Bahagi 84
Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa Kirtland, Ohio, Setyembre 22 at 23, 1832. Noong buwan ng Setyembre, nagsimulang bumalik ang mga elder mula sa kanilang mga misyon sa mga estado sa silangan at magbigay-ulat tungkol sa kanilang mga ginawa. Habang magkakasama sa panahong ito ng kagalakan, natanggap ang sumusunod na pakikipag-ugnayan. Tinukoy ito ng Propeta bilang isang paghahayag tungkol sa pagkasaserdote.
1–5, Itatayo sa Missouri ang Bagong Jerusalem at ang templo;; 6–17, Ibinibigay ang linya ng pagkasaserdote mula kay Moises hanggang kay Adan; 18–25, Taglay ng nakatataas na pagkasaserdote ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos; 26–32, Taglay ng nakabababang pagkasaserdote ang susi ng paglilingkod ng mga anghel at ng panimulang ebanghelyo; 33–44, Nagtatamo ang mga tao ng buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng panunumpa at tipan ng pagkasaserdote; 45–53, Binibigyang-liwanag ng Espiritu ni Cristo ang mga tao, at nasasadlak sa kasalanan ang sanlibutan; 54–61, Kinakailangang magpatotoo ang mga Banal tungkol sa mga yaong bagay na kanilang natatanggap; 62–76, Ipangangaral nila ang ebanghelyo, at susunod ang mga tanda; 77–91, Hahayo ang mga elder nang walang pitaka o sisidlan, at ang Panginoon ang bahala sa kanilang mga pangangailangan; 92–97, Mga salot at sumpa ang naghihintay sa mga yaong tumatanggi sa ebanghelyo; 98–102, Ibinibigay ang bagong awit ng pagtubos sa Sion; 103–110, Kikilos ang bawat tao sa kanyang sariling katungkulan at gagawa sa kanyang sariling tungkulin; 111–120, Ipahahayag ng mga tagapaglingkod ng Panginoon ang karumal-dumal na kapanglawan sa mga huling araw.
1 Isang paghahayag ni Jesucristo sa kanyang tagapaglingkod na si Joseph Smith, Jun., at sa anim na elder, habang kanilang pinag-iisa ang kanilang mga puso at itinataas ang kanilang mga tinig sa kaitaasan.
2 Oo, ang salita ng Panginoon hinggil sa kanyang simbahan, itinatag sa mga huling araw para sa pagpapanumbalik ng kanyang mga tao, na kanyang winika sa pamamagitan ng bibig ng kanyang mga propeta, at para sa pagtitipon ng kanyang mga banal upang tumayo sa Bundok ng Sion, na siyang magiging lungsod ng Bagong Jerusalem.
3 Na siyang lungsod na itatayo, simula sa lote ng templo, na itinatakda ng daliri ng Panginoon, sa mga kanlurang hangganan ng Estado ng Missouri, at inilaan sa pamamagitan ng kamay ni Joseph Smith, Jun., at ng iba pa na siyang lubos na kinaluluguran ng Panginoon.
4 Katotohanan, ito ang salita ng Panginoon, na ang lungsod ng Bagong Jerusalem ay itatayo dahil sa pagtitipon ng mga banal, simula sa lugar na ito, maging ang lugar para sa templo, kung aling templo ay itatayo sa salinlahing ito.
5 Sapagkat katotohanan, ang salinlahing ito ay hindi lilipas hangga’t maitayo ang isang bahay para sa Panginoon, at isang ulap ang mananahan dito, na ulap sa katunayan ay magiging kaluwalhatian ng Panginoon, na pupuno sa bahay.
