Seminary
Lesson 86: Doktrina at mga Tipan 84:1–44


Lesson 86

Doktrina at mga Tipan 84:1–44

Pambungad

Noong Setyembre 1832, bumalik ang mga missionary sa Kirtland, Ohio, matapos mangaral ng ebanghelyo sa silangang Estados Unidos. Sa kanilang masayang pagkikita, tumanggap si Joseph ng paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 84. Natanggap niya ang paghahayag sa loob ng dalawang araw: Setyembre 22 at 23, 1832. Sa manwal na ito, ang bahagi 84 ay nahahati sa tatlong lesson. Ang unang lesson ay nakatuon sa mga tagubilin ng Panginoon tungkol sa priesthood at kung paano tayo maihahanda ng priesthood na matanggap ang lahat ng mayroon ang Ama sa Langit.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 84:1–30

Inihayag ng Panginoon na isang templo ang itatayo at ipinaliwanag ang mga layunin ng priesthood

Kung maaari, magdala sa klase ng kopya ng priesthood line of authority ng isang tao (ng sarili mo o ng sa kapamilya mo). (Maaari mong isulat sa pisara ang line of authority.) Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ipinapakita sa priesthood line of authority kung paano ipinagkaloob ang awtoridad ng priesthood sa isang tao mula sa isang maytaglay ng priesthood, mula kay Jesucristo hanggang sa isang maytaglay ng priesthood ngayon.

Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 84 ay naglalaman ng paghahayag tungkol sa priesthood at kung paano nito pinagpapala ang mga anak ng Ama sa Langit. Ang unang bahagi ng paghahayag ay naglalahad ng priesthood lineage ni Moises. Ipabasa nang tahimik at mabilis sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:6–19 at alamin kung paano matatalunton ni Moises ang kanyang priesthood authority pabalik sa Diyos.

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga na matalunton ang linya ng priesthood authority pabalik sa Diyos? (Tingnan sa Mga Hebreo 5:4.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:17. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang parirala na naglalarawan ng walang hanggang katangian ng priesthood (“walang simula ng mga araw o katapusan ng mga taon”). Maaari mong patotohanan na ang priesthood ay walang hanggang kapangyarihan at awtoridad ng Diyos at ibahagi ang iyong pasasalamat na ipinagkaloob ng Diyos ang kanyang kapangyarihan sa sanlibutan para sa kapakanan ng Kanyang mga anak.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:19–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga pagpapala na matatanggap natin sa pamamagitan ng Melchizedek Priesthood.

  • Ayon sa mga talata 19–22, anong mga pagpapala ang matatanggap natin sa pamamagitan ng Melchizedek Priesthood? (Maaaring makapagbigay ng ilang sagot ang mga estudyante. Tiyakin na natukoy nila ang sumusunod na doktrina: Sa mga ordenansa ng Melchizedek Priesthood, nakikita ang kapangyarihan ng kabanalan. Isulat sa pisara ang doktrinang ito.)

  • Alin sa mga nakapagliligtas na ordenansa ang dapat isagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng Melchizedek Priesthood? (Kumpirmasyon, pagkakaloob ng Melchizedek Priesthood, endowment sa templo, at pagbubuklod sa templo. Ilista sa pisara ang mga ordenansang ito.) Paano ninyo nakita ang kapangyarihan ng kabanalan sa mga ordenansang ito?

  • Ayon sa talata 22, bakit mahalaga na matanggap natin ang mga ordenansa ng Melchizedek Priesthood? (Ang “kapangyarihan ng kabanalan” na nakikita sa mga ordenansang ito ay magtutulot sa atin na makita ang Diyos at mabuhay.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Upang maging tulad ng Diyos at makapanahan sa Kanyang kinaroroonan, dapat nating matanggap ang mga ordenansa ng Melchizedek Priesthood.

Patingnan ang listahan ng mga ordenansa ng Melchizedek Priesthood sa pisara.

  • Alin sa mga ordenansang ito ang matatanggap lamang sa templo?

