Seminary
Lesson 149: Doktrina at mga Tipan 136:19–42


Lesson 149

Doktrina at mga Tipan 136:19–42

Pambungad

Noong Enero 1847, natanggap ni Brigham Young ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 136 sa Winter Quarters, Nebraska. Tatalakayin sa lesson na ito ang Doktrina at mga Tipan 136:19–42, na kinapapalooban ng tagubilin ng Panginoon sa mga Banal tungkol sa kung paano magtulungan at matanggap ang Kanyang pangangalaga sa kanilang paglalakbay pakanluran.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 136:19–29

Iniutos ng Panginoon sa mga Banal kung ano ang dapat iasal sa kanilang paglalakbay

Simulan ang lesson sa pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Ano ang mga pagkakataon ninyo na makipag-ugnayan sa ibang tao sa isang grupo? (Maaaring kabilang sa mga sagot ang mga pamilya, priesthood quorum at mga klase ng Young Women, sports team, mga klase sa paaralan, at mga kasamahan sa trabaho.)

  • Ano ang ilang positibong aspeto ng pakikipagtulungan sa ibang tao sa isang grupo?

Ipaliwanag na noong napilitan ang mga Banal na lisanin ang Nauvoo noong mga unang buwan ng 1846 at nagsimulang maglakbay pakanluran, marami ang hindi handa na maglakbay. Ang mga Banal ay malayo sa isa’t isa nang halos maraming kilometro kaya hindi na nila gaanong matulungan ang isa’t isa. Sa isang paghahayag na natanggap ni Brigham Young sa Winter Quarters mga isang taon kalaunan, tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal na iorganisa ang kanilang sarili upang matulungan nila ang isa’t isa sa kanilang patuloy na paglalakbay.

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 136:2, 8–10 at alamin kung paano tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal na tulungan ang isa’t isa.

Ipaliwanag na kahit natutulungan natin ang isa’t isa kapag kumikilos tayo nang grupu-grupo, marami pa ring hamon ang idinudulot ito.

  • Sa inyong karanasan, ano ang ilang hamong nararanasan ninyo kapag gumagawa kayo o kumikilos bilang grupo?

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na basahin nang magkasama ang Doktrina at mga Tipan 136:19–27. Sabihin sa kanila na alamin ang tagubilin ng Panginoon sa mga Banal habang magkakasama silang naglalakbay at kumikilos. Pagkatapos ng sapat na oras, itanong sa klase ang mga sumusunod:

  • Anong tagubilin ang nakita ninyo na makatutulong sa mga Banal na maglakbay at kumilos nang sama-sama? Sa palagay ninyo bakit mahalaga ang tagubiling ito?

  • Paano ninyo magagamit ang tagubiling ito sa inyong pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa ibang tao?

  • Ano ang ilang mga ibinubunga ng hindi pagsunod ng mga tao sa tagubiling ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 136:23–24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa. Maaaring kailangan mong ipaliwanag kung bakit tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal na “tumigil sa kalasingan” kahit natanggap na nila ang Word of Wisdom. Ipaalala sa kanila na unti-unting umunlad ang mga Banal sa kanilang pagsunod sa Word of Wisdom. Nang ibigay ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 136, hindi pa ipinagbabawal sa mga Banal sa mga Huling Araw ang pag-inom ng lahat ng klase ng alak na hindi tulad natin ngayon.

  • Ayon sa talata 24, ano ang dapat na maging epekto ng ating mga salita sa mga taong nakapalibot sa atin? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na katotohanan: Ang mga sinasabi natin ay dapat makapagpatibay sa iba. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng pagtibayin ay patatagin ang espirituwalidad o kalooban ng isang tao.)

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalaga sa mga Banal na gumamit ng mga salitang nakapagpapatibay habang magkakasama silang naglalakbay?

  • Kailan kayo nakakita ng taong gumagamit ng mga salita na nagpapatibay sa ibang tao?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang maaari nilang sabihin na makapagpapatibay sa mga nakapaligid sa kanila.

Ipabasa nang malakas sa dalawang estudyante ang bawat isa sa mga sumusunod na salaysay ng mga Banal tungkol sa kanilang paglalakbay. Sabihin sa klase na alamin ang pagkatao ng matatapat na Banal na ito.