6 At ang mga anak na lalaki ni Moises, alinsunod sa Banal na Pagkasaserdote na kanyang natanggap sa ilalim ng kamay ng kanyang biyanang-lalaking si Jethro;
7 At natanggap ito ni Jethro sa ilalim ng kamay ni Caleb;
8 At natanggap ito ni Caleb sa ilalim ng kamay ni Eliu;
9 At ni Eliu sa ilalim ng kamay ni Jeremias;
10 At ni Jeremias sa ilalim ng kamay ni Gad;
11 At ni Gad sa ilalim ng kamay ni Esaias;
12 At natanggap ito ni Esaias sa ilalim ng kamay ng Diyos.
13 Nabuhay rin si Esaias noong mga araw ni Abraham, at pinagpala niya—
14 Si Abraham na natanggap ang pagkasaserdote mula kay Melquisedec, na natanggap ito sa pamamagitan ng angkan ng kanyang mga ama, maging hanggang kay Noe;
15 At mula kay Noe hanggang kay Enoc, sa pamamagitan ng angkan ng kanilang mga ama;
16 At mula kay Enoc hanggang kay Abel, na pinaslang dahil sa pakikipagsabwatan ng kanyang kapatid, na tumanggap ng pagkasaserdote dahil sa mga kautusan ng Diyos, sa pamamagitan ng kamay ng kanyang amang si Adan, na siyang unang tao—
17 Na pagkasaserdoteng nagpapatuloy sa simbahan ng Diyos sa lahat ng salinlahi, at walang simula ng mga araw o katapusan ng mga taon.
18 At iginawad din ng Panginoon ang isang pagkasaserdote kay Aaron at sa kanyang binhi, sa lahat ng kanilang salinlahi, na pagkasaserdote rin na nagpapatuloy at nananatili magpakailanman kasama ng pagkasaserdote na alinsunod sa pinakabanal na orden ng Diyos.
19 At ang nakatataas na pagkasaserdoteng ito ang nangangasiwa sa ebanghelyo at humahawak sa susi ng mga hiwaga ng kaharian, maging ang susi ng kaalaman tungkol sa Diyos.
20 Samakatwid, sa mga ordenansa nito, ang kapangyarihan ng kabanalan ay nakikita.
21 At kung wala ang mga ordenansa nito, at ang karapatan ng pagkasaserdote, ang kapangyarihan ng kabanalan ay hindi nakikita ng mga tao sa laman;
22 Sapagkat kung wala nito, walang tao ang makakikita sa mukha ng Diyos, maging ng Ama, at mabubuhay.
23 Ngayon, ito ay malinaw na itinuro ni Moises sa mga anak ni Israel sa ilang, at masigasig na naghangad na pabanalin ang kanyang mga tao upang kanilang mamasdan ang mukha ng Diyos;
24 Subalit pinatigas nila ang kanilang mga puso at hindi nakatagal sa kanyang harapan; kaya nga, ang Panginoon, sa kanyang kapootan, sapagkat ang kanyang galit ay nagsiklab laban sa kanila, ay sumumpa na hindi sila makapapasok sa kanyang kapahingahan habang nasa ilang, kung aling kapahingahan ay ang kabuuan ng kanyang kaluwalhatian.
25 Samakatwid, kinuha niya si Moises sa gitna nila, at ang Banal na Pagkasaserdote rin;
26 At ang nakabababang pagkasaserdote ay nagpatuloy, kung aling pagkasaserdote ay humahawak sa susi ng paglilingkod ng mga anghel at sa panimulang ebanghelyo;
27 Kung aling ebanghelyo ay ebanghelyo ng pagsisisi at ng pagbibinyag, at ng kapatawaran ng mga kasalanan, at ang batas ng mga kautusan sa lupa, na ang Panginoon, sa kanyang kapootan, ay pinapangyaring magpatuloy sa sambahayan ni Aaron sa mga anak ni Israel hanggang kay Juan, na siyang ibinangon ng Diyos, na puspos ng Espiritu Santo mula pa sa sinapupunan ng kanyang ina.
28 Sapagkat bininyagan siya habang siya ay nasa kanyang pagkabata, at inorden ng anghel ng Diyos sa panahong walong araw ang gulang niya sa kapangyarihang ito, upang ibagsak ang kaharian ng mga Judio, at upang tuwirin ang daan ng Panginoon sa harapan ng kanyang mga tao, upang ihanda sila sa pagparito ng Panginoon, na kung kaninong kamay ibinibigay ang lahat ng kapangyarihan.
29 At muli, ang mga katungkulan ng elder at obispo ay mga kinakailangang karagdagan na nabibilang sa mataas na pagkasaserdote.