Pagkatapos sumagot ng mga estudyante, basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Russell M. Nelson

“Ang templo ang pakay ng bawat aktibidad, bawat aralin, bawat hakbang ng pagsulong sa Simbahan. … Ang mga ordenansa ng templo ay talagang napakahalaga. Hindi tayo makababalik sa kaluwalhatian ng Diyos kung wala ang mga ito” (“Paghahanda para sa mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Okt. 2010, 41).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:23. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang ginawa ni Moises para maihanda ang mga tao na makita ang mukha ng Diyos. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang pabanalin ay gawing malinis at gawing banal. Tayo ay pinababanal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 84:24–30 na ipinapaliwanag na dahil pinatigas ng mga anak ni Israel ang kanilang mga puso, nawala sa kanila ang pagkakataong matanggap ang Melchizedek Priesthood at ang kaugnay na mga ordenasa sa buhay na ito. Gayunpaman, patuloy silang tinulungan ng Panginoon na umunlad. Tinulutan Niya na magpatuloy sa kanila ang nakabababang priesthood, o ang Aaronic Priesthood (tingnan sa D at T 84:26–27).

Doktrina at mga Tipan 84:31–44

Itinuro ng Panginoon ang sumpa at tipan ng priesthood

Sabihin sa isang estudyanteng maytaglay na priesthood na sagutin ang mga sumusunod na tanong:

  • Paano kayo napagpala dahil taglay ninyo ang priesthood? Paano kayo napagpala dahil taglay ng ibang tao ang priesthood?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:31–32. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang pariralang ginamit ng Panginoon para tukuyin ang mga maytaglay ng priesthood.

  • Paano tinukoy ng Panginoon ang mga maytaglay ng priesthood? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang pariralang “mga anak na lalaki ni Moises” ay tumutukoy sa mga maytaglay ng Melchizedek Priesthood at ang pariralang “mga anak na lalaki ni Aaron” ay tumutukoy sa mga maytaglay ng Aaronic Priesthood.)

Isulat sa pisara ang sumusunod na parirala: Sumpa at Tipan ng Priesthood.

Ipaliwanag na ang Doktrina at mga Tipan 84:33–44 ay kilala bilang sumpa at tipan ng priesthood. Inisa-isa sa mga talatang ito (1) ang mga tipang ginagawa ng isang tao kapag tumanggap siya ng priesthood at (2) ang mga pangakong ginagawa ng Panginoon sa matatapat na maytaglay ng priesthood.

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung ang mga tumatanggap ng priesthood ay , ang Diyos ay .

Sabihin sa mga estudyante na pag-aralan nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 84:33–44. Sabihin sa kanila na kumpletuhin ang pahayag sa pisara batay sa mga talatang ito.

  • Ano ang ilalagay ninyo para makumpleto ang pahayag? (Dapat maunawaan ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Kung ang mga tumatanggap ng priesthood ay tutupad sa kanilang mga tungkulin, susunod sa Panginoon at sa Kanyang mga tagapaglingkod, at makiking sa mga salita ng buhay na walang hanggan, ang Diyos ay pababanalin sila at ipagkakaloob ang lahat ng mayroon Siya.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Gordon B. Hinckley:

Larawan
Pangulong Gordon B. Hinckley

“Ginagampanan nating mabuti ang ating responsibilidad bilang maytaglay ng priesthood at tinutupad ang ating tungkulin nang may pagtitiyaga at sigasig kung saan tayo tinawag ng mga taong may wastong awtoridad. … Tinutupad natin ang ating tungkulin, pinalalawak natin ang potensyal ng ating priesthood kapag tumutulong tayo sa mga nahihirapan at nagbibigay ng lakas sa mga taong pinanghinaan ng loob. … Ginagampanan nating mabuti ang ating tungkulin kapag namumuhay tayo ng may katapatan at integridad” (“Magnify Your Calling,” Ensign, Mayo 1989, 48–49).

Ipaliwanag na kapag tumanggap tayo ng mga tungkulin sa Simbahan, may responsibilidad tayong ihanda ang ating sarili at ang iba na tumanggap ng mga nakapagliligtas na ordenansa ng priesthood. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson:

Larawan
Pangulong Thomas S. Monson

“Paano ginagampanang mabuti ng isang tao ang kanyang tungkulin? Ito ay sa simpleng paggawa ng paglilingkod na nauukol dito. … Dalangin ko nang buong puso at kaluluwa na bawat lalaking nagtataglay ng priesthood ay igagalang ang priesthood na ito at magiging tapat sa pagtitiwalang ipinagkaloob sa kanya” (“Priesthood Power,” Ensign, Nob. 1999, 49, 51).

