Seminary
Lesson 3: Ang Malawakang Apostasiya


Lesson 3

Ang Malawakang Apostasiya

Pambungad

Itinatag ni Jesucrito ang Kanyang Simbahan noong nagministeryo Siya sa mundo. “Ang mga Apostol, matapos ang Pag-akyat ni Cristo sa langit, ay patuloy na ginamit ang mga susing iniwan Niya sa kanila. Ngunit dahil sa pagsuway at kawalan ng pananampalataya ng mga miyembro, namatay ang mga Apostol nang hindi naipapasa ang mga susi sa mga humalili. Ang tawag natin sa nakalulunos na pangyayaring iyan ay ‘ang Apostasiya’” (Henry B. Eyring, “Ang Totoo at Buhay na Simbahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 21). Dahil sa laganap na apostasiyang ito, binawi ng Panginoon ang awtoridad ng priesthood sa mga tao. Ang pag-unawa sa Malawakang Apostasiya ay nakatutulong sa atin na mas maunawaan na kailangan ang Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Paalala: Dahil iminumungkahi sa lesson na ito ang paggamit ng isang bagay at ng maraming larawan bilang tulong sa pagtuturo, maaari mong tipunin ang ilan sa mga ito nang mas maaga. Kasama sa mga ito ang ilang piyesa o bahagi ng makina o kagamitan at ang mga sumusunod na larawan: Inoordenan ni Cristo ang mga Alagad (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 38; tingnan din sa LDS.org), Binatang Binibinyagan (blg. 103), Ang Kaloob na Espiritu Santo (blg. 105), Pagbabasbas ng Sacrament (blg. 107), at Magkasintahang Ikakasal na Papunta sa Templo (blg. 120).

Larawan
Inoordenan ni Cristo ang mga Alagad [Apostol]
Larawan
Binatang Binibinyagan
Larawan
Ang Kaloob na Espiritu Santo
Larawan
Pagbabasbas ng Sacrament
Larawan
Magkasintahang Ikakasal na Papunta sa Templo

Itinatag ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan noong Siya ay narito sa mundo

Magdala sa klase ng mga piyesa na kailangan para umandar ang makina o kagamitan (tulad ng kable para sa kasangkapan o computer, kadena o gulong ng bisikleta, o spark plug ng kotse). Ipakita sa mga estudyante ang bahagi o piyesa at itanong sa kanila kung para saan ito. (Kung wala kang makuhang piyesa, magdrowing na lang nito sa pisara.)

  • Ano ang mangyayari kapag nawala ang bahaging ito sa kagamitang pinagkakabitan nito?

  • Paano maikukumpara ang halimbawang ito sa Simbahan ni Jesucristo? (Ang Simbahan ni Jesucristo ay may mahahalagang bahagi; kung wala ang mga bahaging ito hindi ito makakakilos o hindi maitatatag.)

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung aling mga bahagi ng Simbahan ang kailangan sa gawain nito na makapagbigay ng kaligtasan sa mundo. Isulat sa pisara ang heading na Mahahalagang Bahagi ng Simbahan ni Jesucristo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Mga Taga Efeso 2:19–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung saang saligan itinayo ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan noong Kanyang mortal na ministeryo. (Maaari mong bigyan ang mga estudyante ng mga numero ng pahina para matulungan sila sa paghanap ng mga banal na kasulatan sa Bagong Tipan na babasahin nila sa lesson na ito.) Sa pagbahagi nila ng kanilang nalaman, isulat ang sumusunod na katotohanan sa ilalim ng heading sa pisara: Ang mga Apostol at mga propeta ang kinasasaligan ng Simbahan ni Jesucristo. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang parirala sa Mga Taga Efeso 2:20 na nagtuturo ng katotohanang ito.

  • Sa palagay ninyo bakit itinuturing na “kinasasaligan” ng Simbahan ang mga apostol at mga propeta?

Para matulungan ang mga estudyante na matukoy ang isa pang mahalagang bahagi ng Simbahan ni Jesucristo, idispley ang larawan na Inoordenan ni Cristo ang mga Alagad (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 38). Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang pangyayari sa larawan. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Marcos 3:13–14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang isa pang bahagi ng Simbahan na mahalaga at kailangan para sa kaligtasan ng mga anak ng Diyos. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang kanilang nalaman, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang awtoridad ng Priesthood ay kailangan para matanggap ang mga ordenansa at mga tipan ng kaligtasan.

