Seminary
Home-Study Lesson: Doktrina at mga Tipan 129–131; 132:1–33 (Unit 28)


Home-Study Lesson

Doktrina at mga Tipan 129–131; 132:1–33 (Unit 28)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 129–131; 132:1–33 (unit 28) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Doktrina at mga Tipan 129; 130:1–11, 22–23)

Sa pag-aaral ng mga estudyante sa ilan sa mga turo ni Propetang Joseph Smith, nalaman nila na hindi tayo lilinlangin ng mga totoong sugo na ipadadala ng Ama sa Langit. Natuklasan din nila ang mga doktrina hinggil sa mga miyembro ng Panguluhang Diyos. Nalaman ng mga estudyante na ang mga ugnayan na matatamasa natin sa langit ay katulad ng mga natatamasa natin sa mundo, ngunit kasama rito ang walang hanggang kaluwalhatian.

Day 2 (Doktrina at mga Tipan 130:12–21)

Sa lesson na ito nalaman ng mga estudyante ang mga sumusunod na alituntunin: Tanging Diyos lamang ang nakakaalam ng eksaktong oras ng Ikalawang Pagparito. Ang kaalaman at katalinuhan na natamo natin sa buhay na ito ay kasama nating babangon sa pagkabuhay na mag-uli. Kung nais nating magtamo ng pagpapala mula sa Diyos, dapat nating sundin ang batas kung saan ito nakasalalay.

Day 3 (Doktrina at mga Tipan 131)

Sa pag-aaral ng mga estudyante ng Doktrina at mga Tipan 131, natuklasan nila na upang matamo ang pinakamataas na antas ng kaluwalhatian sa kahariang selestiyal, kailangan tayong pumasok sa bago at walang hanggang tipan ng kasal. Nalaman din ng mga estudyante ang kahulugan ng pariralang “mas tiyak na salita ng propesiya” at nalaman ang tungkol sa katangian ng ating mga espiritu.

Day 4 (Doktrina at mga Tipan 132:1–33)

Sa lesson na ito nalaman ng mga estudyante na kapag ginawa ang tipan sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood at ibinuklod ng Banal na Espiritu ng Pangako, ito ay mananatili magpakailanman. Nalaman din nila na kapag ang isang lalaki at isang babae ay tumupad sa bago at walang-hanggang tipan ng kasal, patuloy na darami ang kanilang angkan sa kawalang-hanggan.

Pambungad

Pinag-aralan ng mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:1–33 sa kanilang day 4 lesson. Ang lesson ngayon ay makatutulong sa kanila na mas maunawaan ang lahat sa Doktrina at mga Tipan 132 at ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa o plural marriage. Mas mauunawaan din ng mga estudyante kung bakit ginawa noon ang pag-aasawa nang higit sa isa.

Paalala: Dalawang scripture mastery passage ang natutuhan ng mga estudyante sa unit na ito: Doktrina at mga Tipan 130:22–23 at Doktrina at mga Tipan 131:1–4. Sa simula ng lesson na ito, sabihin sa kalahati ng klase na ipaliwanag kung ano ang natutuhan nila mula sa unang scripture passage at sabihin sa natitirang kalahati ng klase na ipaliwanag kung ano ang natutuhan nila mula sa pangalawang scripture passage.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 132:3–6, 34–48

Inihayag ng Panginoon ang mga kundisyon ng bago at walang-hanggang tipan at inihayag ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa

Bago magklase, isulat sa pisara ang mga sumusunod na tanong:

Bakit mahalaga sa inyo ang walang hanggang kasal?

Ano ang gagawin ninyo, simula ngayon, upang maihanda ang inyong sarili na makapasok sa templo at makasal sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan?

Anong mga pagpapala ang maaaring matamo sa buhay na ito ng mga sumunod sa batas ng Diyos na mabuklod sa templo?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang mga tanong na ito sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 132 ngayon.

Ipaliwanag na habang ginagawa ni Propetang Joseph Smith ang pagsasalin ng Lumang Tipan noong 1831, nabasa niya ang tungkol sa ilan sa mga propeta noon na nag-asawa nang higit sa isa (tinatawag ding poligamiya) o plural marriage. Sa gawaing ito, ang isang lalaki ay may asawa pang iba maliban sa kanyang asawa na buhay pa. Pinag-aralan ng Propeta ang mga banal na kasulatan, pinagnilayan ang kanyang nalaman, at kalaunan ay nagtanong sa panalangin sa Ama sa Langit tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa.

