Seminary
Lesson 132: Doktrina at mga Tipan 124:22–83


Lesson 132

Doktrina at mga Tipan 124:22–83

Pambungad

Noong Enero 19, 1841, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng templo sa Nauvoo, Illinois. Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 124, ipinaliwanag ng Panginoon ang mga pagpapalang matatamo ng mga Banal kung masigasig nilang itatayo ang templo. Iniutos din ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng bahay na matutuluyan ng mga manlalakbay sa Nauvoo.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 124:22–41, 56–83

Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng templo at bahay na matutuluyan ng mga bisita sa Nauvoo

Bago magklase, isulat ang sumusunod na tanong sa pisara: Ano ang isang bagay na naisagawa ninyo na kinailangan ng maraming oras, o sakripisyo mula sa inyo? Sa pagdating ng mga estudyante, sabihin sa kanila na maghandang sagutin ang tanong na ito. Pagkatapos ng debosyonal, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang mga sagot nila.

  • Bakit sulit ibigay ang kailangang panahon, pagsisikap, o sakripisyo sa bagay na nagawa ninyo?

Ipaliwanag na noong 1841 malaking bilang ng mga Banal ang lumipat sa Nauvoo, Illinois. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 124:25–27 at alamin ang iniutos ng Panginoon sa mga Banal sa Nauvoo.

  • Ano ang iniutos ng Panginoon sa mga Banal?

  • Ano ang nais ng Panginoon na gamitin ng mga Banal sa pagtatayo ng templo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 124:28. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dahilang ibinigay ng Panginoon kung bakit kailangang magtayo ng templo ang mga Banal.

  • Bakit kailangang magtayo ng templo ang mga Banal? (Para maglaan ng lugar kung saan makapaparoon ang Panginoon at maipapanumbalik ang kabuuan ng priesthood.)

Upang maipaunawa sa mga estudyante ang ibig sabihin ng pariralang “kaganapan ng pagkasaserdote” o priesthood sa talata 28, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

“Bawat tao na matapat at tatanggap ng mga ordenansa at pagpapala ay magtatamo ng kaganapan ng priesthood, at sinabi ng Panginoon na ‘kanya silang ginawang pantay-pantay sa kapangyarihan, at sa lakas, at nasasakupan’ [D at T 76:95; tingnan din sa D at T 88:107]. … Ginawang posible ng Panginoon para sa bawat tao sa Simbahang ito, sa pamamagitan ng kanyang pagsunod, na matanggap ang kaganapan ng priesthood sa pamamagitan ng mga ordenansa ng templo ng Panginoon. Hindi ito matatanggap sa ibang lugar” (sa Doctrines of Salvation, comp. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 3:132–33).

Ipaliwanag na ang lahat ng miyembro ng Simbahan—kalalakihan at kababaihan—ay makatatanggap ng kaganapan ng mga pagpapala ng priesthood sa pamamagitan ng pagtanggap ng lahat ng ordenansa ng templo. Sa pamamagitan ng mga ordenansang ito, maaari nating matamo ang lahat ng pagpapala na nais ng Ama sa Langit na ibigay sa Kanyang mga anak. Ipaliwanag na ang pagpapanumbalik ng mga ordenansa at tipan sa templo ay nagsimula sa Kirtland Temple ngunit hindi nakumpleto. Ang pagtatayo ng templo sa Nauvoo ang magtutuloy sa pagpapanumbalik ng mga ordenansa at mga tipan sa templo (tingnan sa D at T 124:28, 40–41).

  • Ano ang ordenansa? (Isang sagrado at pormal na gawaing isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood.)

Ipaliwanag na ang ilang ordenansa ay mahalaga sa kadakilaan, at marami sa mga nakapagliligtas na ordenansang ito ay isinasagawa lamang sa mga templo. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 124:29 at alamin ang isa sa mahahalagang ordenansang ito sa templo na tinukoy ng Panginoon na kailangang ipanumbalik. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na noong Agosto 15, 1840, unang itinuro ni Propetang Joseph Smith na ang mga Banal ay maaaring magsagawa ng mga nakapagliligtas na ordenansa tulad ng binyag para sa kanilang namatay na kapamilya at kaibigan na hindi nagkaroon ng pagkakataong tanggapin ang ebanghelyo (tingnan sa Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 473). Pagkatapos ng pahayag na ito, maraming pagbibinyag para sa mga patay ang isinagawa sa Ilog ng Mississippi o sa kalapit na mga batis.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 124:30–34. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang tagubilin ng Panginoon tungkol sa kung saan dapat isagawa ang ordenansa ng binyag para sa mga patay.

  • Ayon sa Panginoon saang lugar kailangang gawin ang pagbibinyag para sa mga patay para maging katanggap-tanggap sa Kanya? Bakit pinahintulutan ng Panginoon ang mga Banal na pansamantalang magbinyag sa labas ng templo?