Ipaliwanag na bago umalis ang Tagapagligtas sa mundo, binigyan Niya ang Kanyang mga Apostol ng awtoridad na pamahalaan ang Simbahan at kumilos sa ngalan ng Diyos para sa kaligtasan ng Kanyang mga anak.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na tukuyin ang isa pang mahalagang bahagi ng totoong Simbahan:

Larawan
Elder D. Todd Christofferson

“Ang mga katotohanan at doktrinang natanggap natin ay dumating at patuloy na darating sa pamamagitan ng banal na paghahayag. Sa ilang kaugalian sa relihiyon … ang mga bagay ukol sa doktrina ay maaaring maging tagisan ng kanilang mga opinyon. … Ngunit sa Simbahan ngayon, tulad noon, ang pagbuo ng doktrina ni Cristo o pagwawasto ng mga paglihis sa doktrina ay inihahayag ng langit sa mga taong pinagkalooban ng Panginoon ng karapatan bilang apostol” (“Ang Doktrina ni Cristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 86).

  • Ayon kay Elder Christofferson, ano ang isang mahalagang tungkulin ng mga propeta at mga apostol? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang mga apostol at mga propeta ay nagtatatag ng tamang doktrina sa pamamagitan ng banal na paghahayag. Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na ang doktrina ay tumutukoy sa mahahalaga at walang hanggang katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Idagdag ang katotohanang ito sa listahan sa pisara.)

Ipakita sa mga estudyante ang listahan ng mga Pangunahing Doktrina na matatagpuan sa apendiks ng manwal na ito o sa scripture study journal ng mga estudyante. Ipaliwanag na ang mga estudyante sa seminary ay hinihikayat na magkaroon ng mas malalim na pagkaunawa sa mga Pangunahing Doktrina sa buong panahon ng pag-aaral nila sa seminary. Ang paggawa nito ay makatutulong sa kanila na mapalakas ang kanilang patotoo at maihanda sila sa pagtuturo ng ebanghelyo sa iba. Sabihin sa mga estudyante na pansining mabuti ang mga doktrinang ito sa kanilang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan sa taong ito.

Sabihin sa mga estudyante na pumili ng isa sa mga Pangunahing Doktrina na makabuluhan sa kanila, at tawagin ang ilan sa kanila na magpaliwanag nang maikli kung bakit nila pinili ito.

  • Bakit mahalaga na ang tunay na doktrina ay itinuturo at nauunawaan nang tama sa Simbahan ng Panginoon? (Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong ibahagi ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang tunay na doktrina, kapag naunawaan, ay nagpapabago ng asal at pag-uugali” [“Little Children,” Ensign, Nob. 1986, 17].)

Para matulungan ang mga estudyante na maisip ang isa pang mahalagang bahagi ng Simbahan ng Panginoon, ipakita ang mga larawang Binatang Binibinyagan (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 103), Ang Kaloob na Espiritu Santo (blg. 105), Pagbabasbas ng Sacrament (blg. 107), at Magkasintahang Ikakasal na Papunta sa Templo (blg. 120). Itanong sa mga estudyante kung ano ang pagkakatulad ng binyag, kumpirmasyon, sakramento, at pagbubuklod. (Lahat ng mga ito ay ordenansa.)

  • Ano ang ordenansa? (Isang sagrado at pormal na gawaing isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood.)

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalagang bahagi ng Simbahan ni Jesucristo ang mga ordenansa? (Upang matulungan ang mga estudyante na masagot ang tanong na ito, maaari mong ipabasa sa kanila ang Juan 3:5 at pagkatapos ay itanong sa kanila kung ano ang mangyayari kapag hindi sila nabinyagan. Bigyang-diin na lahat ng nakapagliligtas na ordenansa ng priesthood ay may mga kaakibat na tipan, na mga sagradong pakikipagkasunduan sa Diyos.)

Magpatotoo na sa Simbahan ni Jesucristo ay makatatanggap tayo ng mga ordenansa na kailangan para sa ating kaligtasan. Idagdag ang katotohanang ito sa listahan sa pisara.

Ipaliwanag na pagkatapos mamatay ni Jesucristo, Siya ay nabuhay na muli, at umakyat sa langit. Hindi na Siya pisikal na nasa mundo para pamunuan ang Simbahan. Kahit hindi Siya pisikal na nasa mundo, pinamumunuan at ginagabayan ni Jesucristo ang Kanyang mga Apostol sa pamamagitan ng paghahayag. Sa ilalim ng pamumuno ng Kanyang mga Apostol, ang sinaunang Simbahan ay mabilis na lumaganap at libu-libo ang nabinyagan. Ang mga kongregasyon ng mga Banal ay nabuo sa halos buong Imperyo ng Roma. Ang mga elder, bishop, deacon, priest, teacher, at evangelist (patriarch) ay tinawag at binigyan ng awtoridad ng priesthood sa pamamagitan ng mga Apostol.

