Seminary
Lesson 82: Doktrina at mga Tipan 77


Lesson 82

Doktrina at mga Tipan 77

Pambungad

Noong Pebrero at Marso 1832, ipinagpatuloy ni Joseph Smith ang kanyang inspiradong rebisyon ng Bagong Tipan. Nang simulan niya ang aklat ng Apocalipsis, pinag-isipan niya ang tungkol sa kahulugan ng ilan sa mga talata. Hiniling niya sa Panginoon na bigyang-kahulugan ang ilan sa mga simbolo at pangyayari na inilarawan ni Juan na Tagapaghayag. Bilang tugon sa mga katanungan ni Joseph Smith tungkol sa mga kabanata 1–11 ng aklat ng Apocalipsis, ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 77.

Paalala: Bagama’t ang lesson na ito ay tumatalakay sa nilalaman ng aklat ng Apocalipsis, hindi ito lesson tungkol sa aklat ng Apocalipsis. Iukol ang karamihan sa oras ng lesson sa pagtalakay sa mga doktrina at mga alituntunin na inilahad sa Doktrina at mga Tipan 77, hindi sa aklat ng Apocalipsis.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 77:1–15

Sinagot ng Panginoon ang mga katanungan ni Joseph Smith tungkol sa aklat ng Apocalipsis

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan ang natutuhan nila sa kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan sa nakalipas na ilang araw. Anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi ang kaalamang nalaman nila. Pagkatapos ay sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga naging katanungan nila habang personal silang nag-aaral o pagkatapos nilang mag-aral. Maaaring kabilang dito ang mga tanong tungkol sa kahulugan ng salita o parirala, mga pangyayari sa kasaysayan tungkol sa nabasa nila, o ang kahalagahan ng isang partikular na talata. (Ang layunin ng aktibidad na ito ay hindi para sagutin ang mga tanong ng mga estudyante tungkol sa mga banal na kasulatan kundi para bigyang-diin ang kahalagahan ng pagtatanong sa pag-aaral natin.) Pagkatapos magbahagi ng ilang estudyante, itanong ang sumusunod:

  • Ano ang nakatulong sa inyo para mahanap ninyo ang mga sagot sa inyong mga tanong at mas lalong maunawaan ang mga banal na kasulatan?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Doktrina at mga Tipan 77, ipabasa sa kanila ang pambungad nito at alamin ang ginagawa ni Propetang Joseph Smith nang matanggap niya ang paghahayag na ito. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, maaari mong ipaliwanag na ang pariralang “kaugnay sa pagsasalin ng mga Banal na Kasulatan” ay tumutukoy sa utos ng Panginoon na gumawa si Joseph Smith ng mga inspiradong rebisyon sa King James Version ng Biblia. Ang mga rebisyong ito ay kilala ngayon bilang Pagsasalin ni Joseph Smith. Ipaliwanag na habang isinasalin ni Joseph Smith ang aklat ng Apocalipsis, tinanong niya ang Panginoon tungkol sa kahulugan ng ilan sa mga talata. Ang mga itinanong niya at ang mga inihayag na sagot ng Panginoon ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 77. Hikayatin ang mga estudyante na hanapin sa Doktrina at mga Tipan 77 ang mga kaalaman na makatutulong sa kanila na mas mapalalim ang kanilang pang-unawa tungkol sa mga banal na kasulatan.

Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang Doktrina at mga Tipan 77, at sabihin sa kanila na ipaliwanag kung paano naiiba ang pormat ng bahaging ito sa iba pang mga bahagi ng Doktrina at mga Tipan. Dapat nilang mapansin ang mga salitang Tanong at Sagot na katabi ng bawat talata sa buong bahagi. Ipaliwanag na ang bawat Tanong ay mula kay Joseph Smith, at ang bawat Sagot ay mula sa Panginoon.

Itanong sa mga estudyante kung may sinuman sa kanila na nakabasa na ng ilang bahagi o ng buong aklat ng Apocalipsis.

