Seminary
Home-Study Lesson: Doktrina at mga Tipan 65–71 (Unit 15)


Home-Study Lesson

Doktrina at mga Tipan 65–71 (Unit 15)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 65–71 (unit 15) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Doktrina at mga Tipan 65–66)

Habang pinag-aaralan ang lesson na ito, nalaman ng mga estudyante na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay lalaganap hanggang sa mga dulo ng mundo. Nalaman nila na responsibilidad natin na ihanda ang ating sarili at ang iba para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.

Day 2 (Doktrina at mga Tipan 67)

Sa lesson na ito, natukoy ng mga estudyante ang mga sumusunod na alituntunin: Naririnig ng Panginoon ang ating mga panalangin at nalalaman ang nilalaman ng ating puso; kung hahayaan nating pumasok ang takot sa ating puso, mawawala sa atin ang mga pagpapala. Nalaman din nila na kapag inalis natin sa ating sarili ang inggit at takot, at magpapakumbaba ng ating sarili, at magpapatuloy sa pagtitiyaga, makatatagal tayo sa harapan ng Panginoon.

Day 3 (Doktrina at mga Tipan 68)

Bilang bahagi ng lesson na ito, nalaman ng mga estudyante na kapag ang mga tagapaglingkod ng Panginoon ay pinakikilos ng Espiritu Santo, ang kanilang mga salita ay aakay sa mga tao tungo sa kaligtasan. Nalaman din ng mga estudyante na ang mga bishop ay dapat sang-ayunan ng Unang Panguluhan at iorden ng tamang awtoridad. Bukod pa rito, natuklasan ng mga estudyante na iniutos ng Panginoon sa mga magulang na turuan ang kanilang mga anak na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo, pagbibinyag, at kaloob na Espiritu Santo.

Day 4 (Doktrina at mga Tipan 69–71)

Mula sa ipinayo ng Panginoon kay John Whitmer, nalaman ng mga estudyante na inaasahan ng Panginoon na maisulat at maingatan ang mga kasaysayan para sa ikabubuti ng Simbahan at para sa mga bagong henerasyon. Natuklasan din ng mga estudyante na papanagutin tayo ng Panginoon para sa mga tungkuling ipinagkatiwala Niya sa atin. Sa huli, nalaman ng mga estudyante na kapag binabatikos o pinipintasan ng mga tao ang Simbahan, makatutugon tayo sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga katotohanan mula sa mga banal na kasulatan at pagsunod sa patnubay ng Espiritu.

Pambungad

Ang lesson na ito ay nakatuon sa mga salita ng Panginoon kay William E. McLellin sa Doktrina at mga Tipan 66. Sa pag-aaral nila ng bahaging ito, malalaman ng mga estudyante ang kahalagahan ng pagsisisi sa lahat ng kanilang mga kasalanan, pag-aalis ng mga bagay sa kanilang buhay na nakahahadlang sa kanilang espirituwal na pag-unlad, at pananatiling tapat hanggang wakas.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 66

Iniutos ng Panginoon kay William E. McLellin na ipangaral ang ebanghelyo, talikdan ang lahat ng kasamaan, at magpatuloy nang matapat hanggang sa wakas

Bago magklase, kopyahin ang sumusunod na diagram sa pisara.

Larawan
line diagram

Sa pagsisimula ng klase, sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang diagram sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan kung saan nila ilalagay ang kanilang sarili sa diagram. Imungkahi rin na isipin nila kung saang direksyon sila papunta—mas palapit sa Diyos o papalayo sa Kanya. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga paraan na mas mapapalapit tayo sa Diyos.

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

“Kung gusto mong manatiling malapit sa isang tao na naging mahalaga sa inyo, ngunit napahiwalay kayo sa kanya, alam na ninyo ang gagawin. Hahanap kayo ng paraan para makausap siya, makikinig kayo sa kanya, at malalaman ang mga paraan na gagawin para sa isa’t isa. Kapag mas madalas na mangyari iyan, mas magtatagal, mas titibay at lalalim ang pagmamahalan. Kung lumipas ang maraming panahon nang walang pag-uusap, pakikinig, at paggawa, hihina ang pagmamahalan.