Ang Malawakang Apostasiya ay naganap sa loob ng maraming siglo kasunod ng mortal na ministeryo ng Panginoon

Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Nangyayari ang apostasiya kapag tumatalikod ang mga tao sa tunay na doktrina ng ebanghelyo at hindi tinatanggap ang mga awtorisadong lingkod ng Panginoon.

Ipaliwanag na naganap ang pangkalahatang apostasiya sa iba’t ibang panahon sa buong kasaysayan ng mundo. Isang halimbawa ang Malawakang Apostasiya, na naganap matapos itatag ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan (tingnan sa II Mga Taga Tesalonica 2:1–3). Pagkamatay ng mga Apostol ng Tagapagligtas, iniba ang mga alituntunin ng ebanghelyo at binago ang organisasyon ng Simbahan at mga ordenansa ng priesthood nang walang pahintulot. (Tingnan sa Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 4–5.)

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na scripture reference: Mga Gawa 12:1–3; II Kay Timoteo 4:3–4; II Ni Pedro 2:1–2.

Ipaliwanag na sa kabila ng mga pagsisikap ng mga Apostol, nakaranas ng mga pagbabanta ang sinaunang Simbahan. Hatiin ang klase sa tatlong grupo. Sabihin sa bawat grupo na pag-aralan ang isa sa mga scripture passage sa pisara at alamin ang ilang bagay na nagbabanta sa Simbahan. (Para sa mga nagbabasa ng Mga Gawa 12:1–3, maaari mong linawin na sina Santiago at Pedro ay mga Apostol.) Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa isang estudyante mula sa bawat grupo na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sa palagay ninyo, bakit mapanganib ang mga pagbabantang ito sa Simbahan?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol, na nagsalita tungkol sa malaking kawalan na naranasan ng Simbahan sa Bagong Tipan nang panahong iyon:

Larawan
Pangulong Boyd K. Packer

“Si Santiago ay napatay sa Jerusalem [ni Herodes]. Sina Pedro at Pablo ay namatay sa Roma. Ayon sa kuwento si Felipe ay nagtungo sa Silangan. Maliban dito wala na tayong alam.

“Naghiwa-hiwalay sila; sila ay nagturo, nagpatotoo, at itinayo ang Simbahan. At namatay sila dahil sa kanilang mga paniniwala, at pagkaraang sila ay mamatay nagkaroon ng apostasiya sa napakahabang panahon” (“Ang Labindalawa,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 84).

Sabihin sa isa pang estudyante na ituloy ang pagbabasa ng paliwanag ni Pangulong Packer tungkol sa pinakamahalagang bagay na nawala dahil sa Malawakang Apostasiya:

Larawan
Pangulong Boyd K. Packer

“Ang pinakamahalagang bagay na nawala sa panahon ng Apostasiya ay ang awtoridad na hawak ng Labindalawa—ang mga susi ng priesthood. Ang Simbahan para maging Kanyang Simbahan ay dapat magkaroon ng Korum ng Labindalawa na mayhawak ng mga susi at igawad ang mga ito sa iba” (“Ang Labindalawa,” 84).

  • Paano maaapektuhan ng pagkawala ng priesthood ang iba pang mahahalagang bahagi ng Simbahan?

  • Mayroon bang anumang paraan na naisaayos muli ng mga tao ang Simbahan nang walang mga apostol at mga propeta, awtoridad ng priesthood, o tamang kaalaman tungkol sa doktrina ni Jesucristo? Bakit oo o bakit hindi?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na ibinuod na kasaysayan ni Pangulong Packer:

Larawan
Pangulong Boyd K. Packer

“Sa pagdaraan ng mga siglo, ang ningas ay umandap at dumilim. Nabago o napabayaan ang mga ordenansa. Naputol ang linya, at ang karapatang igawad ang Espiritu Santo bilang kaloob ay nawala. Ang Madidilim na Panahon [Dark Ages] ng pagtalikod sa katotohanan ay namayani sa daigdig” (“Mga Dilang Kawangis ng Apoy,” Ensign, Mayo 2000, 8).

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga na maunawaan ang Malawakang Apostasiya at ang mga ibinunga nito? (Bagama’t maaaring iba-iba ang tukuying dahilan ng mga estudyante, bigyang-diin na kapag naunawaan nating mabuti ang pagtalikod na ito sa katotohanan o apostasiya, makatutulong ito para maunawaan natin na ang panunumbalik ng doktrina at awtoridad ni Jesucristo ay kailangan para madaig ang mga epekto ng Malawakang Apostasiya.)

