Seminary
Lesson 46: Doktrina at mga Tipan 41


Lesson 46

Doktrina at mga Tipan 41

Pambungad

Noong Disyembre 1830, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na lumipat sa Ohio, kung saan nila tatanggapin ang Kanyang batas (tingnan sa D at T 37:3; 38:32). Si Leman Copley, miyembro ng Simbahan sa Ohio, ay nagbigay kina Joseph Smith at Sidney Rigdon at kanilang pamilya ng “matitirhan at pagkain” (section introduction, D&C 41). Natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 41 noong Pebrero 4, 1831, pagdating niya sa Ohio. Sa paghahayag na ito, iniutos ng Panginoon sa Propeta at sa ibang mga lider ng Simbahan na manalangin upang matanggap ang Kanyang batas. Bukod diyan, sinabi Niya kung saan dapat manirahan sina Joseph Smith at Sidney Rigdon at tinawag si Edward Patridge na maging unang bishop ng Simbahan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 41:1–6

Itinuro ng Panginoon na ang matatapat na disipulo ay susunod sa Kanyang batas

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang ibig sabihin ng malugod, o matuwa, sa paggawa ng isang bagay.

  • Ano ang ikinalulugod o ikinatutuwa ninyong gawin?

  • Ano sa palagay ninyo ang ikinalulugod ng Panginoon na gawin?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 41:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung ano ang ikinalulugod ng Panginoon na gawin.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na nalulugod Siyang gawin? (Pagpalain ang Kanyang mga tao “nang higit sa lahat ng pagpapala.”)

Sa pagsagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Nalulugod ang Panginoon na pagpalain tayo kapag …

  • Ayon sa talata 1, ano ang dapat nating gawin kung nais nating matanggap ang mga pagpapalang nais ng Panginoon na ibigay sa atin? (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pakinggan ay makinig na mabuti at sumunod. Gamit ang mga sagot ng mga estudyante, kumpletuhin ang alituntunin sa pisara: Nalulugod ang Panginoon na pagpalain tayo kapag tayo ay nakikinig at sumusunod sa Kanya. Maaari mong hikayatin ang iyong mga estudyante na markahan ang mga salita o pariralang nagtuturo ng alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung naranasan na ba nilang matuwa dahil may ginawa sila na isang bagay para sa isang tao. Anyayahan ang isa o dalawang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

  • Ano ang pakiramdam na alam ninyo na nalulugod ang Panginoon na pagpalain kayo sa pakikinig sa Kanya?

Ipaalala sa mga estudyante na iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtipon sa Ohio. Ilan sa mga Banal na lumipat sa Ohio ay kinailangang magsakripisyo upang magawa ito. Nagbenta sila ng kanilang ari-arian nang palugi o kaya’y iniwan na lamang ang mga bahay nila na hindi naibenta at pumunta sa Ohio upang sundin ang utos ng Panginoon na ibinigay sa pamamagitan ng Kanyang Propeta.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na kuwento tungkol kay Lucy Mack Smith (ang ina ni Propetang Joseph Smith) at sa isang grupo ng mga miyembro ng Simbahan na kasama niya papuntang Ohio. Sabihin sa klase na pakinggan ang halimbawa kung paano pinagpala ng Panginoon ang mga Banal sa pagsunod nila sa Kanyang utos na lumipat sa Ohio:

Pinangunahan ni Lucy Mack Smith ang isang grupong binubuo ng 80 miyembro ng Simbahan mula sa Fayette, New York papuntang Ohio. Habang naglalakbay sila sakay ng bangka sa Cayuga at Seneca Canal patungo sa Buffalo, New York, ipinaalala ni Lucy sa mga Banal na naglalakbay sila dahil inutos ng Panginoon, tulad ni Lehi ng sinauna nang lisanin niya ang Jerusalem. Pinayuhan niya ang mga Banal na kung sila ay magiging matapat, “makaaasa sila na mabibiyayaan ng Diyos sa gayunding mga dahilan” (tingnan sa History of Joseph Smith by His Mother, ed. Preston Nibley [1958], 195–96; Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 91).

Nang dumating sila sa Buffalo, nakita nilang nabarahan ng yelo ang daungan kaya hindi makaparoo’t parito ang mga bangka. “Pagkalipas ng ilang nakababalisang araw sa Buffalo, maraming bata ang nagkasakit, at karamihan sa mga tao sa grupo ay gutom at pinanghinaan ng loob. Nagbayad sila para makasakay sa bangka, inilulan ang kanilang mga gamit sa bangka, at kumuha ng pansamantalang makakanlungan para sa mga kababaihan at mga bata hanggang sa kinaumagahan. Nang nakabalik na sa bangka, pinakiusapan ni Lucy ang nagrereklamo pa ring grupo na hilingin sa Panginoon na tibagin ang dalawampung-piyeng tipak-tipak na yelo na nakabara sa daungan” (Church History in the Fulness of Times Student Manual, 92).

