Seminary
Home-Study Lesson: Doktrina at mga Tipan 3–7; 10; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–67 (Unit 3)


Home-Study Lesson

Doktrina at mga Tipan 3–7; 10; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–67 (Unit 3)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 3–7; 10; Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–67 (unit 3) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Doktrina at mga Tipan 310)

Nang malaman ng mga estudyante ang tungkol sa mga nangyari sa pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon, natuklasan nila na ang mga layunin ng Diyos ay hindi mabibigo. Ang pagsasalita ng Panginoon kay Joseph Smith dahil sa paulit-ulit na paghiling nito na ipadala ang manuskrito kay Martin Harris ay nagturo sa mga estudyante na dapat silang matakot sa Diyos kaysa sa mga panghihikayat ng tao at kung tayo ay matapat sa mga kautusan ng Panginoon, tutulungan Niya tayo sa ating mga problema. Matapos maibalik ang mga lamina kay Joseph Smith, itinuro ng Panginoon sa kanya na hangad ni Satanas na wasakin ang gawain ng Panginoon at ang ating mga kaluluwa, ngunit kapag lagi tayong mananalangin, magkakaroon tayo ng lakas na madaig si Satanas at ang mga naglilingkod sa kanya.

Day 2 (Doktrina at mga Tipan 4)

Mula sa tugon ng Panginoon sa hangarin ni Joseph Smith Sr. na malaman kung ano ang nais ipagawa sa kanya ng Panginoon, nalaman ng mga estudyante na kung paglilingkuran nila ang Diyos nang buong puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas, sila ay makatatayong walang-sala sa Kanyang harapan sa huling araw. Nalaman rin nila na kapag masigasig silang gumagawa sa pagdadala ng mga tao kay Jesucristo, makatatanggap rin sila ng kaligtasan para sa kanilang sarili. Sa huli, natukoy ng mga estudyante ang mga banal na katangian na magpapamarapat sa isang tao na tumulong sa gawain ng Panginoon.

Day 3 (Doktrina at mga Tipan 5)

Nang maghangad si Martin Harris ng karagdagang katibayan na talagang may mga lamina, itinuro ng Panginoon kay Martin na tinawag Niya si Joseph Smith upang ihayag ang Kanyang salita sa buong mundo at ang patotoo ng Tatlong Saksi ay tatayo rin bilang katibayan ng katotohanan ng Aklat ni Mormon. Natutuhan ng mga estudyante na kung maniniwala sila sa mga salita ng Panginoon, pagtitibayin ng Espiritu na totoo ang mga ito. Ang bahaging ito ay nakatulong rin sa mga estudyante na maunawaan na kung taimtim tayong mananalangin nang may pagpapakumbaba at pananampalataya, makatatanggap tayo ng kasagutan ayon sa ating mabubuting hangarin.

Day 4 (Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–67; Doktrina at mga Tipan 6–7)

Itinuro ng Panginoon kay Oliver Cowdery ang mahahalagang katotohanan tungkol sa pagtanggap at pagkilala sa paghahayag. Pinag-isipan ng mga estudyante kung paano nila magagamit ang mga katotohanang ito. Bukod dito, nalaman nila na ang Panginoon ay nangungusap ng kapayapaan sa ating mga isipan bilang pagpapatibay ng katotohanan. Nalaman din ng mga estudyante na kapag nagtiwala tayo kay Jesucristo nang may pananampalataya, mapaglalabanan natin ang pag-aalinlangan at takot.

