Seminary
Lesson 75: Doktrina at mga Tipan 69–71


Lesson 75

Doktrina at mga Tipan 69–71

Pambungad

Noong mga huling araw ng Oktubre o mga unang araw ng Nobyembre 1831, inatasan si Oliver Cowdery na dalhin ang manuskrito ng Aklat ng mga Kautusan mula sa Ohio patungo sa Missouri. Sa Missouri, ililimbag ni William W. Phelps ang aklat sa kanyang palimbagan. Noong Nobyembre 11, 1831, inatasan ng Panginoon si John Whitmer na samahan si Oliver sa paglalakbay at iniutos sa kanya na magpatuloy sa kanyang mga tungkulin bilang Mananalaysay sa Simbahan (tingnan sa D at T 69). Sa kasunod na araw, nagtalaga ang Panginoon ng anim na kalalakihan bilang mga katiwala sa mga paghahayag (tingnan sa D at T 70). Noong Disyembre 1831, iniutos ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon na maglingkod sa isang misyon para mapawi ang hindi magandang saloobin o damdaming namumuo laban sa Simbahan at maghanda para sa mga paghahayag at kautusan na ilalathala (tingnan sa D at T 71).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 69

Inihayag ng Panginoon ang kahalagahan ng pagsusulat ng mga kasaysayan

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Pinagkatiwalaan na ba kayo ng isang tao na ingatan ang isang bagay na mahalaga?

Sa simula ng lesson, bigyan ang mga estudyante ng oras na mapag-isipan ang tanong na nasa pisara. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang ipinagkatiwala sa inyo? Paano nakaimpluwensya ang pagtitiwalang iyon sa pag-iingat ninyo sa mahalagang bagay na iyon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 69. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinagkatiwala kay Oliver Cowdery.

  • Ano ang ipinagkatiwala kay Oliver Cowdery?

  • Kung kayo ang pinagkatiwalaan ng mahahalagang bagay na iyon, paano ninyo iingatan ang mga ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 69:1–2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinayo ng Panginoon hinggil sa mahahalagang bagay na ito.

  • Sa inyong palagay, bakit makabubuting higit sa isang tao ang magdala ng mahahalagang bagay na ito?

Ipaliwanag na pinagkatiwalaan ng Panginoon si John Whitmer ng isa pang mahalagang responsibilidad, bukod pa sa pagtulong kay Oliver na madala ang mga paghahayag at pera sa Missouri. Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 69:3–8 at sabihin sa klase na alamin ang ipinagkatiwala ng Panginoon na gawin ni John Whitmer. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na si John Whitmer ay tinawag na maglingkod bilang Mananalaysay at Tagasulat sa Simbahan sa unang bahagi ng 1831 (tingnan sa D at T 47).

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 69:3, ano ang ipinasusulat ng Panginoon kay John Whitmer?

  • Ayon sa talata 8, bakit mahalagang sumulat si John Whitmer ng kasaysayan ng Simbahan?

Ipaliwanag na mula sa panahon ni Joseph Smith, sinikap ng mga lider ng Simbahan na sundin ang utos ng Panginoon na isulat ang “lahat ng mahalagang bagay … hinggil sa simbahan” (D at T 69:3). Isusulat nila ang “lahat ng bagay na para sa ikabubuti ng simbahan” (D at T 69:8), kahit ang ilan sa mga bagay na iyon ay magdudulot ng kaunting pagkapahiya. Halimbawa, kabilang sa Doktrina at mga Tipan ang ilang paghahayag kung saan pinagsasabihan ng Panginoon ang mga naunang lider ng Simbahan (tingnan sa D at T 3:5–9; 93:41–50). Ngayon ang Mananalaysay sa Simbahan o Church Historian, sa tagubilin ng Unang Panguluhan, ay pinamamahalaan ang pagsisikap ng Church History Department na mapanatili at maisulat ang tamang kasaysayan ng “lahat ng mahalagang bagay.”

Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntunin sa Doktrina at mga Tipan 69:3, 8, isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Inaasahan ng Panginoon na maisulat at maingatan ang mga kasaysayan para sa ikabubuti ng …

Itanong sa mga estudyante kung paano nila kukumpletuhin ang pahayag na ito batay sa mga talata 3 at 8. Kapag sumagot sila, kumpletuhin ang pahayag sa pisara: Inaasahan ng Panginoon na maisulat at maingatan ang mga kasaysayan para sa ikabubuti ng Simbahan at para sa mga bumabangong salinlahi o bagong henerasyon. Maaari mong tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na ang pariralang “bumabangong salinlahi” ay tumutukoy sa kanila, ang mga kabataan ng Simbahan.

  • Sa inyong opinyon, paano maaaring makabuti ang mga kasaysayan ng Simbahan at personal na kasaysayan sa Simbahan? Paano maaaring makabuti ang mga ito sa mga bagong henerasyon?

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang kuwento mula sa kasaysayan ng Simbahan o mula sa kasaysayan ng kanilang pamilya na nakatulong sa kanila. Pagpartner-partnerin ang mga mga estudyante, at sabihin sa kanila na ibahagi sa isa’t isa ang kanilang kuwento. Sabihin din sa kanila na ipaliwanag kung paano ito nakaimpluwensya sa kanila. O maaari mong tawagin ang ilang estudyante na magbahagi ng kanilang kuwento sa buong klase.

Doktrina at mga Tipan 70

Nagtalaga ang Tagapagligtas ng mga katiwala na mag-iingat sa Kanyang mga paghahayag

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang pambungad sa Doktrina at mga Tipan 70 at alamin ang nakasaad sa kasaysayan ni Joseph Smith tungkol sa Doktrina at mga Tipan (na noon ay tinatawag na Aklat ng mga Kautusan).

  • Paano inilarawan ng Propeta ang Doktrina at mga Tipan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 70:1 at sabihin sa klase na alamin ang pangalan ng anim na pinuno ng Simbahan. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 70:2–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang responsibilidad na ibinigay ng Panginoon sa anim na lalaking ito.

  • Anong responsibilidad ang ibinigay ng Panginoon sa anim na lalaking ito? (Sila ang magiging katiwala sa mga paghahayag at kautusan.)

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 70:4, ano ang sinabi ng Panginoon na hihingin Niya sa mga lalaking ito sa araw ng paghuhukom? (Hihingin Niya ang ulat ng kanilang pangangasiwa. Sa madaling salita, hihingin Niya sa kanila ang ulat ng kanilang paglilingkod.)

  • Ano ang ipinapahiwatig nito tungkol sa hihingin sa atin ng Panginoon sa araw ng paghuhukom? (Sa pagsagot ng mga estudyante, tulungan silang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Papanagutin tayo ng Panginoon para sa mga tungkuling ipinagkatiwala Niya sa atin. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

  • Paano maiimpluwensyahan ng katotohanang ito ang pagtupad natin sa mga tungkulin at gawain sa Simbahan?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 70:5–18 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon sa anim na lalaking ito na ang pangangasiwa nila sa mga paghahayag ay maging “kanilang tungkulin sa simbahan ng Diyos, na pamahalaan ang mga ito at ang mga nauukol dito, oo, ang mga kapakinabangan mula rito” (D at T 70:5). Ayon sa batas ng paglalaan, anumang kita na natanggap nila na sobra sa kanilang mga pangangailangan ay dapat ibigay sa kamalig o storehouse ng Panginoon para sa pangangalaga ng mga maralita (tingnan sa D at T 70:7).

Doktrina at mga Tipan 71

Itinuro ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon kung paano tugunin ang mga bumabatikos o namimintas sa Simbahan

Itanong sa mga estudyante kung may narinig na ang sinuman sa kanila na nambatikos o namintas sa Simbahan. Maaari mong tawagin ang ilang estudyante na ikuwento ang naranasan nila.

