Seminary
Lesson 30: Doktrina at mga Tipan 22–23


Lesson 30

Doktrina at mga Tipan 22–23

Pambungad

Sa panahon ng Malawakang Apostasiya, ang mga ordenansa ng Simbahan ni Jesucristo ay binago, inalis, o isinagawa nang walang tamang awtoridad. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 22, pinagtibay ng Panginoon na ang ordenansa ng binyag ay kailangang isagawa ng mga taong may awtoridad na ipagkaloob sa mga tao ang pagpapalang maging miyembro ng Simbahan at makapasok sa kaharian ng Diyos. Nakatala sa Bahagi 23 ng Doktrina at mga Tipan ang paghahayag na natanggap ni Joseph Smith para sa limang kalalakihan na taimtim na hinangad na malaman ang kalooban ng Diyos para sa kanila: Oliver Cowdery, Hyrum Smith, Samuel Smith, Joseph Smith Sr., at Joseph Knight.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 22

Ang pagbibinyag ay dapat isagawa ng mga taong may wastong awtoridad ng priesthood

Anyayahan ang tatlong estudyante na sumali sa isang dula-dulaan. Sabihin sa isang estudyante na gumanap bilang isang investigator na naniniwalang totoo ang Simbahan. Nabinyagan ang investigator sa pamamagitan ng paglulubog sa ibang simbahan at hindi nauunawaan kung bakit kailangan ng isa pang binyag. Sabihin sa dalawa pang estudyante na gumanap bilang mga missionary na nagsisikap na sagutin ang tanong ng investigator. Sabihin sa klase na pag-isipan kung paano sila tutugon kung sila mismo ang nasa ganitong sitwasyon.

Pagkatapos ng dula-dulaan, ipaliwanag na ang pahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 22 ay bunsod ng gayunding sitwasyon. Marami sa mga gustong maging miyembro ng Simbahan ang nabinyagan sa kanilang dating relihiyon. Nagtataka sila kung bakit kailangan pa silang binyagang muli.

Tinanong ni Joseph Smith ang Panginoon tungkol dito. Bilang sagot, itinuro ng Panginoon ang isang mahalagang doktrina ng Panunumbalik ng ebanghelyo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 22:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang parirala na nauugnay sa Panunumbalik ng ebanghelyo.

  • Anong parirala sa talatang ito ang nauugnay sa Panunumbalik ng ebanghelyo? (“Isang bago at isang walang hanggang tipan.”)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pariralang ito, ipabasa nang malakas sa isa sa kanila ang sumusunod na pahayag.

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

Ang bago at walang hanggang tipan ay ang kabuuan ng ebanghelyo. [Tingnan sa D at T 66:2.] Ito ay binubuo ng ‘Lahat ng tipan, kasunduan, pagkakabigkis, pananagutan, sumpaan, panata, gawain, kaugnayan, samahan, o inaasahan’ na ibinuklod sa mga miyembro ng Simbahan ng Banal na Espiritu ng pangako, o ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng awtoridad ng Pangulo ng Simbahan na siyang may hawak ng mga susi. [Tingnan sa D at T 132:7.] Ang Pangulo ng Simbahan ang mayhawak ng mga susi ng Melchizedek Priesthood. Binibigyan niya ng awtoridad ang iba na isagawa ang mga sagradong ordenansa ng priesthood.

“Ang kasal na walang hanggan ay isang bago at walang hanggang tipan. Ang binyag ay isa ring bago at walang hanggang tipan [tingnan sa D at T 132:22], at gayundin ang ordenasyon sa priesthood, at bawat iba pang mga tipan ay walang hanggan at bahagi ng bago at walang hanggang tipan na sumasakop sa lahat ng bagay” (Answers to Gospel Questions, comp. Joseph Fielding Smith Jr., 5 tomo [1957–66], 1:65).

Sabihin sa mga estudyante na ibuod sa kanilang sariling mga salita ang kahulugan ng pariralang bago at walang hanggang tipan.

