Seminary
Lesson 158: Pagpapabilis sa Gawain ng Kaligtasan


Lesson 158

Pagpapabilis sa Gawain ng Kaligtasan

Pambungad

Sa simula ng Panunumbalik, ang gawain ng Panginoon ay lumaganap sa buong mundo. Nabubuhay tayo sa panahon kung kailan pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain. Ang mga kabataan ng Simbahan ay maraming resources at pagkakataon na makatulong sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain

Sabihin sa isang estudyante na maglakad mula sa isang panig ng silid papunta sa isa pang panig ng silid sa katamtamang bilis. Pagkatapos ay sabihin sa estudyante na lakaring muli ang silid at bilisan ang lakad. Habang nilalakad ng estudyante ang silid sa pangalawang pagkakaton, itanong sa klase ang sumusunod:

  • Ano ang ibig sabihin ng padaliin ang isang bagay? (Pabilisin ito.) Ano ang ilang dahilan kung bakit pinapadali o pinapabilis ang isang gawain?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:73. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon na Kanyang padadaliin o pabibilisin. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pinapabilis ng Panginoon ang Kanyang gawain?

Patungkol sa Doktrina at mga Tipan 88:73, sinabi ni Elder Russell M. Nelson, “Ang panahong iyan ng pagpapabilis ay ngayon na” (“Thus Shall My Church Be Called,” Ensign, Mayo 1990, 17). Isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Nabubuhay tayo sa panahong pinabibilis ng Panginoon ang Kanyang gawain.

  • Ano ang ilang paraan na nakikita ninyong pinapabilis ng Panginoon ang Kanyang gawain?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 133:10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinapahiwatig ng talatang ito tungkol sa dahilan kung bakit pinapabilis ng Panginoon ang Kanyang gawain.

  • Ano ang isinasaad ng talatang ito tungkol sa dahilan kung bakit mamadaliin o papabilisin ng Panginoon ang Kanyang gawain? (Upang tulungan ang mga tao na maghanda para sa Kanyang Ikalawang Pagparito.)

Magpakita ng larawan ni Pangulong Spencer W. Kimball (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 133; tingnan din sa LDS.org). Ipaliwanag na sa panahon ng paglilingkod ni Pangulong Spencer W. Kimball bilang Pangulo ng Simbahan, pinabilis ng Panginoon ang Kanyang gawain. Halimbawa, lumawak ang gawaing misyonero, at naglathala ang Simbahan ng mga bagong edisyon ng mga banal na kasulatan. Sa paghikayat niya sa mga miyembro ng Simbahan na sumulong, sinabi ni Pangulong Kimball na ang Simbahan ay “matagal nang nakahinto sa talampas” (“Let Us Move Forward and Upward,” Ensign, Mayo 1979, 82). Itinuro rin niya, “Dapat nating dagdagan ang ating pagsisikap at dapat nating gawin ito ngayon” (“Always a Convert Church: Some Lessons to Learn and Apply This Year,” Ensign, Set. 1975, 3).

Larawan
Pangulong Spencer W. Kimball
  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ni Pangulong Kimball nang sabihin niya na dapat nating “dagdagan ang ating pagsisikap”?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ilang paraan ng pagpapabilis ng Panginoon sa Kanyang gawain ngayon at ang ilang paraan na makakabahagi sila sa Kanyang gawain, gawin ang sumusunod na aktibidad:

Hatiin sa tatlong grupo ang klase, at bigyan ang mga estudyante sa bawat grupo ng kopya ng isa sa mga sumusunod na assignment sa pagtuturo. Bigyan ang mga estudyante ng ilang minuto na pag-aralan at paghandaang ituro ang mga assignment nila sa kanilang mga kaklase. Matapos ang sapat na oras, hatiin ang klase sa mga grupo na may tig-tatatlong estudyante, na may kasamang tig-isang miyembro na kabilang sa orihinal na mga grupo. Sabihin sa mga estudyante na magsalitan sa pagtuturo sa kanilang mga grupo tungkol sa kung paano pinapabilis ng Panginoon ang Kanyang gawain at paano sila makakabahagi sa gawaing iyan.

