Seminary
Lesson 37: Doktrina at mga Tipan 30


Lesson 37

Doktrina at mga Tipan 30

Pambungad

Noong Setyembre 1830, pagkatapos ng isang kumperensya ng Simbahan sa Fayette, New York, tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag para kina David Whitmer, Peter Whitmer Jr., at John Whitmer. Ang mga paghahayag na ito ay orihinal na inilathala nang magkakahiwalay, ngunit pinagsama-sama ito ni Joseph Smith sa isang bahagi noong 1835 na edisyon ng Doktrina at mga Tipan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 30:1–4

Pinagsabihan ng Panginoon si David Whitmer sa hindi pagsunod sa Espiritu at sa mga hinirang na lingkod ng Panginoon

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang mga sumusunod na sitwasyon:

  1. Isang binatilyo ang nakikinig sa musika na hindi akma sa mga pamantayang nakasaad sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Kahit natutuwa siyang pakinggan ang musikang ito, napag-isip-isip niya na dahil sa mga mensahe nito ay nawawala sa kanya ang Espiritu at napapalayo siya sa kanyang pamilya, mga kaibigan, at sa Simbahan.

  2. Matapos na ilang beses makipagdeyt sa iisang binatilyo, nadama ng dalagita, sa pamamagitan ng pahiwatig ng Espiritu Santo, na unti-unti siyang hinihikayat ng binatilyo na labagin ang batas ng kalinisang-puri.

Ipaliwanag na binabalaan tayo ng Espiritu Santo kapag nanganganib ang ating espirituwalidad. Ngunit kung hindi natin susundin ang Kanyang mga babala, aalis sa atin ang Espiritu ng Panginoon. Ang Doktrina at mga Tipan 30 ay naglalaman ng mga doktrina at alituntunin na makatutulong sa atin na maging handa na matanggap at masunod ang mga babala mula sa Espiritu.

Ipaliwanag na ang unang bahagi ng Doktrina at mga Tipan 30 ay ang paghahayag na natanggap ni Propetang Joseph Smith para kay David Whitmer.

  • Ano ang alam ninyo tungkol kay David Whitmer? (Maaaring kasama sa sagot na siya at ang kanyang mga magulang ay naglaan ng isang lugar para sa pagsasalin ni Joseph Smith ng Aklat ni Mormon, na isa siya sa Tatlong Saksi ng Aklat ni Mormon, at isa siya sa anim na orihinal na miyembro ng Simbahan.)

Ipaliwanag na kahit naging tapat si David Whitmer sa maraming paraan, pinagsabihan pa rin siya ng Panginoon dahil pinabayaan niya ang kanyang mga responsibilidad sa Simbahan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 30:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga sinabi ng Panginoon.

  • Bakit pinagsabihan ng Panginoon si David Whitmer? (Maaari mong ilista sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante. Maaaring kasama sa sagot na natakot si David sa tao, hindi umasa sa Panginoon para sa lakas, itinuon ang kanyang isipan sa mga bagay ng mundo kaysa sa mga bagay ng Panginoon, hindi sinunod ang tagubilin ng Espiritu at ng mga lider ng Simbahan, at nahikayat ng mga taong hindi tinawag ng Panginoon.)

Sabihin sa mga estudyante na magmungkahi ng mga alituntuning matututuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 30:1–2. Maaaring imungkahi nila ang ilan o lahat ng mga sumusunod na alituntunin:

Sa halip na katakutan ang mga tao, dapat tayong umasa sa Panginoon para sa lakas.

Dapat nating ituon ang ating mga isipan sa mga bagay ng Diyos kaysa sa mga bagay ng mundo.

Dapat nating sundin ang Espiritu at ang payo ng mga lider ng Simbahan sa halip na maimpluwensiyahan ng mga taong hindi tinawag ng Panginoon.

Upang matulungan ng mga estudyante na maunawaan at madama ang kahalagahan ng mga alituntuning ito, itanong ang ilan o ang lahat ng mga sumusunod:

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng katakutan ang mga tao? (Maaaring kasama sa mga sagot na ang ibig sabihin nito ay tulutan ang mga turo ng ibang tao na ilayo tayo sa mga turo ng Diyos.)

  • Ano ang ilang bagay na magagawa natin para umasa ng lakas sa Panginoon? Kailan ninyo nadama na pinalakas kayo ng Panginoon?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng nakatuon ang ating mga isipan sa mga bagay ng mundo kaysa sa mga bagay ng Panginoon? Ano ang ilang posibleng masamang mangyari kapag ginagawa natin ito?

  • Paano kayo pinagpala sa pagsunod sa Espiritu at sa payo ng mga lider ng Simbahan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 30:3–4. Hikayatin ang klase na alamin ang payo ng Panginoon kay David Whitmer.

  • Matapos pagsabihan si David, ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ni David? (Pagnilayan ang mga bagay na natanggap niya at gawin ang kanyang mga tungkulin sa Simbahan.)