Pambungad

Sa lesson na ito, pag-aaralan ng mga estudyante ang buong Doktrina at mga Tipan 10, na inihayag kay Propetang Joseph Smith matapos mawala ang 116 na pahina ng manuskrito ng Aklat ni Mormon. Bago ang paghahayag na ito, kinuha ni Moroni ang mga lamina at ang Urim at Tummim mula kay Joseph Smith at ang Propeta ay pansamantalang nawalan ng kapangyarihang magsalin. Matapos maibalik ang mga lamina, iniutos ng Panginoon kay Joseph na huwag na muling isalin ang bahagi ng mga lamina na pinanggalingan ng mga nawalang pahina ng manuskrito. Inihayag rin ng Panginoon ang balak ni Satanas na wasakin ang gawain at itinuro kung paano natin madaraig si Satanas.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 310

Hinangad ni Satanas na wasakin si Joseph Smith at ang gawain ng Diyos

Sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag ang mga nangyari sa likod ng pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito. Pagkatapos ay talakayin ang mga sumusunod na tanong:

  • Mula sa natutuhan ninyo sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 3, bakit paulit-ulit pa ring nagtanong si Joseph Smith sa Diyos kahit nakatanggap na siya ng malinaw na sagot?

  • Ano sa palagay ninyo ang natutuhan ni Joseph Smith sa karanasang ito?

  • Anong mga katotohanan ang natutuhan ninyo mula sa karanasan ni Joseph na makatutulong sa inyo kapag pinipilit kayo ng iba na gawin ang isang bagay na hindi tama?

Magpakita ng pambitag o patibong (o magdrowing ng larawan nito sa pisara). Sabihin sa ilang estudyante na ibuod ang natutuhan nila sa kanilang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 10 tungkol sa paraan kung paano binalak ni Satanas na bitagin si Joseph Smith dahil sa pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito.

Larawan
drowing ng panghuli ng daga

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 10:20–29 inilarawan ng Panginoon ang mga yaong nagpaudyok kay Satanas na kunin ang 116 na pahina ng manuskrito at kung paano sila binitag ni Satanas.

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa isang estudyante sa bawat magkapartner na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 10:20–29 at alamin ang itinuturo ng mga talatang ito tungkol sa mga hangarin ni Satanas. Sabihin sa isa pang estudyante na basahin ang mga talata ring iyon at alamin kung paano naisagawa ni Satanas ang kanyang mga hangarin. Kapag tapos na sila, sabihin sa magkakapartner na ibahagi nila sa isa’t isa ang nalaman nila. Matapos ang sapat na oras, itanong sa klase ang mga sumusunod:

  • Ano ang matututuhan natin sa Doktrina at mga Tipan 10:20–29 tungkol sa mga layunin ni Satanas? (Maaaring makatukoy ng iba-ibang alituntunin ang mga estudyante, ngunit tiyaking naunawaan nila na hangad ni Satanas na wasakin ang gawain ng Panginoon at ang ating mga kaluluwa. Maaari mong ilista sa pisara ang doktrinang ito. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga salita at parirala na nagtuturo ng katotohanang ito sa mga talata 22–23 at 27.)

  • Ayon sa nabasa mo sa mga talatang ito, paano tinatangka ni Satanas na wasakin ang gawain ng Panginoon at ang ating mga kaluluwa? (Gumagamit siya ng panlilinlang, galit, panghihibok, at pagsisinungaling. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga paraang ito na ginagamit ng kaaway sa kanilang mga banal na kasulatan.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan at madama ang kahalagahan ng katotohanang ito, sabihin sa kanila na talakayin sa kanilang kapartner ang mga sumusunod na tanong (maaari mong isulat sa pisara ang mga tanong na ito o gawing handout at ibigay sa klase):

  • Anong katibayan ang nakita ninyo na gumagamit pa rin si Satanas ng panlilinlang, galit, panghihibok, at pagsisinungaling para wasakin ang gawain ng Panginoon at ang mga kaluluwa ng mga tao?

  • Paano nakatutulong sa atin na maiwasan at matakasan ang mga patibong ni Satanas kapag alam natin ang kanyang mga intensyon at pamamaraan?

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung alin sa mga paraan ng kaaway na nakalista sa Doktrina at mga Tipan 10:20–29 ang nadama o nakita na nila, at ano ang maaari nilang gawin para makaiwas o makatakas sa mga patibong ni Satanas.

