Seminary
Lesson 31: Doktrina at mga Tipan 24 at 26


Lesson 31

Doktrina at mga Tipan 24 at 26

Pambungad

Noong Hunyo at Hulyo ng 1830, si Joseph Smith at ang iba pang mga miyembro ng Simbahan ay dumanas ng matinding pag-uusig. Sa mahirap na panahong ito, pinalakas ng Panginoon sina Joseph Smith at Oliver Cowdery at tinagubilinan tungkol sa kanilang mga responsibilidad sa pamamagitan ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 24. Tinagubilinan din sila ng Panginoon sa gagawing pangkalahatang pagsang-ayon sa Simbahan, na makikita sa Doktrina at mga Tipan 26.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 24:1–12

Sina Joseph Smith at Oliver Cowdery ay nakatanggap ng payo ukol sa kanilang mga tungkulin

Bago magsimula ang klase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ano ang ginagawa ninyo kapag may pagsubok sa buhay?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na nahirapan o nabigo sila at paano nila hinarap ang mga pagsubok na iyon. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan. (Paalalahanan ang mga estudyante na may mga karanasan na napakasagrado o napakapersonal para ibahagi.)

Ipaliwanag na nakaranas si Joseph Smith ng maraming pagsubok sa buhay. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang heading ng bahagi 24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang mga sitwasyon nang matanggap ito at ang dalawang sumunod na pahayag.

Upang mailarawan ang pang-uusig na dinanas ni Joseph Smith at ng iba pa sa panahong ito, maaari mong ipabuod nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pinagmulang kasaysayan (maaaring kailanganin mong ibigay ang impormasyong ito bago magklase para may oras na maghanda ang estudyante):

Noong Hunyo 1830, si Joseph Smith at ang ilang kasamahan ay nagpunta sa Colesville, New York, para kausapin ang mga taong interesadong magpabinyag. Isang sapa ang ginawan ng dike para ihanda sa mga pagbibinyag kinabukasan (Linggo), ngunit nang gabing iyon winasak ng galit na mga mandurumog ang dike. Kinabukasan ng Lunes ng umaga, muling ginawa ang dike at 13 katao ang nabinyagan, kabilang si Emma Smith. Gayunpaman, nang matapos na ang pagbibinyag, isang grupo ng halos 50 katao ang nagtipon at kinutya at pinagbantaang sasaktan ang mga Banal. Nang gabing iyon, nagpulong ang mga Banal upang kumpirmahin ang mga nabinyagan nang araw na iyon, ngunit bago pa man magawa ang kumpirmasyon, dinakip si Joseph sa akusasyon na siya ay “mapaggawa ng gulo, at nagdudulot ng kaguluhan sa bayan dahil sa pangangaral ng Aklat ni Mormon.” (Tingnan sa History of the Church, 1:86–88.)

Nang papunta na sa korte para sa paglilitis, natakasan ni Joseph ang mga mandurumog sa tulong ng mga kasamang pulis na naawa sa kanya. Matapos mapawalang-sala sa mga paratang sa kanya, muli na namang dinakip si Joseph ng isang pulis mula sa ibang bayan. Nang gabing iyon, kinutya at pinagsalitaan ng masama si Joseph ng “ilang kalalakihan,” at kinaumagahan ay humarap na naman siya sa paglilitis. Napawalang-sala muli si Joseph at natakasan ang isa pang grupo ng mga mandurumog habang naglalakbay pauwi. (Tingnan sa History of the Church, 1:88–96.)

Sinikap muli nina Joseph Smith at Oliver Cowdery na makasama ang mga bagong binyag na miyembro sa Colesville, ngunit di-nagtagal nang makarating na sila, nagtipong muli ang mga mandurumog. Napilitang tumakas sina Joseph at Oliver, at muntik-muntikanang maabutan ng mga mandurumog na tumugis sa kanila sa buong magdamag (tingnan sa History of the Church,1:97). Sabi ni Joseph sa panahong ito ng pagsubok, “Sa kabila ng lahat ng galit ng ating mga kaaway, marami tayong dapat ipagsaya, at maraming nangyari na nagpalakas sa ating pananampalataya at nagpasaya sa ating mga puso” (sa History of the Church,1:101).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang huling pangungusap sa section heading ng Doktrina at mga Tipan 24. Imungkahi sa mga estudyante na markahan ang pangungusap na ito. Sabihin sa kanila na isipin kung paano rin makatutulong sa kanila ang payo ng Panginoon kina Joseph Smith at Oliver Cowdery kapag nakaranas sila ng mahirap na panahon.

