Seminary
Lesson 85: Doktrina at mga Tipan 82–83


Lesson 85

Doktrina at mga Tipan 82–83

Pambungad

Noong Abril 1832, si Propetang Joseph Smith at ang iba pa ay naglakbay patungo sa Independence, Missouri, sinunod ang utos ng Panginoon na magtatag ng organisasyon upang maitayo ang Sion at pangalagaan ang mga maralita (tingnan sa D at T 78, pati ang pambungad). Noong Abril 26, natanggap ng Propeta ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 82 sa pulong ng matataas na saserdote at mga elder ng Simbahan sa Independence. Sa paghahayag na ito, pinatawad ng panginoon ang mga kapatid sa kanilang mga kasalanan at binalaan sila na huwag nang gumawa pa ng kasalanan. Iniutos din ng Panginoon sa mga kapatid na ito na pangasiwaan ang mga temporal na gawain ng Sion. Makaraan ang apat na araw, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 83, kung saan pinagsabihan ng Panginoon ang mga lider ng Simbahan na pangalagaan ang mga balo at ulila.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 82:1–7

Binalaan ng Panginoon ang mga yaong nakatanggap nang marami mula sa Kanya

Bago magklase, maghanda ng ilang malalaking piraso ng papel at mga marker. (Mamaya sa lesson, gagamitin ng mga estudyante ang mga ito para gumawa ng mga listahan na maaaring idispley para makita ng buong klase.)

Simulan ang lesson sa pagsasabi sa mga estudyante na mag-isip ng isang pangyayari na nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan ng isang kaibigan o kapamilya na naayos kalaunan.

  • Ano ang inyong nadama nang maayos ninyo ang hindi ninyo pagkakaunawaan?

Ipaalam sa mga estudyante na ilang buwang nagkaroon ng hidwaan si Sidney Rigdon na nasa Ohio at si Bishop Edward Partridge na nasa Missouri. Noong Abril 1832, si Propetang Joseph Smith at ang iba pa ay naglakbay patungo sa Missouri bilang pagsunod sa utos ng Panginoon na “umupo sa kapulungan ng mga banal na nasa Sion” (D at T 78:9). Sa kanilang pagdating, idinaos ang kapulungan ng mga matataas na saserdote ng Simbahan. Sa pagitan ng sesyon sa umaga at sa hapon ng kumperensya, naayos nina Sidney Rigdon at Edward Partridge ang kanilang hidwaan. Ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 82 ay natanggap sa sesyon sa hapon.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 82:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon kina Sidney Rigdon at Edward Partridge.

  • Ayon sa talata 1, ano ang kaugnayan ng pagpapatawad sa iba at pagtanggap ng pagpapatawad ng Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 82:2 at sabihin sa klase na alamin ang babalang ibinigay ng Panginoon sa mga Banal.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na darating sa mga yaong hindi “[tumitigil] sa paggawa ng kasalanan”?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ilan sa mga kasalanan na maaaring tinutukoy ng Panginoon, ipaliwanag na noong lumipat ang mga miyembro ng Simbahan sa Missouri, marami sa kanila ang hindi sumunod sa payo ng mga lider ng Simbahan at tumanggi ang ilan na ipamuhay ang batas ng paglalaan. Dahil dito, ilan sa mga miyembrong ito ng Simbahan ay nagkasala ng pagkainggit, pang-iimbot, at pagpapabaya sa tungkulin.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 82:3–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dahilan kung bakit ang mga kahatulang binanggit sa talata 2 ay darating sa mga yaong patuloy na gumagawa ng kasalanan.

  • Sa paanong paraan naging marapat ang mga Banal na ito bilang mga tao na tumanggap ng “mas dakilang liwanag”?

  • Ano ang itinuro ng Panginoon sa mga talatang ito tungkol sa ating pananagutan sa yaong ibinigay Niya sa atin? (Maaaring iba-iba ang mga salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Marami ang hihingin ng Panginoon sa mga yaong binigyan Niya ng marami. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan).

  • Sa inyong palagay, bakit ang mga tumatanggap ng marami mula sa Panginoon ay marami rin ang hihingin sa kanila?

Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo. Bigyan ang bawat grupo ng isang malaking piraso ng papel at isang marker. Sabihin sa kanila na maglista hanggang sa makakaya nila ng maraming pagpapala na natanggap nila mula sa Panginoon sa loob ng dalawang minuto. Hikayatin sila na isama ang mga pagpapala na dumating sa kanila bilang mga miyembro ng Simbahan. Kapag natapos sila, idispley ang mga listahan sa harap ng silid at itanong ang mga sumusunod:

  • Sa inyong palagay, bakit kwalipikado tayo bilang mga tao na “binigyan ng marami”?

  • Dahil binigyan tayo ng marami ng Panginoon, ano ang ilang bagay na hinihingi Niya sa atin?

Upang matulungan ang mga estudyante na maipamuhay ang alituntunin mula sa talata 3, sabihin sa kanila na isulat sa kanilang notebook o scripture sudy journal ang isa sa mga pagpapala na natanggap nila mula sa Panginoon. Pagkatapos, sabihin sa kanila na isulat kung ano sa palagay nila ang inaasahan ng Panginoon sa kanila dahil natanggap nila ang pagpapalang iyon. Sa huli, sabihin sa kanila na magsulat ng isang mithiin kung ano ang masisimulan nilang gawin upang magawa ang inaasahang iyon.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 82:5–6 na ipinapaliwanag na nagbabala ang Panginoon sa mga Banal na ang nasasakupan at kapangyarihan ni Satanas sa buong mundo ay lalo pang nadaragdagan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 82:7 at sabihin sa klase na alamin ang karagdagang babala na ibinigay ng Panginoon tungkol sa kasalanan.

  • Ayon sa talata 7, bakit mahalaga para sa mga nagsisi na iwaksi ang kanilang kasalanan? (Kapag sinadya nating bumaling sa kasalanan mula sa kabutihan, “mababalik ang dating kasalanan” natin.)

  • Sa palagay ninyo, bakit mababalik ang dati nating kasalanan matapos humingi ng kapatawaran sa Panginoon? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na upang lubos na makapagsisi at mapatawad, dapat nating iwaksi ang ating mga kasalanan.)

Doktrina at mga Tipan 82:8–24

Iniutos ng Panginoon sa siyam na kalalakihan na magtatag ng isang samahan na mangangasiwa sa mga temporal na gawain ng Simbahan

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa mga magkakapartner na mag-isip ng dalawang sitwasyon na maaaring kailanganin ng kabataang lalaki o babae ang katiyakan na tinutupad ng Diyos ang Kanyang mga pangako. (Halimbawa, isang dalagita ang malapit sa kanyang lola na may malalang sakit. Maaaring kailanganin ng dalagitang ito ang katiyakan tungkol sa mga pangako ng walang hanggang pamilya at ng Pagkabuhay na Mag-uli.) Ipabahagi sa mga estudyante ang ilan sa kanilang mga sitwasyon sa klase.

Ipaliwanag na sa kapulungan ng matataas na saserdote sa Missouri, ang Panginoon ay nagbigay ng tiyak na pangako sa mga sumusunod sa Kanyang mga kautusan. Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang mga katotohanan na makapagbibigay ng katiyakan sa mga sitwasyong iyon na tinalakay nila sa patuloy nilang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 82.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 82:8–9 at alamin ang sinabi ng Panginoon na ibibigay Niya sa mga Banal sa kapulungang ito.

  • Ayon sa talata 8, ano ang sinabi ng Panginoon na ibibigay Niya sa mga nagtipon sa kapulungang ito?

  • Mula sa nabasa ninyo sa mga talata 8–9, ano ang mga dahilan Niya sa pagbibigay sa kanila ng bagong kautusang ito? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)

  • Paano naaangkop ang mga dahilang ito sa lahat ng kautusang ibinigay sa atin ng Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 82:10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang isang alituntunin na magbibigay sa atin ng kumpiyansa kapag nagsisikap tayong sundin ang mga kautusan ng Panginoon.

  • Anong alituntunin ang nalaman ninyo na makapagbibigay sa inyo ng kumpiyansa kapag nagsisikap kayong sundin ang Panginoon? (Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat makita sa mga sagot nila ang sumusunod na alituntunin: Kung susundin natin ang Panginoon, palagi Niyang tutuparin ang Kanyang mga pangako na pagpapalain tayo.)

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang mga karanasan nila na nagpatunay sa kanila na totoo ang alituntuning ito. Bigyan sila ng oras na maisulat ang isa sa mga karanasang ito sa kanilang notebook o scripture study journal. Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase. Maaari ka ring magbahagi ng isang karanasan mula sa iyong buhay na nagpapatunay sa alituntuning ito.

