Seminary
Lesson 71: Doktrina at mga Tipan 65


Lesson 71

Doktrina at mga Tipan 65

Pambungad

Noong Setyembre 12, 1831, si Joseph Smith at ang kanyang pamilya ay umalis sa Kirtland, Ohio, at nagtungo sa Hiram, Ohio, mga 30 milya sa timog-silangan ng Kirtland. Ginawa nila ito para sundin ang payo ng Panginoon (tingnan sa D at T 63:65). Lumipat si Joseph Smith at ang kanyang pamilya sa tahanan nina John at Alice Johnson, mga bagong miyembro ng Simbahan. Ang malaking dahilan ng pag-alis sa Kirtland ay upang ipagpatuloy ang inspiradong pagsasalin ng Biblia. Noong naroon na sa Hiram, ipinagpatuloy muli ni Joseph ang gawaing iyon. Noong Oktubre 30, 1831, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 65. Sa paghahayag na ito, itinuro ng Panginoon na ang ebanghelyo ay dadalhin sa lahat ng bansa bilang paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas at dapat manalangin ang mga Banal para sa pag-unlad ng kaharian ng Diyos.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 65

Inihayag ng Panginoon na mapupuno ng ebanghelyo ang buong mundo

Sabihin sa mga estudyante na ilista sa kanilang notebook o scripture study journal ang ilang bagay na palagi nilang ipinagdarasal. Maaari mong tawagin ang ilang estudyante para magbahagi ng mga isinulat nila kung komportable silang gawin ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 65. Ipaliwanag na sa paghahayag na ito, sinabi ng Panginoon ang isang bagay na dapat nating ipagdasal—lalo na kapag nasaksihan natin ang katuparan ng mga kaganapang ipinropesiya na mangyayari sa mga huling araw.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 65:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano inilarawan ng Panginoon ang paglaganap ng ebanghelyo.

  • Saan lalaganap ang ebanghelyo ni Jesucristo? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay hahayo hanggang sa mga dulo ng mundo. Isulat sa pisara ang doktrinang ito.)

  • Ayon sa talata 2, ano ang “ipinagkatiwala sa tao” ng Panginoon na magiging dahilan para mapuno ng ebanghelyo ang buong mundo? (Ang mga susi ng kaharian ng Diyos. Maaaring kailangan mong ipaalala sa mga estudyante na ang pariralang “mga susi ng kaharian” ay tumutukoy sa awtoridad ng priesthood na mangulo sa Simbahan. Sa pamamagitan ng mga susing ito, pinamumunuan ng Pangulo ng Simbahan ang ating mga pagsisikap na ipangaral ang ebanghelyo. Itinatalaga niya ang ilan sa mga susi sa pangkalahatan at lokal na mga priesthood leader.)

Larawan
Ipinaliliwanag ni Daniel ang Kahulugan ng Panaginip ni Nabucodonosor

Ipakita sa mga estudyante ang larawang Ipinaliliwanag ni Daniel ang Kahulugan ng Panaginip ni Nabucodonosor (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 24; tingnan din sa LDS.org). Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung ano ang nalalaman nila tungkol sa paliwanag ni Daniel sa panaginip ni Haring Nabucodonosor. (Maaari mong basahin o ibuod ang Daniel 2:31–45. Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na nabagabag si Haring Nabucodonosor ng isang panaginip at inihayag ng Panginoon ang panaginip at kahulugan nito kay Daniel. Sa panaginip, isang malaking estatwa, na kumakatawan sa iba’t ibang kaharian, ang nawasak ng isang bato na tinibag hindi ng mga kamay mula sa isang bundok. Ang bato ay nagsimula sa maliit ngunit unti-unting lumaki hanggang sa mapuno nito ang buong mundo.)

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 65:2, ano ang batong tinibag mula sa bundok, hindi ng mga kamay? (Ang kaharian ng Diyos. Ipaliwanag na sa talatang ito, ang pariralang “kaharian ng Diyos” ay tumutukoy sa kaharian ng Diyos sa mundo—Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang paliwanag na ito sa kanilang banal na kasulatan malapit sa talata 2.)

Kung maaari, bigyan ang mga estudyante ng kopya ng sumusunod na pahayag para mailagay nila ito sa kanilang banal na kasulatan. Kung hindi ito magagawa, maaari mong isulat sa pisara ang pahayag bago magklase at sabihin sa mga estudyante na isulat ito sa kanilang notebook o scripture study journal. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahayag.

Sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

Larawan
Pangulong Gordon B. Hinckley

“Tayo ay mga mamamayan ng pinakadakilang kaharian sa mundo—kaharian na hindi pinamumunuan ng karunungan ng tao kundi pinamumunuan ng Panginoong Jesucristo. Narito ito sa mundo. Tiyak ang tadhana nito. Ito ang kaharian na tinukoy ng propetang si Daniel—isang bato, tulad ng nabanggit, na titibagin mula sa bundok hindi ng mga kamay at lalaganap at pupunuin ang mundo. (Tingnan sa Dan. 2:34–35.)

“Hindi mortal na tao ang lumikha ng kahariang ito” (“Pillars of Truth,” Ensign, Ene. 1994, 4).

  • Anong katibayan ang nakikita ninyo na natutupad ngayon ang propesiya ni Daniel?

  • Paano napapalakas ng katibayang ito ang inyong patotoo tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw?

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng maging bahagi ng kaharian ng Diyos sa mundo?

Basahin nang malakas ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol. Bago ka magbasa, sabihin sa mga estudyante na ititigil mo ang iyong pagbabasa sa kalagitnaan ng huling pangungusap ng pahayag. Sabihin sa kanila na makinig mabuti at isipin kung paano nila maaaring kumpletuhin ang huling pangungusap.

Larawan
Elder Neil L. Andersen

“Naisip na ba ninyo kung bakit kayo ipinadala sa mundo sa panahong ito? Hindi kayo nabuhay noong panahon nina Eva at Adan o noong mga faraon ang namumuno sa Egipto o noong panahon ng Ming dynasty. Isinilang kayo sa panahong ito, 20 siglo pagkatapos ng unang pagparito ni Cristo. Ang priesthood ng Diyos ay ipinanumbalik sa lupa, at sinimulan nang ihanda ng kamay ng Panginoon ang mundo para sa Kanyang maluwalhating pagbabalik. Panahon ito ng magagandang oportunidad at mahahalagang responsibilidad. Ang panahong ito ay sa inyo. … Isa sa inyong mahahalagang responsibilidad ang …” (“Paghahanda sa Mundo para sa Ikalawang Pagparito,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 49).

Sabihin sa ilang estudyante na kumpletuhin ang huling pangungusap ng pahayag ni Elder Andersen. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 65:3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang iniutos ng Panginoon sa atin bilang mga miyembro ng Kanyang kaharian.

  • Ano ang ibig sabihin ng ihanda natin ang daan ng Panginoon at ang hapunan ng Kordero at maghanda para sa Lalaking Kasintahan? (Ang mga pariralang ito ay tumutukoy sa responsibilidad na ihanda ang mundo para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Responsibilidad natin na ihanda ang ating sarili at ang iba para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang katotohanang ito sa kanilang banal na kasulatan malapit sa Doktrina at mga Tipan 65:3. Ipaliwanag na pinatotohanan ni Elder Neil L. Andersen ang katotohanang ito. Basahin ang kumpletong huling pangungusap mula sa kanyang pahayag: “Isa sa inyong mahahalagang responsibilidad ang tulungan ang mundong maghanda para sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas” (“Paghahanda sa Mundo,” 49).

  • Kapag iniisip ninyo ang inyong responsibilidad na ihanda ang inyong sarili at ang iba para sa Ikalawang Pagparito, ano ang naiisip at nadarama ninyo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 65:4, at sabihin sa klase na alamin ang magagawa natin para maihanda natin ang ating sarili at ang iba para sa Ikalawang Pagparito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sa paanong paraan natin “[maipapaalam] ang mga kamangha-manghang gawa [ng Panginoon] sa mga tao”?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 65:5–6 at sabihin sa klase na alamin ang mga bagay na dapat nating ipagdasal.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang dapat nating ipagdasal habang naghahanda tayo para sa Ikalawang Pagparito? (Sa pagsagot ng mga estudyante sa tanong na ito, maaari mong ipakumpara sa kanila ang talata 6 sa mga salita sa panalangin ng Panginoon sa Mateo 6:10.)

