Seminary
Lesson 13: Doktrina at mga Tipan 4


Lesson 13

Doktrina at mga Tipan 4

Pambungad

Ang paghahayag na ito, na ibinigay noong Pebrero 1829 kay Joseph Smith Sr., ang ama ng Propeta, ang una sa ilang mga naunang paghahayag na ibinigay sa mga tao na gustong tulungan ang Panginoon sa Kanyang gawain (tingnan din sa D at T 11–12; 14–16; 25). Nakatala rito ang pagtawag kay Joseph Smith Sr. na maglingkod sa Diyos. Inisa-isa rin ng Panginoon sa paghahayag na ito ang mga kwalipikasyon at pangunahing katangiang dapat taglayin ng mga taong naglilingkod sa Kanya.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 4:1–3

Si Joseph Smith Sr. ay tinawag na maglingkod sa Diyos

Simulan ang lesson sa pagsasabi sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong:

  • Nakadama ba kayo ng pagnanais na maglingkod sa Diyos at alamin ang Kanyang kalooban tungkol sa kung paano kayo higit na makatutulong sa paggawa ng Kanyang gawain?

Ipaliwanag na nadama ng Ama ni Joseph Smith ang hangaring iyon, ngunit hindi niya alam kung ano ang nais ng Panginoon na gawin niya. Noong Pebrero 1829, sina Joseph Smith Sr. at ang kanyang asawang si Lucy, ay binisita ang anak nilang si Joseph Smith Jr. sa Harmony, Pennsylvania. Sa pagbisitang iyon, tumanggap ng paghahayag si Joseph Smith Jr. bilang sagot sa tanong ng kanyang ama. Ang Doktrina at mga Tipan 4 ang sagot ng Panginoon, kung saan inisa-isa Niya ang mga katangiang inaasahan Niya sa mga taong tumutulong sa Kanyang gawain.

Ipaalala sa mga estudyante na noong ibigay ang paghahayag na ito, hindi pa naorganisa ang Simbahan at hindi pa naipanumbalik ang priesthood. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 4:1 at alamin kung paano inilarawan ng Panginoon ang Panunumbalik na nagsisimula nang maganap.

  • Anong salita ang ginamit ng Panginoon sa paglalarawan ng Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw?

  • Sa paanong paraan naging “kagila-gilalas” ang Panunumbalik ng ebanghelyo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 4:2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang inaasahan ng Panginoon sa mga humaharap sa paglilingkod sa Kanya. (Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang humaharap ay nagsisimula.)

  • Ayon sa talatang ito, ano ang inaasahan ng Panginoon sa mga naglilingkod sa Kanya?

  • Ano ang ibig sabihin ng gawin ang isang bagay “nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas”?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang pariralang ito, sabihin sa kanila na ipaliwanag kung ano ang mga gawain o katangiang inaasahan nilang makita sa isang taong nagsisikap na maglingkod sa Diyos nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas. Maaari mo ring sabihin sa kanila na magbigay ng mga halimbawa ng mga taong kilala nila na naglilingkod sa Panginoon sa ganitong paraan.

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung paglilingkuran natin ang Diyos nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas, .

Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang alituntuning itinuro sa Doktrina at mga Tipan 4:2, itanong ang mga sumusunod:

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 4:2, anong pagpapala ang idinudulot ng paglilingkod sa Diyos “nang [ating] buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas”? (Sa pagsagot ng mga estudyante, sabihin sa isa sa kanila na kumpletuhin ang pahayag sa pisara. Dapat ay may pagkakatulad ito sa sumusunod: Kung paglilingkuran natin ang Diyos nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas, tayo ay makatatayong walang-sala sa harapan Niya sa huling araw. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang pariralang ito sa kanilang banal na kasulatan.)

  • Sa palagay ninyo, bakit tayo makatatayong walang-sala sa harapan ng Diyos kung naglilingkod tayo sa Panginoon nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas?

Hikayatin ang mga estudyante na pag-isipan kung ano ang pakiramdam ng makatayong “walang sala” sa harapan ng Diyos. Maaari mong tawagin ang isa o dalawang estudyante na ibahagi ang kanilang mga iniisip.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 4:3. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang katangiang kailangan ng mga tao para matulungan ang Panginoon sa Kanyang gawain.

  • Ano ang katangiang kailangang taglayin ng isang tao para matulungan ang Panginoon sa Kanyang gawain? (May naising maglingkod sa Diyos.)