  • Ano ang ilan sa mga paraan na tinutupad ng mga maytaglay ng Aaronic Priesthood ang kanilang mga tungkulin sa priesthood?

  • Kailan kayo napagpala dahil ginampanang mabuti ng isang tao ang kanyang tungkulin?

Tulungan ang mga estudyante na makita na ang mga pagpapala ng sumpa at tipan ng priesthood ay hindi lamang para sa mga maytaglay ng priesthood. Ang mga pinakamalaking pagpapala ng Diyos ay dumarating sa kalalakihan at kababaihan na ibinuklod sa isa’t isa sa templo. Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson:

Larawan
Elder Russell M. Nelson

“Balang araw kami ni Sister Nelson ay magkakasamang muli na kapiling ang aming pamilya at ang Panginoon magpakailanman. Naging matapat kami sa mga tipang ginawa namin sa templo at sa sumpa at tipan ng priesthood, na tumiyak sa amin, sa mga salita ng Panginoon, na ‘lahat ng mayroon ang aking Ama ay ibibigay sa [inyo]’ (D at T 84:38).

“Ang matatapat na kababaihan ay tumatanggap din ng mga pagpapala ng priesthood. Isipin ang mga salitang iyon ‘lahat ng mayroon ang aking Ama.’ … Ibig sabihin nito walang anumang bagay sa mundo—walang ibang tagumpay—ang makatutumbas sa mga pagpapalang ipagkakaloob ng Panginoon sa mga nagmamahal sa Kanya at sumusunod sa Kanyang mga kautusan (tingnan sa Moroni 4:3), at magtitiis hanggang wakas (tingnan sa D at T 14:7)” (“Identity, Priority, and Blessings,” Ensign, Ago. 2001, 10).

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga partikular na pangako ng Panginoon bilang bahagi ng sumpa at tipan ng priesthood, isulat ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag sa pisara: Ipinangako ng Panginoon na …

Ipabasa muli nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 84:33–34, 38, 42. Sabihin sa kanila na tukuyin ang mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon bilang bahagi ng sumpa at tipan ng priesthood. Maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Maaari nilang mabanggit na ang Panginoon ay: (1) pababanalin tayo sa pamamagitan ng Espiritu (tingnan sa talata 33); (2) pagpapanibaguhin ang ating katawan (tingnan sa talata 33); (3) ibibilang tayo sa mga binhi ni Abraham—sa madaling salita, ibibigay sa atin ang mga pagpapala na ipinangako kay Abraham at sa kanyang mga inapo (tingnan sa talata 34); (4) hihirangin o pipiliin tayo (tingnan sa talata 34); (5) pagkakalooban tayo ng lahat ng mayroon ang Ama (tingnan sa talata 38); at (6) magbibigay ng Kanyang mga anghel para pangalagaan tayo (tingnan sa talata 42). (Kapag nabanggit ng mga estudyante ang pangako sa talata 38, maaari mo silang hikayatin na isipin ang katangian at kaluwalhatian ng Diyos, hindi ang mga pag-aaring materyal. Halimbawa, maaari nating matanggap ang Kanyang katotohanan, pagmamahal, kagalakan, at kapayapaan. Maaari tayong mapagpala ng kabuuan ng Kanyang kapangyarihan.)

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung bakit mahalaga sa kanila ang priesthood. Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga pagpapala ng priesthood.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 84:3–5. “Sa salinlahing ito”

Sa Doktrina at mga Tipan 84:3–5 mababasa natin ang paghahayag ng Panginoon na isang templo ang itatayo sa lunsod ng Bagong Jerusalem sa estado ng Missouri. Sa paghahayag na ito, na ibinigay noong 1832, sinabi ng Panginoon na ang templo ay itatayo sa “salinlahing ito” (D at T 84:4–5). Ang templong iyan ay hindi pa naitatayo, ngunit iniutos ng Panginoon sa Kanyang mga Banal na magtayo ng maraming iba pang mga templo. Minarapat ng Panginoon na huwag munang itayo ng Kanyang mga tao ang templo sa lunsod ng Bagong Jerusalem (tingnan sa D at T 124:49–51).

