Seminary
Lesson 4: Doktrina at mga Tipan 1


Lesson 4

Doktrina at mga Tipan 1

Pambungad

Noong Nobyembre 1831, si Joseph Smith ay nakatanggap ng mahigit 60 paghahayag. Gayunman, karamihan sa mga miyembro ng Simbahan ay walang kopya ng mga paghahayag. Nagpatawag ang Propeta ng isang pagpupulong sa Hiram, Ohio, para talakayin ang paglalathala ng mga ito bilang aklat na tatawaging Aklat ng mga Kautusan [Book of Commandments]. Isang komite ng mga Elder ang nagbalangkas ng paunang salita sa aklat. Hindi nasiyahan sa balangkas na ito, hiniling ng mga nagsidalo sa pagpupulong na hingan ni Joseph Smith ang Panginoon ng paunang salita. Matapos manalangin na sumasamo sa Panginoon, natanggap ni Joseph ang paunang salita sa pamamagitan ng paghahayag. Ang paunang salita ng Panginoon sa Aklat ng mga Kautusan ang naging bahagi 1 ng Doktrina at mga Tipan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 1:1–16

Nagbabala ang Panginoon sa mga kahatulan na sasapit sa mga mapaghimagsik sa Ikalawang Pagparito

Maaari mong simulan ang lesson na ito sa pagsasabi sa klase na pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong habang binabasa mo ang mga ito nang malakas. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa isa o dalawang estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot.

  • Kailan may kumuha ng atensyon ninyo at binalaan kayo sa isang bagay? Ano ang reaksyon ninyo?

  • Ano ang naramdaman ninyo sa ginawang pagbabala sa inyo ng taong iyon? Bakit ganyan ang naramdaman ninyo?

Idispley ang iyong kopya ng Doktrina at mga Tipan, at ipaliwanag na sa aklat na ito ang Panginoon ay nagbibigay ng mga babala, kautusan, at mga tagubilin na mahalaga para sa ating kaligayahan at kaligtasan. Sabihin sa mga estudyante na inihayag ng Panginoon ang bahagi 1 bilang paunang salita sa iba pang mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan. Inihahanda ng paunang salita ang mambabasa sa nilalaman ng aklat sa pamamagitan ng pagbubuod ng mensahe at layunin ng may-akda. Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng kasaysayan para sa Doktrina at mga Tipan 1, maaari mong ilahad ang ilang impormasyon mula sa pambungad ng lesson na ito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 1:1–3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at ipahanap ang mga salita o parirala na ginamit ng Panginoon para makuha ang atensyon ng mga magbabasa ng Kanyang mga salita. Ipabahagi sa ilang estudyante ang nahanap nila. (Kapag talagang nakikinig tayo sa Panginoon, susundin natin ang Kanyang payo at susunod sa Kanyang mga kautusan.)

  • Kanino nagsasalita ang Panginoon sa mga talatang ito? (Nagsasalita ang Panginoon sa lahat ng naninirahan sa mundo, hindi lamang sa mga miyembro ng Simbahan.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pariralang “ang kanilang mga kasamaan ay ipagsisigawan sa mga bubungan, at ang kanilang mga lihim na gawain ay ihahayag”? (D at T 1:3).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 1:4–7, at sabihin sa klase na alamin kung paano sinabi ng Panginoon na ibibigay Niya ang Kanyang mga babala sa lahat ng tao.

  • Ayon sa Panginoon, paano Niya ibibigay ang Kanyang mga babala sa lahat ng tao? (Maaaring iba-iba ang sagot ng mga estudyante, ngunit tiyaking matutukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Binabalaan ng Panginoon ang lahat ng tao sa pamamagitan ng Kanyang mga piniling disipulo. Maaari mong imungkahi na markahan ng mga estudyante ang doktrinang ito sa Doktrina at mga Tipan 1:4 o isulat ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan.)

  • Sino ang mga disipulo na kausap ng Panginoon at pinagbigyan Niya ng mga babalang ito?

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 1:8–10 na ipinapaliwanag na ipinahayag ng Panginoon na Kanyang hahatulan ang lahat ng tao alinsunod sa kanilang mga gawa at pagtrato sa iba. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 1:11–14, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang iba pang mga babala.