Isulat ang Genesis 16:1–3 sa pisara. Ipaliwanag na ang mga talatang ito ay naglalarawan sa mga ginawa nina Sarai at Abram, na kalaunan ay nakilala bilang Sara at Abraham. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talatang ito. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at mag-isip ng anumang tanong nila tungkol sa pangyayaring ito sa buhay nina Abram at Sarai.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 132:1, at alamin ang itinanong ni Propetang Joseph Smith sa pag-aaral niya ng mga scripture passage sa Lumang Tipan hinggil sa pag-aasawa nang higit sa isa. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Maaari mong ipaliwanag na ang salitang kalunya ay salitang ginamit upang ilarawan ang kababaihan sa Lumang Tipan na, sa panahon at kultura kung saan sila naninirahan, ay ikinasal ayon sa batas sa isang lalaki ngunit may mas mababang antas at estado kaysa sa isang asawa. Ang mga kalunya ay hindi bahagi ng pag-aasawa nang higit sa isa sa ating dispensasyon.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Bakit iniutos ng Panginoon sa mabubuting kalalakihan at kababaihan na sundin ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa sa ilang partikular na panahon?

Ipaliwanag na sa kanilang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 132, mahahanap ng mga estudyante ang mga sagot sa tanong na nasa pisara at sa iba pang mga tanong nila hinggil sa pag-aasawa nang higit sa isa. Ipasulat sa kanila ang mga katotohanang natuklasan nila sa kanilang pag-aaral ngayon.

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 132:34–36. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung bakit nagsimulang gawin nina Abraham at Sara ang pag-aasawa nang higit sa isa.

  • Ayon sa talata 34, bakit binigyan ni Sara ng isa pang asawa si Abraham? Ano ang itinuturo nito sa atin tungkol sa alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Sinasang-ayunan lamang ng Panginoon ang pag-aasawa nang higit sa isa kapag iniutos Niya ito. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntuning ito, ipabasa sa kanila ang Jacob 2:27, 30. Maaari mo ring imungkahi sa kanila na isulat ang scripture reference na ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng Doktrina at mga Tipan 132:34.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:37–38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga parirala na naglalarawan ng mga pagkakataon na iniutos ng Panginoon ang pag-aasawa nang higit sa isa. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 132:39, 41–43 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon na kapag ginagawa ng mga tao ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa ayon sa Kanyang kautusan, hindi sila nagkasala ng pakikiapid o adultery. Gayunpaman, kung sinuman ang mag-asawa nang higit sa isa sa anumang kalagayan na hindi iniuutos ng Panginoon, siya ay nagkasala ng pakikiapid. (Pansinin na ang salitang wawasakin sa talata 41 ay nagsasaad na yaong lalabag sa kanilang mga sagradong tipan ay mahihiwalay mula sa Diyos at sa Kanyang mga pinagtipanang tao [ihambing sa Mga Gawa 3:22–23; 1 Nephi 22:20].)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:40 at alamin ang sinabi ng Panginoon na gagawin Niya. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na ang “lahat ng bagay” ay tumutukoy sa mga batas at mga ordenansa ng ebanghelyo na inihayag sa mga nagdaang dispensasyon. Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang kautusang sundin ang batas ng pag-aasawa nang higit sa isa sa mga huling araw ay bahagi ng panunumbalik ng lahat ng bagay. (Tingnan din sa Mga Gawa 3:20–21.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 132:45, 48.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa pag-aasawa nang higit sa isa? (Sa pagsagot ng mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Mapapahintulutan lamang ang pag-aasawa nang higit sa isa sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood na ibinigay sa Pangulo ng Simbahan.)

Ipaliwanag na sa mga unang araw ng dispensasyong ito, bilang bahagi ng panunumbalik ng lahat ng bagay, iniutos ng Panginoon sa ilang naunang mga Banal na mag-asawa nang higit sa isa sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood na hawak ni Propetang Joseph Smith at ng mga sumunod na Pangulo ng Simbahan—Brigham Young, John Taylor, at Wilford Woodruff. Noong 1890, si Pangulong Woodruff, na nanunungkulang taglay ang mga susi ring iyon ng priesthood, ay tumanggap ng paghahayag na itigil ang pag-aasawa nang higit sa isa (tingnan sa Opisyal na Pahayag 1).