Isulat sa pisara ang sumusunod:

Magpalakas at Manghikayat

Magturo

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 24:1–12 nang magkakapartner. Sabihin sa isang estudyante na basahin nang tahimik ang mga talata at alamin ang mga parirala na maaaring nagpalakas at naghikayat sa Propeta at kay Oliver Cowdery. Sabihin sa pangalawang estudyante na basahin din ang mga talata at alamin ang mga tagubilin ng Panginoon. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi sa mga kapartner nila ang natuklasan nila. Sabihin sa magkapartner na pumili ng isang parirala na makahulugan sa kanila at isama sa kanilang talakayan kung paano kaya nakatulong kina Joseph Smith at Oliver Cowdery ang partikular na panghihikayat o tagubiling iyon mula sa Panginoon.

Pagkatapos matalakay ng bawat magkapartner ang Doktrina at mga Tipan 24:1–12, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Habang nagbibigay ng kanilang mga ideya ang mga estudyante, isulat ang mga paghihikayat at tagubilin na nalaman nila sa ilalim ng angkop na heading sa pisara.

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 24:8 tungkol sa makatutulong sa atin sa mga paghihirap? (Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng paghihirap ay pasakit, ligalig, at pagdurusa, o ang sanhi ng mga ito. Maaaring iba-iba ang mga salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kung matiyaga tayo at matiisin sa ating paghihirap, makakasama natin ang Panginoon. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Upang maunawaan ng mga estudyante ang alituntuning ito, sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang maikling paliwanag kung ano ang kahulugan para sa kanila ng maging matiyaga at matiisin. Sabihin sa ilang estudyante na basahin nang malakas ang kanilang paliwanag. Idagdag sa mga ideya nila ang paliwanag na sa konteksto ng ebanghelyo, ang ibig sabihin ng tiisin ang paghihirap ay manatiling tapat sa Panginoon at matapang na kayanin ang mga pagsubok.

  • Bakit mahirap maging matiyaga sa oras ng mga paghihirap?

  • Kailan ka nakakita ng mga tao na nanatiling matiyaga at tapat sa gitna ng mga paghihirap?

  • Paano ipinakita ng Panginoon sa mga taong iyon na Siya ay kasama nila?

Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang katotohanang nauugnay sa alituntuning nakasulat sa pisara, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 24:10–12. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinangako ng Panginoon kay Oliver Cowdery kung patuloy siyang magiging matapat sa pagtupad niya ng tungkuling ipangaral ang ebanghelyo.

  • Ano ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon kay Oliver kung matapat niyang ipagpapatuloy ang paggawa sa iniutos ng Panginoon? (Tulungan ang mga estudyante na makita ang mga sumusunod na pangako: “Ako ay makakasama niya hanggang sa katapusan” [talata 10]. “Sa akin siya ay magkakaroon ng kaluwalhatian” [talata 11]. “Akin siyang bibigyan ng lakas na hindi pa batid ng mga tao” [talata 12].)

Isulat sa pisara ang sumusunod: Sanhi … , epekto …

Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang pahayag na nagpapahiwatig ng “sanhi at epekto” na naglalahad ng alituntuning itinuro sa Doktrina at mga Tipan 24:10–12. (Maaaring iba-ibang alituntunin ang matukoy ng mga estudyante, ngunit tiyaking nabigyang-diin ang sumusunod na alituntunin: Kung tapat nating gagawin ang ipinagagawa sa atin ng Panginoon, tayo ay Kanyang palalakasin. Punan ang mga patlang sa pisara para makumpleto ang alituntunin.)

  • Paano kayo pinalakas ng Panginoon dahil naging tapat kayo sa Kanya?

Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng isang bagay na magagawa nila upang maging matiyaga at manatiling matapat sa Panginoon kapag nahaharap sa mga problema sa buhay. Maaari mong ibahagi kung paano ka napalakas at kung paano mo nakasama ang Panginoon dahil sa iyong matiyagang katapatan sa mahihirap na panahon.

Doktrina at mga Tipan 24:13–19

Tinagubilinan ng Panginoon sina Joseph Smith at Oliver Cowdery tungkol sa kanilang gawain at sa mga kumakalaban sa kanila