Assignment sa Pagtuturo 1: Pagpapabilis ng gawaing misyonero

Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball sa mga Banal na ang Panginoon ay nakahandang buksan ang mga pintuan upang maibahagi nila ang ebanghelyo, pati na sa mga bansa na hindi pinapayagan ang gawaing misyonero. Gayunman, sinabi rin niya na kailangang ihanda ng mga Banal ang kanilang sarili para matanggap ang mga oportunidad na iyon. Pinatotohanan din ni Pangulong Kimball na kung bawat kabataang lalaki ay naghandang maglingkod sa full-time mission, magbubukas ang Panginoon ng mga pintuan at magbibigay ng daan na mapalaganap ang gawaing misyonero sa buong mundo. Sinabi niya:

Larawan
Pangulong Spencer W. Kimball

“Alam ko na may mga hadlang, gaya ng iron curtain at bamboo curtain. Alam ko kung gaano kahirap iyon dahil nasubukan na namin. … Ngunit wala akong makitang magandang dahilan kung bakit bubuksan ng Panginoon ang mga pintuang hindi tayo handang pumasok. Bakit niya sisirain ang Iron Curtain o ang Bamboo Curtain o iba pang tabing kung hindi pa tayo handang pumasok?” (“When the World Will Be Converted,” Ensign, Okt. 1974, 5, 7).

Sinunod ng mga miyembro ng Simbahan ang payo ni Pangulong Kimball at naghandang ibahagi ang ebanghelyo. Noong panahon ng pangangasiwa ni Pangulong Kimball ang bilang ng mga full-time missionary ay nadagdagan nang mahigit 50 porsyento. Sa mga huling taon ng 1980s at noong 1990s, ang mga pamahalaan ng East Germany, mga bansa sa dating Soviet Union, at iba pang mga bansa kung saan dating nagbabawal sa gawaing misyonero ay pinapayagan na ngayon ang mga missionary na magbahagi ng ebanghelyo sa mga bansang ito. Natupad ang propesiya ni Pangulong Kimball.

Noong Oktubre 2008, binanggit muli ni Pangulong Thomas S. Monson ang payong ibinigay ni Pangulong Kimball:

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

“ … Gayunman, may mga lugar pa rin sa mundo kung saan limitado ang ating gawain at hindi tayo pinapayagang ibahagi ang ebanghelyo. Tulad ng ginawa ni Pangulong Spencer W. Kimball mahigit 32 taon na ang nakalilipas, hinihimok ko kayong idalangin ang pagbubukas ng mga lugar na iyon, upang maibahagi natin sa kanila ang kagalakang hatid ng ebanghelyo. Sa mga panalangin namin noon bilang tugon sa pakiusap ni Pangulong Kimball, nakita namin ang mga himala nang ang bawat bansa, na sarado noon sa Simbahan, ay nabuksan. Muling mangyayari iyan kapag nanalangin tayo nang may pananampalataya” (“Pagbati sa Kumperensya,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 6).

Ipaliwanag na noong hikayatin ni Pangulong Kimball ang mga miyembro ng Simbahan na dagdagan ang kanilang mga pagsisikap, binigyang-diin niya ang isang responsibilidad ng bawat kabataang lalaki sa Simbahan. Ipabasa nang malakas sa isang miyembro ng inyong grupo ang sumusunod na pahayag:

Larawan
Pangulong Spencer W. Kimball

“Madalas itong itinatanong: Dapat bang magmisyon ang bawat kabataang lalaki? Ang sagot ay ibinigay na ng Panginoon. Ito ay ‘Oo.’ Bawat kabataang lalaki ay dapat magmisyon” (“When the World Will Be Converted,” 8).

Ipaalala sa mga miyembro ng grupo ninyo na patuloy na hinikayat ng mga propeta ang bawat karapat-dapat at may kakayahang kabataang lalaki na maglingkod sa full-time mission. Malugod ring tinatanggap ng mga propeta ang mga kabataang babae na maglingkod sa full-time mission kung nais nila. Noong Oktubre 2012, ibinalita ni Pangulong Thomas S. Monson ang pagbabago sa edad sa pagmimisyon na nagtulot sa mga kabataang lalaki na magsimulang maglingkod sa edad na 18 at ang mga kabataang babae sa edad na 19.