Hinggil sa pariralang sa “salinlahing ito,” isinulat ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

“Ang pahayag na ito ay naging hadlang sa ilang tao at nagkaroon ng iba’t ibang interpretasyon ng ibig sabihin ng isang salinlahi. Inisip ng ilan na ang isang salinlahi ay isandaang taon; sa iba naman ito ay isandaan at dalawampung taon; sa iba pa ang salinlahing binanggit dito at sa iba pang mga banal na kasulatan ay tumutukoy sa isang panahon na hindi tiyak. Sinabi ng Tagapagligtas: ‘Ang isang lahing masama at mapangalunya ay humahanap ng tanda.’ Hindi ito tumutukoy sa mga taon, kundi sa panahon ng kasamaan. Ang salinlahi o henerasyon ay maaaring ang panahon ng kasalukuyang dispensasyong ito. Bukod pa rito, angkop ang inilahad sa paghahayag na ito sa nabanggit na quotation sa itaas. ‘Sapagkat katotohanang ang salinlahing ito ay hindi lilipas,’ at iba pa. Hindi natin layuning maglagay ng anumang paliwanag sa pahayag na ito, kundi ang sabihing ang mga bagay na ito ay nasa mga kamay ng Panginoon at kanyang isasakatuparan ang kanyang mga layunin sa takdang panahon” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:337).

Doktrina at mga Tipan 84:24–25. “Kinuha niya … ang Banal na Pagkasaserdote”

Sa Doktrina at mga Tipan 84:25, mababasa natin na kinuha ng Panginoon ang banal na pagkasaserdote o priesthood mula sa mga anak ni Israel na kasama ni Moises sa ilang. Ipinaliwanag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na “kinuha [ng Panginoon] ang Melchizedek Priesthood, na nangangasiwa sa ebanghelyo, mula sa kanila na ibig sabihin ay hindi ito nagpatuloy at naipagkaloob sa isa pang tao na maytaglay ng priesthood ayon sa kahulugan ng salita. Ang mga susi ng priesthood ay kinuhang kasama ni Moises upang ang anumang ordenasyon sa priesthood sa hinaharap ay mangangailangan ng espesyal na pahintulot ng Diyos” (The Mortal Messiah, 4 na tomo [1979–81], 1:60).

Ipinaliwanag pa ni Pangulong Ezra Taft Benson:

Larawan
Pangulong Ezra Taft Benson

“Nalaman natin sa pamamagitan ng Pagsasalin ni Joseph Smith na iniutos ng Panginoon … kay Moises: ‘Aalisin ko ang pagkasaserdote sa gitna nila: kaya nga ang aking banal na orden, at ang mga ordenansa niyon.’ (PJS Ex. 34:1; idinagdag ang italics.)

“Ang nakatataas na priesthood na ito, kasama ang mga ordenansa nito, ay inalis sa Israel hanggang sa panahon ni Jesucristo. …

“Sa pagitan ni Moises at ni Jesucristo ilang propeta lamang ang may karapatang magtaglay ng nakatataas na priesthood at ng mga pagpapala na magdadala sa mga tao sa kinaroroonan ng Diyos” (“What I Hope You Will Teach Your Children about the Temple,” Ensign, Ago. 1985, 9).

Doktrina at mga Tipan 84:28. Inordenan sa pamamagitan ng isang anghel

Sa sumusunod na pahayag, binanggit ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang Doktrina at mga Tipan 84:28 at ipinaliwanag na noong walong taong gulang si Juan Bautista, siya ay inordenan, o pinili, na tumupad ng isang misyon—hindi siya inordenan sa priesthood sa panahong iyon. Si Juan ay inordenan na ibagsak ang kaharian ng mga Judio at ihanda ang daan ng Panginoon. Inihayag ng anghel na magagawa niya ito.

