Seminary
Home-Study Lesson: Doktrina at mga Tipan 109–12 (Unit 24)


Home-Study Lesson

Doktrina at mga Tipan 109–112 (Unit 24)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 109–112 (unit 24) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Doktrina at mga Tipan 109)

Sa pag-aaral ng mga estudyante sa panalangin para sa paglalaan ng Kirtland Temple, natuklasan nila ang ilan sa mga dahilan kung bakit tayo nagtatayo ng templo. Nalaman nila na kung karapat-dapat tayong sumasamba sa templo, ipapakita ng Panginoon ang Kanyang sarili sa atin, sasandatahan tayo ng kapangyarihan at tutulungan Niya tayo, at pagpapalain tayo upang hindi tayo madaig ng kasamaan. Ang karanasan ng mga Banal sa paglalaan ng Kirtland Temple ay kahalintulad sa maraming paraan sa nangyari sa mga sinaunang Apostol sa araw ng Pentecostes (tingnan sa Mga Gawa 2).

Day 2 (Doktrina at mga Tipan 110)

Bilang bahagi ng mga pagpapalang natanggap ng mga Banal sa Kirtland Temple, nagpakita si Jesucristo kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery. Nalaman ng mga estudyante na kung susundin natin ang mga kautusan ng Panginoon at pananatilihing dalisay ang Kanyang bahay, ipapakita Niya ang Kanyang sarili sa atin sa Kanyang mga templo. Nalaman din ng mga estudyante na nagpakita sina Moises, Elias, at Elijah sa Kirtland Temple at iginawad ang mga susi ng priesthood kina Joseph Smith at Oliver Cowdery. Nalaman ng mga estudyante na ang mga susi ng gawaing misyonero, mga walang hanggang pamilya, at gawain sa templo ay naghahanda sa atin para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon.

Day 3 (Doktrina at mga Tipan 111)

Mula sa paghahayag na ibinigay kay Propetang Joseph Smith sa Salem, Massachusetts, nalaman ng mga estudyante na makapagpapalabas ng mabuti ang Panginoon mula sa ating tapat na pagsisikap. Nalaman din nila na matatanggap natin ang tagubilin ng Panginoon sa pamamagitan ng kapayapaan at kapangyarihan ng Kanyang Espiritu.

Day 4 (Doktrina at mga Tipan 112)

Sa ipinayo ng Panginoon kay Thomas B. Marsh, nalaman ng mga estudyante na kung tayo ay mapagkumbaba, papatnubayan tayo ng Panginoon at sasagutin ang ating mga panalangin. Sinabi ng Panginoon kay Thomas B. Marsh na bilang Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, hawak niya ang mga susi na pamahalaan ang gawain ng Labindalawa sa pagpapahayag ng ebanghelyo sa lahat ng bansa. Ang mga susing ito ay ipinanumbalik para sa huling pagkakataon sa dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon. Nalaman din ng mga estudyante na dapat silang maging matapat upang matanggap ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon.

Pambungad

Bilang bahagi ng panalangin para sa paglalaan ng Kirtland Temple, nanalangin si Propetang Joseph Smith para sa kapakanan ng iba. Matapos mailaan ang templo, iginawad ng mga propeta mula sa mga nagdaang dispensasyon ang mga susi ng priesthood kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery, kasama ang mga susi sa pagbubuklod.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 109:47–53

Hiniling ni Joseph Smith sa Ama sa Langit na tulungan ang mga Banal sa Missouri

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang taong kilala nila na may mga paghihirap o pagdurusang nararanasan. Matapos ang oras na makapag-isip sila, itanong ang sumusunod:

  • Sa paanong paraan ninyo matutulungan ang isang taong nagdurusa?

Matapos magbahagi ang mga estudyante ng ilang ideya, ipaalala sa kanila na nagdusa nang matindi ang mga Banal sa Missouri dahil sa karahasan ng mga mandurumog sa Jackson County. Naalala sila ng kanilang kapwa mga Banal sa paglalaan ng Kirtland Temple. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang bahagi ng panalangin sa paglalaan na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 109:47–49. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang isang bagay na magagawa natin upang tulungan ang iba sa panahon ng paghihirap.

