Mga Tulong sa Pag-aaral
Smith, Joseph, Jr.


Smith, Joseph, Jr.

Ang piniling propeta upang ipanumbalik ang tunay na Simbahan ni Jesucristo sa lupa. Isinilang si Joseph Smith sa estado ng Vermont sa Estados Unidos ng Amerika at nabuhay mula 1805 hanggang 1844.

Noong 1820, nagpakita ang Diyos Ama at si Jesucristo kay Joseph, at nalaman niyang wala sa mga simbahan sa mundo ang totoo (JS—K 1:1–20). Di nagtagal dinalaw siya ng anghel na si Moroni, na ipinahayag ang kinatataguang pook ng mga gintong lamina na naglalaman ng talaan ng mga sinaunang tao sa lupalop ng Amerika (JS—K 1:29–54).

Isinalin ni Joseph ang mga laminang ginto at noong 1830 inilathala ang mga iyon bilang Aklat ni Mormon (JS—K 1:66–67, 75). Noong 1829, tinanggap niya ang karapatan ng pagkasaserdote mula kay Juan Bautista at mula kina Pedro, Santiago, at Juan (D at T 13; 27:12; 128:20; JS—K 1:68–70).

Tulad ng ipinag-utos ng Diyos, noong 6 Abril 1830, itinatag ni Joseph at ng iba pa ang pinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo (D at T 20:1–4). Sa ilalim ng pamumuno ni Joseph, lumaganap ang Simbahan sa Canada, Inglatera, at sa silangang bahagi ng Estados Unidos, lalo na sa Ohio, Missouri, at Illinois. Mabigat na pag-uusig ang sumunod kay Joseph at sa mga Banal saan man sila manirahan. Noong 27 Hunyo 1844, pinatay si Joseph at ang kanyang kapatid na si Hyrum na mga martir sa Carthage, Illinois, sa Estados Unidos ng Amerika.

Banal na Kasulatang nailabas sa pamamagitan ng Propetang si Joseph Smith

Isinalin ni Joseph ang mga bahagi ng mga laminang ginto na ibinigay sa kanya ng anghel na si Moroni, kung aling pagsasalin ay nilimbag noong 1830 bilang Aklat ni Mormon. Marami rin siyang tinanggap na mga paghahayag na galing sa Panginoon na binabalangkas ang saligan ng mga doktrina at pagtatatag ng Simbahan. Marami sa mga paghahayag na ito ang pinagsama-sama na kilala ngayon bilang Ang Doktrina at mga Tipan. Pinagkatiwalaan din siya sa paglalabas sa Mahalagang Perlas, na naglalaman ng inspiradong pagsasalin ng ilan sa mga isinulat nina Moises, Abraham, at Mateo, mga hango sa kanyang sariling kasaysayan at patotoo, at labintatlong ulat ng doktrina at paniniwala na pinanghahawakan ng Simbahan.