Seminary
Lesson 47: Doktrina at mga Tipan 42:1–29


Lesson 47

Doktrina at mga Tipan 42:1–29

Pambungad

Noong Disyembre 1830, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtipon sa Ohio (tingnan sa D at T 37:3). Noong Enero 1831, ipinangako Niya na tatanggap sila ng Kanyang batas (tingnan sa D at T 38:32). Noong Pebrero 9, 1831, pagkarating sa Kirtland, 12 elder ng Simbahan ang nagtipon sa Simbahan at nakiisa sa panalangin, tulad nang iniutos sa kanila ng Panginoon (tingnan sa D at T 41:2–3). Sa pagkakataong ito, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala na ngayon sa Doktrina at mga Tipan 42:1–73. Tumanggap siya ng karagdagang tagubilin noong Pebrero 23 (tingnan sa D at T 42:74–93). Ang mga ito ay pinagsama at nakilala ang mga paghahayag na ito bilang “ang batas ng Simbahan” (D at T 42 section heading). Ang Doktrina at mga Tipan 42 ay hahatiin sa tatlong lesson. Sakop ng lesson na ito ang mga talata 1–29, na naglaan ng tagubilin sa pagtuturo ng ebanghelyo at nagtakda ng mga pangkalahatang batas ukol sa pag-uugali para sa mga miyembro ng Simbahan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 42:1–10

Iniutos ng Panginoon sa mga elder na magturo ng ebanghelyo at tumulong sa pagtatatag ng Kanyang Simbahan

Sa itaas ng pisara, isulat ang Mga Batas at mga Kautusan.

Isulat sa ilalim ang mga sumusunod na salita:

Pagbabawal Pagpapala Pasanin Pagkayamot Kaloob Limitasyon Gantimpala

Magsimula sa pagsasabi sa mga estudyante na isipin kung alin sa mga salita sa pisara ang pipiliin nila para ilarawan ang mga batas at mga kautusan. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang salita o mga salita na pinili nila at ipaliwanag kung bakit. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang kanilang mga iniisip, itanong ang mga sumusunod:

  • Bakit kung minsan ay mahirap sundin ang mga kautusan?

  • Bakit itinuturing ng ilang tao na kaloob o pagpapala ang mga batas at kautusan?

Ipaalala sa mga estudyante na matapos iutos ng Panginoon sa mga Banal sa New York na pumunta sa Ohio, ipinangako Niya na kapag naroon na sila, ibibigay Niya ang Kanyang batas (tingnan sa D at T 38:32). Karamihan sa mga Banal sa New York ay sumunod sa utos na magtipon sa Ohio. Nang makarating na ang ilan sa kanila sa Kirtland, nakipagpulong ang 12 elder kay Propetang Joseph Smith at nanalangin sa Panginoon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:1–3. Hikayatin ang klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dahilan kung bakit nagtipon ang mga elder.

  • Bakit nagtipon ang mga elder sa pagkakataong ito? (Iniutos ng Panginoon sa kanila na magtipon sa Ohio upang tanggapin ang Kanyang batas.)

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 42: 4–10 na ipinapaliwanag na tinagubilinan ng Panginoon ang mga elder na humayo nang dala-dalawa bilang mga missionary upang ipalaganap ang ebanghelyo at patatagin ang Simbahan sa bawat lupain kung saan sila tinawag hanggang sa iutos sa lahat ng tao na magtipon bilang isa.

Doktrina at mga Tipan 42:11–17

Ipinahayag ng Panginoon ang mga alituntunin sa pagtuturo ng ebanghelyo

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay nakaupo sila sa chapel at naghihintay na magsimula ang sacrament meeting. Ang mga miyembro ng bishopric o branch presidency ay naantala at hindi pa dumarating. Tumayo ang isa sa mga nasa kongregasyon at ipinaliwanag na gusto niyang magbigay ng ilang tungkulin at magturo ng bagong doktrina na ipinahayag sa kanya.

  • Ano ang magiging reaksyon ninyo sa sitwasyong ito? Bakit?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:11, at sabihin sa klase na alamin kung sino ang sinasabi ng Panginoon na awtorisadong mangaral at magtatag ng Kanyang Simbahan.