  • Sa paglalaan ng Kirtland Temple, ano ang ginawa ng Propeta para sa mga Banal sa Missouri?

Hilingin sa isang estudyante na siya ang magsulat sa pisara. Sabihin sa klase na magmungkahi ng isang alituntunin na matututuhan natin mula sa panalangin ng Propeta sa mga talatang ito. Sa pagsagot ng mga estudyante, maaaring isulat ng tagasulat na estudyante ang sumusunod na alituntunin: Ang ating mga panalangin ay makapagdadala ng tulong at lakas sa mga taong nangangailangan.

  • Kailan ninyo nadama o nakita ang kapangyarihan ng panalangin na nakatulong sa isang taong nangangailangan? (Maaari mong ipaliwanag na ang mga gayong panalangin ay nasasagot kung minsan sa pamamagitan ng inspirasyon na natatanggap natin o ng iba para malaman ang dapat gawin upang matulungan ang iba. Maaari ka ring magbahagi kung paano nagamit sa buhay mo ang alituntuning ito.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 109:50. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung sino pang ibang mga tao ang ipinagdasal ng Propeta.

  • Sino pa ang ipinagdasal ng Propeta?

  • Sa inyong palagay, bakit dapat nating ipinagdasal ang ating mga kaaway?

  • Ano ang matututuhan natin sa Doktrina at mga Tipan 109:50 tungkol sa kung paano makakaimpluwensya ang ating mga panalangin sa iba? (Matapos sumagot ang mga estudyante, sabihin sa tagasulat na isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang ating mga panalangin ay makatutulong na makaimpluwensya sa ibang tao na magsisi. Pagkatapos ay paupuin na ang estudyanteng nagsulat.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong:

  • Paano kung ang mga taong ipinagdasal natin ay piniling huwag magsisi?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 109:51–53. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga parirala na kumikilala sa kalooban ng Panginoon at sa kalayaan ng iba. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Bago basahin ng mga estudyante ang mga talatang ito, maaari mong ipaliwanag na kapag nabanggit sa mga banal na kasulatan ang pahayag tungkol sa pagpapakita ng Panginoon ng Kanyang bisig, tinutukoy dito ang pagpapakita Niya ng Kanyang kapangyarihan.)

Ipabasa muli nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 109:53. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang gagawin ng Ama sa Langit sa mga yaong magsisisi. (Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang poot ng Diyos ay madalas maipahayag sa pagpaparusa o pagdurusang nadarama natin dahil sa ating mga kasalanan, ayon sa Kanyang katarungan. Ang pariralang “kapag kayo ay titingin sa mukha ng inyong Hinirang” ay tumutukoy sa kahandaan ng Ama sa Langit na magkaloob ng awa dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Kanyang Anak na si Jesucristo.)

  • Bakit aalisin ng Ama sa Langit ang Kanyang poot sa mga yaong magsisisi? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit tulungan silang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Dahil sa nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo, aalisin ng Ama sa Langit ang Kanyang poot sa mga yaong magsisisi.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mailarawan sa isipan ang deskripsyon sa talata 53, ipagawa sa kanila ang sumusunod:

Kunwari ay isang dating miyembro ng mga mandurumog na anti-Mormon ang tumayo sa harapan ng Diyos para hatulan. Ngayon isipin kunwari na ilang taon bago siya mamatay, siya ay taos-pusong nagsisi at humiling na mapatawad at matubos sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Dahil si Jesucristo ay nagdusa para sa mga kasalanan ng taong ito, aalisin ng Ama sa Langit ang kaparusahan at magkakaloob ng awa sa nagsising makasalanan.

  • Anong pag-uugali ang kailangang taglayin ng mga tao para taos-pusong maidalangin na alisin ng Ama sa Langit ang Kanyang poot sa kanilang mga kaaway?

Hikayatin ang mga estudyante na magkaroon ng ganitong pag-uugali sa mga taong nakasakit sa kanila o naging dahilan ng kanilang pagdurusa. Sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na ang mga taong ito ay nagsisi na at nakatayo sa harapan ng Ama sa Langit. Hikayatin ang mga estudyante na manalangin tulad ni Joseph Smith, para sa mga taong nakasakit o nagkasala sa kanila.

