Seminary
Lesson 45: Sa Ohio


Lesson 45

Sa Ohio

Pambungad

Ang lesson na ito ay magbibigay sa mga estudyante ng maikling buod ng mga karanasan ng mga Banal sa Ohio. Noong Disyembre 1830 iniutos sa mga Banal na lumipat sa Ohio (tingnan sa D at T 37:3), at noong Enero 1831 sila ay pinangakuang “pag[ka]kalooban ng kapangyarihan mula sa kaitaasan” kung sila ay susunod (D at T 38:32).

Ang mga nagtipon sa Ohio ay pinagpala nang lubos. Ang patuloy na mga paghahayag ay nagbigay sa mga Banal ng mas malalim na pang-unawa sa ebanghelyo ni Jesucristo. Bukod dito, natanggap nila ang mga pagpapalang dulot ng pagtatayo ng templo at pangangaral ng ebanghelyo. Habang dumarami ang mga miyembro ng Simbahan sa Ohio at lumalakas sa espirituwalidad, tumitindi rin ang oposisyon laban sa Simbahan at sa mga namumuno rito. Si Propetang Joseph Smith ay nanirahan sa Kirtland mula Enero 1831 hanggang Enero 1838.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Buod ng kasaysayan sa Kirtland

Ipaliwanag na noong Enero 1831, sina Propetang Joseph Smith at ang kanyang asawang si Emma, gayundin sina Sidney Rigdon at Edward Partridge, ay umalis ng New York papuntang Ohio. Karamihan sa mga Banal sa New York ay sumunod sa loob ng sumunod na limang buwan. Ang sumusunod na apat na mini lesson ay naglalaman ng buod ng mahahalagang kaganapan ng kasaysayan ng Simbahan sa Ohio. Hatiin sa apat na grupo ang klase, at mag-assign sa bawat grupo ng tig-iisang mini lesson. (Kung hindi sapat ang bilang ng mga estudyante sa klase mo, maaari mong hatiin sila sa mas kaunting grupo at mag-assign sa bawat grupo ng mahigit sa isang mini-lesson.) Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan ang kanilang outline at maghandang ibahagi ang materyal sa klase. Pagkatapos ng sapat na oras na nakapaghanda na ang mga estudyante, sabihin sa bawat grupo na pumili ng isang kagrupo nila na magtuturo sa klase. Ang bawat lesson ay dapat tumagal nang tatlo hanggang apat na minuto.

Mini-lesson 1—Ang Batas ng Simbahan

Magsimula sa pagtatanong sa mga estudyante ng mga sumusunod:

  • Bakit mahalaga ang mga batas?

  • Bakit mahalaga ang mga batas sa Simbahan?

Ipaalala sa klase na ipinangako ng Panginoon na Siya ay “[magbi]bigay sa [mga Banal] ng kautusan” kapag pumunta sila sa Ohio (D at T 38:32). Ipaliwanag na pagdating ng mga Banal sa Ohio, kaagad na tinupad ng Panginoon ang Kanyang pangako at nagbigay ng paghahayag tungkol sa Batas ng Simbahan. Ang batas na ito, na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 42 ay kinapapalooban ng mga kautusan at tagubilin na gumagabay sa mga gawain ng Simbahan. Sabihin sa klase na basahin sandali ang buod ng Doktrina at mga Tipan 42 (matatagpuan bago ang unang talata), at alamin ang ilan sa mga batas na ibinigay ng Panginoon sa mga Banal.

Sabihin sa mga estudyante na markahan ang pariralang “Ang mga batas na mamamahala sa paglalaan ng mga ari-arian ay itinakda” sa buod ng bahagi.

Ipaliwanag na sa paghahayag na ito ibinigay ng Panginoon ang batas ng paglalaan, na “isang banal na alituntunin kung saan kusang iniaalay ng mga kalalakihan at kababaihan ang kanilang panahon, talento, at yaman sa pagtatatag at pagtataguyod sa kaharian ng Diyos” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Paglalaan, Batas ng Paglalaan,” scriptures.lds.org). Kasama sa ilan sa mga layunin ng batas ng paglalaan ang pangangalaga sa mga maralita, pagiging hindi makasarili, at pagkakaroon ng pagkakaisa sa mga Banal.

