Seminary
Home-Study Lesson: Doktrina at mga Tipan 121–123; ang Pagtatatag ng Nauvoo (Unit 26)


Home-Study Lesson

Doktrina at mga Tipan 121–123; ang Pagtatatag ng Nauvoo (Unit 26)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 121–123 at ng lesson na “Ang Pagtatatag ng Nauvoo” (unit 26) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Doktrina at mga Tipan 121:1–10122)

Sa pag-aaral ng mga estudyante tungkol sa pagkabilanggo ni Propetang Joseph Smith at ng iba pa sa Liberty Jail, natuklasan nila ang mga sumusunod na alituntunin: Kapag sumasamo tayo sa Panginoon sa panahon ng paghihirap at pagdurusa, matatanggap natin ang Kanyang kapayapaan. Kung matitiis natin nang lubos ang mga pagsubok sa mortalidad, pagpapalain tayo ng Diyos ngayon at sa mga kawalang-hanggan. Ang mga pagdurusa ay magbibigay sa atin ng karanasan at para sa ating ikabubuti. Nalaman din ng mga estudyante na dinanas ng Tagapagligtas ang mga pasakit at pagdurusa ng lahat ng tao.

Day 2 (Doktrina at mga Tipan 121:11–33)

Matapos pag-aralan ang tungkol sa mga pagdurusa at pag-uusig na naranasan ng mga Banal mula sa kanilang mga kaaway sa Missouri, nalaman ng mga estudyante na nakikita at nalalaman ng Panginoon ang lahat ng ating ginagawa, at ang mga gumagawa nang mali ay tatanggap ng kahatulan ng Diyos sa Kanyang itinakdang panahon. Natuklasan din nila na maghahayag ang Diyos ng kaalaman sa atin sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ang mga pagsubok ay makatutulong sa pagdadalisay sa atin at paghahanda sa atin na makatanggap ng paghahayag.

Day 3 (Doktrina at mga Tipan 121:34–46)

Sa bahaging ito ng liham ni Propetang Joseph Smith mula sa Liberty Jail, nalaman ng mga estudyante na makahuhugot lamang ang mga maytaglay ng priesthood ng kapangyarihan mula sa langit kung namumuhay sila nang matwid. Inisip din ng mga estudyante ang mga partikular na gawain na maaaring magpahina o magpalakas sa kapangyarihan ng isang maytaglay ng priesthood.

Day 4 (Doktrina at mga Tipan 123; ang Pagtatatag ng Nauvoo)

Nang pag-aralan ng mga estudyante ang responsibilidad ng mga Banal na may kaugnayan sa mga umuusig sa kanila, nalaman nila ang mga alituntuning ito: Tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako kapag ginawa natin ang ating bahagi. Marami ang hindi nakakaalam sa katotohanan dahil hindi nila alam kung saan ito matatagpuan. Ang ating pasiya na sundin ang tila maliliit na kautusan ng Panginoon ay may malaking impluwensya sa hinaharap. Nalaman din ng mga estudyante ang tungkol sa headquarters ng Simbahan na itinatag sa Nauvoo, Illinois, at natuklasan na ang Relief Society ay bahagi ng Panunumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo.

Pambungad

Sa lesson na ito pag-aaralang muli ng mga estudyante ang mga turo mula sa Doktrina at mga Tipan 121–122 na makatutulong sa atin kapag dumaranas tayo ng pagsubok sa buhay. Matutuklasan din nila na ang pag-uusig ay makaiimpluwensya sa gawain ng Diyos sa pagsulong nito sa halip na mapatigil ang pagsulong nito. Sa huli, malalaman ng mga estudyante ang tungkol sa pagkakatatag ng Relief Society sa Nauvoo, Illinois, at magbabahagi ng mga paraan na napagpapala ng Relief Society ang mga tao ngayon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 121–122

Natuto ng mahahalagang aral ang mga Banal mula sa naranasan nilang pag-uusig

Sa pisara, isulat ang Extermination order, Haun’s Mill, at Liberty Jail. Sabihin sa mga estudyante na gamitin ang mga salitang ito upang ibuod ang nalaman nila tungkol sa mga naranasang pag-uusig ng mga Banal sa Missouri noong 1838–39.

Isulat ang Doktrina at mga Tipan 121:7–10; 122:7–9 sa pisara. Ipaalala sa mga estudyante na sa mga talatang ito ay naghayag ang Panginoon ng mga alituntunin kay Propetang Joseph Smith upang panatagin siya at ang mga Banal sa kanilang mga pagsubok. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang mga talatang ito at alamin kung paano makatutulong ang mga turo sa mga talatang ito sa mga panahon ng kanilang pagsubok. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Noong isang linggo, pinag-aralan ng mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 121:36, 41–42, na isang scripture mastery passage. Maaari mong sabihin sa kanila na rebyuhin ito sa pamamagitan ng sama-samang pagbigkas ng talata 36. Maaari mo ring ipalista sa kanila ang mabubuting gawa na binanggit ng Panginoon sa mga talata 41–42.

  • Sino ang kilala ninyo na halimbawa ng mabubuting alituntuning ito?

Ibahagi ang pasasalamat na nadarama mo para sa mabubuting maytaglay ng priesthood at para sa mga pagpapala na matatanggap ng lahat ng tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood.

Ang Pagtatatag ng Nauvoo

Magpabanggit sa mga estudyante ng mga bagay na nakakaapula ng apoy. Pagkatapos ay itanong kung ano ang nagpapalaki sa apoy. Ipaliwanag na inihalintulad ni Joseph Smith ang gawain ng Diyos sa isang apoy.