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 24:13–19 na ipinapaliwanag na tinagubilinan ng Panginoon sina Joseph Smith at Oliver Cowdery tungkol sa mga himala na magagawa nila sa Kanyang pangalan. Sinabi rin Niya sa kanila ang proteksyong matatanggap nila kapag kinalaban sila ng mga tao. Maaari mong ipaliwanag na ang ilan sa mga ibinigay na mga tagubilin ng Panginoon noon ay iba sa mga tinatanggap ng mga missionary ngayon. Halimbawa, pinahintulutan Niya sila na “[magpagpag] ng alikabok ng [kanilang] mga paa” bilang isang patotoo laban sa mga hindi tatanggap sa kanila (D at T 24:15). Ito ay gagawin lamang sa kakaiba at matinding sitwasyon. Ang mga full-time missionary ay hindi pinahihintulutang gawin ito ngayon. Iniutos din kina Joseph Smith at Oliver Cowdery na “hindi dapat magdala ng supot ng salapi o supot ng pagkain” (D at T 24:18), ibig sabihin, naglakbay sila nang walang pera, umaasa lamang sa kabutihan ng mga miyembro ng Simbahan at iba na mabigyan sila ng pagkain at tirahan. Ngayon, hindi iniuutos sa mga full-time missionary na umalis na walang supot ng pera o supot ng pagkain [pera o travelling bag].

Doktrina at mga Tipan 26

Tinagubilinan ng Panginoon sina Joseph Smith, Oliver Cowdery, at John Whitmer

Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 26:1 ay naglalaman ng karagdagang tagubilin kina Joseph Smith, Oliver Cowdery, at John Whitmer tungkol sa espirituwal at pisikal na gawain na gagampanan nila. Muling binigyang-diin ng Panginoon ang isang mahalagang alituntunin sa pamamahala sa Simbahan. Upang maipaalam ang alituntuning ito, sabihin sa mga estudyante na kunwari ay isang kaibigan nila na iba ang relihiyon ang sumama sa kanila sa miting kung saan may mga pinuno ng Simbahan na sinasang-ayunan. Itanong sa kanila kung paano nila ipapaliwanag sa kaibigan nila ang ginagawang pagpapasang-ayon. (Maaari mong ipasadula sa dalawang estudyante ang sitwasyong ito.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 26:2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang parirala na nauugnay sa pagpapasang-ayon. Matapos mabasa ang bawat talata, itanong sa mga estudyante kung ano ang nalaman nila. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga salitang nagpapahayag ng sumusunod na alituntunin: Lahat ng ginagawa sa Simbahan ay nararapat na gawin sa pamamagitan ng pangkalahatang pagsang-ayon.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “pangkalahatang pagsang-ayon”? (Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang “pangkalahatang pagsang-ayon” ay tumutukoy sa paggamit ng mga miyembro ng Simbahan sa kanilang karapatang piliing suportahan o hindi suportahan ang isang mungkahi mula sa isang lider ng Simbahan. Sa mga sacrament meeting at stake at general conference, sinasabihan tayong magpakita ng pagsang-ayon sa pamamagitan ng pagtataas ng ating kanang kamay.)

  • Ano ang pagkakaiba ng pagsuporta sa pamamagitan ng pangkalahatang pagsang-ayon at pagsuporta sa pamamagitan ng pagboto?

Maaari mong ipaliwanag na sa kaharian ng Panginoon, kadalasang inihahayag ng Panginoon ang mga desisyon sa Kanyang mga hinirang na lider. Sa ilang pagkakataon, gayunman, tinutulutan Niya ang mga lider na gumawa ng desisyon sa pamamagitan ng awtoridad na ipinagkatiwala sa kanila. Pinagtitibay ng Espiritu Santo ang mga desisyong iyon, at ginagamit naman ng mga miyembro ng Simbahan ang kanilang karapatang pumili upang ipakita na handa silang suportahan ang mga desisyong iyon. Ang batas ng pangkalahatang pagsang-ayon ay ginagawa sa pagbibigay ng mga tungkulin sa Simbahan, mga ordenasyon sa priesthood, at mga paghahayag. Nakikibahagi tayo sa batas ng pangkalahatang pagsang-ayon sa tuwing itinataas natin ang ating kamay para suportahan ang isang tao o desisyon sa isang miting sa Simbahan.

Upang mas maipaunawa sa mga estudyante ang ibig sabihin kapag sinasang-ayunan natin ang iba, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Sabihin sa klase na pakinggan ang tatlong bagay na ipinapangako nating gawin kapag sinusuportahan natin ang iba sa pangkalahatang pagsang-ayon.

Larawan
Pangulong Gordon B. Hinckley

“Ang paraan ng pagsang-ayon ay higit pa sa nakagawiang pagtataas ng kamay. Ito ay isang tapat na pangakong sasang-ayunan, susuportahan, at tutulungan ang mga yaong napili” (“This Work Is Concerned with People,” Ensign, Mayo 1995, 51).

  • Ano ang ipinangangako nating gawin kapag itinataas natin ang ating mga kamay bilang suporta sa iba?

Itanong sa mga estudyante kung nasang-ayunan na ba sila para sa ordenasyon, advancement sa priesthood, o tungkulin.

  • Ano ang naramdaman ninyo noong sinang-ayunan kayo?