Larawan
Nauvoo Temple

Maaari kang magdispley ng larawan ng Nauvoo Temple (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 118; tingnan din sa LDS.org). Ipaliwanag na matapos matanggap ni Joseph Smith ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 124, bumilis ang paggawa sa templo. Noong Oktubre 3, 1841, matapos na bahagyang makumpleto ang silong o basement ng templo, sinabi ni Joseph Smith sa mga Banal, “Wala nang isasagawang mga pagbibinyag para sa mga patay, hanggang sa ang ordenansa ay isagawa sa Bahay ng Panginoon. … Gayon ang wika ng Panginoon!” (Mga Turo: Joseph Smith, 549–51). Noong Nobyembre 21, 1841, matapos magawa ang bautismuhan at inilaan sa silong ng Nauvoo Temple, ang mga pagbibinyag para sa mga patay ay ipinagpatuloy. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 251–52; Mga Turo: Joseph Smith, 549–51.)

Larawan
bautismuhan

Nang maitayo na ang Nauvoo Temple, iniutos ni Propetang Joseph Smith na itayo ang bautismuhan sa silong sa mga likod ng labindalawang baka, na kumakatawan sa labindalawang lipi ng Israel.

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 124, nasaan ang tanging lugar kung saan maaaring matamo ang kaganapan ng mga ordenansa ng priesthood para sa pagtubos ng kapwa buhay at patay? (Maaaring gumamit ang mga estudyante ng iba-ibang salita, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na doktrina: Ang templo ay ang tanging lugar kung saan matatamo natin ang kaganapan ng mga ordenansa ng priesthood para sa pagtubos ng buhay at ng patay.)

  • Paano kaya nakahikayat sa mga Banal ang doktrinang ito para gawin ang sakripisyong kailangan para makapagtayo ng templo sa Nauvoo?

Para matulungan ang mga estudyante na madama ang katotohanan at kahalagahan ng doktrinang ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson. (Maaari mong bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng pahayag na ito.)

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

“Alam ng mga nakauunawa sa walang hanggang mga pagpapalang nagmumula sa templo na walang sakripisyong napakalaki, walang kapalit na napakabigat, walang pagsisikap na napakahirap upang matanggap ang mga pagpapalang iyon. Walang paglalakbay na napakalayo, walang maraming balakid na hindi malalagpasan, o napakaraming hirap na hindi mapagtitiisan. Nauunawaan nila na ang nakapagliligtas na mga ordenansang natanggap sa templo na nagtutulot sa atin na makabalik balang araw sa ating Ama sa Langit sa ugnayan ng pamilyang walang hanggan at mapagkalooban ng mga pagpapala at kapangyarihan mula sa itaas ay sulit sa lahat ng sakripisyo at pagsisikap” (“Ang Banal na Templo—Isang Tanglaw sa Mundo,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 92).

  • Anong mga sakripisyo ang maaaring kailangan ninyong gawin upang maging karapat-dapat at handa sa pagtanggap ng mga ordenansa sa templo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 124:38–41. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung bakit iniutos ng Panginoon kay Moises na magtayo ng tabernakulo sa ilang at bakit Niya iniutos sa Kanyang mga tao na magtayo ng templo sa lupang pangako. (Maaari din ninyong ipaliwanag na si Moises at ang kanyang mga tao ay hindi nagsagawa ng pagbibinyag para sa mga patay. Walang ginawang gawain para sa mga patay hanggang sa pasimulan ng Tagapagligtas ang gawaing iyan sa daigdig ng mga espiritu matapos Siyang pumanaw.)

  • Ayon sa talata 38, bakit iniutos ng Panginoon sa mga sinaunang Israelita na magtayo ng tabernakulo at mga templo?

Isulat ang sumusunod na dalawang tanong sa pisara:

Bakit mahalaga sa inyo ang templo? Bakit nagtatayo ang Simbahan ng mga templo?

Pagpartnerin ang mga estudyante para magtulungan sa pagsagot. Sabihin sa bawat estudyante na pumili ng isa sa mga tanong sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na humarap sa kanilang kapartner at magsalitan sila sa pagsagot sa mga tanong nila batay sa natutuhan nila sa Doktrina at mga Tipan 124:25–41. Bukod diyan, maaari mo ring sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang kanilang mga naisip (o mga naisip ng kapartner nila).

Maaari mong ibuod ang Doktrina at mga Tipan 124:22–24, 56–83 na ipinapaliwanag na bukod pa sa templo, iniutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng isa pang istruktura na tatawaging Nauvoo House, kung saan maaaring tumuloy ang mga bisita sa Nauvoo.

