Seminary
Home-Study Lesson: Ang Plano ng Kaligtasan–Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan (Unit 1)


Home-Study Lesson

Ang Plano ng Kaligtasan–Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan (Unit 1)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod ay buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa kanilang pag-aaral ng apat na home-study lesson ng estudyante para sa unit 1. Makatutulong sa iyong paghahanda para sa klase ang pag-alam sa pinag-aaralan ng mga estudyante. Ang buod ay hindi bahagi ng lesson at hindi dapat ituro sa mga estudyante. Dahil ang ituturo mong lesson para sa unit 1 ay nakatuon lamang sa ilang mga doktrina at alituntuning ito, maaaring paminsan-minsan ay mainspirasyunan kang rebyuhin o talakayin ang iba ayon sa mga pahiwatig ng Espiritu at sa mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Ang Plano ng Kaligtasan)

Ang pag-aaral ng plano ng kaligtasan ng Ama sa Langit ay nakatulong sa mga estudyante na malaman na ang layunin ng plano ay maglaan ng paraan para sa atin upang magkaroon tayo ng kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan. Nalaman ng mga estudyante na ipinadala tayo ng Ama sa Langit sa lupa upang magkaroon ng katawan at karanasan at umunlad. Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo madaraig natin ang mga epekto ng kasalanan at kamatayan.

Day 2 (Ang Malawakang Apostasiya)

Habang pinag-aaralan ang tungkol sa Malawakang Apostasiya, natuklasan ng mga estudyante na ang mga propeta at apostol ang bumubuo ng pundasyon ng Simbahan ni Jesucristo at tumutulong na mapanatiling dalisay ang Simbahan sa pamamagitan ng pagtuturo ng tamang doktrina. Bukod pa rito, ang awtoridad at mga susi ng priesthood ay kinakailangan upang matanggap ang mga tipan at ordenansa ng kaligtasan, at ang lahat ng ito ay matatanggap sa Simbahan ni Jesucristo. Nangyayari ang apostasiya kapag tumatalikod ang mga tao sa mga katotohanan ng ebanghelyo at hindi tinatanggap ang mga awtorisadong tagapaglingkod ng Panginoon. Kinakailangan ang panunumbalik ng katotohanan at awtoridad ng priesthood upang madaig ang mga epekto ng Malawakang Apostasiya.

Day 3: (Doktrina at mga Tipan 1)

Sa kanilang pag-aaral ng pambungad ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan, nalaman ng mga estudyante na nagbabala ang Panginoon sa lahat ng tao sa pamamagitan ng Kanyang mga piniling disipulo at ipinahayag na Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang tanging tunay at buhay na simbahan sa ibabaw ng lupa. Nalaman ng mga estudyante na dapat nating saliksikin ang mga kautusan na ibinigay ng Panginoon, na matutupad ang lahat ng salita ng Panginoon, at ang mga salita ng Panginoon ay totoo nagmula man ang mga ito sa Kanya o ipinahayag sa pamamagitan ng Kanyang mga tagapaglingkod.

Day 4 (Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan)

Sa lesson na ito, natutuhan ng mga estudyante na ang mga banal na kasulatan ay isinulat upang maingatan ang mga walang hanggang katotohanan na kilala bilang mga doktrina at mga alituntunin. Natutuhan nila na upang mahanap ang mga walang hanggang katotohanang ito, makatutulong na maunawaan muna ang konteksto at nilalaman ng banal na kasulatan. Natutuhan ng mga estudyante na kapag naunawaan ang mga bagay na ito, makatutulong ito na maihayag ang mga doktrina at mga alituntunin na natukoy nila sa isang malinaw at simpleng pahayag ng katotohanan. Sa huli, natutuhan ng mga estudyante na ang tunay na kahalagahan ng pag-aaral ng banal na kasulatan ay nagmumula sa pamumuhay ng mga doktrina at mga alituntunin na natuklasan nila sa mga banal na kasulatan.

Pambungad

Ipapakilala ng lesson na ito sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan gamit ang pambungad sa Doktrina at mga Tipan at bahagi 1. Matututuhan ng mga estudyante na ang Doktrina at mga Tipan ay binubuo ng “mga banal na paghahayag at makapukaw na pagpapahayag na ibinigay ukol sa pagtatatag at pamamalakad ng kaharian ng Diyos dito sa mundo sa mga huling araw” (pambungad sa Doktrina at mga Tipan). Ang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan at Kasaysayan ng Simbahan ay magpapalakas sa patotoo ng mga estudyante kay Jesucristo.

