Seminary
Lesson 108: Doktrina at mga Tipan 103


Lesson 108

Doktrina at mga Tipan 103

Pambungad

Sa pulong ng mataas na kapulungan sa Kirtland noong Pebrero 24, 1834, sina Parley P. Pratt at Lyman Wight ay humingi ng payo hinggil sa kung paano matutulungan ang mga Banal sa Missouri sa kanilang mga temporal na pangangailangan at mabawi ang kanilang mga lupain sa Jackson County. Sa araw ring iyon, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 103, kung saan ipinangako ng Panginoon na matutubos ang lupain ng Sion. Iniutos ng Panginoon sa mga lider ng Simbahan na magtipon ng mga suplay at mga boluntaryo upang matulungan ang mga Banal sa Missouri. Ang pangkat na ito ay nakilala bilang Kampo ng Sion.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 103:1–20

Ipinangako ng Panginoon na matutubos ang Sion

Simulan ang klase sa pagtatanong ng sumusunod:

  • Ano ang mga kaaway ng mabubuti ngayon?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano tinatangka ng mga kaaway ng Panginoon na hadlangan ang kanilang espirituwal na pag-unlad.

  • Sa inyong palagay, bakit nahahadlangan ng mga kaaway ng Panginoon ang espirituwal na pag-unlad ng ilan sa mga tao ng Panginoon?

Sa pagsisimula ng mga estudyante sa pag-aaral at pagtalakay ngayon ng Doktrina at mga Tipan 103, hikayatin sila na alamin ang mga alituntunin na tutulong sa kanila na madaig ang mga kaaway na iyon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 103. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung bakit nagpunta sina Parley P. Pratt at Lyman Wight sa Kirtland, Ohio, mula sa Missouri.

  • Bakit nagpunta sina Brother Pratt at Brother Wight sa Kirtland?

Ipaliwanag na natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 103 sa araw ring iyon na nakipagkita ang dalawang lider na ito sa kanya at sa mataas na kapulungan sa Kirtland.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 103:1–4. Sabihin sa klase na alamin ang dalawang dahilan kung bakit tinulutan ng Panginoon ang Kanyang mga kaaway na usigin ang mga Banal sa Missouri.

  • Ayon sa mga talata 3–4, ano ang dalawang dahilan kung bakit tinulutan ng Panginoon ang Kanyang mga kaaway na usigin ang mga Banal? (Ang isang dahilan ay ang tulutan ang mga nang-usig na “punuin ang sukatan ng kanilang mga kasamaan, upang ang kanilang saro ay mapuno”—sa madaling salita, upang mabigyang-katwiran ang Kanyang pagpaparusa sa masasama. Ang isa pang dahilan ay upang parusahan ang mga suwail na Banal.)

  • Ayon sa talata 4, bakit kailangang parusahan ang mga Banal? Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng pariralang “hindi sila nakinig nang lubos”? (Hindi sila lubos na masunurin sa Panginoon.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 103:5–7. Sabihin sa klase na alamin ang itinuro ng Panginoon na dapat gawin ng mga Banal upang manaig sa Kanyang mga kaaway. (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang manaig ay maging mas malakas kaysa sa kaaway o maging matagumpay.)

  • Kung sinunod ng mga Banal ang payo ng Panginoon “simula sa oras na [iyon],” anong pagpapala ang matatanggap nila? (Sila ay mananaig laban sa mga kaaway ng Panginoon “simula sa oras na [iyon].”)

  • Ano ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa paraan kung paano tayo mananaig laban sa mga impluwensya ng sanlibutan? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang maipahayag ang sumusunod na alituntunin: Kapag sinimulan nating sundin ang payo ng Panginoon, tatanggap tayo ng lakas na magsisimulang manaig laban sa sanlibutan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 103:8–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang babala ng Panginoon na mangyayari kung pipiliin natin na hindi sundin ang Kanyang mga salita.

