Seminary
Home-Study Lesson: Doktrina at mga Tipan 29:31–50; 30–35 (Unit 8)


Home-Study Lesson

Doktrina at mga Tipan 29:31–50; 30–35 (Unit 8)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 29:31–50; 30–35 (unit 8) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Doktrina at mga Tipan 29:31–50)

Sa pag-aaral ng mga estudyante tungkol sa plano ng kaligtasan sa Doktrina at mga Tipan 29, natuklasan nila na ang lahat ng kautusan ng Diyos ay espirituwal at binigyan tayo ng Diyos ng kalayaan na pumili at maranasan ang mga bunga ng mga pagpiling iyon. Nang pag-isipang mabuti ng mga estudyante kung paano nagdala ng espirituwal na kamatayan ang Pagkahulog ni Adan, nalaman nila na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, si Jesucristo ay magpapatawad at magbibigay ng buhay na walang hanggan sa lahat ng mananampalataya sa Kanya at magsisisi sa kanilang mga kasalanan.

Day 2 (Doktrina at mga Tipan 30–32)

Sa lesson na ito, nabasa ng mga estudyante ang mga payo at pangako na ibinigay ng Panginoon sa anim na kalalakihan na tinawag Niya na mangaral ng ebanghelyo. Binigyang-diin sa lesson na dapat nating paglingkuran ang Panginoon nang ating buong kaluluwa at Siya ay sasama sa atin. Nalaman din ng mga estudyante na sa pamamagitan ng ating katapatan, matutulungan ang ating mga kapamilya na maniwala at malaman ang katotohanan.

Day 3 (Doktrina at mga Tipan 33–34)

Pinag-aralan ng mga estudyante ang mga salita ng Panginoon sa dalawang missionary na sina Ezra Thayre at Northrop Sweet. Natuklasan ng mga estudyante na kung bubuksan natin ang ating bibig upang ipangaral ang ebanghelyo, tutulungan tayo ng Panginoon sa dapat nating sabihin. Sa pamamagitan ng mga salita ng Panginoon kay Orson Pratt, nalaman ng mga estudyante na ang mga karapat-dapat at masigasig magturo ng ebanghelyo ay magagawa ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Day 4 (Doktrina at mga Tipan 35)

Binasa ng mga estudyante ang tungkol sa pagbabalik-loob ni Sidney Rigdon at pinag-aralan ang mga salita ng Panginoon sa kanya. Nalaman nila na kilala tayo ng Panginoon at may gawaing ipagagawa sa bawat isa sa atin at tinatawag ng Diyos ang mahihina upang isakatuparan ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Kanyang Espiritu. Natuklasan din ng mga estudyante na kapag sinusunod natin ang mga kautusan at tinutupad ang ating mga tipan, tutulungan tayo ng Panginoon na maisakatuparan ang Kanyang gawain.

Pambungad

Ang lesson na ito ay nakatuon lalo na sa payo ng Panginoon kina David at Peter Whitmer kasunod ng isang kumperensya ng Simbahan noong Setyembre 1830. Sa kumperensya inihayag ng Panginoon na ang mga paghahayag mula kay Hiram Page ay hindi totoo. Sa Doktrina at mga Tipan 30, pinagsabihan ng Panginoon si David Whitmer dahil naniwala ito sa bato at tinawag si Peter Whitmer na samahan si Oliver Cowdery sa misyon nito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 30:1–4

Pinagsabihan si David Whitmer dahil sa pakikinig sa pang-uudyok ng mga tao

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang mga sumusunod na sitwasyon:

  1. Isang binatilyo ang nakikinig sa musika na hindi akma sa mga pamantayang nakasaad sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Kahit natutuwa siyang pakinggan ang musikang ito, napag-isip-isip niya na dahil sa mga mensahe nito ay nawawala sa kanya ang Espiritu at napapalayo siya sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at sa Simbahan.

  2. Matapos na ilang beses makipagdeyt sa isang binatilyo, nadama ng dalagita, sa pamamagitan ng pahiwatig ng Espiritu Santo, na unti-unti siyang hinihikayat ng binatilyo na labagin ang batas ng kalinisang-puri.

Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante ang sumusunod:

  • Paano natin malalaman, tulad ng mga indibiduwal sa mga sitwasyong ito, na nalilinlang na tayo?

Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 30 ay naglalaman ng mga katotohanan na makatutulong sa atin na maghanda para matanggap at masunod ang mga babala mula sa Espiritu at matulungan tayo na makaiwas sa panlilinlang. Sabihin sa mga estudyante na hanapin ang mga katotohanang ito sa pag-aaral nila ng bahaging ito ngayon.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Doktrina at mga Tipan 30, sabihin sa kanila na alalahanin ang nalaman na nila tungkol kay David Whitmer sa kanilang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan at Kasaysayan ng Simbahan. (Siya ay isa sa Tatlong Saksi ng Aklat ni Mormon at tumulong sa pagbibigay ng mga suplay noong isinasalin ang Aklat ni Mormon.)

Sabihin sa mga estudyante na bayaw ni David Whitmer si Hiram Page. Maaari mong itanong sa mga estudyante kung ano ang naaalala nila tungkol kay Hiram Page mula sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 28. (Siya ay isa sa Walong Saksi ng Aklat ni Mormon at nakakuha ng isang bato na ayon sa kanya ay nakatatanggap siya ng mga paghahayag sa pamamagitan nito.) Ipaliwanag na nang ipaalam ni Hiram Page ang kanyang huwad na seer stone at ang mga paghahayag na nagmula rito, nagsimulang maniwala si Oliver Cowdery, ang mga Whitmer, at ang iba pa sa Fayette sa pahayag ni Hiram.

  • Bakit kaya madaling nahikayat ni Hiram Page si David Whitmer?

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 30:1–2 at sagutin ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang sinabi ng Tagapagligtas na ginawa ni David Whitmer kaya ito madaling nalinlang?

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na hindi ginawa ni David?

Sabihin sa mga estudyante na magmungkahi ng mga alituntuning matututuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 30:1–2. Maaaring maimungkahi nila ang ilan o lahat ng sumusunod:

Sa halip na katakutan ang mga tao, dapat tayong umasa sa Panginoon para sa lakas.

Dapat nating ituon ang ating mga isipan sa mga bagay ng Diyos kaysa sa mga bagay ng mundo.

Dapat nating sundin ang Espiritu at ang payo ng mga lider ng Simbahan sa halip na maimpluwensiyahan ng mga taong hindi tinawag ng Panginoon.

Itanong ang mga sumusunod:

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng nakatuon ang ating mga isipan sa mga bagay ng mundo kaysa sa mga bagay ng Panginoon? Sa paanong mga paraan tayo maaaring matukso na gawin ito?

  • Paanong ang pagtutuon natin sa mga bagay ng mundo kaysa sa mga bagay ng Panginoon ay nagiging dahilan para mas madali tayong malinlang?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

“Tila kakatwa na pagkatapos ng napakagandang paghahayag na natanggap [ni David Whitmer] at pagsaksi sa pagbuhos ng Espiritu sa iba pang mga pagkakataon, ay makakalimot siya, ngunit ganyan ang likas na tao kaya kailangan nating lahat na palaging paalalahanan ng ating mga resposibilidad dahil kung hindi ay malamang na maging mapagpabaya tayo. Ang patuloy na panalangin at pagtutuon ng ating isipan sa mga bagay ng kaharian, at tapat na pagtupad sa tungkulin, ay talagang kailangan ng karamihan sa atin, at kung hindi, tayo ay magkakamali. Gaano na kadalas nagbabala ang Panginoon sa kanyang mga tao laban sa mga kahinaan ng laman!” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:146).

  • Ayon kay Pangulong Smith, ano ang kailangan nating gawin upang matiyak na hindi natin nakakalimutan ang ating mga espirituwal na responsibilidad tulad ng ginawa ni David Whitmer?