  • Paano natin masusuportahan ang iba sa tatlong paraan na inilarawan ni Pangulong Hinckley? (Isulat sa pisara ang sagot ng mga estudyante.)

Sabihin sa mga estudyante na isulat ang pangalan ng isang tao na sinang-ayunan nila sa pamamagitan ng pagtataas ng kanilang kamay (halimbawa, ang propeta, mga apostol, bishop, o mga lider ng kabataan). Ipasulat sa mga estudyante ang isang gagawin nila upang mas masuportahan ang taong ito. Magpatotoo tungkol sa mga pagpapalang dumarating kapag sinusuportahan natin ang mga lider ng Simbahan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 24:13. Mga himala

Ang mga himala na binanggit sa Doktrina at mga Tipan 24:13 ay mga tanda na ayon sa Tagapagligtas ay susunod o magaganap sa mga naniniwala (tingnan sa Marcos 16:17–18). Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball na “kapag naroon ang priesthood [ng Panginoon] at kapag may pananampalataya, magkakaroon ng mga palatandaan ng kapangyarihan, hindi para ipagyabang kundi para pagpalain ang mga tao” (“President Kimball Speaks Out on Administration to the Sick,” New Era, Okt. 1981, 45). Sa ating panahon, tumatanggap ang mga nagsisisampalataya ng mga pagpapagaling at himala tulad din ng mga nagsisampalataya noon. Gayunman, hindi natin naririnig ang lahat ng nagaganap na pagpapagaling at himala. Sagrado ang gayong mga karanasan. Kadalasan, ang mga tao na tumatanggap ng gayong mga himala ay naiinspirasyunang huwag itong ipaalam at sarilinin na lamang.

Doktrina at mga Tipan 24:15. Ano ang ibig sabihin ng “[magpagpag] ng alikabok ng inyong mga paa”?

Itinuro ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder James E. Talmage

“Ang pagpapagpag ng alabok sa mga paa bilang patotoo laban sa isang tao ay naunawaan ng mga Judio na sumasagisag sa pagwawakas ng pakikipagkapatiran at pag-alis ng lahat ng responsibilidad dahil sa mga ibubunga na maaaring kasunod nito. Ito ay naging ordenansa na pagpaparatang at patotoo ayon sa mga tagubilin ng Panginoon sa Kanyang mga apostol. … Sa kasalukuyang dispensasyon, iniutos din ng Panginoon sa Kanyang mga awtorisadong lingkod na magpatotoo laban sa mga taong kumakalaban nang hayagan at may masamang intensyon sa katotohanan na inihayag nang may awtoridad” (tingnan sa D at T 24:15; 60:15; 75:20; 84:92; 99:4). Ang responsibilidad na magpatotoo sa harapan ng Panginoon sa pamamagitan ng simbolong ito na pagpaparatang ay napakatindi kaya dapat gamitin lamang sa kakaiba at matinding kalagayan, ayon sa patnubay ng Espiritu ng Panginoon” (Jesus the Christ, Ika-3 ed. [1916], 345; tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 50).

Doktrina at mga Tipan 26:1. “Ipaaalam sa inyo kung ano ang inyong gagawin”

Sa isang paghahayag kina Joseph Smith, Oliver Cowdery, at John Whitmer, sinabi ng Panginoon na sa “susunod na pagpupulong … ipaaalam sa [kanila] kung ano ang [kanilang] gagawin” (D at T 26:1). Ang paghahayag na ito ay ibinigay noong Hulyo ng 1830. Sa isang kumperensyang ginanap noong Setyembre 1830, si Joseph Smith “ay hinirang ng tinig ng Kumperensya na tumanggap at sumulat ng mga Paghahayag at mga Kautusan para sa Simbahang ito” (sa Far West Record: Minutes of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 1830–1844, ed. Donald Q. Cannon and Lyndon W. Cook [1983], 3).

Doktrina at mga Tipan 26:2. Bakit nagbibigay ang isang tao ng boto ng di-pagsang-ayon?

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith ang mga sitwasyon na maaaring magbigay ang isang tao ng boto ng di-pagsang-ayon:

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

“Wala akong karapatang magtaas ng kamay para tutulan ang pagtatalaga sa isang tao sa anumang katungkulan sa Simbahang ito, dahil lamang sa hindi ko siya gusto, o dahil may personal kaming hindi pinagkasunduan o dahil sa saloobin ko, kundi ang dapat na maging batayan ay dahil sa ginawa niyang kasalanan o pagkakamali, o nilabag niya ang batas ng Simbahan na magiging hadlang para hindi siya maging karapat-dapat sa tungkulin kung saan siya tinawag” (Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 3:124; tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001], 52).