Ipaalala sa mga estudyante na sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 78 nalaman nila kung paano inutusan ng Panginoon ang mga lider sa Kirtland, Ohio, na magtatag ng isang samahan na mamamahala sa mga kamalig ng Simbahan at sa mga gawain sa paglalathala. Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 82:11, 15–17 na ipinapaalam sa mga estudyante na sa paghahayag na ito pinamahalaan mismo ng Panginoon ang pagtatatag ng samahan—kilala bilang Nagkakaisang Samahan—at itinalaga ang mga miyembro nito.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 82:12 at ipahanap ang layunin ng Nagkakaisang Samahan. Sa pagbabasa nila, makatutulong na ipaalala sa kanila na isa sa mga tungkulin ng bishop ay tumulong sa mga temporal na pangangailangan ng mga miyembro ng Simbahan.

  • Ayon sa talata 12, ano ang layunin ng Nagkakaisang Samahan?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 82:14, 18–19 at ipahanap ang mga salita at parirala na nagpapaliwanag pa kung bakit iniutos ng Panginoon ang pagtatatag ng Nagkakaisang Samahan.

  • Bakit mahalaga para sa mga Banal na magkaroon ng pananaw na binanggit sa talata 19?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 82:20–24 na ipinapaliwanag na tinapos ng Panginoon ang paghahayag na ito sa pagbibigay ng babala sa mga lider ng Simbahan na maging tapat sa tipan na gagawin nila bilang mga miyembro ng Nagkakaisang Samahan.

Doktrina at mga Tipan 83

Inihayag ng Panginoon kung paano pangalagaan ang mga balo at ulila

Ipaalam sa mga estudyante na apat na araw matapos matanggap ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 82, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag tungkol sa paraan kung paano tutugunan ang mahirap na hamong pangalagaan ang mga temporal na pangangailangan ng mga Banal. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 83:1 at alamin kung kaninong pangangailangan ang tinugon sa paghahayag na ito.

  • Kaninong pangangailangan ang tinugon sa paghahayag na ito?

Ipaalala sa mga estudyante na ipinamumuhay ng marami sa mga Banal ang batas ng paglalaan at nakatanggap ng “mana,” o ari-arian mula sa Simbahan. Sa paghahayag na ito, inihayag ng Panginoon kung ano ang mangyayari sa mana ng pamilya kung namatay ang asawang lalaki o ama.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 83:2–3 at alamin ang mga tagubilin ng Panginoon sa pangangalaga sa mga kababaihan na namatayan ng asawa.

  • Kung namatay ang lalaki at nanatiling tapat ang kanyang asawa, anong pagpapala ang matatanggap niya?

Ipaliwanag na noong ibigay ang paghahayag na ito, karamihan sa mga kababaihan ay umaasa sa temporal na suporta ng kanilang mga asawa. Ang ibig sabihin ng “magkakaroon ng pakikipagkapatiran sa simbahan” ay, dahil namatay na ang sumusuporta sa maybahay, tutulungan siya ng Simbahan sa pagtataguyod niya nang mag-isa sa kanyang pamilya. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 83:4–6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano maaaring tumulong ang Simbahan sa mga ulila at balo.

  • Ano ang itinuturo sa inyo ng mga talatang ito tungkol sa nadarama ng Panginoon sa mga balo, ulila, at sa lahat ng nangangailangan?

Hikayatin ang mga estudyante na maging mas madaling makahiwatig sa mga pangangailangan ng mga nakapaligid sa kanila at maghanap ng mga paraan na maipamumuhay nila ang payo ng Panginoon na hangarin o pagmalasakitan ang kapakanan ng kanilang kapwa (tingnan sa D at T 82:19). Sa gabay ng Espiritu, tapusin ang lesson sa pagpapatotoo mo sa mga katotohanang itinuro sa mga paghahayag na ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 82:7. “Sa yaong tao na nagkasala ay mababalik ang dating kasalanan”

Itinuro ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Richard G. Scott

“Ang pagtalikod sa kasalanan ay matibay at matatag na pasiyang hindi na uulitin ang kasalanan. Sa pagtupad sa pangakong ito, ang pait na dulot ng kasalanang iyon ay hindi na kailangang maranasan pang muli. Tandaan: ‘Subalit sa yaong tao na nagkasala ay mababalik ang dating kasalanan’ [D at T 82:7]. Ipinahayag ni Joseph Smith: ‘Ang pagsisisi ay isang bagay na hindi maaaring balewalain sa araw-araw. Ang araw-araw na paglabag at pagsisisi ay hindi … nakasisiya sa paningin ng Diyos’ [Teachings of the Prophet Joseph Smith, sel. Joseph Fielding Smith [1976], 148]” (“Finding Forgiveness,” Ensign, Mayo 1995, 76).