Wala pang isang taon mula nang ihayag ng Panginoon ang batas ng paglalaan, iniutos Niya sa mga lider ng Simbahan na itatag ang Nagkakaisang Samahan. Ang isang layunin ng Nagkakaisang Samahan, na batay sa mga alituntunin ng batas ng paglalaan, ay magtayo ng mga storehouse na tutulong sa mga temporal na pangangailangan ng mga miyembro ng Simbahan, lalo na sa mga maralita. Malaking biyaya ito sa mga Banal sa panahong ito dahil sa maraming miyembro ng Simbahan na lumipat sa Ohio mula sa New York ang kinailangang iwan ang kanilang mga tahanan at ari-arian. Nagbigay rin ang Nagkakaisang Samahan ng pondo para matustusan ang iba’t ibang gawain ng Simbahan, tulad ng gawaing misyonero at pagpapalathala. Malalaman pa natin ang tungkol sa batas ng paglalaan at ang mga epekto nito sa mga Banal sa mga susunod na lesson.

Mini-lesson 2—Ang Kirtland Temple

Ipaalala sa mga estudyante ang pangako ng Panginoon na pagkakalooban “ng kapangyarihan mula sa kaitaasan” ang mga Banal pagdating nila sa Ohio (tingnan sa D at T 38:32). Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 88:119. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang kautusan na ibinigay ng Panginoon sa Kanyang mga Banal. Matapos matukoy na iniutos sa kanila ng Panginoon na magtayo ng isang bahay, ipaliwanag na ang “bahay” na tinutukoy ng Panginoon ay isang templo. Ang Kirtland Temple ang unang templong itinayo sa dispensasyong ito.

Patingnan sa mga estudyate ang larawan ng Kirtland Temple sa kanilang banal na kasulatan (Mga Larawan ng mga Pook ng Kasaysayan ng Simbahan, Larawan 9, “Templo ng Kirtland”).

Ipaliwanag na inabot ng mga tatlong taon ang pagtatayo ng Kirtland Temple. Matapos ilaan ang templo noong Marso 27, 1836, nagsimulang tuparin ng Panginoon ang Kanyang pangako na pagkakalooban ang mga Banal ng kapangyarihan at nakaranas sila ng mga kagila-gilalas na espirituwal na pagpapala. Halimbawa, personal na nagpakita ang Panginoon kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple at ipinahayag na kanyang “tinanggap … ang bahay na ito” (D at T 110:7). Nagpadala rin Siya ng tatlong sugo ng langit—sina Moises, Elias, at Elijah—upang ipanumbalik sa mundo ang mahahalagang susi ng priesthood. Ang mga susing ito ang magbibigay sa mga Banal ng awtoridad na magsagawa ng mga ordenansa sa templo at magbuklod sa mga pamilya para sa kawalang-hanggan. Bukod diyan, ang “mga susi ng pagtitipon sa Israel” ay naipanumbalik sa pagkakataong ito (D at T 110:11). Bunga nito, ang mga missionary ay tinawag at binigyan ng awtoridad na ituro ang ebanghelyo sa buong mundo.

Mini-lesson 3—Gawaing Misyonero

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 42:6–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang kautusan na ibinigay ng Panginoon sa mga Banal pagkatapos nilang dumating sa Ohio. Matapos mabasa ng estudyante ang mga talata, itanong ang mga sumusunod:

  • Anong kautusan ang ibinigay ng Panginoon sa mga Banal?

  • Ayon sa talata 6, paano dapat ipangaral ng mga missionary na ito ang ebanghelyo?

  • Paano ito nakakatulad sa paraan ng pangangaral ng ebanghelyo ng mga missionary ngayon?

Ipaliwanag na matapos na mailaan ang Kirtland Temple at naipanumbalik ang mga susi para sa pagtitipon ng Israel, ang mga miyembro ng Simbahan ay nagsimulang mangaral ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mas maraming lugar. Sabihin sa mga estudyante na buklatin ang kanilang banal na kasulatan sa Mapa 3 ng Mga Mapa at Talatuntunan ng mga Pangalan ng Lugar ng kanilang banal na kasulatan (“Ang mga Dako ng New York, Pennsylvania, at Ohio sa Estados Unidos ng Amerika”).