Hinimok ni Lucy ang kanyang grupo na manampalataya sa Diyos at ipinangako na kung sila ay magkakaisa sa panalangin at hihilingin sa Diyos na tibagin ang yelo na bumara sa daungan, mangyayari iyon. Inilarawan ni Lucy ang sumunod na nangyari: “Nang sandali ring iyon may narinig na ingay, na parang dumadagundong na kulog. Sumigaw ang kapitan, ‘Pumuwesto kayo.’ Nabitak ang yelo, at nagkaroon ng maliit na siwang na mapagdadaanan ng bangka. Dahil sa sobrang kitid nito nasasagi ang waterwheel ng bangka sa yelo kaya nagkalasag-lasag ito. … Hindi pa kami halos nakalalampas sa lagusan nang muling magdikit ang yelo” (tingnan sa History of Joseph Smith by His Mother, 197–205).

  • Paano ipinakita ng mga Banal na ito ang kanilang pananampalataya sa Panginoon sa mahirap na sitwasyong ito? Paano ipinapakita sa sitwasyong ito na alam ng Panginoon ang nangyayari sa atin at tutulungan tayong makayanan ang mga hamon sa buhay?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 41:2–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga tagubilin na ibinigay ng Panginoon sa mga elder ng Simbahan.

  • Ano ang ipinagawa ng Panginoon sa mga elder ng Simbahan? (Iniutos Niya sa kanila na magtipun-tipon upang sumang-ayon sa salita, manalangin nang may pananampalataya, tumanggap ng Kanyang batas, at tiyakin na ang Kanyang batas ay sinusunod ng mga miyembro ng Simbahan.)

  • Ayon sa talata 3, ano ang layunin ng batas na tatanggapin ng mga elder?

  • Paano naging pagpapala sa mga Banal sa Ohio ang pagtanggap sa batas ng Panginoon?

Ipaliwanag na ang “batas” na tinutukoy ng Panginoon ay ang batas na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 42, ang batas ng Panginoon sa Simbahan. Sabihin sa mga estudyante na pag-aaralan nila ang batas na ito nang detalyado sa mga susunod na lesson.

Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang mahalagang katotohanan sa Doktrina at mga Tipan 41:5, isulat sa pisara ang mga sumusunod na salita: Naniniwala at Tagasunod.

  • Sa anong mga paraan nagkakatulad ang dalawang konseptong ito? Sa anong mga paraan nagkakaiba ang mga ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 41:5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Tagapagligtas tungkol sa Kanyang mga tagasunod.

  • Ayon sa talatang ito, ano ang isang katangian ng tagasunod ng Tagapagligtas? (Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang mga salita o parirala na nagtuturo ng sumusunod na alituntunin: Tinatanggap ng mga tagasunod ni Jesucristo ang Kanyang mga batas at sinusunod ang mga ito.)

  • Bakit mahalaga na talagang sundin ng mga tagasunod ni Jesucristo ang Kanyang mga kautusan at hindi lamang alamin ang mga ito?

Upang matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang alituntuning ito, sabihin sa kanila na rebyuhing mag-isa ang mga pamantayan sa buklet na Para sa Lakas ng mga Kabataan. Sabihin sa kanila na pumili ng isang pamantayan at isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang gusto nilang gawin para mas maipamuhay pa ang pamantayang iyon. (Sabihin sa mga estudyante na ito ay personal na aktibidad at hindi kailangang ibahagi ang kanilang sagot sa iba.)

Doktrina at mga Tipan 41:7–8

Tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal na magtayo ng bahay kung saan maninirahan at magsasalin ang Propeta

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 41:7–8 na ipinapaliwanag na tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal na magtayo ng bahay na matitirhan ng Propeta at ng kanyang pamilya at kung saan maipagpapatuloy ni Joseph ang pagsasalin ng Biblia. Nagbigay rin ng maikling tagubilin ang Panginoon kay Sidney Rigdon.

Doktrina at mga Tipan 41:9–12

Tinawag ng Panginoon si Edward Partridge na maging unang bishop ng Simbahan

Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay kailangan ng ward nila ng bagong bishop. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 41:9–10 nang kani-kanya, at alamin ang kailangang gawin sa pagtawag ng isang bishop.

  • Ayon sa talatang ito, ano ang mga kailangang gawin sa pagtawag ng bagong bishop? (Ang mga bishop ay tinatawag ng Diyos, sinasang-ayunan ng tinig ng mga miyembro, at inoordenan sa pamamagitan ng tamang awtoridad. Maaari mong isulat sa pisara ang doktrinang ito. Maaari mong ipaliwanag na ngayon ang mga bishop ng mga ward ay hindi inaatasang iukol ang lahat ng kanilang panahon “sa mga gawain sa simbahan,” na hindi tulad ng ipinagawa noon kay Edward Partridge.)

