Seminary
Home–Study Lesson: Doktrina at mga Tipan 36–40; Sa Ohio (Unit 9)


Home-Study Lesson

Doktrina at mga Tipan 36–40; Sa Ohio (Unit 9)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 36–40 at ng lesson na “Sa Ohio” (unit 9) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Doktrina at mga Tipan 36–37)

Sa pamamagitan ng paghahayag kay Edward Partridge bago ang kanyang binyag, natutuhan ng mga estudyante na ang mga maytaglay ng priesthood ay tinawag upang mangaral ng ebanghelyo at kailangang maging malinis.

Day 2 (Doktrina at mga Tipan 38)

Nang pag-aralan ng mga estudyante ang utos ng Panginoon na magtipon sa Ohio, natuklasan nila na nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay, nababalaan Niya tayo sa mga panganib, at binibigyan niya tayo ng mga kautusan para sa ating proteksyon. Nalaman din nila na ipinangako ng Panginoon sa mga Banal na kung susundin nila ang Kanyang mga kautusan sila ay magiging handa at hindi matatakot.

Day 3 (Doktrina at mga Tipan 39–40)

Iniutos ng Panginoon sa isang Protestanteng pastor na nagngangalang James Covel na magpabinyag at ipangaral ang kabuuan ng ebanghelyo. Mula sa utos na ito nalaman ng mga estudyante na kung tatanggapin natin si Jesucristo, Siya ay magbibigay sa atin ng kapangyarihan na maging Kanyang mga anak na lalaki at mga anak na babae. Natuklasan din ng mga estudyante na ang mga ipinangakong pagpapala ng Panginoon ay matutupad lamang kung pakikinggan natin ang Kanyang tinig. Hindi tinanggap ni James Covel ang paanyaya ng Tagapagligtas na magpabinyag. Nalaman ng mga estudyante na ang takot at alalahanin sa sanlibutan ay maaaring maging dahilan para hindi natin tanggapin ang salita ng Diyos.

Day 4 (Sa Ohio)

Ang lesson na ito ay nagbigay sa mga estudyante ng maikling buod ng mga karanasan ng mga Banal sa Ohio mula 1831 hanggang 1838. Nalaman ng mga estudyante na ipinangako ng Panginoon sa mga Banal na ihahayag Niya ang Kanyang batas at pagkakalooban sila ng kapangyarihan mula sa itaas. Bukod pa rito, inihayag ng Panginoon na tatawag Siya ng mga Banal upang mangaral ng ebanghelyo sa iba’t ibang dako ng mundo. Nalaman ng mga estudyante kung paano nagkaloob ang Panginoon ng paghahayag sa paghahayag sa mga Banal at tinupad ang Kanyang mga pangako sa kabila ng oposisyon at pang-uusig. Nalaman din nila ang ilan sa mga nakalulungkot na pangyayari at oposisyon na kinaharap ng mga Banal habang nasa Ohio.

Pambungad

Hindi lamang iniutos ng Panginoon na lumipat ang mga Banal sa Ohio, pinayuhan din Niya sila kung paano pakitunguhan ang isa’t isa. Sa lesson na ito malalaman ng mga estudyante ang tungkol sa utos ni Jesucristo na magkaisa at pahalagahan ang iba tulad ng pagpapahalaga natin sa ating sarili.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 36–38

Iniutos sa mga Banal na magkaisa

Hatiin ang klase sa dalawang grupo at bigyan ang bawat grupo ng iba’t ibang bagay na magagamit sa pagtatayo ng tore (maaaring kasama rito ang mga bagay na tulad ng maliliit na bloke ng kahoy, mga paper cup, o maliliit na kahon na walang laman). Tiyakin na mabigyan ang isang grupo ng mas maraming bagay o mas malalaking bagay kaysa sa isang grupo.

Isulat sa pisara ang sumusunod: Magtayo ng isang mataas na tore sa abot ng makakaya ninyo gamit ang mga bagay na ito. Huwag magsalita nang anuman tungkol sa aktibidad na ito kung ito ay paligsahan o tumutukoy sa pagtatayo ng dalawang tore. Malamang na akalain ng mga estudyante na nagpapaligsahan sila. Kung magtatanong sila kung magtutulungan sila o kani-kanyang grupo sila, sabihin mo lang ang layunin: Magtatayo sila ng mataas na tore sa abot ng makakaya nila.