  • Ano ang maaaring mahirap sa pagbabasa ng aklat ng Apocalipsis? (Kung hindi ito nabanggit ng mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang aklat ng Apocalipsis ay maaaring mahirap maunawaan dahil sa mga simbolismong nakapaloob dito.)

Para maipakita ang isang halimbawa ng simbolismo sa aklat ng Apocalipsis, sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Apocalipsis 4:2–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga simbolo sa mga talatang ito. Sabihin sa klase na banggitin ang mga simbolong ito, at sabihin sa isang estudyante na isulat ang mga ito sa pisara. (Maaaring kabilang sa mga sagot ang isang luklukan o trono na napaliligiran ng isang bahaghari, dalawampu’t apat na luklukan o upuan, mga putong o korona na ginto, pitong ilawang apoy, dagat na bubog na katulad ng salamin, at apat na nilalang o hayop.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang tanong ni Joseph Smith sa Doktrina at mga Tipan 77:1. Sabihin sa isang estudyante na bilugan sa pisara ang simbolo na hiniling ni Joseph Smith sa Panginoon na tulungan siyang maunawaan (dagat na bubog na katulad ng salamin o dagat na salamin). Pagkatapos ay ipabasa sa isa pang estudyante ang paliwanag ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 77:1.

  • Paano nakatulong ang sagot na ito na mas maunawaan natin ang Apocalipsis 4:6?

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na magkasamang basahin ang Doktrina at mga Tipan 77:2–5 at alamin ang iba pang itinanong ni Joseph Smith tungkol sa mga simbolo sa Apocalipsis 4 at ang mga sagot na ibinigay ng Panginoon sa mga tanong na iyon. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano nakatulong sa kanila ang mga sagot ng Panginoon sa mga tanong ni Joseph Smith para maunawaan ang ilan sa mga simbolismo sa Apocalipsis 4:2–8.

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung paano nila gagamitin ang natutuhan nila mula sa Doktrina at mga Tipan 77 upang mabuod ang inilarawan ni Juan sa Apocalipsis 4:2–8. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga buod. Pagkatapos ay itanong ang sumusunod:

  • Ano ang matututuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 77 tungkol sa responsibilidad ng propeta na tulungan tayong maunawaan ang kahulugan ng mga banal na kasulatan? (Iba-iba man ang gamiting mga salita ng mga estudyante, dapat matukoy nila ang sumusunod na doktrina: Inihahayag ng Panginoon ang tamang kahulugan ng mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na isulat ang doktrinang ito sa kanilang banal na kasulatan.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang doktrinang ito, itanong ang sumusunod:

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang malaman ang mga itinuturo ng mga propeta hinggil sa dapat nating pag-aralan sa mga banal na kasulatan?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang tanong na ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Bruce R. McConkie

“Mga propeta ang nagbigay ng mga banal na kasulatan, at mga propeta rin ang dapat magbigay ng kahulugan nito. Ang mga banal na kalalakihan noon ay tumanggap ng paghahayag mula sa Espiritu Santo, na kanilang itinala bilang banal na kasulatan; dapat nasa kalalakihan ngayon ang gayon ding Banal na Espiritu na maghahayag ng ibig sabihin ng mga banal na kasulatan—kung hindi ganito magkakaroon ng maraming kahulugan at magbubunga ng maraming iba’t iba at hindi nagkakasundong simbahan, na siyang nangyayari sa mundo ng relihiyon sa panahong ito” (sa Conference Report, Okt. 1964, 38).

  • Ayon kay Elder McConkie, bakit kailangan natin ang propeta na magpapaliwanag sa tamang kahulugan ng banal na kasulatan?

  • Saan natin makikita ang mga turo ng mga propeta tungkol sa kahulugan ng mga nababasa natin sa mga banal na kasulatan? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang makikita natin ang mga turong iyon sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya at sa mga magasin ng Simbahan at sa iba pang mga lathalain ng Simbahan.)