  • Paano nakatutulong sa mga nabinyagan nang walang awtoridad ng priesthood ang malaman ang tungkol sa bago at walang hanggang tipan?

  • Sa anong awtoridad pinangangasiwaan ang mga ordenansa sa bago at walang hanggang tipan? (Sa awtoridad ng Priesthood.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Ang binyag ay dapat na isagawa ng isang may awtoridad mula sa Diyos.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 22:2–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga parirala na naglalahad na hindi tinatanggap ng Panginoon ang mga pagbibinyag na ginawa nang walang awtoridad ng priesthood. Sa paghahayag na ito, tinukoy ng Panginoon ang ordenansa ng binyag bilang pagpasok sa “makipot na pintuan” (tingnan sa D at T 22:2). Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sa anong paraan itinuturing na “mga patay na gawa” ang mga pagbibinyag na walang awtoridad? (Wala itong ibinibigay na walang hanggang kapakinabangan sa mga nakikibahagi sa mga ito.)

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 22:3, ano ang ginawa ng Panginoon dahil sa mga patay na gawa na isinasagawa noong panahong iyon? (Itinulot Niya na muling itatag ang Kanyang tipan at ang Kanyang Simbahan.)

  • Paano kayo napagpala dahil kabilang kayo sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—ang tanging simbahan na may awtoridad na magsagawa ng mahahalagang ordenansa?

Doktrina at mga Tipan 23

Limang kalalakihan ang tinawag upang palakasin ang Simbahan

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang pangyayari kung saan nakatanggap sila ng mga nakapanghihikayat na salita o gabay mula sa ibang tao sa oras na kailangang-kailangan nila ito. Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 23 at tukuyin ang limang kalalakihan sa bahaging ito. Ipaliwanag na sa paghahayag na ito, tumanggap ang bawat isa sa kalalakihang ito ng partikular na tagubilin mula sa Panginoon. Hikayatin ang mga estudyante na maghanap ng mga aral na matututuhan nila habang pinag-aaralan nila ang mga sinabi ng Panginoon sa kalalakihang ito. Ang sumusunod na maikling talambuhay ay nagbibigay ng makatutulong na konteksto para sa Doktrina at mga Tipan 23.

Si Hyrum Smith, na nakatatandang kapatid ng Propeta, ay tumulong mismo sa manlilimbag para sa paglalathala ng Aklat ni Mormon. Naglingkod siya bilang pangulo ng unang branch ng Simbahan sa Colesville, New York. Si Hyrum ay naging tapat sa Panginoon at sa Simbahan sa buong buhay niya.

Si Samuel Smith, na nakababatang kapatid ng Propeta, ay nabinyagan noong Mayo 1829. Noong Hunyo 1830, umalis siya papuntang misyon at nagbenta ng Aklat ni Mormon na naging daan para maging miyembro ng Simbahan si Brigham Young at marami sa mga miyembro ng kanyang pamilya. Si Samuel ay naging tapat sa Panginoon at sa Simbahan sa buong buhay niya. Hindi pa handa si Samuel na mangaral nang ibigay ang paghahayag na ito, ngunit pagkaraan ng dalawang buwan ay nagsimula na siyang maglingkod bilang misyonero.

Si Joseph Smith Sr., na ama ng Propeta, ay sumapi sa Simbahan noong araw na itatag ito. Nang sumunod na tag-init, siya at ang kanyang anak na si Don Carlos ay nagmisyon sa mga kamag-anak sa New York. Siya ay naging high priest at unang patriarch ng Simbahan. Si Joseph Smith Jr. ay inilarawan ng kanyang ama bilang “isang taong tapat sa kanyang Diyos at sa Simbahan sa bawat sitwasyon at sa lahat ng kalagayang ipinaranas sa kanya” (History of the Church, 4:192).