Bigyan ang mga estudyante ng isang minuto para kumpletuhin ang aktibidad. Kasunod ng aktibidad, sabihin sa kanila na suriin kung sino ang “nanalo.” Matapos ibahagi ng mga estudyante ang kanilang opinyon, sabihin sa kanila na upang malaman kung gaano sila nagtagumpay sa aktibidad na ito, kailangan nilang pag-aralan ang ipinayo ng Panginoon sa mga Banal habang naghahanda silang lumipat sa Ohio. Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga aral sa aktibidad na ito gayon din sa kanilang buhay kapag pinag-aralan nila ang mga tagubilin ng Panginoon sa mga naunang Banal.

Sabihin sa mga estudyante na alalahanin kung bakit iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtipon sa Ohio. (Kung kailangan, hikayatin sila na rebyuhin ang isinulat nila tungkol sa Doktrina at mga Tipan 37–38 at ang kanilang scripture study journal.) Dapat kasama sa mga sagot ng estudyante ang pagtukoy sa mga panganib na kinakaharap ng mga Banal sa New York gayon din ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon na ibibigay Niya sa Kanyang mga tao kapag nagtipon sila sa Ohio.

Ipaliwanag na nang tagubilinan ng Panginoon ang mga Banal hinggil sa paglipat nila sa Ohio, pinayuhan Niya sila kung paano pakitunguhan ang isa’t isa. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 38:23–25 at hanapin ang parirala na nagtuturo kung paano natin dapat pakitunguhan ang ibang tao.

  • Ayon sa Panginoon, paano natin dapat pakitunguhan ang iba?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pahalagahan ang ating mga kapatid gaya ng ating sarili? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Dapat nating pahalagahan ang iba tulad nang pagpapahalaga natin sa ating sarili.)

  • Ano ang nangyayari kapag iniisip ng mga tao na mas mahalaga, o mas magaling, sila kaysa sa iba?

  • Anong mga pagpapala ang darating sa atin bilang Simbahan at bilang indibiduwal kapag hindi natin iniisip na mas mahalaga ang ating sarili kaysa iba?

Ipakita ang isang piraso ng magandang tela at isang basahan. Itanong sa mga estudyante kung alin sa mga materyal ang gusto nila na maipasuot sa kanila. Ipaliwanag na upang matulungan ang mga Banal na maunawaan ang alituntuning ito, ang Panginoon ay nagbigay sa kanila ng isang talinghaga.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 38:26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano trinato ng lalaki sa talinghagang ito ang kanyang mga anak na lalaki.

  • Ano ang mararamdaman ninyo kung kayo ang anak na pinagsuot ng basahan?

  • Ano ang maaaring gawin ng anak na pinagsuot ng bata (robe) para mabago ang sitwasyong ito? (Maaari niyang ibahagi kung ano ang mayroon siya sa anak na pinagsuot ng basahan.)

  • Ano sa palagay ninyo ang mensahe sa atin ng Panginoon sa talinghagang ito?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 38:27 at alamin ang alituntunin na nais ng Panginoon na maunawaan natin mula sa talinghagang ito. Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin malapit sa unang alituntunin na isinulat mo: Kung hindi tayo nagkakaisa, hindi tayo mga tao ng Panginoon. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita sa kanilang banal na kasulatan na nagtuturo ng alituntuning ito.

  • Sa konteksto ng talata 27, ano ang ibig sabihin ng “maging isa”? (Ang makiisa sa iba at sa Panginoon sa kabutihan.)

  • Paano nakatutulong sa pagkakaisa natin ang pagpapahalaga sa iba na gaya ng pagpapahalaga natin sa ating sarili? Paano makatutulong ito na maging isa tayo sa Panginoon?

  • Sa palagay ninyo, bakit hindi tayo magiging mga tao ng Panginoon kung hindi tayo nagkakaisa?

Ipaliwanag na ang mga naunang miyembro ng Simbahan na tinawag na magtipon sa Ohio ay iba’t iba ang pinagmulang kalagayan. Ang ilan ay may-ari ng masasaganang bukirin at tinitingala sa kanilang komunidad, samantalang ang iba ay may kaunting ari-arian lang at itinuturing na nasa mas mababang katayuan sa lipunan.

  • Paano kaya nakatulong sa mga Banal ang mga alituntunin sa pisara nang nagtipon silang kasama ng ibang mga miyembro ng Simbahan sa Ohio?

Balikan ang aktibidad na pagtatayo ng tore sa simula ng lesson. Sabihin sa mga estudyante na ipahayag muli kung ano ang layunin nito (magtayo ng mataas na tore sa abot ng makakaya nila).