Isinulat ni Mary Ann Weston Maughan:

“Inilibing namin ang dalawa sa aming kasamahan sa pangkat na namatay kaninang umaga dahil sa kolera, isang lalaking nagngangalang Brown at isang bata. Marami pang maysakit sa kampo. Maghapon na naming natatanaw ang Platte River. Naglakbay nang 15 milya, nagkampo sa Salt Creek. Di nagtagal isa na namang bata ang namatay sa aming pangkat. Inilibing nila ito nang madaling-araw sa pampang ng sapa. Marami pang maysakit. Napakalungkot para sa amin na maglibing ng aming mga kaibigan habang nasa daan. Napakainit ng panahon” (Mary Ann Weston Maughan journal, 3 tomo, Hunyo 21, 1850, 2:1, Family History Library, Salt Lake City; ginawang makabago ang pagbabaybay, paggamit ng malaking titik, at pagbabantas).

Isinulat ni Clarissa Young Spencer (anak ni Brigham Young):

“Ang isa sa pinakamagagandang katangian ni Itay ay ang paraan ng pagmamalasakit niya sa kapakanang temporal at sosyal ng kanyang mga tao pati na ang paggabay sa kanila ukol sa kanilang mga espirituwal na pangangailangan. Sa kabila ng napakahirap na paglalakbay patawid sa mga kapatagan kung saan ang bawat isa, maliban lamang sa mahihina ang katawan, ay madalas na naglalakad lamang, ang mga Banal ay nagtitipon sa campfire kinagabihan para magkasiyahan, kung maganda ang panahon. May kumakanta, tumutugtog ng biyulin, at ang mga kalalakihan at kababaihan ay magsasayaw ng quadrille at kinakalimutan ang pagod sa paglalakad nang labinlimang kilometro o mahigit pa sa disyertong walang bakas na masusundan. Iyan ay paraan niya para mapanatiling mataas ang ‘morale’ bago pa man nabuo ang gayong salita” (sa Mabel Harmer, One Who Was Valiant [1940], 162).

  • Batay sa mga salaysay na ito, paano ninyo mailalarawan ang matatapat na pioneer na ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 136:28–29.

Itanong sa mga estudyante kung ano ang payo na inilahad sa mga talatang ito. Matapos maibahagi ng mga estudyante ang kanilang nalaman, isulat sa pisara ang mga sumusunod na katotohanan: Kung tayo ay masaya, dapat nating purihin at pasalamatan ang ating Ama sa Langit. Kung tayo ay nalulungkot, dapat nating ipanalangin na maging masaya ang ating mga kaluluwa.

  • Sa palagay ninyo, paano nakatulong ang mga alituntuning ito sa mga Banal habang sila’y naglalakbay?

  • Paano maaaring makatulong sa atin ang mga alituntuning ito ngayon?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na sinagot ng Ama sa Langit ang kanilang mga panalangin sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na maging masaya. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

Hikayatin ang mga estudyante na purihin at pasalamatan ang Panginoon kapag sila ay masaya at manalangin para humingi ng tulong kapag sila ay malungkot.

Doktrina at mga Tipan 136:30–42

Binigyan ng Panginoon ng katiyakan ang mga Banal at tinagubilinan silang magsikap na sundin ang lahat ng Kanyang mga kautusan

Ipaalala sa mga estudyante na nakapagtiis ng matitinding pagsubok ang mga Banal at alam nila na magiging malaking hamon din ang kanilang patuloy na paglalakbay.

  • Ano sa palagay ninyo ang nakatulong sa mga Banal na mantiling matapat kahit nasa gayong napakahirap na kalagayan?

Hatiin ang mga estudyante sa dalawang grupo. Ipabasa sa unang grupo ang Doktrina at mga Tipan 136:30–33. Ipabasa sa pangalawang grupo ang Doktrina at mga Tipan 136:34–40. Sabihin sa dalawang grupo na maghanap ng mga alituntunin na maaaring makahikayat sa mga Banal.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa bawat grupo na magbahagi. Isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Maaaring kasama sa kanilang mga sagot ang mga sumusunod na alituntunin at doktrina:

Hindi natin dapat katakutan ang ating mga kaaway, dahil ang Panginoon na ang bahala sa kanila.

Inihahanda tayo ng ating mga pagsubok na matanggap ang kaluwalhatiang inilalaan ng Diyos para sa atin.

Kung magpapakumbaba tayo at mananalangin sa Diyos, bibigyang-liwanag tayo ng Espiritu.