Talakayin ang mga sumusunod na tanong bilang grupo:

  • Ayon sa mga propeta sa mga huling araw, ano ang inaasahan ng Panginoon mula sa mga kabataang lalaki pagdating sa full-time mission? (Iba-iba man ang gamiting mga salita ng mga miyembro ng grupo, dapat makita sa mga sagot nila ang sumusunod na alituntunin: Bawat kabataang lalaki ay dapat maghandang magmisyon at panatilihing karapat-dapat ang kanilang sarili na maglingkod.)

  • Bakit kailangang paghandaan ng bawat kabataang lalaki ang pagmimisyon?

  • Paano nakatutulong ang paghahanda ninyo ngayon para sa misyon sa pagtulong sa gawain ng Panginoon?

  • Sa inyong palagay, paano nakatulong ang nainspirasyunang pagbabago ng edad para sa full-time missionary sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon?

Assignment sa Pagtuturo 2: Mga bagong edisyon ng mga banal na kasulatan

Sabihin sa mga miyembro ng inyong grupo na pag-isipan kung ano ang gagawin nila kapag tinanong sila ng kanilang matalik na kaibigan ng, “Gusto kong mas mapalapit sa Diyos. Ano ang dapat kong gawin?” Pagkatapos ay itanong ang sumusunod:

  • Ano ang sasabihin ninyo sa inyong kaibigan?

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball:

Larawan
Pangulong Spencer W. Kimball

“Natuklasan ko na kapag nagiging mababaw ang pakikipag-ugnayan ko sa kabanalan at kapag tila walang banal na taingang nakikinig at walang banal na tinig na nagsasalita, na napakalayo ko na. Kapag itinuon ko ang aking sarili sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, kumikitid ang distansya at bumabalik ang espirituwalidad” (The Teachings of Spencer W. Kimball, ed. Edward L. Kimball [1982], 135).

Ipaalam sa mga miyembro ng grupo ninyo na ipinapaliwanag sa pahayag ni Pangulong Kimball na kailangang-kailangan nating pagtuunan ang mga banal na kasulatan. Ipabasa nang malakas sa isang kagrupo ninyo ang Doktrina at mga 104:58–59. Sabihin sa ibang kagrupo na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung bakit gusto ng Panginoon na ilathala ng mga lider ng Simbahan ang mga paghahayag.

  • Paano nakatutulong sa atin ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan upang maragdagan ang ating pagsisikap at makatulong sa pagpapabilis ng gawin ng Panginoon?

Ipaliwanag na noong mga unang taon ng 1970s, nakita ng mga lider ng Simbahan na kailangang maging mas pamilyar ang mga miyembro ng Simbahan sa mga banal na kasulatan at magkaroon ng isang edisyon ng Biblia na gagamiting pamantayan para sa pag-aaral at pagtuturo. Noong 1979, matapos ang maraming taon ng inspirado at masigasig na paggawa, naglimbag ang Simbahan ng opisyal na English LDS edition ng King James Bible. Ang Bibliang ito ay naglalaman ng maraming tulong sa pag-aaral na wala noon, kabilang na ang pinalawak na footnote na may mga cross-reference at iba pang mga tulong; mga pinagandang chapter heading; mga sipi mula sa Joseph Smith—Kasaysayan; ang Topical Guide; at ang Bible Dictionary. Noong 1981, inilathala ng Simbahan ang bagong edisyon sa Ingles ng triple combination na may mas pinalawak na mga footnote, chapter heading, mapa, at indeks. Noong 2009, inilathala ng Simbahan ang LDS edition ng Reina–Valera Bible sa Espanyol.

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol, na ibinigay makalipas ang isang taon matapos ilabas ang 1981 triple combination sa Ingles. Sabihin sa mga estudyante na pakinggan kung paano niya nakinita na pagpapalain ng mga bagong edisyong ito ng mga banal na kasulatan ang buhay ng tao at isusulong ang gawain ng Diyos.

Larawan
Pangulong Boyd K. Packer

“Sa paglipas ng mga taon, ang mga banal na kasulatang ito ay lilikha ng sunud-sunod na henerasyon ng matatapat na Kristiyanong nakakakilala sa Panginoong Jesucristo at may hangaring sundin ang Kanyang kalooban.

“… Magkakaroon sila ng kaalaman sa ebanghelyo na higit pa sa kayang matamo ng kanilang mga ninuno. Magkakaroon sila ng patotoo na si Jesus ang Cristo at ng kakayahang ipahayag at ipagtanggol Siya” (“Scriptures,” Ensign, Nob. 1982, 53).