  • Ano ang mga angkop na paraan sa pagtugon sa pambabatikos o pamimintas sa Simbahan?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Doktrina at mga Tipan 71, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na impormasyon (o ikaw mismo ang magbasa ng talata). Sabihin sa klase na pakinggan kung paano binabatikos o pinipintasan ang Simbahan at mga lider nito sa panahong ibinigay ang paghahayag na ito.

Si Ezra Booth na dating Methodist minister ay naging miyembro ng Simbahan matapos basahin ang Aklat ni Mormon, makausap si Joseph Smith, at masaksihan ang isang pagpapagaling. Naglakbay siya bilang missionary patungo sa Missouri ngunit nadismaya nang hindi siya makagawa ng mga himala para makumbinsi ang iba sa katotohanan. Bukod pa rito, hindi naniwala si Booth na ang pag-uugali ni Joseph Smith ay angkop para sa isang propeta o espirituwal na lider. Pinintasan niya nang husto si Joseph Smith, tumalikod sa Simbahan, at sumulat ng siyam na liham na bumabatikos o namimintas sa Simbahan at mga lider nito. Ang mga liham na ito, na inilathala sa isang pahayagan na tinatawag na Ohio Star, ay naging dahilan para magkaroon ng hindi magandang saloobin o damdamin ang ilang tao sa Simbahan at mga lider nito. Sa kasaysayan ni Propetang Joseph Smith, ang mga isinulat ni Ezra Booth ay itinuring na isang “kalipunan ng mga liham, na, dahil sa masasamang opinyon, kasinungalingan, at masamang hangarin nito na ibagsak ang gawain ng Panginoon, ay naglantad sa kanyang [ni Booth] kahinaan, kasamaan at kahangalan, at lumikha ng kahihiyan para sa kanyang sarili, na ikapagtataka ng daigdig” (History of the Church, 1:216–17). Ibinigay ni Symonds Ryder, isa pang miyembrong napopoot sa Simbahan, ang mga kopya ng ilan sa mga paghahayag sa isa pang pahayagan, sa layuning hadlangan ang mga tao sa pagsapi sa Simbahan.

Ipaliwanag na ang kaguluhang idinulot nina Ezra Booth at Symonds Ryder ay naging isang mabigat na problema. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 71:1–4 at sabihin sa klase na alamin ang ipinagagawa ng Panginoon kina Joseph Smith at Sidney Rigdon para paglubagin ang hindi magandang saloobin ng mga tao dahil sa mga arikulo sa pahayagan.

  • Ayon sa talata 1, ano ang iniutos ng Panginoon na gawin nina Joseph Smith at Sidney Rigdon para paglubagin ang hindi magandang saloobin ng mga tao tungkol sa Simbahan? (Gagamitin nila ang mga banal na kasulatan at ang kapangyarihan ng Espiritu na ibibigay sa kanila ng Panginoon.)

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa tagubiling ito tungkol sa dapat nating itugon sa pambabatikos o pamimintas sa Simbahan? (Bagama’t makapagbibigay ng maraming tamang sagot ang mga estudyante, tiyakin na natukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kapag binabatikos o pinipintasan ng mga tao ang Simbahan, makatutugon tayo sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga katotohanan mula sa mga banal na kasulatan at pagsunod sa patnubay ng Espiritu. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Ano ang magagawa natin ngayon na maghahanda sa atin na makatugon sa mga pambabatikos o pamimintas sa Simbahan o mga lider nito?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang kahalagahan ng patnubay ng Espiritu sa pagtugon sa mga pambabatikos o pamimintas sa Simbahan, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung paano tayo tinutulungan ng Espiritu na makatugon sa mga pambabatikos o pamimintas sa Simbahan.

Larawan
Elder Robert D. Hales

“Sa pagtugon natin sa iba, bawat sitwasyon ay magiging kaiba. Sa kabutihang-palad, alam ng Panginoon ang nasa puso ng mga nagpaparatang sa atin at kung paano tayo epektibong makatutugon sa kanila. Kapag naghahangad ng patnubay ng Espiritu ang mga tunay na disipulo, tumatanggap sila ng inspirasyon na akma sa bawat sitwasyon. Sa bawat sitwasyon, ang mga tunay na disipulo ay tumutugon sa mga paraang mag-aanyaya sa Espiritu ng Panginoon” (“Katapangang Kristiyano: Kailangan sa Pagiging Disipulo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 73).

Basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 71:5–11. Sabihin sa mga estudyante na alamin ang ibinigay na payo at kapanatagan ng Panginoon sa mga tutugon sa mga pambabatikos o pamimintas sa Simbahan.

Ipaliwanag na sinunod ni Sidney Rigdon ang payo ng Panginoon at inanyayahan si Ezra Booth na makipagkita sa kanya sa bayan ng Ravenna, kung saan pag-uusapan nila sa harap ng publiko o ng mga tao ang mga liham na ipinadala ni Ezra sa pahayagan. Inanyayahan din ni Sidney si Symonds Ryder sa isang debate sa harap ng publiko tungkol sa Aklat ni Mormon. Hindi tinanggap ng dalawang lalaki ang paanyaya. Pinatotohanan pa rin ni Sidney ang katotohanan sa Ravenna at sa iba pang mga lugar.

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung ano ang gagawin nila upang mas maihanda nila ang kanilang sarili na tumugon sa mga pambabatikos o pamimintas sa Simbahan. Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa Simbahan at mga lider nito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 69:3, 8. “Siya ay magpatuloy sa pagsulat at paggawa ng kasaysayan”

Pinatotohanan ni Pangulong Spencer W. Kimball ang tungkol sa kahalagahan ng pagsusulat ng mga personal na kasaysayan:

Larawan
Pangulong Spencer W. Kimball

“Ang inyong journal ang inyong talambuhay, kaya dapat itong ingatan at patuloy na sumulat. Kayo ay natatangi, at maaaring may mga pangyayari sa inyong mga karanasan na higit na marangal at kapuri-puri kaysa sa mga nakatala na tungkol sa buhay ng iba. Maaaring maglaman ito ng mga pananaw o mga kuwento ng katapatan. …

“Ang inyong kuwento ay nararapat isulat ngayon habang naaalala pa ito at may makukuhang mga totoong detalye. …

“Ano pa ba ang mas mabuting magagawa ninyo para sa inyong mga anak at sa mga anak ng inyong mga anak kaysa itala ang mga kuwento ng inyong buhay, ang tagumpay ninyo sa inyong mga paghihirap, ang inyong pagbangon sa inyong pagbagsak, ang pag-unlad ninyo kapag tila ang lahat ay wala nang pag-asa, ang inyong kagalakan nang magtagumpay kayo sa huli? …

“Kumuha ng isang notebook, … isang journal na tatagal habang buhay, at marahil ang mga anghel ay magbabangggit mula rito sa kawalang-hanggan. Simulan ngayon at isulat dito ang inyong mga ginagawa araw-araw, ang mga pinag-iisipan ninyo nang malalim, ang inyong mga nagawa at kabiguan, ang inyong mga pakikisalamuha at mga tagumpay, ang inyong mga impresyon at inyong patotoo” (“The Angels May Quote from It,” New Era, Okt. 1975, 5).

Doktrina at mga Tipan 71. Ang misyon nina Joseph Smith at Sidney Rigdon sa Ohio

Nakatala sa kasaysayan ni Joseph Smith ang paglalarawan ng ginawa nina Joseph Smith at Sidney Rigdon para masunod ang iniutos ng Panginoon na paglubagin ang namuong hindi magandang saloobin o damdamin ng mga tao sa Simbahan dahil sa mga artikulo sa pahayagan na isinulat ni Ezra Booth:

