Mga Tulong sa Pag-aaral
Baal


Baal

Isang lalaking diyos-araw na sinasamba lalung-lalo na sa Phoenicia (1 Hari 16:31) subalit sinasamba rin sa iba’t ibang pamamaraan sa maraming pook: ng mga Moabita bilang Baal-peor (Blg. 25:1–3), at sa Sichem bilang Baal-berith (Huk. 8:33; 9:4), at sa Ekron bilang Baal-zebub (2 Hari 1:2). Si Baal ay maaari ring si Bel ng Babilonia at Zeus ng Grecia. Ipinahihiwatig ng salitang Baal ang ugnayan sa pagitan ng panginoon at ng kanyang alipin. Ang malimit na sagisag para kay Baal ay isang toro. Si Astoret ang diyosang kalimitang sinasamba kasama ni Baal.

Paminsan-minsan ang Baal ay inilalakip sa iba pang pangalan o salita upang magkaroon ng kaugnayan kay Baal, tulad ng isang lugar kung saan siya sinasamba o isang taong may mga katangian na tulad niyong kay Baal. Di naglaon, sapagkat ang Baal ay nagkaroon ng napakasamang kahulugan, ang salitang Boshet ay ipinalit dito sa pinagsamang mga pangalang yaon. Ang Boshet ay nangangahulugang “kahiya-hiya”.