Doktrina at mga Tipan 110:13–16

Ipinagkaloob ni Elijah ang mga susi ng pagbubuklod kina Joseph Smith at Oliver Cowdery

Ipaalala sa mga estudyante na sa katapusan ng linggo ng paglalaan ng Kirtland Temple, nagpakita si Jesucristo kina Propetang Joseph Smith at Oliver Cowdery sa templo. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 110 at hanapin ang petsa ng pangitaing ito. Matapos nila itong makita, ipaliwanag na ang katapusan ng linggo ng Abril 3, 1836, ay Paskua para sa mga Judio sa buong mundo. Sa loob ng ilang siglo, maraming pamilyang Judio ang may silyang walang nakaupo sa kanilang mga pista ng Paskua batay sa propesiya ni Malakias na nasa Lumang Tipan, naghihintay sa pagbabalik ni Elijah upang “papagbaliking-loob ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga magulang” (Malakias 4:6).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 110:13–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano natupad ang propesiya ni Malakias sa Kirtland Temple. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith na iginawad ni Elijah kay Joseph Smith “ang kapangyarihang magbuklod ng priesthood, kung saan ang lahat ng bagay ay ibinubuklod sa langit gayon din sa lupa. Nagbigay ito ng awtoridad kay Joseph Smith na isagawa sa templo ng Diyos ang lahat ng ordenansa na kinakailangan sa kaligtasan ng kapwa buhay at patay” (Doctrines of Salvation, ed. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 2:118).

  • Ano ang ibinibigay natin sa ating mga namatay na ninuno kapag tumutulong tayo sa mga ordenansa sa templo para sa kanila? (Maaari mong isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Nagbibigay tayo ng kaligtasan sa ating mga ninuno kapag gumagawa tayo ng family history at gawain sa templo para sa kanila.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol. Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng kopya ng pahayag na ito. Sabihin sa klase na pakinggan ang pagpapalang darating sa mga tumutulong sa family history at gawain sa templo.

Larawan
Elder Richard G. Scott

“Ang anumang gawain na ginagawa ninyo sa loob ng templo ay hindi pagsasayang ng panahon, bagkus ang pagtanggap ng mga ordenansa para sa isa sa mga yumao ninyong ninuno ay lalong magpapabanal sa oras na ginugol sa templo at mas malalaking pagpapala ang matatanggap. …

“Kayong mga kabataan, gusto ba ninyo ng isang tiyak na paraan para maalis ang impluwensya ng kaaway sa inyong buhay? Lubos na makibahagi sa paghahanap ng inyong mga ninuno, ihanda ang kanilang pangalan para sa mga sagradong ordenansa na maisasagawa sa templo, at magpunta sa templo para magsilbing proxy nila sa pagtanggap ng mga ordenansa ng binyag at kaloob na Espiritu Santo. Sa pagtanda ninyo, magagawa ninyong makibahagi sa pagtanggap ng iba pang mga ordenansa. Wala akong maisip na mas mainam na proteksyon laban sa impluwensya ng kaaway sa inyong buhay” (“Ang Kagalakan ng Pagtubos sa mga Patay,” Ensign o Liahona, Nob. 2012, 94).

  • Anong mga pagpapala ang dumarating sa mga taong gumagawa ng family history at gawain sa templo?

  • Kailan ninyo o ng isang taong kilala ninyo naranasan ang isa sa mga pagpapalang ito?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang magagawa nila upang lalo pang magsikap sa paggawa ng family history at gawain sa templo.

Susunod na Unit (Ang Simbahan ay Lumipat sa Hilagang Missouri; Doktrina at mga Tipan 113–120)

Upang matulungan ang mga estudyante na makapaghanda sa pag-aaral nila sa susunod na linggo, maaari mong sabihin sa kanila na pag-isipan ang sumusunod: Paano natanggap ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang pangalan nito? Kailan ipinaalam ang batas ng ikapu? Ipaliwanag na sa susunod na unit malalaman nila ang mga sagot sa mga tanong na ito at ang tungkol sa paraan kung paano tayo hihingi sa Diyos ng tulong na manatiling tapat sa ating pananampalataya at mga tipan.