Si Joseph Knight Sr. ay malapit na kaibigan ni Joseph Smith Jr. at nagpakita sa kanya ng labis na kabaitan. Binigyan niya ang Propeta ng mga suplay habang isinasalin nito ang Aklat ni Mormon. Ninais niyang magpabinyag kasama ang iba pa sa araw na itinatag ang Simbahan, ngunit ipinasiya niyang ipagpaliban ito dahil gusto niyang pag-aralan pang lalo ang Aklat ni Mormon. Kalaunan ay isinulat niya, “Mas maganda sana kung … itunuloy ko na agad” ang pagpapabinyag (sinipi mula sa Larry Porter, “The Joseph Knight Family,” Ensign, Okt. 1978, 40; ang pagbabaybay at paggamit ng malalaking titik ay iniayon sa pamantayan).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 23:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang babalang ibinigay ng Panginoon kay Oliver Cowdery.

  • Anong babala ang ibinigay ng Panginoon kay Oliver? Paano humahantong sa tukso ang kapalaluan?

  • Ano ang ilang paraan na maiiwasan natin ang kapalaluan na magdadala sa atin sa tukso?

  • Ayon sa talata 2, ano ang pagpapalang matatanggap ni Oliver? (Ang kakayahang “mangaral ng katotohanan.”)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 23:3–5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga pagkakatulad sa mga tagubiling ibinigay ng Panginoon kina Hyrum Smith, Samuel Smith, at Joseph Smith Sr.

  • Ano ang pagkakatulad sa mga tagubiling ibinigay ng Panginoon sa kalalakihang ito? (Bawat isa ay tinawag upang manghikayat at palakasin ang Simbahan. Maaari mong ipaliwanag na ang tawag na manghikayat ay tumutukoy sa responsibilidad na ituro ang ebanghelyo sa iba.)

Sabihin sa tatlong estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng maikling talambuhay nina Hyrum Smith, Samuel Smith, at Joseph Smith Sr. Bago basahin ang mga talambuhay, sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang mga paraan upang magampanan ng mga kakalakihang ito ang tawag na maghikayat at palakasin ang Simbahan. Matapos mabasa ang bawat talambuhay, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano ang mga pagkakatulad at pagkakaiba ng mga tagubilin kina Hyrum Smith at Samuel Smith?

  • Ano ang ilang paraan na mahihikayat at mapapalakas natin ang Simbahan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang maikling talambuhay ni Joseph Knight Sr. Pagkatapos ay ipabasa sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 23:6–7, na naglalaman ng ipinayo ng Panginoon kay Joseph Knight Sr. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinagawa sa kanya ng Panginoon.

  • Ano ang ipinagawa kay Joseph Knight? (Manalangin nang malakas nang lihim, nang kasama ang kanyang pamilya at mga kaibigan, at sa harapan ng sanlibutan; makiisa sa tunay na Simbahan; at hikayatin ang iba.)

  • Anong katibayan ang nakikita ninyo sa Doktrina at mga Tipan 23:7 na nais pagpalain ng Panginoon si Joseph Knight Sr.?

Ipaliwanag na di-nagtagal mula nang ibigay ng Panginoon ang paghahayag na ito, pinili ni Joseph Knight Sr. na mabinyagan. Siya ay nanatiling tapat sa simbahan sa buong buhay niya, ipinagtanggol si Propetang Joseph Smith nang lihim at nang hayagan. Inilarawan kalaunan ng Propeta si Joseph Knight Sr. bilang “tapat at totoo, at makatarungan at uliran, at banal at mabait, nananatiling tapat at sumasampalataya” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 542).

Sabihin sa mga estudyante na maglahad ng alituntuning natutuhan nila mula sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 23. Maaaring mabanggit ng mga estudyante ang mga alituntuning tulad ng sumusunod:

Kapag hinangad nating paglingkuran ang Panginoon, makatatanggap tayo ng personal na patnubay mula sa Kanya.

Pagpapalain tayo ng Panginoon kapag sinunod natin ang gabay na ibinigay Niya sa atin.