  • Paano maaaring makatulong sa atin ang pagdarasal para sa mga bagay na ito upang maihanda ang ating sarili at ang iba para sa Ikalawang Pagparito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson, at sabihin sa klase na pakinggan ang isang bagay na dapat nating isama sa ating mga panalangin.

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

“Hinihiling ko na patuloy kayong sumampalataya at ipagdasal ang mga lugar kung saan limitado ang ating impluwensya at hindi tayo pinapayagang magbahagi ng ebanghelyo nang malaya sa panahong ito. Magkakaroon ng mga himala kapag ginawa natin ito” (“Pagbati sa Kumperensya,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 6).

  • Ayon kay Pangulong Monson, ano ang dapat nating ipagdasal? Paano tutulong ang mga panalanging ito sa paghahanda ng daan para sa Ikalawang Pagparito?

Sabihin sa klase na balikan ang Doktrina at mga Tipan 65:1–2 at ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talatang ito.

  • Sa paanong mga paraan tayo nakikibahagi sa gawain ng Panginoon na punuin ang mundo ng Kanyang ebanghelyo? (Kapag sinagot ng mga estudyante ang tanong na ito, tulungan silang makita na makakabahagi sila sa gawaing ito bilang mga full-time missionary. Tulungan din sila na makita na nakikibahagi na sila sa gawaing ito ngayon, sa pamamagitan ng impluwensya nila sa kanilang pamilya, ward at branch, paaralan, at komunidad.)

Hikayatin ang mga estudyante na ihanda ang kanilang sarili at ang iba para sa Ikalawang Pagparito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 65. “Upang ang kaharian ng langit ay dumating”

Kabilang sa naunang manuskrito ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 65 ang mga sumusunod na salita sa pambungad: “Isang paghahayag kay Joseph ang Tagakita noong Oktubre 30, 1831 tungkol sa ika-6 na kabanata ng Mateo talata 10” (William E. McLellin copy of Revelation, Okt. 30, 1831 [D at T 65], sa William E. McLellin Papers, 1831–1878, Church History Library). Ang Mateo 6:10 ay naglalaman ng bahagi ng panalangin ng Panginoon: “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.” Ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 65 ay nagpapakita ng iba’t ibang paraan ng pagdating ng kaharian ng Panginoon dito sa lupa at magpapatuloy sa paglaganap. At nagtatapos ito sa salitang katulad sa mga huling salita sa Panalangin ng Panginoon: “Sapagkat sa inyo ang karangalan, kapangyarihan at kaluwalhatian, magpakailanman at walang katapusan. Amen” (D at T 65:6; tingnan din sa Mateo 6:13).

Doktrina at mga Tipan 65:2. “Hanggang sa mapuno nito ang buong mundo”

Bagama’t ang Simbahan ay napakaliit pa sa unang ilang taon matapos maorganisa ito, ipinropesiya ni Joseph Smith ang maringal na tadhana nito. Ikinuwento ni Wilford Woodruff ang ginawang pahayag ng Propeta sa isang pulong ng priesthood sa Kirtland, Ohio, noong Abril 1834:

Larawan
Pangulong Wilford Woodruff

“Nanawagan ang Propeta sa lahat ng maytaglay ng Priesthood na magtipon doon sa munting paaralang yari sa troso. Maliit na bahay lang ito, marahil ay mga 14 na piye kuwadrado. Gayunman nagkasya roon ang buong Priesthood ng Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na noon ay nasa bayan ng Kirtland. … Nang magkasama-sama kami, nanawagan ang Propeta sa mga Elder ng Israel na magpatotoo sa gawaing ito. … Nang matapos sila ay sinabi ng Propeta, ‘Mga kapatid, lubos akong nabigyan ng inspirasyon at natuto sa inyong mga patotoo ngayong gabi, ngunit gusto kong sabihin sa inyo sa harap ng Panginoon, na ang nalalaman ninyo hinggil sa tadhana ng Simbahang ito ay katulad lamang ng nalalaman ng isang sanggol na nasa kandungan ng kanyang ina. Hindi ninyo ito nauunawaan.’ Medyo nagulat ako. Sabi niya, ‘Kakaunti lamang ang nakikita ninyo ritong mga Priesthood ngayong gabi, ngunit pupunuin ng Simbahang ito ang Hilaga at Timog Amerika—pupunuin nito ang buong mundo’” (sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 159–60).