  • Ano ang ilang resulta ng pagpiling hindi sundin ang lahat ng salita ng Panginoon? (Maaaring makatukoy ng iba-ibang alituntunin ang mga estudyante, kabilang ang sumusunod: Kung hindi natin susundin ang mga kautusan ng Panginoon, mananaig ang sanlibutan laban sa atin. Kung hindi natin susundin ang lahat ng salita ng Panginoon, mawawalan tayo ng kakayahan na maging liwanag sa iba.)

  • Sa inyong palagay, bakit hindi makapananaig laban sa mga kaaway ng Panginoon ang isang taong hindi masunurin o bahagya lamang ang pagsunod sa Panginoon?

  • Ano ang ilang halimbawa kung paano nagtatagumpay ang mga tao sa kaaway ng Panginoon sa pamamagitan ng pagsisikap na sundin ang mga salita ng Panginoon? (Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang mga tao na, sa pamamagitan ng pagsunod, ay nakatanggap ng lakas mula sa Panginoon na madaig ang adiksyon o maipamuhay ang ebanghelyo matapos mamuhay ayon sa paraan ng mundo.)

Maaari mong ipaliwanag na bagama’t hindi tayo perpektong masunurin sa lahat ng salita ng Panginoon, kung masigasig nating pagsisikapan na sundin Siya at taos-pusong magsisisi kapag nagkasala tayo, tutulungan tayo ng Panginoon na manaig sa Kanyang mga kaaway.

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang isang alituntunin na masisimulan nilang sundin “simula sa oras na ito” upang mas makinig sa payo ng Panginoon.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 103:11–20 na ipinapaliwanag na ipinangako ng Panginoon sa mga Banal na pagkatapos ng kanilang mga paghihirap, ang Sion ay matutubos sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan. Gayunman, kung kanilang durumihan ang kanilang mga mana, sila ay aalisin mula sa mga ito.

Doktrina at mga Tipan 103:21–40

Inihayag ng Panginoon kung paano tutubusin ang lupain ng Sion

Bago magklase, gumawa ng karatula na mababasa nang ganito NANGANGAILANGAN NG MGA BOLUNTARYO! Ilagay ito sa lugar na makikita ng mga estudyante. Bukod dito, ihanda ang sumusunod na anunsyo sa isang pirasong papel:

Nangangailangan ng mga boluntaryo! Ang mga Banal sa Jackson County, Missouri, ay sapilitang pinaalis sa kanilang mga lupain ng malulupit na mandurumog. Sumama sa pagbibigay ng tulong sa mga Banal na ito at pagtulong na maproteksyunan sila habang binabawi at pinangangalagaan nila ang kanilang mga lupain sa Sion. Aalis ng Kirtland, Ohio, sa Mayo 1, 1834.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 103:21–23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinagawa ng Panginoon sa mga lider ng Simbahan upang mabawi ang lupain ng Sion. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Sabihin sa isang estudyante na tumayo sa tabi ng karatula na may nakasaad na NANGANGAILANGAN NG MGA BOLUNTARYO! Ibigay sa estudyante ang anunsyo na inihanda mo bago magklase at ipabasa ito sa kanya nang malakas. Pagkatapos ay itanong sa klase ang mga sumusunod:

  • Sa inyong palagay, nanaisin ba ninyong pumunta sa Jackson County upang tulungan ang mga Banal? Bakit oo o bakit hindi?

Ipaliwanag na isang pangkat ng kalalakihan na pamumunuan ni Joseph Smith papunta sa Missouri ang makikilala bilang Kampo ng Sion. (Maaaring mong ipaliwanag na ang kampo ay isa pang salitang ginagamit para sa hukbo [tingnan sa Noah Webster, An American Dictionary of the English Language, facsimile ng unang edisyon (1828; repr., 1967), “Camp”].) Ang mga miyembro ng Kampo ng Sion ay may dalawang pangunahing layunin. Una, magdadala sila ng mga suplay sa mga Banal sa Missouri na magbibigay ng kaginhawahan at tulong para makabalik sila sa kanilang tahanan at makabili ng karagdagang lupain. Pangalawa, tulad ng pahintulot ni Gobernador Daniel Dunklin ng Missouri, matapos samahan ng militia ng estado ng Missouri ang mga Banal pabalik sa Jackson County, ang mga miyembro ng Kampo ng Sion ay maiiwan upang tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan doon.