“Ang Diyos ay perpekto at makapangyarihan, at kayo at ako ay mortal. Ngunit siya ang ating Ama, mahal niya tayo, at binibigyan niya tayo ng gayon ding pagkakataon na mas mapalapit sa kanya tulad ng gagawin ng isang mapagmahal na kaibigan. At gagawin ninyo ito sa halos gayon ding paraan: pag-uusap, pakikinig, at paggawa” (“To Draw Closer to God,” Ensign, Mayo 1991, 66).

  • Ayon kay Pangulong Eyring, paano tayo mas mapapalapit sa Diyos?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pag-uusap, pakikinig, at paggawa kapag sinisikap nating mas mapalapit sa Diyos?

Ipaliwanag na noong mga unang araw ng Simbahan, isang lalaking nagngangalang William E. McLellin ang mas napalapit sa Diyos nang malaman niya ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Nabinyagan siya noong Agosto 20, 1831. Hindi nagtagal pagkatapos niyon, siya ay inordenan na isang elder, at sinamahan niya si Hyrum Smith nang ilang linggo bilang missionary. Noong Oktubre 1831, naglakbay siya patungo sa Ohio para sa pagpupulong ng Simbahan. Habang naroon, nakita niya si Propetang Joseph Smith. Noong Oktubre 29, personal na nanalangin si Brother McLellin at hiniling sa Panginoon na ipahayag ang mga sagot sa limang partikular na tanong sa pamamagitan ni Joseph Smith. Nang hindi sinasabi kay Joseph Smith ang mga tanong, humiling si Brother McLellin ng paghahayag. Habang idinidikta ng Propeta ang paghahayag na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan 66, nakita ni Brother McLellin na bawat isa sa kanyang mga tanong ay nasagot. Binigyan siya ng Panginoon ng mga tagubilin at babala na tutulong sa kanya na manatiling matapat at sa huli ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 66:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga dahilan kung bakit pinagpala ng Panginoon si Brother McLellin sa panahong ibinigay ang paghahayag na ito.

  • Bakit nakatanggap si Brother McLellin ng mga pagpapala mula sa Panginoon? (Dahil tinalikuran niya ang kanyang mga kasalanan, tinanggap ang mga katotohanan ng Panginoon, at tinanggap ang kabuuan ng ebanghelyo.)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 66:3 at alamin ang sinabi ng Panginoon na kailangan pang gawin ni Brother McLellin upang malugod Siya. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “malinis, subalit hindi lahat”? (Maaari mong tulungan ang mga estudyante na maunawaan na bagama’t malaki ang pagbabago ni Brother McLellin at pinagpala sa kanyang mga pagsisikap, kailangan pa rin niyang pagsisihan ang ilan niyang mga kasalanan.)

  • Ano ang matututuhan natin mula sa ipinayo ng Tagapagligtas sa talata 3? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na kautusan: Inuutos sa ating lahat na pagsisihan ang lahat ng ating mga kasalanan.)

  • Bakit mahalagang pagsisihan ang lahat ng ating mga kasalanan, at hindi lamang ang ilan sa mga ito?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa talatang ito tungkol sa kung paano tayo tutulungan ng Panginoon sa ating pagsisisi? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit dapat na matukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Ipapakita sa atin ng Panginoon ang mga bagay na kailangan nating pagsisihan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring. Sabihin sa klase na pakinggan ang isang paraan na mahihiling natin sa Panginoon na tulungan tayong magsisi.

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

“Isa sa mga tanong na dapat nating itanong sa ating Ama sa Langit sa ating personal na panalangin ay ito: ‘Ano po ang nagawa ko ngayon, o hindi nagawa, na hindi kalugud-lugod sa Inyo? Kung malalaman ko lamang po, ako po ay kaagad na magsisisi nang buong puso.’ Ang mapagpakumbabang panalanging iyan ay sasagutin” (“Do Not Delay,” Ensign, Nob. 1999, 34).

Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang mga pagpapalang natanggap nila nang talikuran nila ang kanilang kasalanan at tinanggap ang ebanghelyo. Sabihin sa kanila na sikaping malaman ang mga bagay na kailangan nilang pagsisihan upang makatanggap sila ng mas malalaking pagpapala.

