Mga Tulong sa Pag-aaral
Samuel, Propeta sa Lumang Tipan


Samuel, Propeta sa Lumang Tipan

Anak nina Elcana at Ana, ipinanganak si Samuel bilang kasagutan sa panalangin ng kanyang ina (1 Sam. 1). Bilang isang bata inilagay siya sa pangangalaga ni Eli, mataas na saserdote sa tabernakulo sa Silo (1 Sam. 2:11; 3:1). Tinawag ng Panginoon si Samuel sa murang edad upang maging isang propeta (1 Sam. 3). Pagkaraan ng pagkamatay ni Eli, naging dakilang propeta at hukom sa Israel si Samuel at pinanumbalik ang batas, kaayusan, at kinaugaliang pagsambang pangrelihiyon sa lupain (1 Sam. 4:15–18; 7:3–17).

Nilalaman ng 1 Samuel 28:5–20 ang kasaysayan ni Samuel sa pagkakaahon mula sa patay sa pamamagitan ng mangkukulam sa Endor sa kahilingan ni Haring Saul. Hindi ito maaaring maging isang pangitain mula sa Diyos, sapagkat ang isang mangkukulam o iba pang nakikipagsanggunian sa masasamang espiritu ay hindi kayang hikayatin ang isang propeta na magpakita sa kanyang kahilingan (1 Sam. 28:20; 31:1–4).

Ang mga aklat ng 1 at 2

 Samuel: Sa ibang mga Biblia, ang mga aklat ng 1 at 2 Samuel ay iisang aklat. Sa iba ang mga ito ay dalawang aklat. Ang mga aklat ay sumasaklaw sa panahong mga 130 taon, mula nang isilang si Samuel hanggang bago mamatay si Haring David.

Ang aklat ng 1

 Samuel: Inilalarawan ng mga kabanata 1–4 na isinumpa at pinarusahan ng Panginoon ang mag-anak ni Eli at tinawag si Samuel bilang mataas na saserdote at hukom. Nasasaad sa mga kabanata 4–6 kung paano nahulog sa mga kamay ng mga Filisteo ang kaban ng tipan. Natatala sa mga kabanata 7–8 ang mga babala ni Samuel tungkol sa pagkakaroon ng mga huwad na diyos at isang haring masama. Inilalarawan ng mga kabanata 9–15 ang pagpuputong ng putong kay Saul at sa kanyang paghahari. Nasasaad sa mga kabanata 16–31 ang kasaysayan ni David at ang pagtatamo niya ng kapangyarihan—Pinahiran ni Saul si David na siyang pumaslang kay Goliat. Kinapootan ni Saul si David, subalit tumanggi si David na patayin si Saul bagaman siya ay nagkaroon ng pagkakataong gawin ito.

Ang aklat ng 2

 Samuel: Ang aklat ay naglalaman ng mga inisa-isang salaysay tungkol sa pamumuno ni David bilang hari ng Juda at kalaunan, ng buong Israel. Ipinakikita sa mga kabanata 1–4 ang matagal na pagtutunggalian ng mga tagasunod ni David, matapos siyang putungan ni Juda, at ng mga tagasunod ni Saul. Ipinakikita sa mga kabanata 5–10 na si David ay naging makapangyarihan sa maraming lupain. Ipinakikita sa mga kabanata 11–21 ang panghihinang espirituwal ni David dahil sa kanyang mga kasalanan at ang himagsikan sa loob ng sarili niyang mag-anak. Inilalarawan sa mga kabanata 22–24 ang pagtatangka ni David na makipagkasundo sa Panginoon.