Maaari mong ipaliwanag na inaakala ng ilan na para lamang sa mga maglilingkod sa full-time mission ang Doktrina at mga Tipan 4. Gayunman, ang ama ni Joseph Smith, na pinagbigyan ng paghahayag na ito, ay hindi tinawag bilang full-time missionary. Gayunman, sinunod niya ang payo sa Doktrina at mga Tipan 4:2–3 sa buong buhay niya, naglingkod nang may katapatan saanman at kailanman siya tawagin. Siya ay isa sa Walong Saksi ng Aklat ni Mormon at isa sa mga unang nabinyagan nang opisyal na inorganisa ang Simbahan noong Abril 6, 1830. Naglingkod din siya bilang unang Patriarch sa Simbahan at bilang Assistant Counselor sa Unang Panguluhan.

Ang payo na ibinigay sa bahaging ito ay akma sa lahat ng may hangaring paglingkuran ang Panginoon at sa maraming paraan na maitatayo natin ang kaharian ng Diyos.

  • Bukod pa sa pagiging full-time missionary, ano pa ang ilang paraan na matutulungan natin ang Panginoon sa Kanyang gawain?

Upang mabigyan ang mga estudyante ng mga ideya kung paano makatutulong sa gawain ng Panginoon ngayon, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan:

“Ilan sa pinakamahahalagang paglilingkod na maibibigay ninyo ay sa loob ng inyong sariling tahanan. Makapaglilingkod din kayo sa mga tungkulin ninyo sa Simbahan, sa paaralan, at komunidad. Makapaglilingkod kayo sa paggawa ng gawain sa templo at family history. Makapaglilingkod kayo sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba sa ngayon at bilang full-time missionary sa hinaharap. Kadalasan ay naipapahayag ang pinakamakabuluhang paglilingkod sa mga simple at araw-araw na pagpapakita ng kabaitan. Hangaring magabayan ng Espiritu Santo bawat araw upang malaman ninyo kung sino ang paglilingkuran at kung paano tutugunan ang kanilang mga pangangailangan. Sundan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa paglilingkod ninyo sa kapwa” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 32).

Sabihin sa mga estudyante na sumulat sa kanilang notebook o scripture study journal ng partikular na paraan na gusto nilang makatulong sa Panginoon sa panahong ito ng kanilang buhay.

Doktrina at mga Tipan 4:4

Ang bukid ay puti na upang anihin

Larawan
drowing na trigo

Kung maaari, magdala ng isang maliit na butil sa klase. Kung wala kang makuha, magpakita sa mga estudyante ng larawan ng isang bukirin o magdrowing sa pisara ng simpleng larawan ng tangkay ng trigo. Ipaliwanag na nagbabago ang kulay ng butil tulad ng trigo o sebada (barley) kapag lumalaki na ito. Kapag mura at bata pa ang butil, berde pa ang kulay nito, pero kapag lumalaki na ito, pumuputla ang kulay nito. Kapag maaari nang anihin ang butil, kadalasang sinasabi na ito ay “puti” na.

Larawan
drowing na trigo

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na salita: bukid, anihin, panggapas. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 4:4. Bago siya magbasa, ipaliwanag na sa talatang ito ikinumpara ng Panginoon ang mga tao sa bukid o taniman ng butil. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano inilarawan ng Panginoon ang bukid (o ang mga tao sa mundo).

  • Ano ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Kanyang bukid (o mga tao sa mundo)?

  • Sa inyong palagay, ano ang ibig sabihin ng pariralang “ang bukid ay puti na upang anihin”? (Ang mga tao sa mundo ay handa nang matipon sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan.)

Itanong kung sino ang makapagpapaliwanag kung ano ang panggapas at saan ito ginagamit. (Ang panggapas ay kutsilyo na pabalantok na ginagamit sa pag-ani ng mga butil. Maaari kang magdrowing sa pisara ng isang simpleng panggapas.)

Larawan
drowing na panggapas
  • Sa palagay ninyo, ano ang ibig sabihin ng humawak sa inyong panggapas nang buo ninyong lakas? (Masigasig na gumawa para madala ang ibang tao kay Jesucristo.)

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 4:4, anong pagpapala ang dumarating sa mga taong masigasig na gumagawa para madala ang ibang tao kay Jesucristo? (Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Kapag masigasig tayong gumagawa para madala ang ibang tao kay Jesucristo, makatatanggap din tayo ng kaligtasan para sa ating sarili. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

  • Paanong ang pagtulong sa iba na mapalapit kay Jesucristo ay nakatutulong din sa atin na mapalapit kay Jesucristo?