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na basahin nang magkasama ang Doktrina at mga Tipan 66:5–9, at alamin ang nais ng Panginoon na gawin ni Brother McLellin. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ayon sa mga talata 8–9, anong mga pagpapala ang matatanggap ni Brother McLellin kung matapat niyang gagawin ang kalooban ng Panginoon?

  • Ano ang matututuhan natin sa mga talatang ito tungkol sa mga pagpapalang matatanggap natin kapag sinunod natin ang kalooban ng Panginoon para sa atin? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay matapat sa paggawa ng kalooban ng Panginoon, sasamahan Niya tayo at pagpapalain upang magawa natin ang iniuutos Niya sa atin.)

Ipaliwanag na bukod pa sa pagbibigay ng mga tagubilin kay William McLellin tungkol sa mga dapat gawin, nagbabala sa kanya ang Panginoon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang dalawang pangungusap ng Doktrina at mga Tipan 66:10. Bago siya magbasa, ipaliwanag na sa unang pangungusap makikita ang salitang manligalig. Ipaliwanag na naliligalig tayo ng isang bagay kung humahadlang ito sa ating daan o nagiging dahilan para mahirapan tayong magawa ang isang gawain.

  • Iniutos ng Panginoon kay Brother McLellin na “talikdan ang lahat ng kasamaan.” Paano makaliligalig o makahahadlang ang kasamaan, o kasalanan sa kanyang gawaing misyonero?

  • Paano tayo espirituwal na naliligalig o nahahadlangan ng kasamaan?

Basahin nang malakas ang pangatlong pangungusap ng Doktrina at mga Tipan 66:10 at sabihin sa klase na alamin ang partikular na babala na ibinigay ng Panginoon kay William McLellin.

  • Ayon sa talata 10, anong tukso ang nakababagabag kay Brother McLellin?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa talata 10 tungkol sa nalalaman ng Panginoon tungkol sa bawat isa sa atin? (Tulungan ang mga estudyante na makita na nalalaman ng Panginoon ang ating mga partikular na pagsubok at tukso, tulad ng nalalaman Niya ang kay Brother McLellin.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang maunawaan na nalalaman ng Panginoon ang ating mga partikular na pagsubok at tukso?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 66:11–13. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang karagdagang payo na ibinigay ng Panginoon kay William McLellin.

  • Ayon sa talata 12, ano ang kailangan nating gawin upang magkaroon ng buhay na walang hanggan? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na kung magpapatuloy tayo nang matapat hanggang sa wakas, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan.)

  • Ano ang ibig sabihin sa inyo ng magpatuloy nang matapat hanggang sa wakas?

Ipaliwanag na noong ibigay ang paghahayag na ito, may patotoo na si William McLellin tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Matapos ibigay ang paghahayag, pinatotohanan niya ang pagtawag kay Joseph Smith bilang propeta. Si Brother McLellin ay tapat na naglingkod nang ilang taon at tinawag na maglingkod bilang isa sa mga unang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol sa dispensasyong ito. Gayunpaman, hindi siya nagpatuloy nang matapat hanggang sa wakas. Sa katunayan, kinalaban niya si Propetang Joseph Smith, at siya ay itiniwalag sa Simbahan noong 1838.

Ituon ang pansin ng mga estudyante sa diagram sa pisara, at imungkahi na muling pag-isipan kung saan nila ilalagay ang kanilang sarili sa diagram na iyon. Sabihin sa kanila na pag-isipan ang sumusunod na tanong:

  • Ano ang gagawin ninyo para mas mapalapit kayo sa Diyos at magpatuloy nang matapat hanggang sa wakas?

Patotohanan ang mga doktrina at alituntunin na tinalakay ninyo, at hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa mga katotohanang ito.

Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 72–76)

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano kaya ang madarama nila kung ipakita sa kanila ang impiyerno (labas na kadiliman) at iba pang pagdurusa ng mga makasalanan at pagkatapos ay matanggap ang pangitain tungkol sa mga kahariang selestiyal, terestriyal, at telestiyal. Ipaliwanag na dahil sa kanilang gawain sa pagsasalin ng Biblia, nabuksan ang mga mata nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon at nakita ang pangitain tungkol sa tatlong antas ng kaluwalhatian, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 76.