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang paggabay na tinanggap nila mula sa Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sa mga salita ng mga buhay na propeta, o sa mga banal na kasulatan. Bigyan sila ng ilang sandali na pagnilayan kung paano nila susundin ang payo na natanggap nila. Maaari mo ring sabihin sa kanila na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang anumang impresyong natanggap nila. Tiyakin sa kanila na sila ay tutulungan at papatnubayan ng Panginoon kapag ginawa nila ang ipinagagawa Niya.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 22:1. “Maging yaon na mula sa simula”

Sa Doktrina at mga Tipan 22:1, ang pariralang “maging yaon na mula pa sa simula” ay literal na totoo: Ang ebanghelyo ay itinuro kina Adan at Eva, at sila ay bininyagan (tingnan sa Moises 5:58–59; 6:52–68); Iniutos kay Enoc na binyagan ang mga tagasunod ng Panginoon (tingnan sa Moises 7:11); at itinuro ni Noe sa mga tao na sila ay dapat binyagan sa pangalan ni Jesucristo, maging gaya ng kanilang mga ama (tingnan sa Moises 8:24). Ang pagpapabinyag ay itinuro rin sa Aklat ni Mormon bago dumating si Cristo. Inilahad sa isang artikulo noong Setyembre 1974 sa Ensign na ang binyag ay ginagawa rin sa mga sinaunang Judio:

“Bagama’t hindi lubos na malinaw sa sekular na kasaysayan o mga banal na kasulatan na talagang binibinyagan ng mga Judio ang isa’t isa [noong panahon ni Jesucristo], karaniwan na sa kanila na binyagan ang mga gentil sa Judaismo. …

“Kapansin-pansin na nang dumating si Juan sa mga tao, hindi nila itinanong sa kanya, ‘Anong bagong bagay ito na ginagawa mo?’ sa halip ang itinanong nila ay, ‘Sino ka?’ Hindi nila pinagtakhan ang ordenansa” (Robert J. Matthews, “I Have a Question,” Ensign, Set. 1974, 16.)

Doktrina at mga Tipan 22:2. “Hindi kayo makapapasok sa makipot na pintuan sa pamamagitan ng mga batas ni Moises”

Ang batas ni Moises, na binubuo ng sistema ng mga makalupang kautusan, seremonya, ritwal, at simbolo, ay ibinigay upang tulungan ang mga Israelita na maalaala ang Diyos at umasa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Isinakatuparan ng Tagapagligtas ang batas na ito sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala (tingnan sa Alma 34:13–14). Noong Kanyang mortal na ministeryo, itinuro ni Jesucristo at ng Kanyang mga Apostol sa mga Judio na ang kaligtasan ay hindi darating sa pamamagitan lamang ng pagsunod sa batas, kundi sa pamamagitan ng nakapagliligtas na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Tulad ng nakatala sa Doktrina at mga Tipan 22:2, inihambing ng Panginoon ang isang taong nabinyagan nang hindi awtorisado sa mga taong umasa sa mga batas ni Moises nang walang pananampalataya kay Jesucristo. Binibigyang-diin ng paghahambing na ito ang pangangailangang kalimutan na ang “patay” na mga gawain ng relihiyon na hindi magliligtas sa atin at tanggapin ang bago at walang hanggang tipan ng ebanghelyo, na tulad ng kinailangang gawin ng mga sinaunang Hudyo na naging Kristiyano.

Doktrina at mga Tipan 22:1–4. Ang kahalagahan ng panunumbalik ng awtoridad ng priesthood

Ipinaliwanag ni Elder James E. Talmage ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder James E. Talmage