Doktrina at mga Tipan 132:49–66

Pinayuhan ng Panginoon sina Joseph at Emma Smith hinggil sa pag-aasawa nang higit sa isa

Ipaliwanag na nag-atubili si Propetang Joseph Smith na pasimulan ang pag-aasawa nang higit sa isa. Sinabi niya na hindi niya sinimulan ang pag-aasawa nang higit sa isa hanggang siya ay balaan na mawawasak kung hindi siya susunod (tingnan sa “Plural Marriage,” Historical Record, Mayo 1887, 222). Dahil sa kakulangan ng dokumentasyon o tala, kaunti lang ang alam natin tungkol sa pagsisikap niya na sundin ang kautusan. Gayunman, pagsapit ng 1841 sinunod ng Propeta ang kautusan, at sa sumunod na tatlong taon nagpakasal pa siya at nagkaroon ng mga asawa ayon sa utos ng Panginoon. Ang pagsunod ni Propetang Joseph Smith sa utos ng Panginoon na mag-asawa nang higit sa isa ay pagsubok sa pananampalataya nila ng kanyang asawang si Emma, na pinakamamahal niya.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 132:49–56 na ipinapaliwanag na pinayuhan ng Panginoon sina Joseph at Emma Smith at pinangakuan ng mga pagpapala kung susundin nila ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa. Ipaliwanag na noong 1841, sinimulang ituro ni Propetang Joseph Smith sa iba pang matatapat na kalalakihan at kababaihan ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa. Bagama’t sa simula ay atubili at nalungkot ang matatapat na miyembrong ito ng Simbahan tungkol sa kautusang ito, nakatanggap ang bawat isa sa kanila ng pagpapatibay sa pamamagitan ng Espiritu Santo at tinanggap ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa.

Basahin nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 132:63, simula sa pariralang “sapagkat sila ay ibinigay sa kanya.” Bago ka magbasa, ipaliwanag na ang talatang ito ay tumutulong sa atin na maunawaan ang isang dahilan kung bakit iniutos ng Panginoon kay Joseph Smith at sa iba pa na mag-asawa nang higit sa isa. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang partikular na layuning iyon. Pagkatapos mong magbasa, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Paminsan-minsan iniuutos ng Panginoon ang pag-aasawa nang higit sa isa upang bigyan ng karagdagang mga pagkakataon ang Kanyang mga anak na magsilang at magpalaki ng mga anak sa Kanya. (Maaari mong ipabasa muli ang Jacob 2:30.)

  • Ano ang ibig sabihin ng “magpakarami at kalatan ang lupa”? (Magkaroon ng mga anak.)

  • Paano naging bahagi ng pagpapatuloy ng gawain ng Ama sa Langit ang pagkakaroon ng mga anak ng mga magulang?

Patingnan ang tanong na isinulat mo sa pisara sa simula ng lesson: Bakit iniutos ng Panginoon sa mabubuting kalalakihan at kababaihan na sundin ang alituntunin ng pag-aasawa nang higit sa isa sa ilang partikular na panahon? Maaari mong sabihin sa mga estudyante na ibuod para sa klase ang natutuhan nila sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 132 at Jacob 2:27, 30 na tutulong sa kanila na masagot ang tanong na ito.

Tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol kay Propetang Joseph Smith at na kanyang tinanggap at sinunod ang paghahayag mula sa Diyos (tingnan sa D at T 132:37).

Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 133–135)

Itanong sa mga estudyante kung ano ang gagawin nila kung papipiliin sila sa dalawang ito: harapin ang kanilang kamatayan o takasan ang mga nagnanais na patayin sila. Paano kung ang pagharap sa kamatayan ay magliligtas sa buhay ng inyong mga pamilya, mga kaibigan, at daan-daang iba pa? Gagawin mo ba ito? Si Propetang Joseph Smith ay handang harapin ang kamatayan, sinasabing, “Ako ay patutungong gaya ng isang kordero sa katayan; subalit ako ay mahinahon gaya ng isang umaga sa tag-araw” (D at T 135:4). Mababasa ng mga estudyante ang tungkol sa pagkamartir at pagpaslang kay Propetang Joseph Smith sa susunod na unit.