Seminary
Lesson 98: Doktrina at mga Tipan 93:21–53


Lesson 98

Doktrina at mga Tipan 93:21–53

Pambungad

Ito ang pangalawa sa dalawang lesson tungkol sa Doktrina at mga Tipan 93. Natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na ito noong Mayo 6, 1833. Sa huling bahagi ng paghahayag, inihayag ng Panginoon ang mahahalagang katotohanan tungkol sa ating buhay bago tayo isilang. Sa panahong natanggap ang paghahayag na ito, maraming tao ang naniwala na ang ating buhay ay nagsimula sa paglilihi o sa pagsilang. Ang kaisipang ito ay laganap rin sa panahong ito. Itinuro ng Panginoon kay Joseph Smith na “ang tao rin sa simula ay kasama ng Diyos” (D at T 93:29) at ang ating mga espiritu ay walang hanggan. Itinuro din Niya kung paano natin matatanggap ang katotohanan at liwanag at iniutos sa Propeta at sa iba pang mga lider ng Simbahan na isaayos ang kanilang mga tahanan upang mapalakas at maproptektahan ang kanilang mga pamilya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 93:21–39

Itinuro ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod kung paano tumanggap ng katotohanan at liwanag

Patayuin ang mga estudyante na panganay na anak sa kanilang pamilya.

  • Ano sa palagay ninyo ang ilan sa mga responsibilidad ng pagiging panganay?

Paupuin ang mga estudyante. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:21–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang inihayag ni Jesucristo tungkol sa Kanyang Sarili.

  • Ayon sa talata 21, ano ang pagkakaiba ni Jesucristo sa lahat ng mga espiritung anak ng Ama sa Langit? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Si Jesucristo ang Panganay sa lahat ng mga espiritung anak ng Ama sa Langit.)

Ipaliwanag na dahil si Jesucristo ang Panganay ng Ama, Siya ang “itinalaga na tagapagmana” ng lahat ng mayroon ang Ama (Sa Mga Hebreo 1:2). Gayunman, gusto Niyang makabahagi Niya ang lahat ng mga anak ng Ama sa Langit sa pamanang ito. May pagkakataon tayong maging “mga kasamang tagapagmana ni Cristo” (Mga Taga Roma 8:17) at mapabilang sa “simbahan ng Panganay” (D at T 93:22; tingnan din sa D at T 76:51–54). Sa ganitong paraan makatatanggap din tayo ng lahat ng mayroon ang Ama (tingnan sa D at T 76:55; 84:37–38).

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 93:22, ano ang dapat nating gawin upang maging kabahagi ng kaluwalhatian ng Panganay?

  • Ano ang ibig sabihin ng isilang sa pamamagitan ni Jesucristo? (Espirituwal na isilang muli at malinis mula sa lahat ng kasalanan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala.)

  • Pansinin sa talata 21 na sinabi ni Jesucristo na Siya “sa simula ay kasama ng Ama.” Ayon sa talata 23, sino sa simula ang kasama pa ng Ama? (Ang salitang kayo sa talatang ito ay tumutukoy sa lahat ng mga espiritung anak ng Ama sa Langit. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na palitan ang salitang kayo sa talata 23 ng kanilang sariling pangalan at isulat ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan.)

Ipaliwanag na bagama’t namuhay tayo kasama ng Ama sa Langit at ni Jesucristo sa premortal na buhay, tinuruan tayo ng Ama at ng Anak at may pagkakataong tanggapin o hindi tanggapin ang katotohanan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:24–26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang itinuro ng Panginoon tungkol sa katotohanan sa mga talatang ito.

  • Ano ang matututuhan ninyo sa kahulugang ibinigay ng Panginoon sa katotohanan sa talata 24?

  • Sino ang inilarawan sa talata 25? (Si Satanas.)

  • Paano tinatangka ni Satanas na impluwensyahan ang ating kaalaman sa katotohanan? (Ang pariralang “ano man ang humigit-kumulang kaysa rito” ay nagpapahiwatig na tinatangka ni Satanas na baluktutin at pahinain ang ating kaalaman tungkol sa katotohanan.)

  • Ano ang nalaman natin sa talata 26 tungkol kay Jesucristo?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:36–37 at ipatukoy ang mga karagdagang katotohanan na ipinahayag ng Panginoon tungkol sa liwanag at katotohanan.

  • Ano ang ipinahayag ng Panginoon tungkol sa liwanag at katotohanan sa mga talatang ito? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang liwanag at katotohanan, tinatawag ding katalinuhan, ay mga katangian ni Jesucristo at ng Ama sa Langit.)