Ipaliwanag na sa paghahayag na ito, ang Panginoon ay nagbigay ng kautusan at pangako hinggil sa ating mga pagsisikap na iwasan ang impluwensya ni Satanas. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 10:5 at sabihin sa klase na alamin ang utos at pangako ng Panginoon.

Isulat sa pisara ang sumusunod: Kapag tayo ay , magkakaroon tayo ng lakas na .

Itanong sa mga estudyante: Paano ninyo kukumpletuhin ang alituntuning ito ayon sa talata 5? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba-ibang alituntunin, ngunit tiyaking mabigyang-diin na kapag tayo ay laging mananalangin, magkakaroon tayo ng lakas na madaig si Satanas at ang mga naglilingkod sa kanya.)

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 10:38–45. Pagkatapos ay tawagin ang isang estudyante para ipaliwanag kung paano pinaghandaan ng Panginoon ang pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 10:43 at alamin ang mahalagang katotohanan na gustong ipaunawa ng Panginoon kay Joseph Smith. (Sa pagbabahagi ng mga estudyante ng kanilang mga ideya, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Ang karunungan ng Diyos ay nakahihigit kaysa sa katusuhan ng diyablo. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang salitang katusuhan ay tumutukoy sa pandaraya para makapanlinlang ng mga tao.)

Itanong ang mga sumusunod:

  • Paano nailarawan ng plano ng Panginoon na palitan ang nawalang manuskrito ang katotohanang ito?

  • Paano nakatutulong sa inyo na malaman na ang karunungan ng Diyos ay nakahihigit kaysa sa katusuhan ni Satanas?

Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 10:44–45 at maghanap ng karagdagang katibayan para sa katotohanan na nakasulat sa pisara.

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 10:44–45, bakit mas mahalaga ang maliliit na lamina ni Nephi kaysa sa pinaikling tala ni Mormon ng malalaking lamina na nasa nawalang 116 na pahina? (Ang maliliit na lamina ay naglalaman ng orihinal na tala ng mga espirituwal na bagay. Ang nawalang 116 na pahina ay naglalaman ng pinaikling tala ng mga pangyayari sa kasaysayan.)

  • Paano nakatutulong sa inyo na lalong lubusang magtiwala sa Diyos ang kaalaman na naghanda Siya ng paraan upang mapalitan ang nawalang 116 na pahina ng manuskrito?

Doktrina at mga Tipan 4–7

Pinayuhan ng Panginoon sina Joseph Smith at Oliver Cowdery na huwag mag-alinlangan o matakot

Sabihin sa mga estudyante na maikling ibahagi ang ilan sa mga katotohanan tungkol sa personal na paghahayag na natutuhan nila sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 6. Sabihin sa kanila na isipin ang mga pagkakataon na nadama nila na naliwanagan ang kanilang isipan at nakadama ng kapayapaan tungkol sa isang bagay na ipinagdasal nila. Anyayahan ang ilang estudyante na magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase.

Ipaalala sa mga estudyante na bilang bahagi ng kanilang pag-aaral ng scripture mastery passage sa Doktrina at mga Tipan 6:36, nagsulat sila ng isang maikling mensahe na naglalarawan ng mga paraan para maipamuhay ang payo na ibinigay ng Panginoon sa talatang iyan. Ipabasa sa kanila nang sabay-sabay at nang malakas ang Doktrina at mga Tipan 6:36. Maaari mong ulitin ito para matulungan sila na maisaulo ito. Pagkatapos ay anyayahan ang ilang estudyante na gustong magbahagi ng mensaheng isinulat nila. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo kung paano ka tinulungan noon ng Panginoon na madaig ang iyong takot o pangamba.

Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 8–9; 11–16)

Ano ang diwa ng paghahayag? Paano ninyo malalaman kung nakakatanggap kayo ng paghahayag mula sa Diyos? Ipaliwanag na sa susunod na unit, pag-aaralan ng mga estudyante ang tungkol sa mga alituntunin ng paghahayag na magpapala sa kanila kapag humingi sila ng patnubay sa Diyos sa kanilang buhay.