mga himala, ng mga saksi, ng mga propeta, at ng sariling tinig ni Cristo. Nagtuturo si Juan sa pamamagitan ng paghahambing ng liwanag at kadiliman, katotohanan at kamalian, masama at mabuti, Diyos at ang diyablo. Marahil wala nang iba pang talaan na nakapaghayag nang malinaw sa kabanalan ni Jesus at ang kawalan ng paniniwala ng mga pinunong Judio.

Isinulat ni Juan ang halos pagmiministeryo ni Cristo sa Judea, lalung-lalo na ang huling linggo ng kanyang mortal na pagmiministeryo, samantalang sina Mateo, Marcos, at Lucas ay nagsulat halos ng kanyang pagmiministeryo sa Galilea. Niliwanag ang ilang bagay mula sa ebanghelyong ito ng mga paghahayag sa huling araw (D at T 7 at D at T 88:138–141).

Para sa buod ng kabanata, tingnan sa “Ebanghelyo, Mga.”

Aklat ng Apocalipsis, Ang