Maaari mong gamitin ang pagkakataong ito na ipaalala sa mga estudyante na kailangan nilang pag-aralan ang mga banal na kasulatan araw-araw—hindi para kumpletuhin lang ang kanilang mga assignment kundi para matulungan sila na matutuhan ang ebanghelyo, magkaroon ng patotoo sa ebanghelyo, at marinig ang tinig ng Panginoon. Maaari mo ring sabihin sa mga estudyante na magbahagi ng mga bagay na nakatulong sa kanila na pag-aralan ang mga banal na kasulatan sa makabuluhang paraan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 30:3–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga iniutos ng Panginoon kay David Whitmer.

  • Matapos malinlang ni Hiram Page, paano makatutulong kay David Whitmer na pagnilayan ang mga bagay na inihayag ng Panginoon sa kanya?

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung may mga sitwasyon sa kanilang buhay kung saan mas nagtitiwala o nagtutuon sila sa “mga bagay ng mundo” kaysa sa mga bagay ng Diyos at kung paano sila madaling malilinlang kapag ginawa nila ito. Sabihin sa kanila na magpasiya kung ano ang gagawin nila para mas magtiwala sa Panginoon sa mga sitwasyong iyon.

Doktrina at mga Tipan 30:5–8

Si Peter Whitmer ay tinawag na magmisyon kasama ni Oliver Cowdery sa mga Lamanita

Magdispley ng isang mabigat na bagay o isang bag na puno ng mabibigat na bagay. Sabihin sa isang estudyante na pumunta sa harap ng klase at hawakan ang bagay na iyon na nakaunat ang kamay sa harapan niya. Habang hawak ng estudyante ang bagay na iyon, sabihin sa iba pang mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 30:5 at alamin ang ipinagawa ng Panginoon kay Peter Whitmer. Sabihin sa klase na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sino ang mamumuno sa misyon ni Peter Whitmer sa mga Lamanita?

Sabihin sa pangalawang estudyante na tulungan ang estudyanteng may hawak-hawak na mabigat na bagay o bag. Sabihin sa unang estudyante na ilarawan ang pagkakaiba o naramdaman niya nang may tumulong sa kanya. Ipaliwanag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 30:5–7 ang payo ng Panginoon kay Peter Whitmer tungkol sa paano susuportahan at sasang-ayunan ni Peter si Oliver Cowdery sa pamumuno nito. Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang mga talatang ito at tukuyin ang mga partikular na parirala na naglalarawan kung paano susuportahan ni Peter si Oliver.

  • Anong mga parirala ang ginamit ng Panginoon upang turuan si Peter kung paano niya susuportahan at sasang-ayunan si Oliver? (Tingnan sa talata 6; dapat maghirap si Peter sa mga paghihirap ni Oliver, manalangin para kay Oliver, at kilalanin ang awtoridad ni Oliver.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “maghirap sa lahat ng kanyang paghihirap” (D at T 30:6)?

  • Anong aral ang matututuhan natin mula sa payo ng Panginoon kay Peter na magagamit din natin?

Ang isang katotohanan na maaaring maipahayag ng mga estudyante ay na dapat nating sang-ayunan at suportahan ang mga tinawag ng Panginoon na mamuno sa Kanyang gawain. Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang alituntuning ito.

Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano nila magagamit ang alituntuning ito sa kanilang buhay, marahil sa pagsuporta sa mga lider nila sa branch o ward. Anyayahan sila na magbahagi ng kanilang patotoo tungkol sa mga pagpapalang dumarating kapag sinuportahan nila ang mga tinawag ng Panginoon. Hikayatin sila na patuloy na ipamuhay ang alituntuning ito.

Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 36–40)

Itanong sa mga estudyante kung nautusan na ba silang sundin ang isang kautusan, pero hindi nila lubos na nauunawaaan kung bakit. Paano kung ang ipinangakong pagpapala sa inyo ay batay sa inyong pagsunod ngunit hindi ninyo sinunod ang mga kautusan? Sa susunod na unit, pag-aaralan ng mga estudyante ang tungkol sa mga miyembro ng Simbahan na nakita ang kanilang mga sarili na nasa ganitong sitwasyon at ano ang itinuro ng Panginoon sa kanila.