Seminary
Home-Study Lesson: Doktrina at mga Tipan 88–89 (Unit 19)


Home-Study Lesson

Doktrina at mga Tipan 88–89 (Unit 19)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 88–89 (unit 19) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Doktrina at mga Tipan 88:1–40)

Sa pag-aaral ng mga estudyante sa paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith at sa isang grupo ng matataas na saserdote, nalaman nila na nagbibigay ng liwanag at buhay ang Diyos sa lahat ng bagay sa pamamagitan ng Liwanag ni Cristo. Nalaman din nila na ang espiritu at katawan ay ang kaluluwa ng tao, na tinubos sa Pagkabuhay na Mag-uli sa pamamagitan ni Jesucristo, at sa Pagkabuhay na Mag-uli tatanggap tayo ng kaluwalhatian ayon sa batas na sinunod natin.

Day 2 (Doktrina at mga Tipan 88:41–69)

Sa lesson na ito, nalaman ng mga estudyante na makikita nila ang karingalan at kapangyarihan ng Diyos kapag minamasdan nila ang Kanyang mga nilikha. Pinag-aralan ng mga estudyante ang mga talata tungkol sa paraan kung paano dadalawin ng Panginoon ang bawat isa sa Kanyang mga kaharian at ang mga naninirahan dito sa Kanyang panahon. Nalaman din ng mga estudyante na kapag lumalapit sila sa Panginoon, lalapit Siya sa kanila. Natuklasan nila na sinasagot ng Ama sa Langit ang kanilang mga panalangin sa paraan na alam Niyang pinakamabuti para sa kanila at kung itutuon nila ang kanilang mata sa kaluwalhatian ng Diyos, sila ay mapupuno ng liwanag.

Day 3 (Doktrina at mga Tipan 88:70–141)

Sa pag-aaral ng mga estudyante ng mga tagubilin ng Panginoon sa pagtatayo ng Paaralan ng mga Propeta, nalaman nila na kung tuturuan nila ang isa’t isa at maghahangad na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya, madaragdagan ang pananampalataya nila kay Jesucristo. Natukoy nila ang mabubuting ugali na tutulong sa kanila na matuto at mapalakas at ang masasamang gawi na iniutos ng Panginoon na ihinto natin. Nalaman din nila na ang pagpapakita ng kabutihan at pagmamahal sa mga taong kasama nila sa pag-aaral ng ebanghelyo ay nag-aanyaya ng Espiritu kapag magkakasama silang nag-aaral.

Day 4 (Doktrina at mga Tipan 89)

Mula sa payo ng Panginoon sa mga kapatid na dumalo sa Paaralan ng mga Propeta, nalaman ng mga estudyante na dahil sa masasamang pakana ng mga nagsasabwatang tao sa mga huling araw, binalaan tayo ng Panginoon na huwag gumamit ng mga nakapipinsalang sangkap. Tinukoy nila ang babala ng Panginoon tungkol sa maling paggamit ng ilang sangkap at nalaman na dapat silang kumain ng masusustansyang pagkain nang may katalinuhan at pasasalamat. Nalaman ng mga estudyante na kung susundin natin ang Word of Wisdom, pagpapalain tayo ng Panginoon ng kalusugan, karunungan, lakas, at proteksyon.

Pambungad

Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng pagtuturo ng ebanghelyo sa iba. Sa pagtuturo nila sa isa’t isa ng ilan sa mga alituntuning pinag-aralan nila sa buong linggo, magkakaroon sila ng pagkakataong maranasan ang ilang alituntunin na itinuro ng Panginoon sa mga dumalo sa Paaralan ng mga Propeta.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Paalala: Sa pag-aaral ng mga estudyante ng scripture mastery passage sa Doktrina at mga Tipan 88:124 sa linggong ito, sila ay sinabihang isaulo at bigkasin ito kapag dumalo sila sa seminary o iba pang mga klase sa Simbahan. Ang layunin nito ay tulungan sila na maalaala na ang paggawa nang mabuti at pagtigil sa masasamang gawain ay tutulong sa atin para matuto at mapalakas tayo. Maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang tungkol dito at sabihin sa kanila na sabay-sabay na bigkasin ang scripture passage. Maaari mo ring hikayatin sila na sundin ang payo na ibinigay sa scripture passage na ito.