30 At muli, ang mga katungkulan ng guro at diyakono ay mga kinakailangang karagdagan na nabibilang sa nakabababang pagkasaserdote, na pagkasaserdoteng iginawad kay Aaron at sa kanyang mga anak na lalaki.
31 Anupa’t tulad ng aking sinabi hinggil sa mga anak na lalaki ni Moises—sapagkat ang mga anak na lalaki ni Moises at gayundin ang mga anak na lalaki ni Aaron ay mag-aalay ng isang karapat-dapat na handog at hain sa bahay ng Panginoon, na bahay na itatayo para sa Panginoon sa salinlahing ito, sa inilaang lugar tulad ng aking itinakda—
32 At ang mga anak na lalaki ni Moises at ni Aaron ay mapupuspos ng kaluwalhatian ng Panginoon, sa Bundok ng Sion sa bahay ng Panginoon, na ang mga anak ay kayo; at gayundin ang marami na aking tinatawag at isinusugo upang patibayin ang aking simbahan.
33 Sapagkat ang sinumang matapat sa pagtatamo ng dalawang pagkasaserdoteng ito na aking sinasabi, at sa pagtupad sa kanilang mga tungkulin, ay ginagawang banal ng Espiritu para sa pagpapanibago ng kanilang mga katawan.
34 Sila ay nagiging mga anak na lalaki ni Moises at ni Aaron at binhi ni Abraham, at simbahan at kaharian, at hinirang ng Diyos.
35 At gayundin, lahat sila na tumatanggap ng pagkasaserdoteng ito ay tinatanggap ako, wika ng Panginoon;
36 Sapagkat siya na tumatanggap sa aking mga tagapaglingkod ay tinatanggap ako;
37 At siya na tumatanggap sa akin ay tinatanggap ang aking Ama;
38 At siya na tumatanggap sa aking Ama ay tinatanggap ang kaharian ng aking Ama; kaya nga lahat ng mayroon ang aking Ama ay ibibigay sa kanya.
39 At ito ay alinsunod sa panunumpa at tipan na napapaloob sa pagkasaserdote.
40 Samakatwid, ang lahat ng yaong tumatanggap ng pagkasaserdote, ay tinatanggap ang panunumpa at tipang ito ng aking Ama, na hindi niya masisira, ni mapawawalang-saysay.
41 Subalit ang sinumang sisira sa tipang ito matapos niya itong tanggapin, at ganap na tatalikod dito, ay hindi makatatanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan sa daigdig na ito ni sa susunod na daigdig.
42 At sa aba sa lahat ng yaong tumatanggi sa pagkasaserdoteng ito na inyong natatanggap, na akin ngayong ipinagtitibay sa inyo na mga naririto sa araw na ito, sa pamamagitan ng sarili kong tinig mula sa kalangitan; at maging ako ay nagbibigay sa mga hukbo ng langit at sa aking mga anghel ng utos hinggil sa inyo.
43 At binibigyan ko kayo ngayon ng isang kautusan na mag-ingat hinggil sa inyong sarili, na makinig nang mabuti sa mga salita ng buhay na walang hanggan.
44 Sapagkat kayo ay mabubuhay sa bawat salitang nagmumula sa bibig ng Diyos.
45 Sapagkat ang salita ng Panginoon ay katotohanan, at anumang katotohanan ay liwanag, at anumang liwanag ay Espiritu, maging ang Espiritu ni Jesucristo.
46 At ang Espiritu ay nagbibigay-liwanag sa bawat taong isinisilang sa daigdig; at ang Espiritu ay nagbibigay-liwanag sa bawat tao sa buong daigdig, na nakikinig sa tinig ng Espiritu.
47 At ang bawat isa na nakikinig sa tinig ng Espiritu ay lumalapit sa Diyos, maging sa Ama.
48 At itinuturo ng Ama sa kanya ang tipan na pinababago at iginagawad niya sa inyo, na iginagawad sa inyo para sa kapakanan ninyo, at hindi lamang para sa kapakanan ninyo, kundi para sa kapakanan ng buong sanlibutan.
