Mga Tulong sa Pag-aaral
Sulat ni Pablo, Mga


Sulat ni Pablo, Mga

Labing-apat na aklat sa Bagong Tipan ay orihinal na mga liham na isinulat ng Apostol na si Pablo sa mga kasapi ng Simbahan. Maaaring hatiin ang mga ito sa mga pangkat na sumusunod:

1 at 2 Mga Taga-Tesalonica (

A.D. 50–51)

Isinulat ni Pablo ang mga liham sa mga taga-Tesalonica mula sa Corinto sa kanyang pangalawang pangmisyonerong paglalakbay. Inilarawan sa Mga Gawa 17 ang kanyang ginawa sa Tesalonica. Ninais niyang bumalik sa Tesalonica, subalit hindi niya nagawa (1 Tes. 2:18). Kaya’t kanyang isinugo si Timoteo upang pasiglahin ang mga nagbalik-loob at nang maibalita sa kanya ang kanilang kalagayan. Ang unang liham ay bunga ng kanyang pasasalamat sa pagbabalik ni Timoteo. Isinulat ang pangalawang liham pagkalipas ng maikling panahon.

1 at 2 Mga Taga-Corinto, Mga Taga-Galacia, Mga Taga-Roma (

A.D. 55–57)

Isinulat ni Pablo ang mga liham sa mga taga-Corinto sa kanyang pangatlong pangmisyonerong paglalakbay upang sagutin ang mga katanungan at isaayos ang kaguluhan sa mga Banal sa Corinto.

Isinulat marahil ang liham sa mga taga-Galacia sa maraming sangay ng simbahan sa buong Galacia. Tumatalikod ang ilang mga kasapi ng Simbahan sa ebanghelyo dahil sa batas ng Judio. Sa liham na ito, ipinaliwanag ni Pablo ang layunin ng mga batas ni Moises at ang kahalagahan ng espirituwal na relihiyon.

Isinulat ni Pablo ang liham sa mga taga-Roma mula sa Corinto, sa isang dako ay upang ihanda ang mga Banal sa Roma sa kanyang binabalak na pagdalaw. Ang liham ding ito ay muling nagpatotoo ng mga doktrina na pinagtatalunan ng ilang Judio na nagbalik-loob sa Cristiyanismo.

Mga Taga-Filipos, Mga Taga-Colosas, Mga Taga-Efeso, Kay Filemon, Sa Mga Hebreo (

A.D. 60–62)

Isinulat ni Pablo ang mga liham na ito habang siya ay nasa bilangguan sa kauna-unahang pagkakataon sa Roma.

Isinulat ni Pablo ang liham sa mga taga-Filipos upang kanyang ipahiwatig ang kanyang pasasalamat at pagmamahal sa mga Banal na taga-Filipos at upang pasiglahin sila sa kanilang kabiguan dahil sa kanyang matagal na pagkabilanggo.

Isinulat ni Pablo ang liham sa mga taga-Colosas sanhi ng isang ulat na ang mga Banal na taga-Colosas ay nalululong sa mabibigat na pagkakamali. Kanilang pinaniniwalaan na ang pagiging ganap ay darating sa pamamagitan ng masusing pagtupad ng mga panlabas na ordenansa lamang sa halip ng pagkakaroon ng mga katangian ni Cristo.

Lubos na mahalaga ang liham sa mga taga-Efeso, sapagkat ito’y naglalaman ng mga turo ni Pablo tungkol sa Simbahan ni Cristo.

Ang liham na kay Filemon ay isang personal na liham tungkol kay Onesimo, isang alipin na ninakawan ang kanyang panginoong si Filemon, at tumakas patungo sa Roma. Pinabalik ni Pablo si Onesimo sa kanyang panginoon lakip ang isang liham na nagsasaad na si Onesimo ay patawarin.

Isinulat ni Pablo ang liham sa mga taga-Hebreo para sa mga kasaping Judio ng Simbahan upang akitin silang maniwala na ang mga batas ni Moises ay natupad na sa pamamagitan ni Cristo at na ang mga batas ng ebanghelyo ni Cristo ang pumalit dito.

1 at 2 Kay Timoteo, Kay Tito (

A.D. 64–65)

Isinulat ni Pablo ang mga liham na ito matapos siyang palayain sa bilangguan sa Roma sa kauna-unahang pagkakataon.

Naglakbay si Pablo patungong Efeso, kung saan niya iniwan si Timoteo upang pigilan ang paglaganap ng ilang uri ng mga haka-haka, at nagbabalak pagkatapos na bumalik. Isinulat niya ang kanyang unang liham kay Timoteo, marahil mula sa Macedonia, upang pagpayuhan at himukin siya sa pagtupad sa kanyang tungkulin.

Isinulat ni Pablo ang liham kay Tito sa panahong siya ay napalaya sa bilangguan. Maaaring dumalaw siya sa Creta, kung saan naglilingkod si Tito. Ang liham ay tungkol sa matwid na pamumuhay at disiplina sa loob ng Simbahan.

Isinulat ni Pablo ang kanyang pangalawang liham kay Timoteo habang siya ay nasa bilangguan sa pangalawang pagkakataon, bago patayin si Pablo. Naglalaman ang liham na ito ng mga huling salita ni Pablo at nagpapakita ng kagila-gilalas na katapangan at tiwala niya sa pagharap sa kamatayan.