Doktrina at mga Tipan 88:70–117

Iniutos ng Panginoon sa mga elder ng Simbahan na maghanda para sa kanilang paglilingkod at naghayag ng mga pangyayaring may kaugnayan sa Kanyang Ikalawang Pagparito

Sabihin sa isang estudyante na pumunta sa harapan ng klase at turuan ang isa pang estudyante na gawin ang isang simpleng gawain, tulad ng pagkukurbata (o ibang gawain na hindi alam gawin ng pangalawang estudyante). Pataasin ang kamay ng mga estudyanteng nakatulong sa pagtuturo ng isang lesson o gawain sa ibang tao kamakailan. Sabihin sa ilan sa mga nagtaas ng kamay na ipaliwanag kung ano ang itinuro nila at sino ang tinuruan nila. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang natutuhan ninyo sa paghahandang magturo at sa pagtuturo sa ibang tao?

  • Sa palagay ninyo, bakit madalas tayong mas natututo sa paghahandang magturo kaysa tayo ang tinuturuan ng iba?

Ipaalala sa mga estudyante na ibinigay ng Panginoon ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 88 sa loob ilang araw sa pagtatapos ng Disyembre 1832 at sa pagsisimula ng Enero 1833 sa isang grupo ng mga maytaglay ng priesthood na nanalangin para malaman ang kalooban ng Panginoon hinggil sa pagtatayo ng Sion. Sa paghahayag na ito, tinawag ng Panginoon ang grupong ito ng mga maytaglay ng priesthood bilang “mga yaong unang manggagawa sa huling kahariang ito” (D at T 88:70, 74) at iniutos sa kanila na magtatag ng isang paaralan at dumalo rito upang maihanda ang kanilang sarili na ipangaral ang ebanghelyo sa mga bansa sa buong mundo (tingnan sa D at T 88:74, 84, 127).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:73–76. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang iniutos ng Panginoon na gawin ng mga maytaglay na ito ng priesthood upang makapaghanda sa pagtuturo sa iba.

  • Ano ang iniutos na gawin sa “mga unang manggagawa” na ito upang makapaghanda sa pagtuturo sa iba bilang mga missionary? (Hilingin sa isang estudyante na maging tagasulat mo at ipasulat sa kanya ang mga sagot ng kanyang mga kaklase sa pisara.)

  • Ano ang magagawa natin upang “ayusin,” “ihanda,” at “pabanalin” ang ating mga sarili upang maging mas epektibo sa pagbabahagi ng ebanghelyo?

  • Paano nakakaapekto ang pagiging malinis mula sa kasalanan sa ating kakayahang ibahagi ang ebanghelyo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:77–80. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang iniutos ng Panginoon sa mga maytaglay ng priesthood kapag nagtitipon sila nang magkakasama. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga masigasig na nagtuturo? (Ipinangako Niya na ang Kanyang biyaya ay dadalo sa kanila at sila ay lubos na matuturuan sa lahat ng kailangan nilang maunawaan hinggil sa kaharian ng Diyos.)

  • Ano ang ibig sabihin ng “ang biyaya [ng Panginoon] ay dadalo sa inyo” (D at T 88:78)? (Tutulungan tayo ng Panginoon kapag sinikap nating masigasig na magturo at matutuhan ang ebanghelyo.)

  • Mula sa nalaman ninyo sa mga talata 77–78, anong alituntunin ang maipapahayag ninyo tungkol sa pagtuturo? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng maraming alituntunin. Matapos nilang sumagot, maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na alituntunin: Kapag masigasig nating tinuturuan ang isa’t isa, tutulungan tayo ng Panginoon na maunawaan nang mas lubusan ang Kanyang mga katotohanan. Sa pagtuturo sa isa’t isa, makapaghahanda tayong ibahagi ang ebanghelyo sa ibang tao.)

  • Sa paanong paraan nakatutulong sa inyo ang pagtuturo ng ebanghelyo sa iba para mas maunawaan ninyo ito?

  • Ayon sa talata 79, ano ang iba pang mga paksa na mahalagang maunawaan natin? Paano nakatutulong sa atin ang pagkakaroon ng maraming kaalaman sa pagtuturo natin ng ebanghelyo sa iba?

Paalala: Ang sumusunod na aktibidad ay isinulat para sa mga grupo na may tig-aapat na estudyante upang makapaghanda sila na turuan ang isa’t isa bilang magkakapartner. Kung maliit ang iyong klase, maaari mong paghandain ang mga estudyante at isa-isa silang paturuin, o pagturuin ng isang lesson ang klase at ikaw ang magtuturo sa kanila ng iba pang lesson.

