Seminary
Lesson 100: Doktrina at mga Tipan 97


Lesson 100

Doktrina at mga Tipan 97

Pambungad

Natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 97 noong Agosto 2, 1833. Sa paghahayag na ito, ang Panginoon ay nagbigay ng tagubilin at paghihikayat kay Parley P. Pratt, na namuno sa paaralan para sa mga maytaglay ng priesthood sa Missouri, at para sa mga kalalakihan na dumalo sa paaralang iyon. Binigyang-diin din ng Panginoon ang Kanyang naising magtayo ng templo ang mga Banal sa Missouri. Ipinangako Niya na kung gagawin nila ito, at kung ang mga puso nila ay dalisay, ang Kanyang kaluwalhatian at presensya ay mapaparoon.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 97:1–9

Itinuro ng Panginoon sa mga miyembro ng paaralan ng mga elder sa Missouri kung ano ang dapat nilang gawin upang matanggap Niya sila

Isulat sa pisara ang mga sumusunod na hindi kumpletong pahayag. Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang mga pahayag na ito sa kanilang mga notebook o scripture study journal:

Nag-aaral ako sa paaralan dahil …

Nagsisimba ako dahil …

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang kumpleto nilang mga pahayag.

Ipaalala sa mga estudyante na noong taglamig ng 1832–33, iniutos ng Panginoon sa mga lider ng Simbahan na magtatag ng Paaralan ng mga Propeta sa Kirtland, Ohio. Pinamunuan ni Parley P. Pratt ang kaparehong paaralan sa Independence, Missouri—isang paaralan para sa mga elder. Ang mga miyembro sa paaralang ito ay sumulat kay Joseph Smith, na nasa Ohio. Bilang tugon, pinadalhan niya sila ng isang liham na naglalaman ng paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 97. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 97:1 at tukuyin kung paano inilarawan ng Panginoon ang marami sa mga kapatid sa lupain ng Sion (Missouri).

  • Paano inilarawan ng Panginoon ang marami sa mga kapatid sa Missouri?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 97:2. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung ano ang ipinangako ng Panginoon sa mga kalalakihang ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Sa mga talata 1–2, anong alituntunin ang nakikita ninyo hinggil sa paano tayo makatatanggap ng karunungan at katotohanan? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung magpapakumbaba tayo ng ating sarili at masigasig na maghahangad na matuto, magtatamo tayo ng karunungan at katotohanan.)

  • Sa inyong palagay, paano nakatutulong ang pagpapakumbaba at pagkamasigasig sa pagtatamo natin ng karunungan at katotohanan?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 97:3–5 at alamin kung ano ang nadama ng Panginoon sa paglilingkod ni Parley P. Pratt at ano ang ipinangako ng Panginoon kay Brother Pratt. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Tiyakin sa kanila na, tulad ni Parley P. Pratt, malalaman nila na nalulugod sa kanila ang Panginoon kapag patuloy silang sumusunod sa Kanya.

Upang maihanda ang mga estudyante sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 97:6–9, hilingin sa dalawang estudyante na magdrowing sa pisara. Ipadrowing sa isang estudyante ang isang puno na nagbubunga ng mabuting bunga at nakatanim sa mabuting lupa sa tabi ng isang sapa (tingnan sa talata 9). Ipadrowing sa isang estudyante ang isang puno na hindi nagbubunga ng mabuting bunga, at may palakol na nakalagay sa mga ugat nito (tingnan sa talata 7).

Larawan
puno na namumunga ng mabuting bunga
Larawan
puno na may palakol

Ipaliwanag na sa dalawang drowing, ang mga puno ay sumasagisag sa mga miyembro ng Simbahan. Ipaalala sa mga estudyante na maraming miyembro sa paaralan ng mga elder ang mapagpakumbaba at tapat. Gayunpaman, ang iba ay naging palalo at suwail.

  • Kung ang mga puno ay sumasagisag sa mga miyembro ng Simbahan, ano sa palagay ninyo ang sinasagisag ng mga bunga? (Ang mga gawa o kilos ng mga miyembro ng Simbahan. Kung nahihirapan ang mga estudyante na sagutin ito, maaari mong ipabasa sa kanila nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 97:6 at ipahanap sa kanila ang sagot dito.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 97:6–7 at sabihin sa klase na alamin ang mga alituntuning itinuro sa mga talatang ito.