49 At ang buong sanlibutan ay nasasadlak sa kasalanan, at dumaraing sa ilalim ng kadiliman at sa ilalim ng pagkaalipin ng kasalanan.
50 At sa pamamagitan nito ay malalaman ninyo na nasa ilalim sila ng pagkaalipin ng kasalanan, sapagkat sila ay hindi lumalapit sa akin.
51 Sapagkat ang sinumang hindi lumalapit sa akin ay nasa ilalim ng pagkaalipin ng kasalanan.
52 At ang sinumang hindi tumatanggap ng aking tinig ay hindi nakikilala ang aking tinig, at hindi sa akin.
53 At sa pamamagitan nito ninyo makikilala ang matwid sa masama, at na ang buong sanlibutan ay dumaraing sa ilalim ng kasalanan at kadiliman maging sa ngayon.
54 At ang inyong mga isipan sa mga nakaraang panahon ay naging madidilim dahil sa kawalang-paniniwala, at sapagkat inyong minamaliit ang mga bagay na inyong natatanggap—
55 Kung aling kapalaluan at kawalang-paniniwala ay nagdadala sa buong simbahan sa ilalim ng kaparusahan.
56 At ang kaparusahang ito ay nakapataw sa mga anak ng Sion, maging sa lahat.
57 At mananatili sila sa ilalim ng kaparusahang ito hanggang sa sila ay magsisi at alalahanin ang bagong tipan, maging ang Aklat ni Mormon at ang dating mga kautusan na aking ibinigay sa kanila, hindi lamang upang sabihin, kundi upang kumilos alinsunod sa yaong aking isinulat—
58 Upang sila ay mamunga ng nararapat para sa kaharian ng kanilang Ama; kung hindi, mananatili ang isang pahirap at kaparusahan na ibubuhos sa mga anak ng Sion.
59 Sapagkat durumihan ba ng mga anak ng kaharian ang aking banal na lupain? Katotohanan, sinasabi ko sa inyo, Hindi.
60 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo na naririnig ngayon ang aking mga salita, na aking tinig, pinagpala kayo yamang inyong tinatanggap ang mga bagay na ito;
61 Sapagkat akin kayong patatawarin sa inyong mga kasalanan kalakip ang kautusang ito—na kayo ay manatiling matatag sa inyong mga isipan sa kataimtiman at sa diwa ng panalangin, sa pagpapatotoo sa buong sanlibutan tungkol sa mga bagay na yaon na aking sinasabi sa inyo.
62 Anupa’t humayo kayo sa buong daigdig; at sa saanmang lugar kayo hindi makahahayo ay magsusugo kayo, upang ang patotoo ay makahayo mula sa inyo patungo sa buong daigdig sa bawat nilikha.
63 At tulad ng aking sinabi sa aking mga apostol, gayundin ang aking sinasabi sa inyo, sapagkat kayo ay aking mga apostol, maging matataas na saserdote ng Diyos; kayo ang mga yaong ibinigay sa akin ng Ama ko; kayo ay aking mga kaibigan;
64 Samakatwid, tulad ng aking sinabi sa aking mga apostol, sinasabi kong muli sa inyo, na ang bawat kaluluwa na naniniwala sa inyong mga salita, at binibinyagan sa pamamagitan ng tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan, ay tatanggapin ang Espiritu Santo.
65 At ang mga tandang ito ay susunod sa kanila na naniniwala—
66 Sa aking pangalan ay gagawa sila ng maraming kahanga-hangang gawa;
67 Sa aking pangalan ay magtataboy sila ng mga diyablo;
68 Sa aking pangalan ay magpapagaling sila ng may sakit;
69 Sa aking pangalan ay bubuksan nila ang mga mata ng bulag, at aalisin ang bara ng mga tainga ng bingi;
70 At ang dila ng pipi ay magsasalita;
71 At kung may sinumang lalason sa kanila, hindi iyon makasasakit sa kanila;
72 At ang lason ng ahas ay hindi magkakaroon ng kakayahang saktan sila.
73 Subalit isang kautusan ang ibinibigay ko sa kanila, na hindi nila ipagyayabang ang kanilang sarili dahil sa mga bagay na ito, ni pag-uusapan ang mga ito sa harapan ng sanlibutan; sapagkat ang mga bagay na ito ay ibinibigay sa inyo para sa inyong kapakinabangan at para sa kaligtasan.