  • Kung miyembro kayo ng Simbahan sa panahong iyon, ano ang aalalahanin ninyo sa pagboboluntaryo na sumama sa Kampo ng Sion?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 103:20.

  • Paano makakaapekto sa inyong pasiyang magboluntaryo ang pangako sa talatang ito?

Ipaliwanag na sa pagsama sa Kampo ng Sion kailangang iwanan nila ang kanilang pamilya at trabaho upang maglakbay ng mga 900 milya (1,450 kilometro) sa napakahirap at nakakapagod na mga kalagayan papunta sa lugar na puno ng poot at panganib. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 103:27–28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon sa mga sasama sa Kampo ng Sion. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng pariralang “ialay ang kanyang buhay para sa aking kapakanan”?

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang tawag ng Panginoon sa isang tao na handang mag-alay ng kanyang buhay para sa kapakanan ng Panginoon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod: Ang mga disipulo ni Jesucristo ay handang mag-alay ng kanilang buhay para sa Kanyang kapakanan.)

Ipaliwanag na para sa mga Banal sa Kampo ng Sion, talagang maaaring mawala sa kanila ang sarili nilang buhay. Bagama’t maaaring hindi tayo maharap sa ganitong panganib, ang katotohanang ito ay maiaangkop pa rin sa atin. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan. Sabihin sa klase na pakinggan ang isang paraan na maiaalay nating lahat ang ating buhay para sa kapakanan ng Panginoon.

Larawan
Pangulong James E. Faust

“Para sa karamihan sa atin, ang kailangan ay hindi ang mamatay para sa Simbahan kundi ang mabuhay para dito. Para sa marami, ang pamumuhay ng katulad ni Cristo sa araw-araw ay maaaring mas mahirap kaysa pagbubuwis ng buhay” (“Pagiging Disipulo,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 22).

  • Sa inyong palagay, bakit maaaring mas mahirap mabuhay para sa Panginoon kaysa mamatay para sa Kanya?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 103:30–34, at alamin kung gaano karaming boluntaryo ang nais ng Panginoon para sa Kampo ng Sion.

  • Gaano karaming boluntaryo ang nais ng Panginoon? (500.) Ano ang pinakamababang bilang na hinihingi ng Panginoon? (100.)

Ipaliwanag na sa katapusan ng pulong ng mataas na kapulungan o high council kung saan tinalakay ng mga lider ng Simbahan ang kalagayan ng mga Banal sa Missouri, sinabi ni Joseph Smith na maglalakbay siya patungo sa Sion at tutulong na mabawi ito. Mga 30 o 40 kalalakihang naroon ang nagboluntaryo. Pagkatapos ay inatasan ng Panginoon ang 8 kalalakihan na magtungo sa lahat ng kongregasyon ng Simbahan para magtipon ng mga boluntaryo para sa Kampo ng Sion at humingi ng mga kontribusyong suplay at pera para sa mga Banal sa Missouri (tingnan sa D at T 103:37–40). Mga 200 katao ang sumama sa Kampo ng Sion, kabilang ang ilang kababaihan at mga bata.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 103:35–36. Ipatukoy sa klase kung ano ang kailangang gawin ng mga Banal upang magtagumpay sa kanilang pagsisikap na mabawi ang Sion.

  • Batay sa ipinangako ng Panginoon sa mga talatang ito, anong alituntunin ang matututuhan natin tungkol sa kung paano natin matatamo ang lahat ng tagumpay at kaluwalhatian? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Lahat ng tagumpay at kaluwalhatian ay matatamo natin sa pamamagitan ng pagkamasigasig, katapatan, at pananalangin nang may pananampalataya.)