  • Anong kaganapan ang tinutukoy ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 1:12?

  • Sa Doktrina at mga Tipan 1:14, ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng Panginoon nang magbabala Siya na ang mga hindi makikinig sa Kanyang mga propeta at mga apostol ay ihihiwalay? (Sila ay ihihiwalay mula sa mabubuti at mawawalan ng mga pagpapala na dulot ng mga ordenansa at mga tipan ng ebanghelyo.)

Ipaliwanag na kailangan ang mga babalang ito dahil sa kasamaan at apostasiya sa buong mundo. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 1:15–16. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang mga salita o parirala na naglalarawan ng kasamaan at apostasiya. Sabihin sa ilang estudyante na ilahad ang nalaman nila.

  • Sa anong mga paraan lumalakad ang mga tao sa ating panahon “sa [kanilang sariling] paraan, at alinsunod sa larawan ng [kanilang] diyos”? (D at T 1:16).

Doktrina at mga Tipan 1:17–33

Ang ebanghelyo ay napanumbalik sa pamamagitan ni Joseph Smith upang ihanda ang mundo sa kapahamakang darating sa mga huling araw

Sabihin sa klase na basahing mabuti ang Doktrina at mga Tipan 1:17 at alamin ang salitang ginamit ng Panginoon upang tukuyin ang kasamaan, apostasiya, at pagkalipol na mangyayari sa mga huling araw. Kapag natukoy nila ang salitang kapahamakan, ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 1:17–33, nagbigay ng solusyon ang Panginoon para tulungan tayong harapin ang kapahamakang magaganap sa mga huling araw. (Maaaring kailanganin mong ipaliwanag na ang salitang kapahamakan ay tumutukoy sa mga mapaminsalang pangyayari na kaakibat ng malaking kawalan, ligalig, at pagdurusa.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na chart, o ibigay ito sa mga estudyante bilang handout:

Anong solusyon ang ibinigay ng Panginoon para sa kapahamakang darating sa mundo?

Paano tayo matutulungan ng solusyong ito na harapin ang kapahamakan ng mga huling araw?

D at T 1:17

D at T 1:18–23

D at T 1:29

D at T 1:30

Maaari mong sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang chart nang mag-isa o may kapartner. Ipabasa sa mga estudyante ang mga scripture passage sa kaliwang bahagi ng chart at tukuyin ang mga solusyong ibinigay sa atin ng Panginoon upang tulungan tayo sa kapahamakang darating sa mga huling araw. Sabihin sa kanila na magsulat ng deskripsyon o magdrowing ng larawan sa gitnang column ng chart tungkol sa nalaman nila. Sa mga kahon sa kanan, sabihin sa kanila na magsulat ng maikling paliwanag kung paano tayo matutulungan ng bawat isa sa mga solusyon ng Panginoon sa kapahamakang darating sa mga huling araw.

Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang itinala nila sa chart. Dapat kabilang sa mga sagot sa gitnang column ang sumusunod: tinawag ng Panginoon si Joseph Smith at binigyan siya ng mga paghahayag at kautusan (tingnan sa D at T 1:17); iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga tagapaglingkod na humayo sa buong mundo upang ipahayag ang Kanyang ebanghelyo at itatag ang Kanyang tipan (tingnan sa D at T 1:18–23); inihayag ng Panginoon ang Aklat ni Mormon (tingnan sa D at T 1:29); at ipinanumbalik ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa lupa (tingnan sa D at T 1:30). Ang mga sagot sa kanang column ay maaaring magkakaiba. Ipabahagi sa ilang estudyante ang isinulat nila.

Para matulungan ang mga estudyante na mapag-isipan pa ang sinabi ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 1:30, maaari mong imungkahi na markahan nila ang mga salita sa talatang ito na nagpapahayag ng sumusunod na katotohanan: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging tunay at buhay na simbahan sa mundo.

  • Batay sa natutuhan ninyo sa nakaraang lesson tungkol sa Malawakang Apostasiya, paano ninyo ipapaliwanag sa isang tao kung bakit Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging tunay at buhay na Simbahan sa mundo?