74 Katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, sila na hindi naniniwala sa inyong mga salita, at hindi binibinyagan sa tubig sa aking pangalan, para sa kapatawaran ng kanilang mga kasalanan, upang kanilang matanggap ang Espiritu Santo, ay mapapahamak, at hindi makaparoroon sa kaharian ng aking Ama kung saan ang aking Ama at ako ay naroroon.
75 At ang paghahayag na ito sa inyo, at kautusan, ay may bisa mula sa oras na ito sa buong sanlibutan, at ang ebanghelyo ay mapapasalahat ng hindi pa nakatatanggap nito.
76 Subalit, katotohanan, sinasabi ko sa lahat kung kanino ibinigay ang kaharian—mula sa inyo ay kinakailangang ipangaral ito sa kanila, upang sila ay makapagsisi ng kanilang dating masasamang gawain; sapagkat sila ay nararapat sawayin dahil sa kanilang pusong masasama na walang paniniwala, at ang inyong mga kapatid sa Sion dahil sa kanilang paghihimagsik laban sa inyo noong panahong isinugo ko kayo.
77 At muli, sinasabi ko sa inyo, aking mga kaibigan, sapagkat mula ngayon ay tatawagin ko kayong mga kaibigan, kinakailangan na ibigay ko sa inyo ang kautusang ito, upang kayo ay maging tulad ng aking mga kaibigan sa mga araw noong kasama nila ako, naglalakbay upang ipangaral ang ebanghelyo sa aking kapangyarihan;
78 Sapagkat hindi ko sila pinahintulutang magkaroon ng pitaka ni sisidlan, ni dalawang tunika.
79 Dinggin, isinusugo ko kayo upang subukin ang sanlibutan, at ang manggagawa ay karapat-dapat sa kanyang sahod.
80 At ang sinumang hahayo at mangangaral ng ebanghelyong ito ng kaharian, at hindi mabibigo sa pagpapatuloy na pagiging matapat sa lahat ng bagay, ay hindi mapapagod ang isipan, ni madidiliman, ni ang katawan, bisig, ni kasukasuan; at hindi malalaglag sa lupa nang hindi namamalayan ang kahit isang buhok sa kanyang ulo. At sila ay hindi magugutom, ni mauuhaw.
81 Samakatwid, huwag kayong mag-alala para sa bukas, kung ano ang inyong kakainin, o ano ang inyong iinumin, o ano ang inyong isusuot.
82 Sapagkat isaalang-alang ang mga lirio sa parang, kung paano lumalago ang mga yaon, hindi gumagawa ang mga ito, ni hindi humahabi ang mga yaon; at ang mga kaharian ng mundo, sa lahat ng kabantugan ng mga ito, ay hindi nabibihisan tulad ng isa sa mga ito.
83 Sapagkat ang inyong Ama, na nasa langit, ay nalalaman na kailangan ninyo ang lahat ng bagay na ito.
84 Samakatwid, ang bukas ang mag-aalala sa mga bagay hinggil sa sarili nito.
85 Ni huwag kayong mag-alala kung ano ang inyong sasabihin; kundi pahalagahan sa inyong mga isipan sa tuwina ang mga salita ng buhay, at ibibigay ito sa inyo sa oras na iyon ang yaong bahagi na ipagkakaloob sa bawat tao.
86 Samakatwid, walang sinuman sa inyo, sapagkat ang kautusang ito ay para sa lahat ng matatapat na tinatawag ng Diyos sa simbahan sa paglilingkod, mula sa oras na ito, ang magdadala ng pitaka o sisidlan, na hahayo upang ipahayag ang ebanghelyong ito ng kaharian.
87 Dinggin, isinusugo ko kayo na pagsabihan ang sanlibutan tungkol sa lahat ng kanilang masasamang gawa, at na turuan sila hinggil sa isang paghuhukom na sasapit.