  • Ano ang ibig sabihin ng “italaga sa pamamagitan ng tinig ng simbahan”? (Ang ibig sabihin nito ay nangangako ang mga miyembro ng Simbahan na ibibigay nila ang kanilang suporta, o pagsang-ayon, sa taong tinawag ng Diyos.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 41:11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga katangian ni Edward Partridge na makatutulong sa kanya sa kanyang tungkulin.

  • Anong mga katangian ni Edward Partridge ang maaaring nakatulong sa kanya sa kanyang tungkulin?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 41:12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang babala na ibinigay ng Panginoon sa katapusan ng paghahayag na ito.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng mag-ingat kung paano natin pahalagahan ang mga salita ng Tagapagligtas? (Maaari mong ipaliwanag na kay Joseph Smith at sa iba, ito ay utos na pangalagaan ang mga banal na kasulatan.) Paano ito nauugnay sa nalaman natin tungkol sa mga tagasunod ni Jesucristo?

Larawan
Elder Neal A. Maxwell

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Bawat araw ay nagpapasiya tayong pagbutihin ang ating pagkadisipulo” (“My Servant Joseph,” Ensign, Mayo 1992, 39).

Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi kung paano makatutulong sa kanila ang mga katotohanang natutuhan nila sa lesson na ito para maging mas mabuti silang mga tagasunod o disipulo ni Jesucristo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Ang pagdating ni Joseph Smith sa Kirtland

Noong mga huling araw ng Enero 1831, nilisan nina Joseph at Emma Smith ang New York para maglakbay patungong Kirtland, Ohio nang halos 300 milya sakay ng karwahe. Pagdating nina Joseph at Emma sa Kirtland, tumigil sila sa harap ng Gilbert & Whitney Store:

Umakyat [si Joseph] sa mga baitang, at pumasok sa tindahan kung saan nakatayo ang nakababatang kasosyo. ‘Newel K. Whitney! Ikaw na nga!’ bulalas niya, habang iniaabot ang kamay, na para bang matagal at dati na niyang kakilala ang taong ito. ‘May kalamangan ka sa akin,’ sagot [ni Newel K. Whitney], habang wala sa loob na tinanggap ang nakalahad na kamay, ‘Hindi kita matatawag sa pangalan gaya ng ginawa mo sa akin.’ ‘Ako si Joseph, ang Propeta,’ sabi ng dayuhang nakangiti. ‘Nanalangin kang pumarito ako; ano ngayon ang ninanais mo mula sa akin?’” (History of the Church, 1:145–46).

Ipinaliwanag ni Joseph na nakita niya sa pangitain na ipinagdarasal ni Newel na pumunta siya sa Kirtland. Malugod na tinanggap ng mga Whitney sina Joseph at Emma Smith, at nakitira sa kanila sina Joseph at Emma nang ilang linggo. (Tingnan sa History of the Church, 1:146; tingnan din sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 90–91.)

Doktrina at mga Tipan 41:11. “Ang kanyang puso ay dalisay”

Ang kahandaan ni Edward Partridge na “iwanan ang kanyang mga kalakal” (D at T 41:9) at iukol ang kanyang panahon sa pagpapatatag sa Simbahan ay pinagtibay sa sumusunod na salaysay:

“Naalala kalaunan ng anak na babae ni Partridge na matapos na maidikta ang paghahayag na ito, ipinagbili ng kanyang ama ang kanyang ari-arian at ‘kaunti lamang ang kinita’ sa pagbebenta. Idinagdag pa niya, ‘Dahil sa desisyon ng aking ama na sumapi sa relihiyon ng mormon at isakripisyo ang kanyang ari-arian inisip ng kanyang mga kaibigan na nababaliw na siya. Hindi nila mawari kung ano ang mayroon sa relihiyong iyon para isakripisyo ng isang tao ang lahat ng kanyang yaman sa mundo para lamang dito’” (Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, vol. 1 of the Documents series of The Joseph Smith Papers [2013], 244).

Sina Edward Partridge at Sidney Rigdon ay naglakbay patungo sa New York upang makilala si Propetang Joseph Smith. “Ayon kay Philo Dibble, pumunta rin doon si Partridge para sa iba. Sinabi ng isang kapitbahay kay [Philo Dibble] na, ‘Nagpapunta kami ng tao sa New York para alamin kung totoo ang gawaing ito, at siya ay taong hindi magsisinungaling.’ [Dibble, “Philo Dibble’s Narrative,” p. 77.]” (Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 82). Inilarawan ni Joseph si Edward Partridge na “isang huwaran ng kabanalan, at isa sa mga dakilang tao ng Panginoon” (sa History of the Church, 1:128).