  • Nakapagtayo ba tayo ng mataas na tore sa abot ng makakaya natin? (Kung pinagsama ng dalawang grupo ang mga bagay na ibinigay sa kanila, nagawa sana nila ito. Kung ang mga grupo ay nagkanya-kanya, maaaring sabihin nila na nakapagtayo sila ng mataas na tore sa abot ng makakaya nila.)

  • Batay sa ipinayo ng Panginoon sa mga Banal sa Doktrina at mga Tipan 38, ano ang pinakamainam na paraan sa pagtatayo ng mataas na tore sa abot ng makakaya natin? (Magsama bilang isang grupo at pagsama-samahin ang ibinigay sa atin sa pagtatayo ng isang tore.)

  • Ano ang ilang sitwasyon sa buhay kung saan maaari tayong matukso na isipin ang sarili nating kapakanan kaysa patatagin at pasiglahin ang mga nasa paligid natin?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano nauugnay ang kautusang maging isa o magkaisa sa iniutos ng Diyos sa Kanyang mga tao na sama-samang magtipon. Maaari kang magbigay ng kopya ng pahayag na ito sa bawat estudyante para makasabay sila sa pagbasa.

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

“Nalalaman natin mula sa karanasan na masaya tayo kapag tayo’y nagkakaisa. … Hangad [ng ating Ama sa Langit na] ipagkaloob ang sagradong pangarap nating iyon na magkaisa dahil mahal Niya tayo.

“Hindi Niya ito maipagkakaloob sa atin nang hiwa-hiwalay tayo. Ang galak sa pagkakaisa na gustung-gusto Niyang ibigay sa atin ay hindi sa pag-iisa. Hangarin natin ito at maging marapat para dito na kasama ang iba. Hindi nakakagulat kung gayon na hinihimok tayo ng Diyos na magtipon upang mapagpala Niya tayo. Nais Niya tayong magtipon sa mga pamilya. Nagtatag Siya ng mga klase, ward, at branch at inutusan tayong magkita-kita nang madalas. Nasa mga pagtitipong iyon, na nilayon ng Diyos para sa atin, ang ating malaking oportunidad. Magagawa nating ipagdasal at pagsikapan ang pagkakaisang magpapasaya at magpapaibayo sa kapangyarihan nating maglingkod” (“Nagkakaisa ang Ating mga Puso,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 69).

  • Ayon kay Pangulong Eyring, bakit nais ng Panginoon na sama-sama tayong magtipon?

  • Ano ang mga pagpapalang dulot ng pagkakaisa ayon sa kanya?

  • Paano nakatulong sa atin ang pahayag ni Pangulong Eyring na maunawaan kung bakit tayo nagtitipon bilang pamilya? Bilang mga miyembro ng Simbahan? Bilang klase sa seminary?

  • Sa paanong paraan ninyo naranasan ang mga pagpapala na nagmula sa sama-samang pagtitipon kasama ang iba?

Sabihin sa mga estudyante na maglaan ng ilang minuto sa pagsusulat sa kanilang scripture study journal ng tungkol sa magagawa nila para maging isa o makiisa sa kanilang pamilya, sa mga kabataan sa kanilang korum at klase sa simbahan, at sa Panginoon. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kanilang isinulat. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga pagpapala ng pagkakaisa at pagpapahalaga sa iba tulad ng pagpapahalaga natin sa ating sarili.

Doktrina at mga Tipan 39–40

Inanyayahan ng Panginoon si James Covel

Sabihin sa mga estudyante na alamin muli kung sino si James Covel at ano ang nangyari sa kanya sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga pambungad sa Doktrina at mga Tipan 39 at 40. Noong Enero 5, 1831, si James Covel ay inutusan ng Panginoon na magpabinyag (tingnan sa D at T 39:10). Gayunpaman, hindi niya tinupad ang kanyang pangako na susundin ang utos ng Diyos.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 40:1–3. Sabihin sa mga estudyante na isalaysay kung bakit hindi tinanggap ni James Covel ang paanyaya ng Panginoon sa kanya. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila sa mga talatang ito tungkol sa kahalagahan ng pagtupad sa mga tipang ginawa nila sa Diyos.

Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 41–44)

Upang maihanda ang mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 41–44, maaari mong sabihin sa kanila na pag-isipan ang sumusunod: Ano ang mga panganib na dulot ng pagnanasa? Paano tayo dapat magturo sa Simbahan ng Panginoon? Paano itinuturing ng mabubuti ang kamatayan? Ipaliwanag na sa susunod na unit magkakaroon ang mga estudyante ng pagkakataong malaman ang mga sagot ng Panginoon sa mga tanong na ito at malalaman din nila ang tungkol sa batas ng paglalaan ng Panginoon.