88 At ang sinumang tumatanggap sa inyo, naroroon din ako, sapagkat ako ay mauuna sa inyong harapan. Ako ay mapapasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay mapapasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang alalayan kayo.
89 Ang sinumang tumatanggap sa inyo ay tinatanggap ako; at siya ring magpapakain sa inyo, at magdaramit sa inyo, at magbibigay sa inyo ng salapi.
90 At siya na nagpapakain sa inyo, o nagdaramit sa inyo, o nagbibigay sa inyo ng salapi, ay hindi mawawalan ng kanyang gantimpala.
91 At siya na hindi gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi ko disipulo; sa pamamagitan nito, makikilala ninyo ang aking mga disipulo.
92 Siya na hindi tumatanggap sa inyo, kayo rin ay lumayo at iwan siya, at linisin ang inyong mga paa maging ng tubig, malinis na tubig, maging sa mainit o sa malamig, at patotohanan ito sa inyong Ama na nasa langit, at huwag nang bumalik muli sa taong yaon.
93 At saanmang nayon o lungsod kayo papasok, gawin ang gayundin.
94 Gayunpaman, masigasig na maghanap at huwag manahimik; at sa aba sa yaong sambahayan, o yaong nayon o lungsod na tumatanggi sa inyo, o sa inyong mga salita, o sa inyong patotoo hinggil sa akin.
95 Sa aba, sinasabi kong muli, sa yaong sambahayan, o yaong nayon o lungsod na tumatanggi sa inyo, o sa inyong mga salita, o sa inyong patotoo tungkol sa akin;
96 Sapagkat ako, ang Pinakamakapangyarihan, ay ipinapatong ang aking mga kamay sa mga bansa, upang pahirapan sila dahil sa kanilang kasamaan.
97 At ang mga salot ay lalaganap, at hindi aalisin ang mga ito sa daigdig hanggang sa matapos ko ang aking gawain, na paiikliin sa katwiran—
98 Hanggang sa makilala ako ng lahat, na nananatili, maging mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila, at mapupuno ng kaalaman sa Panginoon, at makikita nang mata sa mata, at itataas ang kanilang mga tinig, at sa magkakasabay na tinig ay aawitin ang bagong awiting ito, sinasabing:
99 Ibinalik ng Panginoon ang Sion;Tinubos ng Panginoon ang kanyang mga tao, ang Israel,Alinsunod sa paghirang ng biyaya,Na nangyari sa pamamagitan ng pananampalatayaAt tipan ng kanilang mga ama.
100 Tinubos ng Panginoon ang kanyang mga tao;At si Satanas ay nakagapos at wala nang panahon.Tinipon ng Panginoon ang lahat ng bagay bilang isa.Ibinaba ng Panginoon ang Sion mula sa kaitaasan.Itinaas ng Panginoon ang Sion mula sa kailaliman.
101 Ang mundo ay nagdusa at isinilang ang kanyang lakas;At ang katotohanan ay itinatatag sa kanyang kaloob-looban;At ang kalangitan ay ngumingiti sa kanya;At nadaramitan siya ng kaluwalhatian ng kanyang Diyos;Sapagkat nakatayo siya sa gitna ng kanyang mga tao.
102 Kaluwalhatian, at karangalan, at kapangyarihan, at lakas,Ang maiuugnay sa ating Diyos; sapagkat siya ay puspos ng awa,Katarungan, biyaya at katotohanan, at kapayapaan,Magpakailanman at walang katapusan, Amen.
103 At muli, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa inyo, kinakailangan na ang bawat tao na humahayo upang ipahayag ang aking walang hanggang ebanghelyo, na yamang sila ay may mga mag-anak, at tumatanggap ng salapi bilang handog, na nararapat nilang ipadala ang mga ito sa kanila o gamitin ito para sa kanilang kapakinabangan, tulad ng itatagubilin ng Panginoon sa kanila, sapagkat sa palagay ko ay makabubuti ito.
104 At lahat sila na walang mga mag-anak, na tumatanggap ng salapi, ay ipadadala ito sa obispo sa Sion, o sa obispo sa Ohio, upang ito ay mailaan para sa paglalabas ng mga paghahayag at sa paglilimbag nito, at para sa pagtatatag ng Sion.