  • Ayon sa Panginoon sino ang awtorisadong magturo at magtatag ng Kanyang Simbahan? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang mga taong nagtuturo at nagtatatag sa Simbahan ay dapat na tinawag ng Diyos at inordena o itinalaga ng mga awtorisadong lider ng Simbahan.)

  • Ayon sa talata 11, ang mga tinawag na magturo ng ebanghelyo ay dapat ipaalam sa Simbahan. Paano nalalaman ng mga miyembro ng Simbahan ngayon na ang isang tao ay tumanggap ng tungkulin sa ward o stake at ise-set apart o ioordena ng mga lider ng Simbahan? (Ang mga pangalan ng mga tinawag ay ipinapaalam sa mga miyembro ng Simbahan para sa boto ng pagsang-ayon. Ito ang tinatawag na alituntunin ng pangkalahatang pagsang-ayon sa simbahan. Tingnan sa D at T 26:2.)

  • Paano napoprotektahan ang Simbahan at ang mga miyembro nito sa pamamagitan ng pamamaraang ito ng pagsang-ayon sa mga lider at titser ng Simbahan? (Ang pagsang-ayon sa mga lider ng Simbahan ay makatutulong sa atin na malaman kung sino ang tinawag na mamuno at magturo sa Simbahan. Makatutulong din ito para maiwasan ng mga miyembro na umako ng mga responsibilidad na hindi nakatalaga sa kanila at wala silang awtoridad na gawin.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:12–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga responsibilidad na ibinigay sa mga tao na nagtuturo at namumuno a Simbahan, kabilang na ang mga full-time missionary.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang mga responsibilidad na ibinigay ng Panginoon sa Kanyang mga tinawag na magturo o mamuno sa Simbahan?

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga na ituro ng mga titser at lider ang mga alituntunin ng ebanghelyo ayon sa nakatala sa mga banal na kasulatan?

  • Paano kayo napagpala nang ipamuhay ng inyong mga titser o lider ang mga doktrina at alituntuning itinuro nila?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 42:13 at alamin kung ano ang dapat na maging gabay natin sa pagtuturo ng ebanghelyo sa iba. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dapat gawin ng mga nagtuturo ng ebanghelyo upang matamo ang impluwensya ng Espiritu.

  • Paano natin matatamo ang impluwensya ng Espiritu para matulungan tayo sa pagtuturo sa iba ng ebanghelyo? (Kung manananalangin tayo nang may pananampalataya, matatanggap natin ang Espiritu na tutulong sa ating magturo sa iba. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita sa talata 14 na nagtuturo ng alituntuning ito. Ipaliwanag na bukod sa pagdarasal nang may pananampalataya, kailangan nating maging karapat-dapat upang matanggap ang Espiritu.)

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Sabi sa mga banal na kasulatan, ‘Ang Espiritu ay ibibigay sa inyo sa pamamagitan ng panalangin nang may pananampalataya; at kung hindi ninyo natanggap ang Espiritu kayo ay hindi magtuturo’ (D at T 42:14). Hindi lamang nito itinuturo na hindi kayo magtuturo o hindi kayo makapagtuturo o ito ay kulang o pabayang pagtuturo. Hindi, higit pa ito rito. Ito’y pautos. ‘Kayo ay hindi magtuturo.’ Ipalit ninyo ang huwag sa hindi at makabubuo kayo ng kautusang gaya ng ibinigay sa Bundok ng Sinai. Ito ay [isang] utos” (“Pagtuturo, Pangangaral, Pagpapagaling,” Liahona, Ene. 2003, 21).

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 42:14 at sa pahayag ni Elder Holland, sino ang tunay na titser sa anumang klase sa Simbahan? (Ang Espritu.)

  • Ano ang ilang paraan na makatutulong sa mga estudyante na magturo sa pamamagitan ng Espiritu?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:16–17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang gawain ng Espiritu Santo. Bago magsimulang magbasa ang estudyante, makatutulong na ipaalala sa klase na ang salitang Mang-aaliw na ginamit sa mga talatang ito ay isa pang pangalan para sa Espiritu Santo.

  • Ayon sa talata 17, ano ang alam at ginagawa ng Espiritu Santo? (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan nila ang sumusunod na doktrina sa kanilang banal na kasulatan: Alam ng Espiritu Santo ang lahat ng bagay at nagpapatotoo sa Ama at sa Anak.)