Kung matapat tayo sa pagsunod sa lahat ng salitang ibinigay sa atin ng Panginoon, makikita natin balang araw ang Kanyang kaluwalhatian.

Ibinibigay ng Panginoon sa atin ang Kanyang salita sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.

Maaari tayong iligtas ng Panginoon mula sa ating mga kaaway.

  • Sa palagay ninyo, paano nakatulong ang mga alituntuning ito sa mga Banal na manatiling matapat?

  • Paano tayo matutulungan ng mga alituntuning ito na manatiling tapat sa gitna ng ating mahihirap na karanasan?

Sabihin sa mga estudyante na mabilis na rebyuhin ang mga alituntunin sa pisara. Sabihin sa kanila na pag-isipan ang kabuuang mensahe na sa palagay nila ay natutuhan ng mga Banal. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot. Maaaring iba-ibang mensahe ang matukoy ng mga estudyante, ngunit tulungan silang maunawaan na nagbibigay ang Panginoon ng katiyakan sa mga Banal na magiging maayos ang lahat ng bagay.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 136:41–42. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang karagdagang katiyakan at payo mula sa Panginoon.

  • Paano nakapagbigay ng katiyakan sa mga Banal ang mensahe ng Panginoon sa talata 41?

  • Ano ang matututuhan natin mula sa utos ng Tagapagligtas na nakatala sa talata 42? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Kung masigasig tayo sa pagsunod sa mga utos ng Panginoon, hindi ipapataw sa atin ang kahatulan ng Panginoon, palalakasin ang ating pananamapalataya, at hindi tayo madadaig ng ating mga kaaway.)

  • Paano nakatulong ang alituntuning ito sa mga Banal habang sila’y naglalakbay? Paano tayo matutulungan nito?

Ipaliwanag na sinunod ng mga Banal ang mga utos ng Panginoon. Ang unang grupo ng mga pioneer ay umalis sa Winter Quarters noong Abril 5, 1847. Sila ay naglakbay nang mahigit 1,000 milya at dumating sa Salt Lake Valley noong huling bahagi ng Hulyo 1847. Noong Hulyo 24, 1847, pumasok sa lambak si Pangulong Brigham Young at nakatanggap ng pagpapatibay na nakahanap na ang mga Banal ng kanilang bagong tahanan. Nakasakay siya sa likod ng karwahe ni Wilford Woodruff nang panahong iyon dahil may lagnat siya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na salaysay ni Wilfrod Woodruff nang makita ni Brigham Young ang Salt Lake Valley:

Larawan
Pangulong Wilford Woodruff

“Nang matanaw namin nang lubusan ang lambak, ipinihit ko ang aking karwahe, na nakaharap sa kanluran, at bumangon si Pangulong Young sa kanyang higaan at pinagmasdan ang lugar. Habang nakatingin sa tanawing nasa harapan namin, natuon ang kanyang kaisipan sa pangitain nang ilang minuto. Nakita na niya ang lambak noon sa pangitain, at sa pagkakataong ito nakita niya ang kaluwalhatian ng Sion at ng Israel sa hinaharap. … Nang matapos na ang pangitain, sinabi niya, ‘Sapat na ito. Ito ang tamang lugar. Magpatuloy ka’” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff [2005], 160–61).

  • Bakit mahalaga para kay Brigham Young at sa mga Banal na makatanggap ng pagpapatibay na ang Salt Lake Valley ang tamang lugar na titirhan nila?

Tapusin ang lesson sa pagsasabi sa mga estudyante na sikaping sundin ang lahat ng mga kautusan at pakinggan ang katiyakang ibinibigay ng Panginoon sa kanilang buhay.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 136:24. “Tumigil sa kalasingan”

Ilan sa mga pioneer na mga Banal ang gumagamit ng mga sangkap na ipinagbabawal sa Word of Wisdom, tulad ng alak at sigarilyo. Noong una ay hindi ibinigay ng Panginoon ang Word of Wisdon sa mga Banal bilang kautusan (tingnan sa D at T 89:2). Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph F. Smith:

Larawan
Pangulong Joseph F. Smith

“Kung [ang Word of Wisdom] ay ibinigay bilang kautusan, madadala sana sa kahatulan ang lahat ng tao na lulong sa paggamit ng mga nakapipinsalang sangkap na ito; kaya mahabagin ang Panginoon at binigyan sila ng pagkakataong maiwaksi ito, bago Niya ibinigay sa kanila ang batas” (sa Conference Report, Okt. 1913, 14).