105 At kung may sinumang magbibigay sa sinuman sa inyo ng tunika, o terno, kuhanin ang luma at ibigay ito sa mga maralita, at humayo kayong nagagalak.
106 At kung may sinuman sa inyo ang malakas sa Espiritu, isasama niya siya na mahina, upang siya ay maliwanagan sa buong kaamuan, upang maging malakas din siya.
107 Anupa’t isama ninyo ang mga yaong inorden sa nakabababang pagkasaserdote, at isugo sila nang nauuna sa inyo upang makipagkasundo, at upang ihanda ang daan, at upang tugunan ang mga kasunduan na hindi ninyo kayang gampanan.
108 Dinggin, ito ang pamamaraan ng aking mga apostol, noong mga sinaunang panahon, nang itinayo nila ang aking simbahan para sa akin.
109 Anupa’t ang bawat tao ay kikilos sa kanyang sariling katungkulan, at gagawa sa kanyang sariling tungkulin; at huwag sasabihin ng ulo sa mga paa na hindi nito kailangan ang mga paa; sapagkat kung wala ang mga paa ay paano makatatayo ang katawan?
110 Gayundin, kinakailangan ng katawan ang bawat bahagi, upang ang lahat ay mapabanal na magkakasama, nang mapanatiling ganap ang kabuuan.
111 At dinggin, ang matataas na saserdote ay nararapat maglakbay, at gayundin ang mga elder, at gayundin ang mga nakabababang saserdote; subalit ang mga diyakono at guro ay nararapat italaga na pangalagaan ang simbahan, na maging mga namamalaging mangangaral sa simbahan.
112 At ang obispo, si Newel K. Whitney, ay nararapat ding maglakbay sa palibot at sa lahat ng simbahan, hinahanap ang mga maralita upang ibigay ang kanilang mga pangangailangan habang pinagpapakumbaba ang mayayaman at ang mga palalo.
113 Nararapat din siyang umupa ng isang kinatawan na mamamahala at gagawin ang kanyang temporal na paghahanapbuhay tulad ng kanyang itatagubilin.
114 Gayunpaman, magtutungo ang obispo sa lungsod ng New York, gayundin sa lungsod ng Albany, at gayundin sa lungsod ng Boston, at babalaan ang mga mamamayan ng mga yaong lungsod sa pamamagitan ng tunog ng ebanghelyo, nang may malakas na tinig, tungkol sa kapanglawan at ganap na pagkalipol na naghihintay sa kanila kung kanilang tatanggihan ang mga bagay na ito.
115 Sapagkat kung kanilang tatanggihan ang mga bagay na ito, ang oras ng kanilang kahatulan ay nalalapit na, at ang kanilang bahay ay iiwan sa kanila na mapanglaw.
116 Magtiwala siya sa akin at hindi siya matutulig; at ni isang buhok sa kanyang ulo ay hindi malalaglag sa lupa nang hindi namamalayan.
117 At katotohanan, sinasabi ko sa inyo, mga nalabi sa aking mga tagapaglingkod, humayo kayo yamang ipahihintulot ng mga kalagayan ninyo, sa inyong iba’t ibang tungkulin, sa malalaki at mga tanyag na lungsod at nayon, pinagsasabihan ang sanlibutan sa katwiran tungkol sa lahat ng kanilang masasama at makasalanang gawa, ipinaaalam nang malinaw at nauunawaan ang karumal-dumal na kapanglawan sa mga huling araw.
118 Sapagkat sa pamamagitan ninyo, ang wika ng Panginoong Pinakamakapangyarihan, aking sisirain ang kanilang mga kaharian; hindi ko lamang yayanigin ang lupa, pati ang mabituing kalangitan ay manginginig.
119 Sapagkat ako, ang Panginoon, ay ikinikilos ang aking kamay upang gamitin ang mga kapangyarihan ng langit; hindi pa ninyo ito makikita ngayon, subalit sa ilang sandali pa at makikita ninyo ito, at makikilala ako, at na ako ay paparito at maghahari sa aking mga tao.
120 Ako ang Alpha at Omega, ang simula at ang wakas. Amen.