Larawan
Propetang Joseph Smith

“Mula sa panahong ito hanggang sa ika-8 o ika-10 ng Enero 1832, kami ni Elder Rigdon ay patuloy na nangaral sa Shalersville Ravenna, at sa iba pang mga lugar, ipinahahayag ang katotohanan, pinatototohanan ang layunin ng ating Manunubos; inilalahad na ang araw ng paghihiganti ay darating sa henerasyong ito katulad ng isang magnanakaw sa gabi; na ang kasamaan, pagkabulag at kadiliman ang bumabalot sa isipan ng marami, at nagtutulak sa kanila na usigin ang totoong Simbahan, at hindi tanggapin ang tunay na liwanag; sa kadahilanang iyan ginawa namin ang lahat para paglubagin ang hindi magandang saloobin na namuo sa mga tao dahil sa mga mapanirang liham na inilathala sa Ohio Star, sa Ravenna, ng nag-apostasiyang si Ezra Booth, na nabanggit kanina sa ulat” (sa History of the Church, 1:241).

Doktrina at mga Tipan 71. Symonds Ryder

Nang malaman ni Symonds Ryder ang tungkol sa Simbahan, matagal-tagal ding hindi siya makapagpasiya kung magpapabinyag siya. Gayunpaman, noong 1831 nabasa niya ang isang balita sa pahayagan tungkol sa pagkawasak ng Peking, China, at naalala na isang batang babae na Mormon ang nagbadya sa pagkawasak ng lunsod na iyon anim na linggo na ang nakararaan. Ang pangyayaring ito ang nagtulak sa kanya na sumapi sa Simbahan.

Hindi pa natatagalan matapos mabinyagan at makumpirma si Symonds, inorden siyang elder. Tumanggap siya ng liham na nilagdaan nina Propetang Joseph Smith at Sidney Rigdon, na nagsasabi na kalooban ng Panginoon, na ipinaalam sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na dapat niyang ipangaral ang ebanghelyo. Gayunman, sa liham na natanggap niya at sa opisyal na utos na mangaral ang kanyang pangalan ay naisulat na Rider sa halip na Ryder. Dahil sa maling ispeling ng kanyang pangalan, nagsimulang magduda si Symonds sa mga paghahayag ni Joseph Smith at sa katungkulan niya bilang propeta ng Diyos. Kalaunan nilisan ni Symonds ang Simbahan. Bagama’t ang reaksyon niya sa maling ispeling ng kanyang pangalan ay hindi lamang ang dahilan ng kanyang pag-aapostasiya, nakaragdag ito dito. Matapos niyang mag-apostasiya, isa si Symonds Ryder sa mga miyembro ng mandurumog na nagbuhos ng alkitran at balahibo kay Joseph Smith sa labas ng tahanan nina John at Elsa Johnson noong gabi ng Marso 24–25, 1832.

Doktrina at mga Tipan 71:7. Tulungan ang ibang tao na maunawaan ang katotohanan

Ganito ang ipinayo ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol na itutugon natin sa mga taong nambabatikos o namimintas sa Simbahan:

Larawan
Elder Robert D. Hales

Bilang mga tunay na disipulo, ang una nating dapat isipin ay ang kapakanan ng iba, hindi ang patunayan na tayo ang tama. Ang mga tanong at pambabatikos ay nagbibigay sa atin ng pagkakataong tulungan ang iba at ipakita na mahalaga sila sa ating Ama sa Langit at sa atin. Dapat ang layunin natin ay tulungan silang maunawaan ang katotohanan, hindi ipagtanggol ang ating sarili o manalo sa isang debate tungkol sa Diyos. Ang ating taos-pusong mga patotoo ang pinakamabisang sagot na maibibigay natin sa mga nagpaparatang sa atin. At ang gayong mga patotoo ay maibibigay lamang nang may pagmamahal at kaamuan” (“Katapangang Kristiyano: Kailangan sa Pagiging Disipulo,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 73–74).

Ipinayo ni Elder Marvin J. Ashton ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Marvin J. Ashton

“Marahil hindi tayo kailanman makaliligtas sa mga taong hayagang ipinapakita na sila ay anti-Mormon. Kaya nga, hinihikayat namin ang lahat ng ating miyembro na huwag maging anti-anti-Mormon” (“Pure Religion,” Ensign, Nob. 1982, 63).