Magpatotoo na magtatagumpay tayo sa mga kaaway ng Panginoon kapag nagsikap tayo nang buong sigasig at katapatan sa pagsunod sa mga salita ng Panginoon. Hikayatin ang mga estudyante na ipamuhay ang isinulat nila sa kanilang notebook o scripture study journal “simula sa oras na ito.”

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at Tipan 103. Gobernador Daniel Dunklin ng Missouri

Habang tinitiis ng mga Banal ang pagmamalupit ng mga anti-Mormon sa Missouri noong 1833 at 1834, paulit-ulit na humingi ng tulong ang mga lider ng Simbahan mula sa mga pinuno ng estado at pamahalaang pederal, kabilang na kay Gobernador Daniel Dunklin ng Missouri. Kaunti ang naitulong ni Gobernador Dunklin sa pagtugon sa mga petisyon ng mga Banal. Noong Oktubre 1833 pinayuhan niya ang mga lider ng Simbahan na humingi ng bayad-pinsala at proteksyon sa pamamagitan ng mga hukuman sa Jackson County. Ipinangako niya na kung hindi maibibigay ang mga bagay na ito, gagamit siya ng iba pang mga paraan para maipatupad ang batas. Gayunman, hindi epektibo at hindi praktikal ang ipinayo ni Gobernador Dunklin dahil ang ilang opisyal sa hukuman sa Jackson County ay kabilang sa mga yaong nagpapaalis sa mga Mormon. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 134–35.)

Sa mga huling araw ng taglagas ng 1833, ang mga Banal ay sapilitang pinaalis mula sa Jackson County. Karamihan sa kanila ay nakahanap ng pansamantalang matitirhan sa kalapit na Clay County, habang ang iba ay nakahanap ng tirahan sa iba pang kalapit na bayan. Sa sumunod na tagsibol, nang mabuo ang Kampo ng Sion at magsimula itong magtungo sa Missouri, patuloy na nagpetisyon ang mga lider ng Simbahan kay Gobernador Dunklin para matiyak na magbibigay siya ng suporta sa mga Banal na mabawi ang kanilang mga tahanan at ari-arian at mamuhay nang payapa sa Jackson County. Kinilala ng gobernador na nagawan ng masama ang mga Banal, at natanto na kakailanganin ang hukbo ng estado para maibalik ang mga Mormon sa kanilang mga lupain at maprotektahan sila habang pinagpapasiyahan ng hukuman ang mga isyung legal na nakapaloob dito. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times, 135–37, 146.)

Gayunman, noong Hunyo 1834, nagbago ng pananaw si Gobernador Dunklin. Ipinahayag niya na ang pagpapadala ng militia ay maaaring magpasimula ng digmaan sa estado. Sa halip na magbigay ng suporta, pinayuhan niya ang mga Banal na upang maiwasan ang pagdanak ng dugo dapat nilang isuko ang kanilang mga karapatan, ipagbili ang kanilang mga lupain, at manirahan sa ibang lugar. Pinayuhan din niya sila na muling umapela sa hukuman. Hindi nagustuhan ng mga lider ng Simbahan ang mga mungkahing ito, at naglaho ang pag-asa nila na mapapahintulutan ang mga Banal na makabalik sa kanilang tahanan nang payapa. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times, 146–47.)

Doktrina at mga Tipan 103:1, 13. Ang pagtubos sa Sion

Sa huli, ang pagtubos sa Sion ay hindi lamang tungkol sa pagbawi ng lupain. Ang Sion ay kapwa pisikal na lokasyon at isang lipunan na binubuo ng isang partikular na uri ng tao. Bago mabawi ang lupain ng Sion at maitayo ang lunsod ng Sion, dapat mapabanal ang mga tao ng Panginoon.