Upang matulungan ang mga estudyante na mapalakas ang kanilang patotoo sa alituntuning ito, anyayahan ang ilan sa kanila na magbigay ng mga halimbawa kung paano nila nadama na mas napalapit sila sa Ama sa Langit at kay Jesucristo dahil sa pagtulong nila sa iba na lumapit sa Kanila. Maaari mo ring ibahagi ang sarili mong karanasan o patotoo tungkol sa alituntuning ito.

Doktrina at mga Tipan 4:5–7

Inisa-isa ng Panginoon ang mga kwalipikasyon at pangunahing katangiang kailangan para makapaglingkod sa Kanya

Sabihin sa mga estudyante na magsabi ng ilang klase ng trabaho. Pumili ng isa o dalawang trabaho sa mga binanggit nila, at sabihin sa kanila na tukuyin ang mga kwalipikasyon at katangian na kailangang taglay ng isang tao upang magtagumpay sa trabahong iyan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 4:5 at alamin ang mga katangian na kailangan ng isang tao para maging karapat-dapat na tumulong sa gawain ng Panginoon. (Maaari mong sabihin sa isang estudyante na ilista sa pisara ang mga katangiang ito habang binabanggit ng kanyang mga kaklase. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga ito sa kanilang banal na kasulatan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 4:6. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga karagdagang katangian na ipinayo ng Panginoon na “alalahanin” ng Kanyang mga tagapaglingkod. (Maaari mong ipasulat sa isang estudyante ang mga katangiang ito sa pisara sa tabi ng mga nakatalang katangian sa talata 5.)

Sabihin sa mga estudyante na tukuyin sa mga talata 5–6 ang katotohanang tungkol sa naitutulot sa atin na gawin ng pagkakaroon ng mga banal na katangian. Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Tutulong sa atin na maging karapat-dapat na tumulong sa gawain ng Panginoon ang ating mga pagsisikap na magkaroon ng mga banal na katangian. (Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na isulat ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Doktrina at mga Tipan 4:5–6.)

  • Paano nakatutulong sa atin ang pagtataglay ng bawat isa sa mga katangian sa mga talata 5–6 upang mas epektibong makatulong sa gawain ng Panginoon?

  • Alin sa mga katangiang nakalista sa mga talatang ito ang gusto ninyong lalo pang lubos na pagbutihin? Bakit?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 4:7 habang inaalam ng klase kung paano natin tataglayin at pagbubutihin ang mga katangiang ito.

  • Ano ang ibig sabihin ng “humingi” at “kumatok”?

  • Sa palagay ninyo, paano tayo matutulungan ng panalangin na magkaroon ng mga banal na katangian?

Sa pagtapos sa lesson na ito, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na magpatotoo tungkol sa mga pagpapalang natanggap nila dahil sa pagtulong nila sa gawain sa Panginoon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 4. Tagubilin sa mga nagnanais na maglingkod sa Simbahan

Ipinahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith ng Unang Panguluhan:

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

“Ang [Doktrina at mga Tipan 4] ay napakaikli, pitong talata lamang, ngunit naglalaman ito ng sapat na payo at tagubilin na mapag-aaralan habambuhay. Wala pang ganap na nakaunawa rito. Hindi ito isang personal na paghahayag para lamang kay Joseph Smith, kundi ito ay para sa kapakinabangan ng lahat ng nagnanais na magsimulang maglingkod sa Diyos. Ito ay paghahayag para sa bawat miyembro ng Simbahan, lalo na sa lahat ng maytaglay ng Priesthood. Marahil wala nang iba pang paghahayag sa lahat ng ating banal na kasulatan na naglalaman ng mas matinding tagubilin hinggil sa mga dapat na kwalipikasyon ng mga miyembro ng Simbahan sa paglilingkod sa Diyos, at sa gayong pinaikling pahayag kaysa sa paghahayag na ito. Ito ay kasing lawak, kasing taas at kasing lalim ng kawalang-hanggan. Walang elder ng Simbahan ang karapat-dapat magturo sa Simbahan, o magdala ng mensahe ng Kaligtasan sa mundo, hangga’t hindi niya nauunawaan, kahit bahagya, ang tagubiling ito na mula sa langit” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:35).