Habang nakatingin sa mapa ang mga estudyante, ipaalala sa kanila na ipinangako ng Panginoon sa mga Banal na ipadadala Niya sila “sa lahat ng bansa” (D at T 38:33) upang mangaral. Ipaliwanag na ang Kirtland ay magandang lugar para simulan ang pagpapadala ng mga missionary sa iba’t ibang panig ng mundo. Malapit ang Kirtland sa ilang pangunahing daanan ng transportasyon sa Estados Unidos. Mula sa Kirtland, malapit lang ang lalakbayin ng mga missionary para makasakay ng bangkang de-motor sa mga pangunahing ilog ng Amerika at sa Lake Erie. Makakadaan din sila sa national road system sa timog at sa canal system sa hilaga. Dahil dito, sa Kirtland dadaan ang lahat ng paalis papuntang misyon sa Canada, sa iba pang mga bahagi ng Estados Unidos, at sa Great Britain.

Ipaliwanag na dahil sa gawaing misyonero sa panahong ito, ang mga miyembro ng Simbahan sa buong mundo ay nadagdagan nang libu-libo. Noong 1837, sina Elder Heber C. Kimball at Elder Orson Hyde, kasama ang limang iba pa ay tinawag sa isang misyon sa Great Britain, kung saan sila ay nakapagbinyag ng 2,000 katao. Noong 1838, nang lisanin ng mga Banal ang Kirtland dahil sa pag-uusig, ang bilang ng mga miyembro ng Simbahan doon ay mga 2,000 at halos 18,000 sa buong mundo.

Mini-lesson 4—Iba pang Mahahalagang Paghahayag at Pangyayari

Ipabasa nang tahimik sa klase ang Doktrina at mga Tipan 42:61. Matapos silang magbasa, ipaliwanag na pagkatapos makarating ni Joseph Smith sa Ohio, sinabi ng Panginoon sa kanya na siya ay “makatatanggap ng paghahayag sa paghahayag” kung hihilingin niya sa Diyos. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na tingnan ang pagkakasunud-sunod ng mga nilalaman ng Doktrina at mga Tipan (matatagpuan kasunod ng pambungad). Sabihin sa kanila na alamin kung saan natanggap ang karamihan sa mga paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan. Matapos nilang matuklasan na karamihan sa mga paghahayag ay natanggap sa Ohio, ipaliwanag na ang pagbibigay ng maraming paghahayag sa Ohio ay katuparan ng salita ng Panginoon.

Upang ipakita sa klase ang ilan sa mahalagang paghahayag na natanggap sa Ohio, i-assign ang isa o dalawa sa mga sumusunod na bahagi mula sa Doktrina at mga Tipan sa bawat estudyante: Doktrina at mga Tipan 76; 89; 107; 137.

Para sa bawat bahagi, sabihin sa mga inatasang estudyante na basahin ang pambungad ng bahagi at mabilis na basahin ang buod ng bahagi na makikita bago ang unang talata. Pagkatapos ay sabihin sa bawat estudyante na ibahagi kung bakit mahalaga ang mga naka-assign na mga bahagi sa kanila. Sa kanilang pagbabahagi, tiyaking natukoy nila ang mga sumusunod:

Doktrina at mga Tipan 76; 137 (Mga paghahayag tungkol sa tatlong antas ng kaluwalhatian at pangitain tungkol sa selestiyal na kaharian)

Doktrina at mga Tipan 89 (Ang Salita ng Karunungan o Word of Wisdom)

Doktrina at mga Tipan 107 (Paghahayag tungkol sa priesthood)

Matapos makapagbahagi ang bawat estudyante, itanong ang sumusunod:

  • Ano sa palagay ninyo ang naramdaman ng mga Banal sa Ohio nang marinig nila ang ilan sa mga katotohanang ito sa unang pagkakataon?

Ipaliwanag na bukod pa sa mga inihayag na katotohanang ito, tinagubilinan din ng Panginoon si Joseph Smith na iorganisa ang pamumuno sa Simbahan sa panahong iyon. Ang Unang Panguluhan, ang Korum ng Labindalawang Apostol, at ang Pitumpu ay pormal na inorganisa habang naninirahan sa Ohio ang mga Banal. Bukod diyan, ipinagpatuloy ni Joseph Smith ang pagsasalin ng Biblia.