Larawan
Elder Bruce R. McConkie

“Sinabi ni Lucas: ‘Dumating ang salita ng Dios kay Juan, anak ni Zacarias, sa ilang.’ Kalaunan sinabi ni Juan: ‘Datapuwa’t ang nagsugo sa akin upang bumautismo sa tubig, ay siyang nagsabi sa akin,’ ng ganito at ganyang mga bagay. (Juan 1:33.) Hindi natin alam kung sino ang nagsugo sa kanya. Ang alam natin ay ‘siya ay bininyagan habang siya ay nasa kanyang pagkabata [ibig sabihin, noong siya ay walong taong gulang], at inordenan sa pamamagitan ng anghel ng Diyos sa panahong siya ay nasa gulang na walong araw sa kapangyarihang ito [maliwanag na nakasaad, hindi sa Aaronic Priesthood, kundi] upang ibagsak ang kaharian ng mga Judio, at upang gawing tuwid ang daan ng Panginoon sa harapan ng kanyang mga tao, upang ihanda sila sa pagparito ng Panginoon, na kung kaninong kamay ay ibinigay ang lahat ng kapangyarihan.’ (D at T 84:24.) Hindi natin alam kung kailan niya natanggap ang Aaronic Priesthood, ngunit malinaw na ito ay napasakanya pagkatapos ng kanyang binyag, sa anumang edad na nararapat, at bago siya suguin ng isang nilalang na hindi niya pinangalanan upang mangaral at magbinyag sa pamamagitan ng tubig” (The Mortal Messiah, 4 na tomo [1979–81], 1:384–85).

Doktrina at mga Tipan 84:33–44. Pagtitiwala sa sumpa at tipan ng Priesthood

Nagsalita si Pangulong Henry B. Eyring na dapat magkaroon ng pagtitiwala ang mga maytaglay ng priesthood kapag pumasok sa tipan at sumpa ng priesthood:

Larawan
Pangulong Henry B. Eyring

“Ang pamumuhay nang karapat-dapat sa sumpa at tipan ang naghahatid ng pinakadakilang kaloob ng Diyos: buhay na walang hanggan. Iyan ang isang layunin ng Melchizedek Priesthood. Sa pagtupad ng mga tipan sa pagtanggap natin ng priesthood at sa pagsariwa sa mga ito sa mga seremonya ng templo, pinangakuan tayo sa isang tipang ginawa ng ating Ama sa Langit, si Elohim, na makakakamtan natin ang kabuuan ng Kanyang kaluwalhatian at mamumuhay na tulad Niya. Mapapasaatin ang pagpapala na mabuklod sa kawalang hanggan sa isang pamilya kaakibat ang pangako ng walang hanggang pag-unlad. …

“… May dalawang dahilan kung bakit dapat kayong magtiwala sa halip na masiraan ng loob sa kaakibat na mga parusa ng hindi pagtupad sa sumpa at tipan o sa pagpapasiyang huwag itong tanggapin. Tanggapin man ninyo ang sumpa at tipan at mahirapan dito, o nabigong subukan ito, ang kaparusahan ay pareho. Walang alinlangan, kung gayon, na ang pinakamabuti nating gawin ay tanggapin ang Banal na Priesthood at buong pusong sikaping tuparin ang mga tipan nito. Kung pipiliin nating huwag subukan, tiyak na mawawalan tayo ng pagkakataon para sa buhay na walang hanggan. Kung susubukan natin, at magtagumpay sa tulong ng Diyos, makakamtan natin ang buhay na walang hanggan.

“May isa pang dahilan para magpasiya ngayon na buong puso ninyong susubukang maging marapat para sa sumpa at tipang iyon, at magkaroon ng tiwala na kayo ay magtatagumpay. Ipinapangako ng Diyos sa inyo ang tulong at kapangyarihan na, kung mananampalataya kayo, ay magbibigay sa inyo ng tagumpay.

“Hayaang ilarawan ko ang ilan sa mga pagpapalang tatanggapin ninyo kapag sumulong kayo nang may pananampalataya.

“Una, ang katotohanan na inalok sa inyo ang sumpa at tipan ay patunay na pinili kayo ng Diyos dahil alam Niya ang inyong lakas at kakayahan. Kilala Niya kayo noon pang kapiling Niya kayo sa daigdig ng mga espiritu. Sa kaalaman Niya noon pa tungkol sa inyong lakas, hinayaan Niyang matagpuan ninyo ang tunay na Simbahan ni Jesucristo at mabigyan ng priesthood. Makadarama kayo ng pagtitiwala dahil may katibayan kayo ng Kanyang tiwala sa inyo.

“Pangalawa, habang sinisikap ninyong tuparin ang inyong mga tipan nangangako ang Tagapagligtas na personal Niya kayong tutulungan. Sinabi Niya na sa patuloy ninyong paggalang sa priesthood: ‘Naroroon din ako, sapagkat ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo’ [D at T 84:88]” (“Pananampalataya at ang Sumpa at Tipan ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 61–62).