  • Paano naging “buhay” ang simbahang ito?

Ipaliwanag na sa pamamagitan ng kaloob na Espiritu Santo, nagagabayan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan sa pamamagitan ng patuloy na paghahayag. Ang patuloy na paghahayag na ito ay isang halimbawa kung paano naging buhay ang Simbahan.

  • Bakit mahalaga sa inyo na malaman na kabilang kayo sa tanging tunay at buhay na Simbahan sa mundo?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng Panginoon nang sabihin Niya na Siya ay nalulugod sa “[Kanyang] buong simbahan at hindi sa bawat isa lamang”? (D at T 1:30). (Bagama’t totoo ang Simbahan at kalugud-lugod sa Panginoon, maaaring hindi lahat ng miyembro ng Simbahan ay namumuhay nang kalugud-lugod sa Kanya.)

Sabihin sa mga estudyante na basahing mabuti ang Doktrina at mga Tipan 1:31–33 at tukuyin kung ano ang sinabi ng Panginoon tungkol sa kasalanan at pagsisisi.

  • Paano itinuturing ng Panginoon ang kasalanan? Paano tayo mapapatawad?

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 1:33, ano ang nangyayari sa mga hindi nagsisisi?

  • Ano ang ibig sabihin ng kukunin ang “liwanag”?

Doktrina at mga Tipan 1:34–39

Inatasan tayo ng Panginoon na saliksikin ang mga paghahayag at mga kautusan na nasa Doktrina at mga Tipan

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 1:34–36 na ipinapaliwanag na ipinahayag muli ng Panginoon ang Kanyang hangarin na balaan ang lahat ng tao na maghanda sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 1:37–39. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga katotohanan na binigyang-diin ng Panginoon sa katapusan ng Kanyang paunang salita sa Doktrina at mga Tipan.

  • Anong mga katotohanan ang binigyang-diin ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 1:37–39? (Kapag ibinahagi ng mga estudyante ang mga katotohanang natukoy nila, tiyaking malinaw ang sumusunod: Dapat nating saliksikin ang mga kautusang ibinigay ng Panginoon. Ang mga salita ng Panginoon ay matutupad lahat. Ang mga salita ng Panginoon ay totoo, ang mga ito man ay sinabi Niya o ng Kanyang mga tagapaglingkod.)

  • Batay sa natutuhan ninyo ngayon, paano kayo mapagpapala kung sinasaliksik ninyo ang mga kautusan at paghahayag na ibinigay ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan?

Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano pinagpala ang buhay nila ng pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan. Maaari mo ring hikayatin ang mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang mithiin nila na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan araw-araw sa buong school year. Sabihin sa kanila na pag-isipan kung kailan, saan, at gaano katagal sila mag-aaral bawat araw. Ipaalam sa kanila na paminsan-minsan ay kukumustahin mo sila para matulungan sila na magpatuloy sa kanilang araw-araw na pag-aaral.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 1:14. “Tatalima sa mga salita ng mga propeta”

Itinuro ni Elder M. Russell Ballard:

Larawan
Elder M. Russell Ballard

“Hindi maliit na bagay, mga kapatid, na magkaroon ng isang propeta ng Diyos sa ating paligid. Dakila at maganda ang mga biyayang dumarating sa ating buhay habang nakikinig tayo sa salita ng Panginoon na ibinibigay sa atin sa pamamagitan niya. Kasabay nito, ang pagkaalam na propeta ng Diyos [ang Pangulo ng Simbahan] ay nagbibigay rin sa atin ng responsibilidad. Kapag narinig natin ang payo ng Panginoon na ipinahahayag sa pamamagitan ng mga salita ng Pangulo ng Simbahan, dapat positibo at kaagad ang ating pagtugon. Ipinakita ng kasaysayan na may kaligtasan, kapayapaan, kasaganaan, at kaligayahan sa pagtugon sa mga payo ng propeta gaya ng ginawa ni Nephi noong sinauna: ‘Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon’ (1 Ne. 3:7)” (“His Word Ye Shall Receive,” Ensign, Mayo 2001, 65).