Nahirapan nang labis ang matatapat na Banal sa Ohio dahil sa mga pagsalungat at apostasiya

Matapos makumpleto ng mga estudyante ang aktibidad sa itaas, ipaliwanag na sa panahong pinagpapala ng Panginoon ang mga Banal sa Ohio, lalo namang pinatindi ni Satanas ang pagsalungat niya sa Simbahan. Pagkarating ng mga Banal sa Kirtland, nagsimulanang batikusin ng mga anti-Mormon ang Simbahan.

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Joseph Smith tungkol sa mga kalagayang ito:

Larawan
Propetang Joseph Smith

“Maraming maling ulat, kasinungalingan, at walang kabuluhang mga kuwento, ang inilathala sa mga pahayagan, at ipinalaganap sa lahat ng lugar, upang hadlangan ang mga tao na siyasatin ang gawain, o tanggapin ang relihiyon” (sa History of the Church, 1:158).

Ipaliwanag na ilan sa mga negatibong ulat ay sinimulan ng ilang mga tumiwalag sa Simbahan dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Halimbawa, noong Setyembre 1831, tinangka ng dating miyembro ng Simbahan na si Ezra Booth na pigilan ang mga tao sa pagsapi sa Simbahan at inilathala ang siyam na liham na detalyadong naglalaman ng kanyang mga pamumuna sa Simbahan (tingnan sa Documents, Volume 1: July 1828–June 1831, vol. 1 of the Documents series of The Joseph Smith Papers [2013], 203–4; tingnan din sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 113–15). Lalong pinasidhi ng mga liham na ito ang pagkapoot ng mga tao sa Simbahan. Ang pag-uusig na ibinunga ng gayong mga impluwensya ay paminsan-minsang humahantong sa karahasan, lalo na sa Propeta at sa iba pang mga lider ng Simbahan.

Sa isang malalang insidente, noong gabi ng Marso 24, 1832, nilusob ng mga mandurumog na binubuo ng 25 hanggang 30 tao ang tahanan ni John Johnson sa Hiram, Ohio, kung saan nanunuluyan sina Joseph at Emma Smith. Pinagtulungan ng kalalakihan si Joseph Smith at kinaladkad siya palabas sa kadiliman ng gabi. Sinakal nila siya, hinubaran, at pilit na pinasubo ang maliit na bote ng asido na ikinatapyas ng kanyang ngipin kaya sa tuwing magsasalita siya ay may kaunting sipol na naririnig. Pagkatapos ay iniwan nila siya na balot ng alkitran at mga balahibo. Nang makabawi ng lakas si Joseph pinilit niyang makabalik ng bahay. Pagdating niya sa pintuan at nakita ni Emma na balot siya ng alkitran, inakala ni Emma na pawang dugo ang kanyang nakita, at siya ay hinimatay. Magdamag na tinanggal ng mga kaibigan ni Joseph ang alkitran. Kinabukasan, araw ng Linggo, nagbigay ng mensahe si Joseph sa pulong na dinaluhan ng ilang miyembro ng mandurumog. Matapos ang pulong, bininyagan ni Joseph ang tatlong tao. (Tingnan sa History of the Church, 1:261–65.)

Sa oras na nagkakagulo at nalilito ang lahat dahil sa pandurumog, naiwang bukas ang pintuan ng bahay. Dahil dito, ang anak ni Joseph na si Joseph Murdock Smith, na may sakit na tigdas, ay nagkaroon ng “matinding sipon” at namatay makalipas ang limang araw. Nang gabi ring iyon si Sidney Rigdon ay hinawakan sa dalawang paa at hinila palabas ng kanyang tahanan. Nagkaroon siya ng malaking sugat sa ulo dahil sa magaspang na lupang balot ng makapal na niyebe, at ilang araw na nagdeliryo bunga nito. (Tingnan sa History of the Church, 1:265.)