Paalala: Dahil malamang na ito ang unang klase na magkakasama ang mga estudyante, maaari mong sabihin sa kanila na magtanong kung mayroong silang katanungan tungkol sa mga gagawin sa home-study at kung paano epektibong pag-aaralan nang mag-isa ang mga banal na kasulatan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Pambungad sa Doktrina at mga Tipan at Kasaysayan ng Simbahan

Ang Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng mga paghahayag na natanggap ni Propetang Joseph Smith at ng mga humalili sa kanya

Maaari mong simulan ang lesson sa pagtatanong sa mga estudyante kung anong aklat ang sa palagay nila ay makikinabang ang mundo sa pagbabasa nito at bakit. (Maaari kang magdispley ng ilang aklat na gusto mong imungkahi.) Matapos sumagot ang mga estudyante, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith at sabihin sa klase na pakinggan ang itinuro ng Propeta tungkol sa Doktrina at mga Tipan:

Larawan
Propetang Joseph Smith

“[Ang mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan ay] ang pundasyon ng Simbahan sa mga huling araw na ito, at kapaki-pakinabang sa mundo, na ipinakikita na ang mga susi ng hiwaga ng kaharian ng ating Tagapagligtas ay muling ipinagkatiwala sa tao” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 225).

Hikayatin ang mga estudyante na alamin sa lesson ngayon ang mga paraan kung paano magiging kapaki-pakinabang sa mundo at sa buhay nila ang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan.

Ipabuklat sa mga estudyante ang pahina ng pamagat ng Doktrina at mga Tipan. Ipaliwanag na upang maging kapaki-pakinabang ang Doktrina at mga Tipan, kailangan muna nating maunawaan kung ano ang mga doktrina at mga tipan. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pahina ng pamagat. Pagkatapos ay itanong sa mga estudyante ang mga sumusunod:

  • Paano ninyo bibigyang-kahulugan ang salitang doktrina?

  • Ano ang ibig sabihin ng tipan?

  • Ano ang paghahayag?

Kung kailangan, ipaliwanag na ang doktrina ay isang pangunahin at walang hanggang katotohanan ng ebanghelyo ni Jesucristo; ang tipan ay isang sagradong kasunduan sa pagitan ng Diyos at ng Kanyang mga anak; at ang paghahayag ay pakikipag-ugnayan ng Diyos sa Kanyang mga anak. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang mga kahulugang ito sa pahina ng pamagat.

Sabihin sa mga estudyante na tingnan ang ikawalong talata sa pambungad ng Doktrina at mga Tipan (simula sa “Sa mga paghahayag …”). Ipaliwanag na nakalista sa talatang ito ang ilang halimbawa ng mga paksa tungkol sa doktrina na matatagpuan sa Doktrina at mga Tipan. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang unang pangungusap at tukuyin ang isa o mahigit pang mga paksa tungkol sa doktrina na interesado silang malaman. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Aling paksa tungkol sa doktrina ang pinakainteresado kayo na mas malaman pa?

  • Paano kayo makikinabang kapag mas alam at nauunawaan ninyo ang mga doktrinang iyon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang huling pangungusap sa ikawalong talata (nagsisimula sa “Panghuli, ang patotoong ibinigay …”), at sabihin sa klase na alamin kung bakit napakahalaga ng Doktrina at mga Tipan. Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Bakit nagkaroon ng “dakilang kahalagahan” ang Doktrina at mga Tipan?

  • Bakit napakahalaga ng patotoo tungkol sa Tagapagligtas?

  • Ano sa palagay ninyo ang mangyayari sa inyong patotoo kay Jesucristo habang pinag-aaralan ninyo ang Doktrina at mga Tipan?

Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Sa pag-aaral ng mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan, mapalalakas ninyo ang inyong patotoo kay Jesucristo. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano makakaapekto sa kanilang buhay ang mas malakas na patotoo sa Tagapagligtas. Maaari mong ibahagi kung paano napalakas ng pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan ang patotoo mo kay Jesucristo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang talata ng pambungad sa Doktrina at mga Tipan habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang klase. Pagkatapos ay itanong: Sa pag-aaral natin ng Doktrina at mga Tipan, kaninong tinig ang maririnig natin?

Isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Sa pag-aaral natin ng Doktrina at mga Tipan, maririnig natin ang tinig ng Tagapagligtas. Pagkatapos ay basahin ang Doktrina at mga Tipan 18:34–36 sa mga estudyante.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pangatlong talata ng pambungad sa Doktrina at mga Tipan. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga salita na naglalarawan sa tinig ng Tagapagligtas. (Maaari mong imungkahi sa kanila na markahan ang nalaman nila.) Pagkatapos ay itanong ang mga sumusunod:

  • Anong mga salita ang ginamit para ilarawan ang tinig ng Tagapagligtas?

  • Anong mga kapakinabangan ang darating sa inyong buhay kapag narinig at nakilala ninyo ang Kanyang tinig?

Magdispley ng mga larawan ng ilan sa mga tao na pinatungkulan ng mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 87, 88, 93, 94, 95; tingnan din sa LDS.org). Kapag ipinakita mo ang mga larawang ito, ipaliwanag na malalaman ng mga estudyante ang tungkol sa mga taong ito habang pinag-aaralan nila ang Doktrina at mga Tipan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang dalawang pangungusap ng pang-anim na talata ng pambungad sa Doktrina at mga Tipan (simula sa “Ang mga banal na paghahayag na ito …”). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga sitwasyon kung saan natanggap ang mga paghahayag na ito. (Maaari mong imungkahi sa kanila na markahan ang nalaman nila.)

  • Anong mga parirala sa mga pangungusap na ito ang naglalarawan sa mga sitwasyon kung saan natanggap ang mga paghahayag na ito?

Ipakita sa mga estudyante ang isang kapirasong papel na may nakasulat na salitang Ikaw. Ipaliwanag na tulad sa mga tao sa kasaysayan ng Simbahan, nakararanas din tayo ng mga sitwasyon kung saan kailangan natin ng banal na patnubay.

  • Kung tutularan natin ang mga halimbawa ng mga naunang Banal na ito, ano ang dapat nating gawin para makatanggap ng banal na patnubay? (Manalangin at hilingin ito.)

Ipaliwanag na ang isang paraan upang magkaroon ng banal na patnubay ay pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Ipabuklat sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 1:37–38, na isang scripture mastery passage. Ipaalala sa kanila na ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na ito bilang Kanyang paunang salita sa Doktrina at mga Tipan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 1:37–38 habang tahimik na sumasabay sa pagbasa ang klase at inaalam ang iniutos ng Panginoon sa atin hinggil sa Doktrina at mga Tipan.

  • Ano ang iniutos ng Panginoon na gawin natin sa Doktrina at mga Tipan? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Dapat nating saliksikin ang mga kautusang ibinigay ng Panginoon.)

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nakabuti sa kanila ang pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan sa linggong ito ng pag-aaral. I-follow-up sa mga estudyante ang mga mithiing itinakda nila sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan araw-araw sa buong school year. Tanungin sila tungkol sa kanilang plano na sundin ang kautusan ng Panginoon na “saliksikin ang mga kautusang ito” (D at T 1:37). Maaari mong tapusin ang lesson sa pagpapatotoo ng kahalagahan ng pakikinig sa tinig ng Panginoon at pagtanggap ng patnubay mula sa Kanya sa pamamagitan ng pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan.

Susunod na Unit (Joseph Smith—Kasaysayan 1; Doktrina at mga Tipan 2)

Dinirinig at sinasagot ng Diyos ang mga panalangin. Ang Unang Pangitain ang resulta ng mapagkumbabang panalangin ni Joseph Smith. Hindi nagtagal, tinagubilinan ng mga anghel si Propetang Joseph Smith sa paglabas ng Aklat ni Mormon at sa panunumbalik ng priesthood. Matapos magpakita si Juan Bautista kina Joseph Smith at Oliver Cowdery, isinulat ni Oliver, “Saglit na mag-isip pa, anong ligaya ang pumuspos sa aming mga puso … nang aming matanggap sa ilalim ng kanyang kamay ang Banal na Pagkasaserdote” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:71, tala).