Sa pagsagot ng mga estudyante sa tanong na ito, ipaliwanag na ipinapakita sa Doktrina at mga Tipan 77 na ang mga salita ng mga propeta na nakatala sa mga banal na kasulatan ay makatutulong sa pagpapaliwanag ng iba pang mga banal na kasulatan. Sa maraming pagkakataon, ang mga salita ng isang propeta na nakatala sa isang scripture passage ay nagpapaliwanag o nagbibigay-kahulugan sa iba pang scripture passage. Ipaliwanag na ang mga footnote na nasa mga banal na kasulatan ay kadalasang nagbibigay ng mga reference sa mga tulong na scripture passage na ito.

Upang maipaliwanag ang bagay na ito, sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Apocalipsis 5:1 at alamin ang nakita ni Juan sa kamay ng taong nakaupo sa luklukan o trono. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 77:6 matapos nilang mailarawan ang nakita nila sa Apocalipsis 5:1.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 77:6–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga itinanong ni Joseph Smith tungkol sa Apocalipsis 5:1, pati na rin ang mga sagot ng Panginoon. (Makatutulong na ipaliwanag na ang 7,000 taon ay tumutukoy sa panahon mula sa Pagkahulog nina Adan at Eva. Hindi ito tumutukoy sa aktuwal na edad ng mundo kasama ang panahon ng paglikha.)

Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang mga tanong at mga sagot gamit ang kanilang sariling salita. Matapos makumpleto ang aktibidad na ito, ipaliwanag kung paano makatutulong sa atin ang paggamit ng mga footnote sa pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan para matuklasan ang sinabi ng mga propeta tungkol sa mga banal na kasulatan na binasa natin.

Ipaliwanag na bagama’t tanging mga propeta lamang ang may awtoridad na bigyang-kahulugan ang mga banal na kasulatan para sa sanlibutan, dapat magsaliksik ang bawat isa sa atin upang maunawaan at maipamuhay ito kapag personal nating pinag-aralan ang mga banal na kasulatan.

  • Paano natin maihahalintulad ang ginawa ni Joseph Smith sa pag-aaral at pagninilay niya ng aklat ng Apocalipsis sa ating personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ganito: Kung magtatanong tayo sa Panginoon, tutulungan Niya tayo na maunawaan ang mga banal na kasulatan.)

  • Bakit mahalagang saliksikin ang tamang kahulugan ng mga banal na kasulatan at pagkatapos ay sikaping maipamuhay ito?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na humingi sila ng tulong sa Panginoon na maunawaan ang mga banal na kasulatan at kung paano ipamumuhay ang mga turo sa mga banal na kasulatan sa sarili nilang kalagayan. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

Ipaliwanag na ang natitirang bahagi ng Doktrina at mga Tipan 77 ay naglalaman ng mas maraming tanong ni Joseph Smith tungkol sa aklat ng Apocalipsis at ng mga sagot ng Panginoon sa mga tanong na ito. Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 77:8–15 sa pagsasabi sa mga estudyante na ang paghahayag na ito ay nagbigay ng pagkakataon kay Joseph Smith na malaman ang ilan sa mga pangyayaring magaganap bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Sabihin sa mga estudyante na kapag pinag-aralan nila ang aklat ng Apocalipsis sa hinaharap, ang mga sagot ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 77 ay makatutulong sa kanila na maunawaan ang kahulugan ng mga simbolismo sa aklat.

Tapusin ang lesson na ito sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga doktrina at alituntuning tinalakay sa lesson na ito o sa pagbabahagi ng isang karanasan mo nang humingi ka ng tulong sa Panginoon para maunawaan ang mga banal na kasulatan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 77. Ang aklat ng Apocalipsis

Si Juan, na kilala rin bilang si Juan na Pinakamamahal at Juan na Tagapaghayag, ay tumanggap ng paghahayag habang nakabilanggo siya sa pulo ng Patmos dahil sa pagpapatotoo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo (tingnan sa Apocalipsis 1:9–10). Ang paghahayag na ito ay nakatala sa aklat ng Apocalipsis.