Ipaliwanag na sa kabila nito at iba pang paghihirap, patuloy na nagtipon ang mga Banal sa Kirtland, lalo na mula noong 1836 hanggang 1838. Gayunpaman, tumindi ang pag-uusig noong taglamig ng 1837 at tagsibol ng 1838 kaya napilitang lisanin ng karamihan sa mga Banal ang Ohio. Ilang lider ng Simbahan, kabilang na sina Joseph Smith, Sidney Rigdon, at Brigham Young, ay kinailangang lisanin ang Kirtland para sa kaligtasan ng kanilang buhay.

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo na bagama’t nakaranas ang Simbahan ng matitinding pagsubok at pang-uusig sa Kirtland, lubos na pinagpala ng Panginoon ang mga nanatiling tapat.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Apostasiya sa Kirtland

Noong 1833, isa pang dating miyembro ng Simbahan ang nagdulot ng malaking problema sa Simbahan. Si Doctor Philastus Hurlbut ay naging elder sa Simbahan ngunit itinawalag dahil sa pakikiapid habang nasa misyon. Bagama’t pinakitaan siya ng awa ng mga lider ng Simbahan at ibinilang siyang muli bilang kasapi, muli siyang nagkasala at itiniwalag sa pangalawang pagkakataon. Mula noon tinangka nang siraan ni Hurlbut ang Simbahan at si Joseph Smith sa pamamagitan ng pagkolekta ng mga affidavit na laban sa mga Mormon at nagparatang na ang Aklat ni Mormon ay batay sa isang manuskritong isinulat ni Solomon Spaulding sa halip na isinalin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.

Sinabi ni Hurlbut na palihim na kinuha ni Sidney Rigdon ang manuskrito ni Spaulding at inari o inangkin ito kasabwat si Joseph Smith upang malikha ang Aklat ni Mormon. Gayunpaman, ang tangka niyang paninira sa Aklat ni Mormon ay sadyang walang batayan. Noong matagpuan ang manuskrito ni Spaulding, walang nakita sa pagsusuri na anumang di-umano’y pagkakatulad sa Aklat ni Mormon o pagkakahawig man lamang ng dalawang manuskrito. Maliban diyan, hindi pa nakikilala ni Sidney Rigdon si Joseph Smith bago ilathala ang Aklat ni Mormon. Pinasinungalingan ni Oliver Cowdery ang mga paratang ni Hurlbut: “‘Nahawakan ko…ang mga gintong lamina na pinagmulan ng pagsasalin [ng Aklat ni Mormon]. Nakita ko rin ang mga ginamit sa pagsasalin. Totoo ang aklat na iyon. Hindi si Sidney Rigdon ang sumulat nito. Hindi si Ginoong Spaulding ang sumulat nito. Ako mismo ang sumulat nito mula sa mga labi ng propeta.’ [Reuben Miller, journal, 1848–1849, Family and Church History Department Archives, 21 Okt. 1848; ginawang moderno ang pagbabantas at pagbabaybay.]” (na sinipi sa James E. Faust, “Ilang Mahihirap na Bagay,” Ensign, Nob. 2001, 47).

Dahil nabalisa ang ilang taga Ohio na sa pagdami ng mga miyembro ng Simbahan ay magkaisa sila sa pagboto at magkaroon ng kapangyarihan sa pulitika, binayaran nila si Philastus Hurlbut para siraan si Joseph Smith at ang Aklat ni Mormon. Malungkot na idinaing ni Joseph Smith sa isang liham na ang mga miyembro ng Simbahan ay “dumaranas ng matinding pag-uusig dahil sa taong nagngangalang Doctor Hurlbut na itiniwalag sa Simbahan sa ginawang imoralidad at pakikiapid at upang makaganti sa atin, buong husay siyang nagkakalat ng kasinungalingan at maraming tao ang napaniwala niya at nagbigay sa kanya ng pera upang pabagsakin ang Mormonismo na naglalagay sa amin ngayon sa panganib” (“Letter to William W. Phelps and Others, 18 Agosto 1833,” 3; tingnan sa josephsmithpapers.org; iniayon sa pamantayan ang pagbabaybay).

Iba pang mga pagbabago sa Kirtland

Sa Kirtland ibinigay ng Panginoon ang karagdagang paghahayag tungkol sa organisayon ng Simbahan. Ang mga sumusunod na katungkulan sa priesthood ay inihayag sa Kirtland: bishop, high priest, ang Unang Panguluhan, patriarch, high council, Apostol, at Pitumpu.