  • Paano makatutulong ang pagninilay sa mga bagay na natanggap natin mula sa Diyos upang manatili tayong tapat?

  • Paano tayo naiimpluwensyahan sa kabutihan kapag tapat nating ginagawa ang mga tungkuling ibinigay sa atin?

Hikayatin ang mga estudyante na rebyuhin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 30:1–4 at alamin ang payo na akmang-akma sa buhay nila. Sabihin din sa kanila na pag-isipan kung ano ang magagawa nila para masunod ang payong iyan. Sabihin sa kanila na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang kanilang mga naisip.

Doktrina at mga Tipan 30:5–8

Si Peter Whitmer Jr. ay tinawag na magmisyon kasama ni Oliver Cowdery sa mga Lamanita

Magdala sa klase ng mabigat na bagay o isang bag na puno ng mabibigat na bagay, tulad ng mga aklat o mga bato. Sabihin sa estudyante na hawakan nang nakatapat sa kanya ang bagay na ito. Habang hawak-hawak ng estudyante ang bagay na iyon, ipaliwanag na bukod sa paghahayag kay David Whitmer, ang Doktrina at mga Tipan 30 ay naglalaman din ng dalawang karagdagang paghahayag para sa mga kapatid ni David na sina Peter at John. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang kani-kanya ang Doktrina at mga Tipan 30:5 at alamin ang ipinagawa ng Panginoon kay Peter Whitmer Jr.

  • Ano ang ipinagawa ng Panginoon kay Peter Whitmer Jr.? (Ipahayag ang ebanghelyo.) Sino ang magiging lider ni Peter sa gawaing ito? (Oliver Cowdery.)

Sabihin sa pangalawang estudyante na tulungan ang estudyante na may hawak na mabigat na bagay. Sabihin sa unang estudyante na ilarawan ang naramdaman niyang pagkakaiba nang may tumulong sa kanya. Ipaliwanag na pinayuhan ng Panginoon si Peter kung paano niya susuportahan si Oliver Cowdery. Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Doktrina at mga Tipan 30:5–8, at alamin ang mga parirala na naglalarawan kung paano susuportahan ni Peter si Oliver. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga pariralang ito.

  • Anong mga parirala ang nakita ninyo? (Maaari mong sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang sagot ng mga kaklase niya.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin kay Peter ng “maghirap sa lahat ng … paghihirap [ni Oliver]”? (Kailangang suportahan ni Peter si Oliver, maging sa mahihirap na panahon.)

  • Ayon sa talata 6, ano ang nagagawa ng panalangin sa pagsuporta sa mga lider ng Simbahan?

Doktrina at mga Tipan 30:9–11

Si John Whitmer ay tinawag na mangaral ng ebanghelyo

Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 30:9–11 ay naglalaman ng pahayag para kay John Whitmer. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 30:9–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinagawa ng Panginoon kay John Whitmer. (Maaaring makatulong na ipaliwanag na ang asawa ni Philip Burroughs ay miyembro ng Simbahan. Ang pamiya Burroughs ay nakatira nang mga pitong milya pahilaga mula sa pamilya Whitmer, sa Seneca Falls, New York. Bagama’t si Philip Burroughs ay tinukoy bilang “kapatid” sa talata 10, walang rekord na nagsasabing sumapi siya sa Simbahan kahit kailan.)

Matapos maibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, sabihin sa kanila na basahin ang Doktrina at mga Tipan 30:11, at alamin ang alituntunin tungkol sa dapat na paraan ng paglilingkod natin sa Panginoon. Hikayatin silang sabihin kung ano ang natutuhan nila gamit ang pangungusap na nagpapahiwatig ng “sanhi at epekto.”

  • Anong alituntunin ang nakikita ninyo sa talata 11? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking maipapahayag nila ang sumusunod na alituntunin: Kung paglilingkuran natin ang Panginoon nang buong kaluluwa, makakasama natin Siya.)

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang naranasan nila kung kailan nadama nilang kasama nila ang Panginooon dahil pinaglingkuran nila Siya. (Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong patotoo sa alituntuning ito.) Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga oportunidad na mas lumapit sa Panginoon sa pamamagitan ng paglilingkod sa Kanya.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 30:5–7. Si Oliver Cowdery bilang tagapayo ni Joseph Smith

Itinuro ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

“Ipinaalam kay Peter [Whitmer Jr.] na walang ibang pinili na maging tagapayo ni Oliver, maliban kay Joseph Smith. Sa gayon naunawaan ni Peter na tungkulin niyang humingi, at hindi magbigay, ng payo habang nasa paglalakbay na ito. Ang katotohanan na kasama ni Oliver Cowdery si Joseph Smith sa paggawad ng Priesthood at awtoridad sa lahat ng okasyon ay nagpapakita lamang na may awtoridad siya na pumangalawa kay Joseph Smith sa Simbahan sa pamamahala sa Simbahan” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:146–47).