  • Ano ang ilang alituntunin na itinuro sa mga talatang ito?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 97:8–9 at sabihin sa klase na alamin ang mga alituntuning itinuro sa mga talatang ito.

  • Ano ang ilang alituntunin na itinuro sa mga talatang ito?

  • Paano maaaring makahikayat sa atin ang mga inilarawan na nangyari sa mga puno upang maging mas tapat tayo?

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Upang matanggap ng Panginoon, dapat tayong …

Ipabasa muli sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 97:8 at ipatukoy ang mga katangian ng isang tao na tinanggap ng Panginoon. Kapag natukoy nila ang mga katangiang ito, kumpletuhin ang pahayag sa pisara tulad ng sumusunod: Upang matanggap ng Panginoon, dapat tayong magkaroon ng matapat at bagbag na puso at nagsisising espiritu at handang tuparin ang ating mga tipan sa pamamagitan ng pagsasakripisyo.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng magkaroon ng bagbag na puso at nagsisising espiritu?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng tuparin ang kanilang mga tipan sa pamamagitan ng pagsasakripisyo? (Ang isang posibleng sagot ay ibig sabihin nito ay gawin ang anumang dapat nating gawin upang matupad ang mga tipang ginawa natin sa Panginoon.)

  • Ano ang ilang sakripisyong ginawa ninyo upang matupad ang inyong mga tipan?

Bigyan ang mga estudyante ng oras na pagnilayan ang kanilang katayuan sa harapan ng Panginoon at pag-isipan kung paano nila ipamumuhay ang mga alituntunin mula sa Doktrina at mga Tipan 97:8.

Doktrina at mga Tipan 97:10–21

Binigyang-diin din ng Panginoon ang Kanyang naising magtayo ng templo ang mga Banal sa Missouri

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 97:10–12 at sabihin sa klase na alamin ang sakripisyong hiningi ng Panginoon sa mga Banal sa Missouri.

  • Anong sakripisyo ang hiningi ng Panginoon sa mga Banal sa Missouri? (Magtatayo sila ng isang templo—isang bahay para sa Panginoon.)

Ipaalala sa mga estudyante na nagtalaga ang Panginoon ng lugar na pagtatayuan ng templo dalawang taon na ang nakararaan (tingnan sa D at T 57:1–3). Noong Hunyo 1833, sumulat si Joseph Smith sa mga lider ng Simbahan sa Missouri at iniutos sa kanila na simulan kaagad ang pagtatayo ng templo. Gayunpaman, nang ibigay ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 97 noong Agosto 2, 1833, hindi pa sinisimulan ng mga Banal sa Missouri ang pagtatayo ng templo. Bukod pa rito, ang unang pag-atake ng mga mandurumog o masasamang tao laban sa mga Banal sa Jackson County, na nangyari bago dumating ang kopya ng paghahayag na ito, ay naging dahilan para lalo pang mahirapan ang mga Banal na sundin ang utos na ito.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 97:12–14 at tukuyin ang mga dahilan kung bakit nais ng Panginoon na magtayo ng templo ang mga Banal sa Missouri. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang mga natukoy nila. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Paano naging “isang lugar ng pagbibigay-pasalamat” ang templo para sa inyo? Paano ito naging “isang lugar ng pagtuturo”?

Pagpartnerin ang mga estudyante para magtulungan sa pagsagot. Sabihin sa kanila na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 97:15–20 kasama ang kanilang kapartner at alamin ang mga pangakong ibinigay ng Panginoon sa mga Banal kung magtatayo sila ng templo. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pangakong makikita ang Diyos sa templo ay maaaring kapalooban ng higit pa sa pagkakita sa Kanya ng ating likas na mga mata, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder David B. Haight ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
David B. Haight

“Totoo na nakita na ng ilan ang Tagapagligtas, ngunit kapag kinunsulta ng isang tao ang diksyunaryo, malalaman niya na maraming iba pang kahulugan ang salitang nakita, tulad ng nakilala Siya, nahiwatigan Siya, nalaman ang tungkol sa Kanya at sa Kanyang gawain, natanto ang Kanyang kahalagahan, o naunawaan Siya” (“Temples and Work Therein,” Ensign, Nob. 1990, 61).