Doktrina at mga Tipan 124:42–55

Ipinahayag ng Panginoon ang mangyayari kung susundin ng mga Banal ang Kanyang utos na magtayo ng templo

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 124:42–45 at alamin ang sinabi ng Panginoon na mangyayari kung magtatayo ang mga Banal ng templo at makikinig sa Kanyang tinig at sa tinig ng Kanyang mga tagapaglingkod. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 124:46–54 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon sa mga Banal kung ano ang mangyayari kung itatayo nila ang templo ngunit pagkatapos niyon ay hindi pakikinggan ang Kanyang tinig at ang tinig ng Kanyang mga tagapaglingkod. Sinabi rin ng Panginoon na tatanggapin Niya ang mga pagsisikap ng mga Banal na isakatuparan ang Kanyang gawain (kabilang na ang pagtatayo ng mga templo) kahit na sila ay hinahadlangan na gawin ito dahil sa pag-uusig na dinaranas nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 124:55. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon na mapapatunayan sa Kanya ng mga Banal kapag tinupad nila ang Kanyang utos na itayo ang Nauvoo Temple.

  • Ayon sa talata 55, ano ang pinapatunayan natin sa Panginoon kapag sinusunod natin ang Kanyang mga utos? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Sa pagsunod natin sa mga utos ng Panginoon, pinapatunayan natin ang ating katapatan. Maaari mong ilista sa pisara ang alituntuning ito.)

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang pagsisikap, panahon, at sakripisyo na kaakibat kung minsan ng pagsunod sa mga utos ng Panginoon.

  • Sa pagkakataong ibinigay sa inyo na mapatunayan ang inyong katapatan sa Diyos, paano kayo nahihikayat nito na sundin ang Kanyang mga utos?

  • Ayon sa talata 55, anong mga karagdagang pagpapala ang ipinangako ng Panginoon sa mga Banal kung magtatayo sila ng templo sa Nauvoo?

Ipaliwanag na ang mga pagpapala ng karangalan, imortalidad, at buhay na walang hanggan na ipinangako sa talata 55 ay walang-hanggan.

  • Bakit mahalagang maunawaan na ang mga pagpapalang tatanggapin natin sa pagiging matapat sa Panginoon ay maaaring hindi kaagad dumating?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon sa kanilang buhay na sumunod sila sa isang kautusan dahil nais nilang maging matapat sa kanilang Ama sa Langit at sa Tagapagligtas. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan at damdamin tungkol sa ipinapakita nilang katapatan sa Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga pagkakataon para mapatunayan ang kanilang katapatan sa Panginoon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 124:45. “Sila ay hindi mapaaalis mula sa kanilang lugar”

Nang iutos ng Panginoon sa mga Banal na magtayo ng templo, ipinangako rin Niya na sila ay “hindi mapaaalis mula sa kanilang lugar.”

Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Pangulong Boyd K. Packer

“Sa isang napakahirap na panahon, ibinigay ng Panginoon ang pinakamahigpit na babala na nalalaman ko sa buong banal na kasulatan. Patungkol iyon sa pagtatayo ng Nauvoo Temple. Alam ng mga Banal batay sa kanilang naranasan na maghahatid ng matinding pang-uusig ang pagtatayo ng templo, kaya ipinagpaliban nila ito. Naghintay pa ang Panginoon at nagsabi, ‘Kung hindi ninyo gagawin ang mga bagay na ito sa katapusan ng tipanan kayo ay hindi tatanggapin bilang isang simbahan, kasama ng inyong mga patay, wika ng Panginoon ninyong Diyos’ [D at T 124:32].

“Madalas makaligtaan sa paghahayag na iyan ang isang kagila-gilalas na pangako: ‘Kung ang aking mga tao ay makikinig sa aking tinig, at sa tinig ng aking mga tagapaglingkod na aking itinalagang aakay sa aking mga tao, masdan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, sila ay hindi mapaaalis mula sa kanilang lugar’ [D at T 124:45].

“Tandaan ang pangakong ito; panghawakan ito. Dapat maging malaking kaginhawahan ito sa mga nagpupunyagi para mapanatiling sama-sama ang pamilya sa isang lipunang lubhang nagbabalewala, at kumakalaban, sa mga pamantayang mahalaga sa isang masayang pamilya. …

“Inuulit ko ang pangako na yaong makikinig sa mga lalaking ito na itinalaga ng Panginoon ‘ay hindi mapaaalis mula sa kanilang lugar’ [D at T 124:45].

“Ngunit ang pangako ay sinundan ng babalang ito: ‘Subalit kung sila ay hindi makikinig sa aking tinig, ni sa tinig ng mga taong ito na aking itinalaga, sila ay hindi pagpapalain’ [D at T 124:46]” (“Ang Labindalawang Apostol” Liahona, Set. 2005, 20).