  • Batay sa doktrinang ito, bakit mahalaga na mapasaatin ang Espiritu Santo kapag itinuturo natin ang ebanghelyo?

  • Paano kayo makatutulong sa mga tinuturuan ninyo kapag nasa inyo ang Espiritu Santo?

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan o isiping mabuti ang mga sumusunod na tanong (maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito bago magklase o gawin itong handout at ibigay sa kanila):

Kailan ninyo naranasan ang kapangyarihan at impluwensya ng Espiritu Santo sa inyong pagtuturo (pagbabahagi, pagpapaliwanag, o pagpapatotoo) ng ebanghelyo?

Kailan ninyo nadama ang Espiritu Santo na nagpapatotoo sa inyo tungkol sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na pumili ng isa sa mga tanong at ibahagi sa klase ang kanilang mga karanasan. Maaari mong idagdag ang iyong patotoo tungkol sa mahalagang tungkuling ginagampanan ng Espiritu sa pagtuturo at pag-aaral ng ebanghelyo.

Doktrina at mga Tipan 42:18–29

Inihayag ng Panginoon ang mga batas at mga kautusan para sa mga miyembro ng Simbahan

Isulat ang mga sumusunod na scripture reference sa pisara (huwag isama ang mga salitang nakapanaklong):

D at T 42:18–19 (pagpatay); D at T 42:20 (pagnanakaw); D at T 42:21 (pagsisinungaling); D at T 42:22–23 (pagnanasa sa iba); D at T 42:24–26 (pakikiapid); D at T 42:27 (pagsasalita ng masama sa kapwa)

Ipaliwanag na sa paghahayag na ito, inilahad ng Panginoon ang mga batas at mga kautusan ukol sa lahat ng miyembro ng Simbahan. Igrupu-grupo ang mga estudyante nang may tig-tatatlo o tig-aanim na estudyante bawat grupo. Bigyan ang bawat estudyante ng isa o dalawa sa mga scripture reference na nakalista sa pisara, at ipaliwanag na naglalaman ang bawat scripture passage ng mga tagubilin ng Panginoon hinggil sa isang partikular na kautusan. Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang naka-assign na mga scripture passage sa kanila at pagkatapos ay gamitin ang mga outline sa ibaba para maghanda na maituro sa kanilang grupo ang mga natuklasan nila. (Maaari mong idispley sa pisara ang outline na ito o gawin itong handout at ibigay sa klase. Maaari mong hikayatin ang mga estudyante na gamitin ang buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan o ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan para sa karagdagang tulong. Kung sapat lang ang bilang ng mga estudyante sa klase, maaari mong sabihin sa mga estudyante na turuan ang buong klase sa halip na ang kanilang mga grupo.)

  1. Ipabasa nang malakas sa isang miyembro ng iyong grupo ang naka-assign na scripture passage. Maaari mong imungkahi sa mga miyembro ng iyong grupo na markahan ang kautusan o batas sa scripture passage.

  2. Tukuyin ang doktrina o alituntunin na maaari nating matutuhan mula sa mga talatang ito.

  3. Ipaliwanag kung bakit sa palagay mo ay mahalaga ang kautusan na ito at paano makakaapekto sa espirituwal na kapakanan natin ang pagsunod dito.

  4. Magbahagi ng ideya tungkol sa isang bagay na magagawa natin upang lubusang masunod ang kautusan na ito (o masigurong hindi ito malalabag). Maaari mo ring anyayahan ang ibang miyembro ng iyong grupo na magbahagi ng kanilang mga ideya.

Tiyaking may sapat na oras ang mga estudyante para makapaghanda at pagkatapos ay makapagturo sa kanilang mga grupo. Habang tinuturuan ng mga estudyante ang isa’t isa, lumibot sa silid at tumulong at maghikayat kapag kailangan.