  • Sa palagay ba ninyo ang mga pag-uusig na naranasan ng mga Banal sa Missouri ay tulad ng tubig na nagsimulang pumatay sa gawain ng Diyos o tulad ng pampaningas na tumulong sa paglaki nito? Bakit?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith. Ipaliwanag na isinulat ng Propeta ang pahayag na ito sa isang liham sa isang editor ng pahayagan na nagngangalang John Wentworth noong Marso 1, 1842.

Larawan
Propetang Joseph Smith

“Hindi nakahadlang ang pag-uusig sa pagsulong ng katotohanan, bagkus ay nakadagdag lamang sa pagningas ng apoy. …

“… Ang Pamantayan ng Katotohanan ay naitayo na; walang kamay na di pinaging banal ang maaaring pumigil sa pagsulong ng gawain; ang mga pag-uusig ay maaaring magngitngit, ang mga mandurumog ay maaaring magkaisa, ang mga hukbo ay maaaring magkatipon, ang kasinungalingan ay maaaring manira, subalit ang katotohanan ng Diyos ay magpapatuloy nang may kagitingan, may pagkamaharlika, at may kalayaan, hanggang sa makapasok ito sa bawat bansa, makadalaw sa bawat klima, makaraan sa bawat lugar, at mapakinggan ng bawat tainga, hanggang sa ang mga layunin ng Diyos ay matupad, at ang Dakilang Jehova ay magsabing ang gawain ay naganap na” (sa History of the Church, 4:540).

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa pahayag na ito? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba-ibang katotohanan, ngunit bigyang-diin ang sumusunod: Walang makapipigil sa pagsulong ng gawain ng Diyos sa iba’t ibang dako ng mundo.)

  • Anong katibayan ang nakikita ninyo tungkol sa alituntuning ito ngayon?

  • Sa paanong paraan kayo makikibahagi sa pagsulong ng gawain ng Diyos?

Ipaliwanag na sa panahong isinulat ni Propetang Joseph Smith ang propesiyang ito sa kanyang liham kay John Wentworth, ang Panginoon ay nagsimulang tumawag ng mga missionary upang ipangaral ang ebanghelyo sa iba’t ibang bansa. Ang propesiyang iyan ay nagsimulang matupad nang libu-libong tao—lalo na sa Great Britain—ang nabinyagan. Ang mga bagong miyembro ay nagpalakas sa Simbahan, at marami ang naglakbay upang makasama ang mga Banal sa Nauvoo.

Ipaalam sa klase na sa Nauvoo, Illinois, ang kababaihan ng Simbahan ay may malaking naiambag sa pagsusulong ng gawain ng Panginoon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na dalawang talata:

Noong 1842 ilang kababaihan sa Nauvoo, Illinois, ang nagtipun-tipon upang pag-usapan kung paano sila makatutulong sa pagtatayo ng Nauvoo Temple. Nagtatag sila ng isang samahan at hiningi ang opinyon ni Propetang Joseph Smith tungkol dito. Sinang-ayunan niya ito, ngunit nabigyan siya ng inspirasyon na itatag ang Relief Society “sa ilalim ng priesthood ayon sa pagkakaayos sa priesthood” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 528; tingnan din sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society [2011], 14).

Si Emma Smith ang tinawag na maging unang general president ng Relief Society. Itinuro ni Eliza R. Snow na naglingkod bilang secretary ng Relief Society sa Nauvoo at kalaunan ay tinawag na maglingkod bilang pangalawang Relief Society general president: “Bagamat maaaring makabago ang pangalan [na Relief Society], ang institusyon ay mula pa noong unang panahon. Sinabi sa atin [ni Propetang Joseph Smith] na mayroon ding ganitong organisasyon sa simbahan noong unang panahon” (“Female Relief Society,” Deseret News, Abr. 22, 1868, 1; tingnan din sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, 8).

  • Ano ang matututuhan natin tungkol sa Relief Society mula sa pahayag ni Eliza R. Snow? (Sa pagsagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Ang Relief Society ay bahagi ng Panunumbalik ng Simbahan ni Jesucristo.)

  • Sa palagay ninyo bakit mahalaga para sa atin na maunawaan ang katotohanang ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag hinggil sa mga layunin ng Relief Society:

“Ang Relief Society ay itinatag upang tumulong sa paghahanda sa mga anak na babae ng Diyos sa mga pagpapala ng buhay na walang-hanggan. Ang mga layunin ng Relief Society ay pag-ibayuhin ang pananampalataya at sariling kabutihan, palakasin ang mga pamilya at tahanan, at magbigay ginhawa sa pamamagitan ng paghahanap at pagtulong sa mga nangangailangan” (Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian, xi–xii).

Sabihin sa mga estudyante na rebyuhin ang isinulat nila sa kanilang scripture study journal para sa day 4, assignment 7. (Sila ay sinabihang kumausap ng isang miyembro ng Relief Society at isulat kung paano siya napagpala ng Relief Society at nabigyan ng mga pagkakataon na makibahagi sa gawain ng Panginoon.) Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila sa aktibidad na ito.

Tapusin ang lesson na ito sa pagbabahagi ng iyong patotoo kung paano tumutulong ang mga pagsisikap ng matatapat na kalalakihan at kababaihan ngayon upang magpatuloy ang gawain ng Panginoon sa paglaganap sa iba’t ibang dako ng mundo. Sabihin sa mga estudyante na mamuhay nang tapat upang maipagpatuloy nila ang pakikibahagi sa gawain ng Panginoon.

Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 124–128)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na nakibahagi sila sa mga binyag at kumpirmasyon para sa mga patay. Ipaliwanag na marami sa kanilang pag-aaral sa susunod na linggo ay tungkol sa Nauvoo Temple at sa panunumbalik ng ordenansa ng pagbibinyag para sa mga patay.