  • Paano tayo nakikinabang sa pagtanggap ng liwanag at katotohanan? (Maaaring magbigay ng iba-ibang sagot ang mga estudyante. Sa pagsagot nila, tulungan silang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Sa pagtanggap ng liwanag at katotohanan, maaari tayong maging katulad ni Jesucristo at ng Ama sa Langit.)

Larawan
liwanag at katotohanan

Isulat sa pisara ang kalakip na diagram, pero huwag isama ang mga pahayag sa dalawang kahon. Matutuklasan ng mga estudyante ang mga alituntuning ito habang nagtatalakayan. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na kopyahin ang diagram sa kanilang notebook o scripture study journal.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:26–28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang dapat nating gawin upang matanggap ang katotohanan at liwanag.

  • Ano ang dapat nating gawin upang matanggap ang katotohanan at liwanag? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Tumatanggap tayo ng katotohanan at liwanag kapag sinusunod natin ang mga kautusan. Isulat ang alituntuning ito sa kahon sa kanang bahagi ng diagram na nasa pisara.)

  • Paano nakatutulong ang pagsunod sa mga kautusan para matanggap natin ang katotohanan at liwanag?

  • Kailan ninyo nadama na natanggap ninyo ang katotohanan at liwanag sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan?

Ipaliwanag na noong kapiling natin ang Diyos bago tayo isilang, tayo ay may kalayaan—ang kakayahang pumili at kumilos para sa ating sarili. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:29–32. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano nakakaapekto sa atin ang paggamit natin ng kalayaan sa kakayahan nating tumanggap ng liwanag at katotohanan. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ayon sa mga talata 31–32, ano ang mangyayari kung pinili nating hindi tanggapin ang liwanag? (Inilalagay natin ang ating sarili sa ilalim ng kaparusahan. Ibig sabihin nito ay hinahadlangan natin ang ating espirituwal na pag-unlad dahil hindi natin tinatanggap ang liwanag na maaari nating matamo.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Maaari bang mawala sa atin ang liwanag at katotohanan na natanggap na natin? (Upang matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, ipabasa sa kanila ang Doktrina at mga Tipan 93:39. Maaari mo ring ipabasa sa kanila ang Alma 12:10–11.)

  • Ano ang dahilan ng pagkawala ng liwanag at katotohanan sa atin? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Ang pagsuway at mga maling tradisyon ang dahilan ng pagkawala ng liwanag at katotohanan sa atin. Isulat ang alituntuning ito sa kahon sa kaliwang bahagi ng diagram na nasa pisara.)

  • Ano ang ilan sa mga halimbawa ng mga tradisyon, o aktibidad na karaniwang ginagawa ng maraming tao, na maaaring maging dahilan ng pagkawala sa atin ng liwanag at katotohanan na mula sa ating Ama sa Langit?

Ang sumusunod na aktibidad ay makatutulong na maipakita kung paano nakakaapekto ang mismong pagpili natin na sundin o suwayin ang mga kautusan ng Diyos sa ating kakayahan na matanggap ang liwanag at katotohanan o mawala ito sa atin. Isulat ang sumusunod na impormasyon sa pisara, o isulat ito sa papel at ibigay sa bawat estudyante. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang talata. Sabihin sa klase na ipaliwanag kung paano at bakit makakaapekto ang mga pinili ni Maria sa kanyang kakayahang tumanggap ng liwanag at katotohanan. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, ulitin ang paraang ito sa mga talata 2–4.

  1. Si Maria ay nagdarasal tuwing umaga at gabi. Masaya siya sa paglilingkod, pagtupad sa kanyang mga tipan, at pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan araw-araw. Palagi siyang tumutulong sa pagtitipon ng kanyang pamilya para sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagdarasal. Inaasam niya ang pagtanggap ng sakramento tuwing Linggo sa simbahan.

  2. Si Maria ay madalas magdasal at mag-aral ng mga banal na kasulatan pero hindi araw-araw. Kadalasan ay nagsisimba siya at nakikinig sa mga nagsasalita at nagtuturo. Pumupunta siya sa mga aktibidad ng Young Women kung alam niyang naroon ang kanyang mga kaibigan.

  3. Nagdarasal si Maria kung hindi siya pagod o hindi siya nagmamadali. Tumutulong siya sa mga gawain sa bahay nang mabigat ang loob at nagbabasa ng mga banal na kasulatan kasama ang pamilya kung kombenyente sa kanya o hindi siya naiistorbo. Karaniwan ay hindi siya nagsisimba at pumupunta sa mga aktibidad ng Young Women. Paminsan-minsan ay hindi niya sinusunod ang Word of Wisdom.

