Mga Tulong sa Pag-aaral
Moises


Moises

Isang propeta sa Lumang Tipan na namuno sa mga Israelita sa paglaya mula sa pagkaalipin sa Egipto at nagbigay sa kanila ng isang takdang batas ng relihiyon, pakikitungo sa kapwa, at sa pagkain gaya ng ipinahayag ng Diyos.

Ang paglilingkod ni Moises ay nagpatuloy pa maging pagkatapos ng kanyang buhay sa mundo. Itinuro ni Joseph Smith na, kasama ni Elijah, siya ay nagtungo sa Bundok ng Pagbabagong-anyo at iginawad ang mga susi ng pagkasaserdote kina Pedro, Santiago, at Juan (Mat. 17:3–4; Mar. 9:4–9; Lu. 9:30; D at T 63:21).

Nagpakita si Moises kina Joseph Smith at Oliver Cowdery noong ika–3 ng Abril 1836, sa templo ng Kirtland, Ohio, at iginawad sa kanila ang mga susi ng pagtitipon ng Israel (D at T 110:11).

Maraming nababanggit ang paghahayag sa huling araw tungkol kay Moises. Siya ay madalas mabanggit sa Aklat ni Mormon, at mula sa Doktrina at mga Tipan ay nalaman natin ang tungkol sa kanyang paglilingkod (D at T 84:20–26) at na kanyang natanggap ang pagkasaserdote mula sa kanyang biyanang lalaki, na si Jethro (D at T 84:6).

Pinagtibay rin ng paghahayag sa huling araw ang mga ulat sa Biblia tungkol sa kanyang paglilingkod sa mga anak ni Israel at muling pinatunayan na siya ang may-akda ng limang unang aklat sa Lumang Tipan (1 Ne. 5:11; Moi. 1:40–41).

Ang aklat ni Moises

Isang aklat sa Mahalagang Perlas na naglalaman ng mga pagsasalin ni Joseph Smith ng unang pitong kabanata ng Genesis.

Natatala sa kabanata 1 ang pangitain kung saan ay nakita ni Moises ang Diyos, na nagpahayag sa kanya ng buong plano ng kaligtasan. Ang mga kabanata 2–5 ay isang ulat ng Paglikha at pagkahulog ng tao. Nilalaman sa mga kabanata 6–7 ang pangitain tungkol kay Enoc at sa kanyang paglilingkod sa mundo. Nilalaman sa kabanata 8 ang pangitain tungkol kay Noe at sa malaking baha.

Ang limang aklat ni Moises: Tingnan sa

Ang unang limang aklat sa Lumang Tipan ay kilala bilang mga aklat ni Moises. Naglalaman ang mga tansong lamina na kinuha ni Nephi kay Laban ng mga aklat ni Moises (1 Ne. 5:11).