Ipaliwanag sa mga estudyante na gusto mo silang tulungan na madama ang kahalagahan ng dalawang alituntunin ng pagtuturo na natukoy nila at gamitin ang mga ito. Hatiin ang klase sa mga grupo na may tig-aapat na estudyante. Sabihin sa dalawang estudyante sa bawat grupo na magtulungan gamit ang kanilang mga banal na kasulatan at scripture study journal para makapaghanda na maituro ang Doktrina at mga Tipan 88:63–68 sa dalawang iba pang estudyante na kasama nila sa grupo. Sabihin sa dalawang iba pang estudyante na magtulungan sa paghahanda para maituro ang scripture mastery passage sa Doktrina at mga Tipan 89:18–21 sa unang dalawang estudyante.

Bigyan ng kopya ng mga sumusunod na instruksyon ang bawat isa sa mga grupo. Sabihin sa kanila na basahing mabuti ang mga instruksyon at mga scripture verse at pagkatapos ay magpasiya kung paano nila ituturo ang bawat lesson. (Hikayatin ang mga estudyante sa bawat magkakapartner na makibahagi sa pagtuturo.) Ipaliwanag na bawat magkapartner ay may mga 8–10 minuto para maghanda at mga 5 minuto para magturo ng kanilang lesson.

Mga instruksyon sa mga estudyanteng magtuturo:

  1. Basahing mabuti ang scripture passage na naka-assign sa iyo. Maaari ka ring manalangin sa iyong puso na tulungan ka ng Espiritu Santo sa paghahanda at pagtuturo mo.

  2. Maghanap ng anumang isinulat o marka na ginawa mo sa iyong banal na kasulatan at sa iyong scripture study journal para matulungan ka na maalaala ang natutuhan mo sa iyong pag-aaral ng scripture passage sa buong linggo.

  3. Isulat o markahan ang isang doktrina o alituntunin na gusto mong ituro.

  4. Magpasiya kung paano mo ituturo ang doktrina o alituntunin. Isiping gamitin ang mga sumusunod na ideya sa paggawa mo ng outline:

    1. Umisip ng simpleng tanong o isang object lesson na magagamit mo para makuha ang interes ng mga tinuturuan mo at para maipakilala ang paksa.

    2. Ipaliwanag ang alam mo tungkol sa kasaysayan at nilalaman ng paghahayag, at sabihin sa mga tinuturuan mo na basahin ang isang bahagi o lahat ng scripture passage na naka-assign sa iyo.

    3. Magtanong upang matulungan ang mga tinuturuan mo na matukoy ang doktrina o alituntunin, at pagkatapos ay magtanong pa upang malaman kung nauunawaan nila ito.

    4. Magbahagi ng karanasan mo sa doktrina o alituntunin at magpatotoo sa kahalagahan at katotohanan nito. Maaari mo ring anyayahan ang mga tinuturuan mo na magbahagi ng karanasan tungkol sa isang doktrina o alituntunin.

Matapos ang sapat na oras ng mga estudyante sa paghahanda, sabihin sa magkapartner na naka-assign sa Doktrina at mga Tipan 88:63–68 na turuan ang iba pang mga estudyante na kagrupo nila. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na magpalitan ng gagawin at sabihin sa magkapartner na naka-assign sa Doktrina at mga Tipan 89:18–21 na magturo.

Pagkatapos turuan ng mga estudyante ang isa’t isa, ituro ang sumusunod na alituntunin sa pisara: “Kapag masigasig nating tinuturuan ang isa’t isa, tutulungan tayo ng Panginoon na maunawaan nang mas lubusan ang Kanyang mga katotohanan.” Pagkatapos ay itanong sa klase ang mga sumusunod:

  • Paano lumalim ang inyong pagkaunawa sa mga banal na kasulatang ito nang ituro ninyo ang mga ito sa ibang tao ngayon?

  • Sa anong mga paraan ninyo nadama na tinulungan kayo ng Panginoon?

Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga pagkakataong maituro sa iba ang ebanghelyo. Patotohanan ang mga pagpapalang tatanggapin nila sa paggawa nito.

Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 90–97)

Upang maihanda ang mga estudyante sa pag-aaral nila sa susunod na linggo, maaari mong sabihin sa kanila na pag-isipan ang sumusunod: Ano ang mga kwalipiskasyon ayon sa Panginoon para makita ang Kanyang mukha? Ano ang mga pagpapala ng pagkakaroon ng “dalisay na puso” (D at T 97:16) kapag pumupunta kayo sa templo? Naisip na ba ninyo kung ano ang ibig sabihin ng sambahin ang Diyos? Sa inyong pag-aaral sa susunod na linggong ito, alamin kung sino ang sinasamba natin at paano tayo sumasamba.