Ipinaliwanag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder D. Todd Christofferson

“Ang Sion ay Sion dahil sa pagkatao, mga katangian, at katapatan ng mga mamamayan nito. Tandaan, ‘tinawag ng Panginoon ang kanyang mga tao na Sion, sapagkat sila ay may isang puso at isang isipan, at namuhay sa kabutihan; at walang maralita sa kanila’ (Moises 7:18). Kung itatatag natin ang Sion sa ating mga tahanan, branch, ward, at stake, ipamuhay natin ang pamantayang ito. Kailangan ay (1) may isang puso’t isang isipan; (2) maging banal na mga tao, nang mag-isa at magkakasama; at (3) pangalagaan ang nangangailangan sa paraang mapapalis natin ang karalitaan nating lahat. Huwag nating hintayin ang pagdating ng Sion para mangyari ang mga bagay na ito—darating lamang ang Sion kapag nangyari ito” (“Sa Sion ay Magsitungo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 38).

Doktrina at mga Tipan 103:15–18. “Ang pagtubos ng Sion ay talagang kinakailangang dumating sa pamamagitan ng kapangyarihan”

Ang layunin ng Kampo ng Sion ay hindi upang bawiin ang lupain ng mga Banal sa Jackson County sa pamamagitan ng militar, bagama’t naniniwala ang ilang miyembro ng kampo na gayon nga ang layunin nito. Ang kalalakihan ay handang lumaban kung manganganib ang kanilang buhay, ngunit hindi na kailangan pa ng Panginoon na umasa sa lakas ng tao upang matubos ang Sion.

Isinulat ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang tungkol sa kapangyarihang gagamitin upang matubos ang Sion:

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

“Ang pagtubos ng Sion ay kailangang gawin sa pamamagitan ng kapangyarihan. Hindi ng kapangyarihan ng mga hukbo at pagpapadanak ng dugo; kundi ng kapangyarihan ng Panginoon” (Church History and Modern Revelation [1953], 1:484).

Tinukoy ng Panginoon ang magagawa ng Kanyang kapangyarihan sa pagtubos ng Sion nang sabihin Niya na ang mga Banal ay “maaakay palabas mula sa pagkaalipin sa pamamagitan ng kapangyarihan, at nang may nakaunat na bisig” (D at T 103:17). Ang “nakaunat na bisig” ay mga salitang sumasagisag sa paggamit ng Diyos ng Kanyang kapangyarihan (sinasagisag ng Kanyang bisig) para sa kapakanan ng Kanyang mga tao. Ang mga Banal ay magtatagumpay sa pagtubos ng Sion sa pamamagitan lamang ng kapangyarihan ng Diyos, at matatamo nila ang kapangyarihang ito sa pagsunod sa lahat ng Kanyang salita.

Doktrina at mga Tipan 103:27. “Kung sinuman ang mag-aalay ng kanyang buhay para sa aking kapakanan ay matatagpuan itong muli”

Ipinaliwanag ni Elder Franklin D. Richards ng Pitumpu kung ano ang mangyayari kung iaalay natin ang ating buhay para sa Tagapagligtas:

Larawan
Elder Franklin D. Richards

“Malinaw na maraming malalaking pagpapala ang nakabatay sa pagsunod sa walang hanggang batas ng sakripisyo.

“Sinabi ng Tagapagligtas, ‘Huwag matakot ang sinuman na ialay ang kanyang buhay para sa aking kapakanan; sapagkat kung sinuman ang mag-aalay ng kanyang buhay para sa aking kapakanan ay matatagpuan itong muli.’ (D at T 103:27.)

“Sa gayon ang pinakadakilang sakripisyo ng buhay ng isang tao ay nagagantimpalaan sa pagkasumpong muli ng taong iyon sa kanyang buhay, ‘maging buhay na walang hanggan’ (D at T 98:13.)” (sa Conference Report, Abr. 1967, 75).