Matapos maturuan ng mga estudyante ang kanilang grupo, isulat sa pisara ang hindi kumpletong pahayag: Sa pamamagitan ng paglilingkod sa Diyos at pagsunod sa Kanyang mga kautusan, ipinapakita natin ang …

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:29. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at hanapin ang mga salita o parirala na kukumpleto sa alituntuning ito. Sabihin sa isang estudyante na punan ang patlang sa pisara para makatulad ng pahayag ang sumusunod na alituntunin: Sa pamamagitan ng paglilingkod sa Diyos at pagsunod sa Kanyang mga kautusan, ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Diyos. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan.)

  • Paano naipapakita ng pagsunod natin sa mga batas at mga kautusan ng Diyos na mahal natin Siya?

  • Paano kayo mas nailalapit sa Panginoon ng inyong pagsunod sa mga kautusan?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang kanilang saloobin sa mga batas at kautusan ng Panginoon. Sabihin sa kanila na pumili ng isang kautusan na pagsisikapan nilang sundin nang mas lubusan bilang paraan ng pagpapakita nila ng kanilang pagmamahal sa Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Tapusin ang lesson sa pagbabahagi kung paano napapalakas ng pagsunod mo sa mga kautusan ang iyong pakikipag-ugnayan sa Panginoon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 42:4–7. Ang mga pagkakataon na makapagmisyon ng mga kabataang lalaki at babae

Binigyang-diin ni Pangulong Thomas S. Monson ang utos ng Panginoon na ipangaral ng mga elder ng Simbahan ang ebanghelyo. Ipinaliwanag din niya ang ginagampanan ng mga kababaihan sa gawaing misyonero:

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

“Una, sa inyong mga kabataang lalaki ng Aaronic Priesthood at sa inyo mga kabataang lalaki na magiging elder, inuulit ko ang matagal nang itinuro ng mga propeta—lahat ng karapat-dapat, may-kakayahang maglingkod na kabataang lalaki ay maghanda na magmisyon. Ang gawaing misyonero ay isang tungkulin sa priesthood—isang obligasyon na inaasahan ng Panginoon na gagawin natin, tayo na nabiyayaan nang lubos. Mga kabataan, hinihikayat ko kayong maghandang maglingkod bilang misyonero. Manaliting malinis, walang bahid-dungis at karapat-dapat na kumatawan sa Panginoon. Maging malusog at malakas. Pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Kung saan mayroon, makibahagi sa seminary o institute. Pag-aralang mabuti ang hanbuk ng misyonero na Mangaral ng Aking Ebanghelyo.

“Para sa inyong mga kabataang babae: samantalang wala kayong gayong resposibilidad ng priesthood tulad ng mga kabataang lalaki, na maglingkod ng full-time na misyon, maaari din kayong magbigay ng mahalagang kontribusyon bilang misyonero; at ikagagalak namin ang inyong paglilingkod” (“Sa Pagkikita Nating Muli,” Ensign o Liahona, Nob. 2010, 5–6).

Doktrina at mga Tipan 42:11. “Alam sa simbahan na siya ay may karapatan”

Ipinaliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol ang isang dahilan kung bakit mahalagang sang-ayunan ang mga binigyan ng mga katungkulan sa Simbahan:

Larawan
Pangulong Boyd K. Packer

“Ang karaniwang prosesong ito ay nangyayari tuwing may mga pinuno o gurong natawag o na-release sa tungkulin o tuwing may reorganisasyon sa isang stake o ward o korum o sa mga auxiliary (tingnan sa D at T 124:123, 144; tingnan din sa D at T 20:65–67; 26:2). Natatangi ito sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

“Lagi nating nalalaman kung sino ang tinawag na mamuno o magturo at may oportunidad tayong sang-ayunan o tutulan ito. Hindi ito inimbento ng tao kundi ibinigay sa mga paghahayag … ([tingnan sa] D at T 42:11). Sa ganitong paraan, protektado ang Simbahan sa sinumang nagpapanggap na mamuno sa isang korum, ward, stake, o [sa] Simbahan” (“Ang Mahina at Simple sa Simbahan,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 6).

Doktrina at mga Tipan 42:22. “Pumisan sa kanya at wala nang iba”

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson:

Larawan
Pangulong Ezra Taft Benson

“‘Inyong mahalin ang inyong asawa nang buo ninyong puso, at pumisan sa kanya at wala nang iba’ (D at T 42:22). Ang alam ko, may isa pa sa buong banal na kasulatan na iniutos sa atin na mahalin nang buong puso, at iyan ay ang Diyos mismo. Isipin ninyo ang kahulugan niyan!