Ibahagi ang iyong patotoo na ang mga banal na kasulatan ay nagpapatotoo na si Jesus ay ang Cristo. Ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay makatutulong sa atin na makatanggap ng patotoo kay Jesucristo at mapupuspos ang ating buhay ng Banal na Espiritu.

Ipaliwanag na malaking pagsisikap ang ginawa at patuloy na ginagawa upang bigyan ang mga miyembro ng Simbahan ng mga banal na kasulatan at mga tulong sa pag-aaral sa kanilang mga katutubong wika.

Talakayin ang mga sumusunod na tanong bilang grupo:

  • Bakit mahalaga ang araw-araw na pagbabasa ng mga banal na kasulatan?

  • Paano kayo natutulungan ng personal na pag-aaral ng banal na kasulatan para makatulong sa gawain ng Panginoon?

Assignment sa Pagtuturo 3: Pagpapabilis ng gawain sa templo at family history

Sabihin sa grupo ninyo na hulaan kung ilang templo ang naitayo sa loob ng 143 taong pagitan ng pag-organisa ng Simbahan noong 1830 at sa pagtawag kay Pangulong Spencer W. Kimball noong 1973 (17 templo). Pagkatapos ay sabihin sa grupo na hulaan kung ilang templo ang naibalita o naitayo sa 40 taong pagitan ng taong 1973 at 2013 (153 templo).

Ipaliwanag na lalong dumami ang mga itinayong templo sa panahon ng pamumuno ni Pangulong Gordon B. Hinckley. Ipabasa sa isang kagrupo ninyo ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Hinckley:

Larawan
Pangulong Gordon B. Hinckley

“Napakatindi ng hangarin kong magkaroon ng templo na madaling mararating ng mga Banal sa mga Huling Araw sa iba’t ibang panig ng mundo. … Binibilisan natin ang paggawa hanggat kaya natin. Lagi kong idinadalangin na mapabilis ito upang mas marami sa ating mga tao ang mas madaling makapunta sa sagradong bahay ng Panginoon” (“Of Missions, Temples, at Stewardship,” Ensign, Nob. 1995, 52, 53).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 128:15, 17. Sabihin sa grupo na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang responsibilidad natin sa ating mga ninuno. Pagkatapos ay ipabasa nang malakas ang sumusunod na pahayag tungkol sa doktrina na ibinigay ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol: “May responsibilidad tayo sa ating tipan na saliksikin ang ating mga ninuno at magsagawa ng nakapagliligtas na mga ordenansa ng ebanghelyo para sa kanila” (“Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 25).

Ipaliwanag na ang pagtatayo ng mga templo at pagpapasulong ng paggawa ng family history ay katibayan na pinabibilis ng Diyos ang Kanyang gawain sa kabilang panig ng tabing. Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Bednar. Sabihin sa grupo na pakinggan kung paano sila makatutulong sa gawain ng Panginoon.

Larawan
Elder David A. Bednar

“Hindi nagkataon lang na lumitaw ang FamilySearch at iba pang mga kasangkapan sa panahon na ang mga kabataan ay lubha nang pamilyar sa maraming teknolohiya sa pagkuha ng impormasyon at sa komunikasyon. Natuto na kayong magpadala ng mensahe sa inyong mga cell phone at computer para pabilisin at isulong ang gawain ng Panginoon—hindi lang para mabilis na makipag-ugnayan sa inyong mga kaibigan. Ang mga kasanayan at kakayahang nakikita sa maraming kabataan ngayon ay isang paghahandang makatulong sa gawain ng kaligtasan” (“Ang mga Puso ng mga Anak ay Magbabalik-loob,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 26).

Talakayin ang sumusunod na tanong sa inyong grupo:

  • Ano ang magagandang naranasan ninyo sa paggawa ng family history o pagpunta sa templo para makabahagi sa mga ordenansa para sa mga patay?

Ang ating responsibilidad sa pagsusulong sa gawain

Pagkatapos makapagturo ang mga estudyante sa maliliit na grupo, anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang naisip at nadama nila tungkol sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon.

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David B. Haight ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang mangyayari kapag nakibahagi tayo sa gawain ng Panginoon.