Ipaliwanag na bagama’t wala nang darating na malawakang apostasiya, dapat mag-ingat tayo na hindi tayo mag-apostasiya sa pamamagitan ng pagtupad sa mga tipan, pagsunod sa mga kautusan, pagsunod sa mga lider ng Simbahan, pagtanggap ng sakramento, at pagpapalakas ng ating patotoo sa tuwina sa pamamagitan ng araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan, pagdarasal, at paglilingkod (tingnan sa Tapat sa Pananampalataya, 4–5). Magtapos sa pagpapatotoo sa pagmamahal ng Ama sa Langit sa Kanyang mga anak, sa katunayan ng Malawakang Apostasiya, at sa dakilang kaloob na Panunumbalik ng ebanghelyo.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Nangyayari ang apostasiya dahil sa pagsuway at kawalan ng pananampalataya

Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan na ang isang dahilan kung bakit nagkaroon ng Apostasiya ay ang kawalan ng pananampalataya ng mga miyembro ng Simbahan:

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

“Ang mga tao ng Diyos ay hindi palaging nararapat sa kahanga-hangang karanasang ibinahagi natin ngayon. Ang mga Apostol, matapos ang Pag-akyat ni Cristo sa langit, ay patuloy na ginamit ang mga susing iniwan Niya sa kanila. Ngunit dahil sa pagsuway at kawalan ng pananampalataya ng mga miyembro, namatay ang mga Apostol nang hindi naipapasa ang mga susi sa mga humalili. Ang tawag natin sa nakalulunos na pangyayaring iyan ay ‘ang Apostasiya.’ Kung nagkaroon lamang ng pagkakataon at handang sumampalataya ang mga miyembro ng Simbahan noong mga panahong iyon tulad ninyo ngayon, hindi sana binawi ng Panginoon ang mga susi ng priesthood sa mundo. Kaya nga ang araw na ito ay mahalaga sa kasaysayan at walang hanggan ang kahalagahan sa kasaysayan ng mundo at sa mga anak ng ating Ama sa Langit.

“Obligasyon natin ngayon na manatiling marapat sa pananampalatayang kailangan natin para matupad ang ating pangakong sang-ayunan ang mga natawag na mamuno. Ang Panginoon ay lubos na nasisiyahan sa Simbahan sa pagsisimula ng Panunumbalik, tulad ng kasiyahan Niya ngayon. Ngunit binalaan Niya ang mga miyembro noon, tulad ng ginagawa Niya ngayon, na Siya ay hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang. Upang masang-ayunan natin ang mga natawag ngayon, suriin natin ang ating buhay, magsisi kung kailangan, mangakong sundin ang mga utos ng Panginoon, at sundin ang Kanyang mga lingkod. Binabalaan tayo ng Panginoon na kung hindi natin gagawin ang mga bagay na iyon, lalayo ang Espiritu Santo, mawawala sa atin ang liwanag na natanggap natin, at hindi natin matutupad ang ipinangako natin ngayon na sang-ayunan ang mga lingkod ng Panginoon sa Kanyang tunay na Simbahan” (“Ang Totoo at Buhay na Simbahan,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 21).

Hindi tinalikuran ng Diyos ang Kanyang mga anak sa panahon ng Apostasiya

Itinuro ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na kahit sa panahon ng kadiliman at apostasiya, hindi tinalikuran ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak:

Larawan
Elder M. Russell Ballard

“Sa maikling panahong sakop ng Bagong Tipan … kinalaban ng mga tao si Cristo at ang Kanyang mga Apostol. Ang pagbagsak ay napakatindi na nakilala natin ito bilang Malawakang Apostasiya na humantong sa mga siglo ng kawalan ng pag-unlad at kawalan ng kaalaman sa espirituwal na tinatawag na Dark Ages.

“Ngayon, dapat kong ipaliwanag mabuti ang tungkol dito sa paulit-ulit na panahon ng apostasiya at espirituwal na kadiliman sa kasaysayan. Mahal ng ating Ama sa Langit ang lahat ng Kanyang mga anak, at gusto Niyang makamtan nilang lahat ang pagpapala ng ebanghelyo sa kanilang mga buhay. Ang espirituwal na liwanag ay hindi naglaho dahil tinalikuran ng Diyos ang Kanyang mga anak. Bagkus, nangyayari ang espirituwal na kadiliman kapag magkakasamang tumalikod sa Kanya ang Kanyang mga anak. Ito ay likas na bunga ng mga maling pagpiling ginawa ng mga tao, komunidad, bansa, at ng buong sibilisasyon. Paulit-ulit itong napatunayan sa lahat ng panahon. Isa sa mga dakilang aral ng mga paulit-ulit na pangyayari sa kasaysayan ay ang ating mga pagpili, nag-iisa ka man o may mga kasama, ay may espirituwal na bunga para sa ating sarili at ating angkan” (“Matuto sa mga Aral ng Nakaraan,” Ensign o Liahona, May 2009, 32).