“Ang ganitong uri ng pagmamahal ay maipapakita sa inyu-inyong asawa sa napakaraming paraan. Una sa lahat, wala nang ibang dapat unahin sa buhay ninyo kaysa inyong asawa maliban mismo sa Diyos—hindi trabaho, hindi paglalaro, hindi mga libangan. Ang inyong asawa ang inyong itinatangi at walang-hanggang katuwang—ang inyong kabiyak.

Ano ang ibig sabihin ng mahalin ang isang tao nang buong puso? Ibig sabihin nito ay magmahal nang buong puso at buong katapatan. Tiyak na kapag buong puso ninyong mahal ang inyong asawa, hindi ninyo siya hihiyain, pipintasan, hahanapan ng mali, o pagsasalitaan ng hindi maganda, pagtatampuhan, o pakikitaan ng hindi maganda.

“Ano ang ibig sabihin ng ‘pumisan sa kanya’? Ibig sabihin nito ay manatiling malapit sa kanya, maging tapat sa kanya, makipag-usap sa kanya, at ipakitang mahal ninyo siya” (“To the Fathers in Israel,” Ensign, Nob. 1987, 50).

Doktrina at mga Tipan 42:22–24. “Siya na titingin sa isang babae upang magnasa sa kanya”

Ipinahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa pagmamahal at pagnanasa:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Bakit mapanganib na kasalanan ang pagnanasa? Siyempre, maliban sa pinarurumi nito ang ating kaluluwa dahil lubusan nitong itinataboy ang Espiritu, sa palagay ko kasalanan ito dahil dinudungisan nito ang pinakadakila at pinakabanal na ugnayan na ibinigay ng Diyos sa atin sa mortalidad—ang pag-iibigan ng lalaki at babae at ang pagnanais ng magkabiyak na magkaanak sa pamilyang ang layon ay maging walang hanggan. Minsan ay may nagsabi na ang tunay na pag-ibig ay dapat manatili. Nagtatagal ang tunay na pag-ibig. Ngunit mabilis na nagbabago ang pagnanasa tulad ng pagbuklat sa pahina ng pornograpiya o pagsulyap sa isang mapagtutuunan ng panandaliang-kasiyahan, lalaki man o babae. Gusto nating ipaalam sa lahat ang tunay na pag-ibig—tulad ng pag-ibig ko kay Sister Holland; ipinagmamalaki at ipinaaalam natin sa ibang tao. Ngunit ang pagnanasa ay ikinahihiya at ikinukubli at halos sadyang itinatago sa iba—mas maganda kapag mas madilim, at may doble-kandadong pintuan pa kung sakali. Ang pag-ibig ay nagbubunsod sa atin na makipag-ugnayan sa Diyos at sa ibang tao. Ang pagnanasa, sa kabilang banda, ay kahit anong hindi makadiyos at natutuwa sa pagpapasasa ng sarili. Ang pag-ibig ay mapagparaya at mapagkandili; ang pagnanasa ay sariling kasiyahan lang ang nasa isip.

“Ilan lang ito sa mga dahilan na nagpapasama sa tunay na kahulugan ng pag-ibig—kahit iniisip lang ito o kasama ang ibang tao—labis na nakapipinsala ito. Sinisira nito ang bagay na pumapangalawa sa ating pananampalataya sa Diyos—ito ay ang [katapatan] sa ating minamahal. Niyayanig nito ang mga haligi ng pagtitiwala na sa ngayon—o sa hinaharap—ay saligan ng pag-ibig, at matagal na panahon ang kailangan para muling maibalik ang tiwalang nawala. Kung lumala ang problemang iyan—sa sarili man o sa kapamilya o opisyal ng gobyerno, mga nangunguna sa negosyo, artista, at idolong atleta—hindi magtatagal ang gusaling itinayo para tahanan ng mga lipunang responsable sa moralidad ay masasabitan na ng karatulang ‘Walang nakatira dito’” (“Huwag nang Magbigay-puwang Kailanman sa Kaaway ng Aking Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 44–45).

Tingnan din sa Mormon Messages video na “Watch Your Step” (LDS.org).