Doktrina at mga Tipan 82:11–12. Mga pinangangasiwaan at paggamit ng pseudonyms

Sa mga unang edisyon ng Doktrina at mga Tipan, ang pseudonyms, o hindi totoong pangalan ay ginamit para protektahan ang Simbahan at mga lider ng Simbahan mula sa mga kaaway. Ang gawaing ito ay ginamit sa mga pangalan ng mga miyembro ng Nagkakaisang Samahan sa Doktrina at mga Tipan 82:11. Kaya, sa ilang mga unang edisyon ng Doktrina at mga Tipan, ang pseudonyms, o hindi totoong pangalan ay maaaring ginamit sa teksto na nakapaloob ngayon sa talatang ito. Ang mga totoong pangalan ay naibalik sa mga huling edisyon.

Ang mga “pinangangasiwaan” o responsibilidad ng mga miyembro na binanggit sa talata 11 ay ang mga sumusunod: anim sa siyam ang naitalagang “mga katiwala sa mga paghahayag at kautusan” (D at T 70:3—si Propetang Joseph Smith, sina Martin Harris, Oliver Cowdery, John Whitmer, Sidney Rigdon, at William W. Phelps), dalawa ay mga bishop ng Simbahan (Edward Partridge at Newel K. Whitney), at isa ay tagapamahala sa kamalig sa Independence, Missouri (A. Sidney Gilbert).

Doktrina at mga Tipan 82:18. Ang “kamalig ng Panginoon”

Ang sumusunod na pahayag ay naglalarawan kung paano ginagamit ng Panginoon ang Kanyang mga kamalig o storehouse ngayon:

“Ang kamalig o strorehouse ng Panginoon ay … maaaring listahan ng mga makukuhang serbisyo, pera sa isang account, pagkain sa imbakan, o mga suplay. Ang kamalig ay naitatatag kapag ang matatapat na miyembro ay nagbibigay sa bishop ng kanilang panahon, mga talento, kasanayan, habag, materyal, at pera para sa pangangalaga sa mga maralita at sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa lupa.

“Kung gayon, may kamalig ang Panginoon sa bawat ward. Ang bishop ang namamahala sa storehouse o kamalig ng Panginoon. Sa patnubay ng inspirasyon ng Panginoon, ipinamamahagi niya ang mga handog ng mga Banal sa mga maralita at nangangailangan. Siya ay tinutulungan ng mga korum ng priesthood at Relief Society” (Providing in the Lord’s Way: A Leader’s Guide to Welfare [1990], 11; tingnan din sa LDS.org).

Doktrina at mga Tipan 82:22. Bakit iniutos sa Simbahan na makipagkaibigan sa “mammon ng kasamaan”?

Ang ibig sabihin ng salitang mammon ay kayamanan (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Mammon,” scriptures.lds.org). Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

“Ang utos ng Panginoon sa mga banal na ‘gawin ang [kanilang] sarili na mga kaibigan ng mammon ng kasamaan,’ ay tila isang pahayag na mahirap tanggapin kapag hindi naunawaan nang tama. Hindi layunin ng pakikipagkaibigan sa ‘mammon ng kasamaan,’ na makibahagi ang mga kapatid sa kanilang mga kasalanan; na tatanggapin sila sa kanilang puso, magpapakasal sa kanila o di kaya’y magiging masama rin na gaya nila. Gagawin nila ito upang makatiyak na makapamumuhay sila nang payapa kasama ng kanilang mga kaaway. Sila ay magiging mabait sa kanila, magiging magiliw sa kanila hangga’t naroon ang tama at mabubuting alituntunin, ngunit hindi makikisali sa kanila sa masasamang gawain o makikipag-inuman o makikipagsaya sa kanila. Kung mababawasan nila ang diskriminasyon at makapagpapakita ng kahandaang makipag-ugnayan at maging magiliw, makatutulong ito upang mapawi ang kanilang pagkapoot. Ang paghatol ay dapat ipaubaya sa Panginoon” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:323; tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, 2nd ed. [Church Educational System manual, 2001], 179.)