Ang sumusunod na deskripsyon mula sa Bible Dictionary ay tumutulong sa pagpapaliwanag ng aklat ng Apocalipsis:

“Ang salitang Apocalipsis, ay salitang Griyego na ang ibig sabihin ay inihayag o isiniwalat. Ang mensahe ng Apocalipsis ay katulad ng mensaheng nakasaad sa buong banal na kasulatan: mananaig sa huli ang Diyos sa daigdig na ito laban sa diyablo; isang walang katapusang tagumpay ng kabutihan laban sa kasamaan, ng mga Banal laban sa mga mang-uusig, ng kaharian ng Diyos laban sa mga kaharian ng tao at ni Satanas. Ito ang paksang isinulat nina Amos, Isaias, Jeremias, Ezekiel, Daniel, Pablo, Pedro, at lahat ng propeta. Nangusap sila tungkol sa araw ng tagumpay na darating, at ang katapusan ay magiging mas maganda (mas maluwalhati) kaysa sa simula. Ang tagumpay ay makakamtan sa pamamagitan ni Jesucristo.

“Iyan ang tema ng Apocalipsis. Ang mga detalye tungkol sa mga hayop, mga digmaan, mga anghel, mga kalalkihan, atbp., ay nagdagdag ng impormasyon sa temang ito. Sa kaunting pag-aaral, maaaring mahiwatigan ang tema kahit ang mga detalye ay hindi lubusang tinukoy. Marahil sa dahilang ito kaya sinabi ni Joseph Smith na ang aklat ng Apocalipsis ay ‘isa sa pinakamalilinaw na aklat na ipinasulat ng Diyos’ (History of the Church 5:342). Gayunman, kapag mas lubos nating naunawaan ang mga detalye, mas mapahahalagahan natin ang tema. Kung hindi natin naunawaan ang tema kahit kaunti, hindi tayo nakaunawa, gaano mang karaming detalye ang naunawaan natin” (Bible Dictionary, “Revelation of John”).

Doktrina at mga Tipan 77. Pag-aaral at pagtuturo mula sa aklat ng Apocalipsis

Inihayag ni Joseph Smith na ang aklat ng Apocalipsis ay “isa sa pinakamalilinaw na aklat na ipinasulat ng Diyos” (sa History of the Church, 5:342). Nang sabihin niya ito, nagsasalita siya sa isang pangkalahatang kumperensya ng Simbahan. Pinatungkol niya ang ilan sa kanyang mga sinabi kay Elder Pelatiah Brown, na inakusahang nangangaral ng maling doktrina tungkol sa aklat ng Apocalipsis. Sinabihan niya si Elder Brown at ang iba pang mga misyonero na huwag magturo ng tungkol sa mga simbolo at detalye na nasa aklat at sa halip ay ituro ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo. Ang payo ng Propeta ay mahalaga rin sa atin kapag pinag-aaralan at itinuturo natin ang mga banal na kasulatan:

Larawan
Propetang Joseph Smith

“Hindi gaanong kailangan ng mga elder na malaman ang kahulugan ng mga hayop, at ng mga ulo at sungay, at iba pang bagay na ginamit sa mga paghahayag [ni Juan ang Tagapaghayag]. …

“… Ipahayag ang mga pangunahing alituntunin, at hayaan ninyo ang mga hiwaga, at baka kayo malupig. Huwag mabahala kailanman sa mga pangitain tungkol sa mga hayop at mga paksa na hindi ninyo nauunawaan. Elder Brown, kapag nagpunta ka sa Palmyra, huwag mong banggitin ang tungkol sa apat na hayop, ngunit ang ipangaral mo ay tungkol sa mga bagay na sinabi sa iyo ng Panginoon—pagsisisi at binyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan” (sa History of the Church, 5:340, 344).