“Nang itinatag ng Panginoon ang kanyang Simbahan sa mga Nephita sa kontinenteng ito, sinabi niya sa mga hinirang at inordenan, na binigyan ng awtoridad, kung paano pangasiwaan ang ordenansa ng binyag. Ito ang sasabihin nila: ‘Sa kapangyarihang ipinagkaloob sa akin ni Jesucristo, binibinyagan kita sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo.’ Hindi iyan nagbibigay sa atin sa panahong ito ng ganyang awtoridad. Ang mga salitang sinabi ni Cristo sa kanyang mga apostol noong sinauna ay hindi nagbibigay ng awtoridad sa mga apostol ngayon, ni sa sinumang elder ng Simbahan. Inuulit ko, ang mga salitang sinabi ng Panginoon sa kanyang mga disipulo na pinili mula sa mga Nephita ay hindi nagbibigay ng awtoridad sa atin; subalit sa panahong ito siya ay nangusap na muli, at ibinigay ang gayon ding kapangyarihan at awtoridad na magsalita sa kanyang pangalan, at pangasiwaan ang mga ordenansa ng ebanghelyo, alinsunod sa huwarang ipinakita niya; at dahil dito, ang mga elder at priest na dinadala ang mga nagnanais magpabinyag ngayon, na nagpahayag ng kanilang pananampalataya, at nagsisi ng kanilang mga kasalanan, upang binyagan, ay ipinapahayag na sila ay binigyan ng awtoridad; at dahil inatasan ni Jesucristo, ay nagbibinyag sila sa pangalan ng Ama at ng Anak at ng Espiritu Santo” (sa Conference Report, Abr. 1924, 68; tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001] , 46).

Hindi maunawaan ng ilang unang nabinyagan sa Simbahan na hindi tatanggapin ng Panginoon ang binyag maliban na lang kung ginawa ito ng isang taong may awtoridad ng priesthood. Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

“Hindi nagtagal mula nang maitatag ang Simbahan, marami ang naniwala. Ilan sa mga ito ay dating kabilang sa mga simbahan na naniniwala sa binyag sa pamamagitan ng paglulubog. Sa katunayan, tinanggap na dati pa ng marami sa mga unang nabinyagan ang pamamaraang ito ng binyag, naniniwalang ito ay tama. Gayunman, hindi pa rin naititimo sa mga isipan nila ang tungkol sa banal na awtoridad. Nang ninais nilang sumapi sa Simbahan, matapos makatanggap ng patotoo na si Joseph Smith [ay totoong propeta], nagtaka sila kung bakit kailangan silang mabinyagang muli gayong nasunod na nila ang ordenansa ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog” (Church History and Modern Revelation [1953], 1:109).

Doktrina at mga Tipan 22:4. “Pumasok kayo sa pintuan”

Ang binyag ang pasukan, o kailangan, para makapasok sa kahariang selestiyal ang sinumang umabot na sa edad ng pananagutan (tingnan sa 2 Nephi 31:15–21). Ang ordenansa ng binyag, bagama’t lubos na mahalaga, ay nagiging makabuluhan lamang kapag sinamahan ng kaukulang pagbabago ng puso na humahantong sa pagbabagong-buhay.

Inilarawan ni Elder John A. Widtsoe ng Korum ng Labindalawang Apostol ang gayong uri ng pagbabago:

Larawan
Elder John A. Widtsoe

“Naaalala ko ang lalaking nagbinyag sa akin sa Simbahan, isang napakaordinaryong tao … nakakaubos ng dalawa o tatlong beer kada araw, susundan ng isang basong whiskey maya-maya, … halos maghapong naninigarilyo, maliban lang sa tatlong beses na pagkain sa maghapon, at nasisiyahang gumawa ng ilang makamundong bagay. Narinig niya ang ebanghelyo at tinanggap ito. Mabuti ito. Ito ang isang bagay na matagal na niyang inaasam. Lumakas ang espirituwalidad ng taong iyon sa Simbahan. Natatandaan ko na lima o anim na beses siyang nagmisyon at naging pangulo ng isa sa misyong ng Simbahan. Siya pa rin ang taong iyon, iyon pa rin ang kanyang mga bisig, mga paa, katawan, isipan, ngunit nagbago siya dahil sa Espiritung kaakibat ng pagtanggap ng walang hanggang katotohanan” (sa Conference Report, Abr. 1952, 34; tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2001] , 46–47).