Larawan
Elder David B. Haight

“Mga kapatid, ang Panginoon ay nagbubukas ng daan at ginagawang posible na mapalawak ang Kanyang gawain sa buong daigdig, at napakalaking pagpapala nito para sa ating lahat—bawat isa sa kanyang sariling paraan—na makibahagi. …

“Sino pa ba maliban sa mga propeta ng Diyos ang nakakinita ng himala ng mabilis na paglawak ng gawain ng Panginoon? Ayon sa sinabi ng Panginoon sa bahagi 88 ng Doktrina at mga Tipan, Kanyang mamadaliin ang Kanyang gawain sa panahon na ito (tingnan sa D at T 88:73)” (“Missionary Work—Our Responsibility,” Ensign, Nob. 1993, 61, 62).

  • Ayon kay Elder Haight, ano ang mangyayari kapag nakibahagi tayo sa gawain ng Panginoon? (Sa pagsagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Tayo ay pagpapalain kapag nakibahagi tayo sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon.)

  • Ano ang mga pagpapalang nakamit ninyo nang makibahagi kayo sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng mga pagkakataong makatutulong sila sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon. Ipasagot sa kanila ang sumusunod na tanong sa kanilang notebook o scripture study journal:

  • Ano ang ilang paraan na makatutulong kayo sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon?

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na magtakda ng mithiin na magawa ang isinulat nila. Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo tungkol sa pagpapabilis ng gawain ng Panginoon at ang ating mga responsibilidad at oportunidad na makibahagi sa Kanyang gawain.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

“Dapat nating dagdagan ang ating pagsisikap”

Itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball:

Larawan
Pangulong Spencer W. Kimball

“Tayo rin ba ay may bagay na kailangang ibahagi? Oo! Nasa atin ang ebanghelyo ni Jesucristo, ang ebanghelyo ng kapayapaan, ang ebanghelyo ng kagalakan. Nasa atin ang mga katotohanang mas magpapabuti at mas magbibigay ng tagumpay sa isang tao, mas magpapasaya at mas magpapatamis ng anumang relasyon ng mag-asawa, mas gagawing langit ang anumang tahanan. Nasa atin ang kapangyarihan ng priesthood ng Diyos na magbibigay ng pagpapala sa ating mga tahanan at buhay at sa buhay ng iba. Oo, sa ating sarili, sa ating mga tahanan, sa ating mga korum, sa ating mga klase, sa ating tungkulin sa Simbahan natin dapat mas masigasig na paunlarin ang mga bagay na iyon na natanggap natin. At iniuutos naman sa atin na ‘ibigay din kung ano ang mayroon tayo’ sa ating mga kapitbahay at kasamahan na mga hindi miyembro ng Simbahan. Iniutos sa atin ng Panginoon na gawin iyon. Dapat nating dagdagan ang ating pagsisikap at dapat nating gawin na ito ngayon” (“Always a Convert Church: Some Lessons to Learn and Apply This Year,” Ensign, Set. 1975, 3).

Ang mga Korum ng Pitumpu

Ang pagdaragdag ng mga Korum ng Pitumpu ay katibayan na pinapabilis ng Panginoon ang Kanyang gawain.

Noong 1976, inorganisa ni Pangulong Spencer W. Kimball ang Unang Korum ng Pitumpu, at nadagdagan pa ang mga Korum ng Pitumpu sa paglago ng Simbahan. Ang bilang ng mga korum ay patuloy na madaragdagan kung kailangan.

“[Sa taong 2014] mayroon nang … walong Korum ng Pitumpu. Ang bilang ng miyembro sa bawat korum ay maaaring umabot nang hanggang 70. Ang mga miyembro ng Korum ng Pitumpu ay karaniwang tinutukoy lamang na ‘Mga Pitumpu.’ Ang mga Pitumpu ay tinawag upang ipahayag ang ebanghelyo at patatagin ang Simbahan. Sila ay naglilingkod sa pamamahala ng Korum ng Labindalawang Apostol at ng Panguluhan ng Pitumpu. …

“… Ang mga miyembro ng Una at Pangalawang Korum ng Pitumpu ay itinuturing na mga General Authority, ibig sabihin mayroon silang awtoridad na maglingkod saan mang dako ng mundo. Ang mga miyembro ng mga natitirang korum ay tinatawag na Area Seventy, at ang kanilang awtoridad ay limitado lamang sa mga lugar kung saan sila naglilingkod” (“Quorums of the Seventy,” LDS.org).