  4. Si Maria ay hindi nagdarasal, hindi nagbabasa ng mga banal na kasulatan, o dumadalo sa mga miting ng Simbahan. Hiniling ng bishop na kausapin siya, pero hindi siya nakipag-usap dito. Madalas niyang hindi sundin ang Word of Wisdom. Palagi siyang nakikipagtalo sa kanyang mga kapamilya. Nadarama niyang malayo siya sa Ama sa Langit.

  • Batay sa mga halimbawang ito, paano ninyo ibubuod ang kahalagahan ng ating pasiya sa araw-araw at ang mga epekto nito sa liwanag at katotohanan na tinanggap natin?

Doktrina at mga Tipan 93:40–53

Ipinayo ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod na isaayos ang kanilang mga tahanan

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante at sabihin sa magkakapartner na talakayin ang sumusunod na tanong:

  • Paano nakatutulong sa inyo ang inyong ugnayan sa inyong mga magulang o iba pang mga kapamilya sa pagkakaroon ninyo ng higit na liwanag at katotohanan?

Matapos matalakay ng mga estudyante ang tanong, anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi sa klase ang kanilang sagot. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:40. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang responsibilidad na ibinigay ng Diyos sa mga magulang.

  • Anong responsibilidad ang ibinigay ng Diyos sa mga magulang?

  • Paano palalakihin ng mga magulang ang kanilang mga anak “sa liwanag at katotohanan”?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 93:41–48 na ipinapaliwanag na iniutos ng Panginoon kina Frederick G. Williams, Sidney Rigdon, at Joseph Smith Jr. na mas pagbutihin ang pagtuturo sa kanilang mga anak ng liwanag at katotohanan at isaayos ang kanilang mga pamilya. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 93:49–50. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang babala na angkop sa ating mga pamilya.

  • Anong babala ang ibinigay ng Panginoon sa mga talatang ito? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Dapat tayong manalangin sa tuwina at maging masigasig at mapagmalasakit sa tahanan, o ang masama ay magkakaroon ng kapangyarihan sa atin.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng maging “masigasig at mapagmalasakit sa tahanan”?

Ipaliwanag na bagama’t ang babalang ito ay ibinigay sa mga ama, angkop din ito sa kanilang mga pamilya. Sabihin sa mga estudyante na magmungkahi ng mga paraan na maaaring maging masigasig at mapagmalasakit sa tahanan o pamilya ang mga kabataan. Sabihin sa isang estudyante na isulat ang mga sagot sa pisara.

Tapusin ang lesson na ito sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga doktrina at alituntuning natutuhan ng mga estudyante sa lesson na ito. Isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong at sabihin sa mga estudyante na sagutin ang isa sa mga ito sa kanilang notebook o scripture study journal:

  1. Tukuyin ang isang kautusan na mas tapat mong masusunod para magkaroon ka ng dagdag na liwanag at katotohanan. Ano ang gagawin mo para maging mas tapat sa pagsunod sa kautusang iyan?

  2. Paano ka magiging mas masigasig at mapagmalasakit sa tahanan? Magtakda ng mithiin na naghahayag ng isang paraan na magsusumikap ka para mas bumuti ka pa sa susunod na linggo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 93:40–50. Pagpapalaki ng mga anak sa liwanag at katotohanan

Ganito ang ipinayo ng Unang Panguluhan:

“Nananawagan kami sa mga magulang na pag-ukulan nila ng malaking pagsisikap ang pagtuturo at pagpapalaki sa kanilang mga anak sa mga alituntunin ng ebanghelyo na magpapanatili sa kanila sa Simbahan. Ang tahanan ang batayan ng matwid na buhay, at wala nang ibang kaparaanang makakapalit sa lugar nito o makakaganap sa mahalagang tungkulin nito sa pagpapatupad ng responsibilidad na ibinigay ng Diyos.

“Ipinapayo namin sa mga magulang at anak na gawing pinakamataas na prayoridad ang panalangin ng pamilya, family home evening, pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo, at makabuluhang mga gawaing pampamilya. Kahit na karapat-dapat at naaangkop ang ibang pangangailangan o gawain, ang mga ito ay hindi dapat payagang pumalit sa banal na tungkulin na tanging mga magulang at mga pamilya lamang ang sapat na makakagawa” (First Presidency letter, Peb. 11, 1999, binanggit sa Handbook 2: Administering the Church [2010], 1.4.1).