Isinasaisip ito, dapat maging maingat tayo na hindi husgahan ang ilan sa mga unang lider at mga miyembro ng Simbahan na gumamit ng mga sangkap na ipinagbabawal sa Word of Wisdom. Sa buong naunang kasaysayan ng Simbahan, hinikayat ng mga lider ang mga Banal na lubos na ipamuhay ang Word of Wisdom. Sa pangkalahatang kumperensya noong Setyembre 1851, nanawagan si Brigham Young sa mga miyembro na pormal na makipagtipan na umiwas sa tsaa, kape, tabako, whiskey, at “lahat ng bagay na binanggit sa Word of Wisdom” (tingnan sa “Minutes of the General Conference,” Millennial Star, Peb. 1, 1852, 35). Noong 1919, ang Unang Panguluhan, sa pamumuno ni Pangulong Heber J. Grant, ay isinama ang pagsunod sa Word of Wisdom sa mga kinakailangan para makatanggap ng temple recommend (tingnan sa James R. Clark, comp., Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 6 na tomo [1965–75], 5:163). Hanggang sa panahong ito, nananatling mahalagang kautusan ang Word of Wisdom, at ang pagsunod dito ay kinakailangan para sa binyag, pagpasok sa templo, pagmimisyon, at iba pang karapat-dapat na paglilingkod sa Simbahan.

Doktrina at mga Tipan 136:33. “Ang aking Espiritu ay isinugo … upang bigyang-liwanag ang mga mapagpakumbaba at nagsisisi”

Noong si Pangulong Brigham Young ay nasa Winter Quarters, nagpakita sa kanya si Joseph Smith sa isang panaginip at sinabi:

Larawan
Pangulong Brigham Young

“Sabihin mo sa mga tao na maging mapagpakumbaba at matapat at tiyaking nasa kanila ang Espiritu ng Panginoon at sila ay aakayin nito sa tama. Maging maingat at huwag itaboy ang marahan at banayad na tinig; ituturo nito sa inyo kung ano ang inyong gagawin at patutunguhan; ibibigay nito ang mga bunga ng kaharian. Sabihin mo sa mga kapatid na panatilihing bukas ang kanilang puso sa paniniwala, nang sa gayon kapag dumating sa kanila ang Espiritu Santo, handa ang kanilang puso na tanggapin ito. Makikilala nila ang Espiritu ng Panginoon sa lahat ng iba pang mga espiritu; bubulong ito ng kapayapaan at galak sa kanilang kaluluwa; papalisin nito ang masamang hangarin, pagkamuhi, inggit, alitan, at lahat ng kasamaan sa kanilang puso; at ang hahangarin lamang nila ay gumawa ng kabutihan, maging makatwiran, at itatag ang kaharian ng Diyos. Sabihin mo sa mga kapatid na kung susundin nila ang espiritu ng Panginoon hindi sila magkakamali. Tiyaking masabi mo sa mga tao na panatilihin ang Espiritu ng Panginoon; at kung gagawin nila ito, matatagpuan nila ang kanilang mga sarili na inorganisa ng ating Ama sa Langit tulad noong bago sila isilang sa mundong ito. …

“Sabihin sa mga tao na panatilihin ang Espiritu ng Panginoon at sundin ito, at gagabayan sila nito sa tama” (sa Manuscript History of Brigham Young, 1846–1847, comp. Elden J. Watson [1971], 529–30).

Sa isa pang pagkakataon, bago umalis ang mga Banal sa Nauvoo, nagpakita si Propetang Joseph Smith sa isang pangitain kay Pangulong Young at ipinakita sa kanya kung saan magtatayo ng isang komunidad sa Salt Lake Valley. Ikinuwento ni Pangulong George A. Smith ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Pangulong George Albert Smith

“[Nakita niya] sa pangitain si Joseph Smith, na ipinakita sa kanya ang isang bundok na tinatawag natin ngayon na Ensign Peak, malapit sa hilaga ng Salt Lake City, at may sagisag na bumagsak sa tuktok niyon, at sinabi ni Joseph ‘Magtayo sa pinagbagsakan ng sagisag at kayo ay uunlad at magkakaroon ng kapayapaan’” (“Historical Discourse,” Deseret News, Hun. 30, 1869, 248).