  • Ayon sa mga talata 15–17, paano tayo magiging karapat-dapat para maranasan ang kaluwalhatian at presensya ng Panginoon sa templo?

Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Sa templo, ipapakita ng Diyos ang Kanyang sarili sa mga taong may dalisay na puso.

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng maging dalisay ang puso?

  • Ano ang maaari nating gawin para madalisay natin ang ating puso upang matanggap natin ang mga pagpapala ng templo?

  • Paano kayo napagpala sa pagpasok ninyo sa templo nang karapat-dapat? (Kung may mga estudyante ka sa klase mo na hindi pa nagkakaroon ng pagkakataon na makapasok sa templo, maaaring ito ang itanong mo sa halip na ang unang tanong: Paano kayo napagpala nang sikapin ninyong magkaroon ng dalisay na puso?)

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 97:21 at ipatukoy kung paano binigyang-kahulugan ng Panginoon ang salitang Sion. Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na doktrina: Ang Sion ay may dalisay na puso.

Doktrina at mga Tipan 97:22–28

Ipinaliwanag ng Panginoon kung ano ang dapat nating gawin upang matakasan ang Kanyang galit at matanggap ang Kanyang mga pagpapala

Larawan
buhawi

Upang maihanda ang mga estudyante na maunawaan ang Doktrina at mga Tipan 97:22–24, magpakita o magdrowing ng isang larawan ng ipu-ipo. Ipaliwanag na nagkakaroon ng ipu-ipo sa buong mundo. Ang malalakas na ipu-ipo ay maaaring maging napakatinding buhawi na magdudulot ng malaking pinsala. Itanong sa mga estudyante kung nakakita na sila talaga ng ipu-ipo o matinding buhawi o nakapanood ng video footage nito. Hayaang ilarawan ng mga estudyante ang nakita nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 97:22–24 at sabihin sa klase na tukuyin kung ano ang inihalintulad ng Panginoon sa isang ipu-ipo. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Ipaliwanag na sa talata 22, ang salitang paghihiganti ay tumutukoy sa mga bunga ng pagsuway sa Panginoon.

  • Paano natutulad ang paghihiganti ng Panginoon sa isang ipu-ipo?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 97:25–28 at alamin ang kailangan nating gawin para matakasan ang paghihiganti ng Panginoon at matanggap ang Kanyang mga pagpapala. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang salitang kung kapag nakita nila ito sa mga talatang ito.

  • Ano ang dapat nating gawin para matakasan ang paghihiganti ng Panginoon at matanggap ang Kanyang mga pagpapala?

  • Paano nauugnay ang mensahe ng Panginoon sa mga talatang ito sa mga larawan ng dalawang puno na tinalakay natin kanina sa lesson? Ano ang itinuturo ng mga talata 27–28 tungkol sa pagsisisi at pagpapatawad?

Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa sumusunod na alituntunin: Kung tayo ay masunurin, matatakasan natin ang paghihiganti ng Panginoon at matatanggap natin ang marami Niyang pagpapala.

Maaari mong ipaliwanag na ayon kay Parley P. Pratt, ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 97 “ay hindi sinunod ng lahat ng lider at miyembro ng Simbahan sa Missouri, bagama’t marami ang mapagpakumbaba at matatapat. Kaya, ang ibinabalang kahatulan ay lubos na ibinuhos, na makikita sa kasaysayan ng sumunod na limang taon” (Autobiography of Parley P. Pratt, ed. Parley P. Pratt Jr. [1938], 96). Pagsapit ng Nobyembre 1833, pinaalis ang mga Banal sa Jackson County, Missouri, at patuloy silang dumanas ng pag-uusig sa Missouri hanggang sa paalisin sila sa estado noong 1838 at 1839.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipang mabuti ang ipinahihiwatig sa kanila na gawin nila habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan 97. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa mga pahiwatig na iyon upang matanggap nila ang mga pagpapala ng Panginoon.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 97:3. Si Parley P. Pratt at ang paaralan sa Sion

Inilarawan ni Elder Parley P. Pratt ang paaralan ng mga elder sa Sion at ang kanyang mga ginawa noong tag-init ng 1833:

Larawan
Parley P. Pratt

“Ang klaseng ito, na may animnapung miyembro, ay nagkikita para maturuan isang beses sa isang linggo. Ang lugar na pinagpupulungan ay sa labas, sa lilim ng ilang matataas na puno, sa isang malayo at tahimik na lugar sa kakahuyan, kung saan kami nanalangin, nangaral at nagpropesiya, at sinanay ang aming sarili sa mga kaloob ng Banal na Espiritu. Dito ibinuhos ang malalaking pagpapala, at maraming dakila at kagila-gilalas na bagay ang ipinakita at itinuro. Pinagkalooban ako ng Panginoon ng malaking karunungan, at tinulungan ako na maturuan at mapasigla ang mga Elder, at pinanatag at hinikayat sila sa kanilang mga paghahanda para sa dakilang gawain na nakaatang sa amin. Ako ay labis na napasigla at napalakas. Upang makapunta sa paaralang ito, kailangan kong maglakad, at kung minsan nang nakapaa, nang mga anim na milya. Ginagawa ko ito minsan sa isang linggo, bukod pa sa pagdalaw at pangangaral sa lima o anim na branch kada linggo” (Autobiography of Parley P. Pratt, ed. Parley P. Pratt Jr. [1938], 93–94; tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, 2nd ed. [Church Education System student manual, 2001], 228).

Yaong mga nakibahagi sa paaralan ng mga elder ay nag-aral ng mga banal na kasulatan, doktrina, at mga asignatura tulad ng gramatikang Ingles, iba pang mga wika, kasaysayan, literatura, pilosopiya, aritmetika, at pagsulat.

Doktrina at mga Tipan 97:13–14. Ang templo ay “isang lugar ng pagtuturo”

Sinabi ni Elder John A. Widtsoe ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder John A. Widtsoe

“Ang gawain sa templo … ay nagbibigay ng magandang oportunidad na panatilihing buhay ang ating espirituwal na kaalaman at lakas. … Ang malawak na pananaw tungkol sa kawalang-hanggan ay nakalahad sa ating harapan sa mga banal na templo; nakikita natin ang panahon mula sa walang-hanggang simula nito hanggang sa walang-hanggang katapusan; at ang dula ng buhay na walang hanggan ay nakalahad sa ating harapan. Sa gayon ay mas malinaw kong nakikita ang aking lugar sa gitna ng mga bagay ng sansinukob, ang aking lugar sa mga layunin ng Diyos; mas nailalagay ko ang aking sarili sa lugar na dapat kong kalagyan, at mas napapahalagahan ko at natitimbang, naihihiwalay at naoorganisa ang karaniwan kong tungkulin sa buhay upang ang maliliit na bagay ay hindi makabigat sa akin o alisin ang tingin ko sa mas malalaking bagay na ibinigay sa atin ng Diyos” (sa Conference Report, Abr. 1922, 97–98; tingnan din sa Doctrine and Covenants Student Manual, 2nd ed. [Church Educational System student manual, 2001], 229).

Doktrina at mga Tipan 97:15–16. Pagiging karapat-dapat na makapasok sa templo

Upang makapasok sa templo, ang isang miyembro ng Simbahan ay dapat magkaroon ng temple recommend. Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:

Larawan
Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Bawat miyembrong gustong magtungo sa templo, anuman ang edad, ay kailangang maghanda para sa banal na karanasang ito. May ilang itatanong sa inyo ang bishop at stake president, na mayhawak ng mga susi ng awtoridad ng priesthood at siyang mga pangkalahatang hukom sa Simbahan. Kasama sa mahahalagang tanong ang: Ikaw ba ay tapat? Malinis ba ang iyong puri? Sinusunod mo ba ang Word of Wisdom? Sinusunod mo ba ang batas ng ikapu? At sinasang-ayunan mo ba ang mga awtoridad ng Simbahan? Mababanaag sa inyong pag-uugali at kilos ang mga sagot sa mahahalagang tanong na ito.

“… Ang mga pamantayang itinakda ng Panginoon sa mga tanong para sa rekomend sa templo ay kaparehong-kapareho sa mga pamantayang matatagpuan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan” (“Makita ang Wakas mula sa Simula,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 44).