Mga Banal na Kasulatan
    Pambungad
    Footnotes
    Theme

    Pambungad

    Ang Doktrina at mga Tipan ay katipunan ng mga banal na paghahayag at makapukaw na pagpapahayag na ibinigay ukol sa pagtatatag at pamamalakad ng kaharian ng Diyos dito sa mundo sa mga huling araw. Bagaman karamihan ng mga bahagi ay pinatutungkol sa mga kasapi ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang mga mensahe, babala, at pangaral ay para sa kapakinabangan ng buong sangkatauhan, at naglalaman ng isang paanyaya sa lahat ng tao sa lahat ng dako na makinig sa tinig ng Panginoong Jesucristo, na nangungusap para sa kanilang temporal na kabutihan at kanilang walang hanggang kaligtasan.

    Karamihan sa mga paghahayag sa talaang ito ay natamo sa pamamagitan ni Joseph Smith, Jr., ang unang propeta at pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang iba ay ibinigay sa pamamagitan ng ilan sa kanyang mga kahalili sa Panguluhan (tingnan ang mga ulo ng bahagi 135, 136, at 138, at Opisyal na Pahayag 1 at 2).

    Ang aklat na Doktrina at mga Tipan ay isa sa mga pamantayang banal na kasulatan ng Simbahan kasama ang Biblia, ang Aklat ni Mormon, at ang Mahalagang Perlas. Gayunpaman, ang Doktrina at mga Tipan ay namumukod-tangi sapagkat ito ay hindi isang pagsasalin ng isang sinaunang kasulatan, kundi ito ay may makabagong pinagmulan at ibinigay ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang mga piniling propeta para sa panunumbalik ng kanyang banal na gawain at sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa mundo sa mga panahong ito. Sa mga paghahayag ay maririnig natin ang magiliw subalit matatag na tinig ng Panginoong Jesucristo, na minsan pa ay nangungusap na muli sa dispensasyon ng kaganapan ng panahon; at ang gawaing pinasimulan dito ay paghahanda sa kanyang ikalawang pagparito, sa katuparan at sa pakikipagkaisa sa mga salita ng lahat ng banal na propeta mula pa noong nagsimula ang daigdig.

    Si Joseph Smith, Jr., ay isinilang noong ika-23 ng Disyembre, 1805, sa Sharon, Windsor County, Vermont. Noong kanyang kabataan siya ay lumipat kasama ang kanyang mag-anak sa Manchester, sa dakong kanluran ng New York. Samantalang siya ay naninirahang malapit sa Manchester sa tagsibol ng 1820, noong siya ay labing-apat na taong gulang, kanyang naranasan ang unang pangitain, kung saan siya ay personal na dinalaw ng Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at ng kanyang Anak na si Jesucristo. Siya ay sinabihan sa pangitaing ito na ang tunay na Simbahan ni Jesucristo na itinatag noong kapanahunan ng Bagong Tipan, at siyang namahala sa kabuuan ng ebanghelyo, ay wala na sa mundo. Iba pang banal na pagpapakita ang sumunod kung saan siya ay tinuruan ng maraming anghel; ipinakita sa kanya na ang Diyos ay may tanging gawain para sa kanya sa mundo, at na sa pamamagitan niya ang Simbahan ni Jesucristo ay ibabalik sa mundo.

    Sa paglipaS ng Panahon si Joseph Smith ay nakapagsalin at nakapagpalathala ng Aklat ni Mormon sa pamamagitan ng banal na patnubay. Samantala siya at si Oliver Cowdery ay inordenan sa Pagkasaserdoteng Aaron ni Juan Bautista noong Mayo 1829 (tingnan sa D at T 13), at di nagtagal pagkatapos noon ay inordenan din sa Pagkasaserdoteng Melquisedec ng mga sinaunang apostol na sina Pedro, Santiago, at Juan (tingnan sa D at T 27:12). Iba pang ordinasyon ang sumunod kung saan ang mga susi ng pagkasaserdote ay iginawad sa kanila nina Moises, Elijah, Elias, at marami pang sinaunang propeta (tingnan sa D at T 110; 128:18, 21). Ang mga ordinasyong ito, sa katunayan, ay pagpapanumbalik ng banal na kapangyarihan sa tao sa mundo. Noong ika-6 ng Abril, 1830, sa ilalim ng makalangit na tagubilin, itinatag ng Propetang si Joseph Smith ang Simbahan, at sa gayon ang tunay na Simbahan ni Jesucristo ay muling umiral bilang isang samahan sa mga tao, lakip ang kapangyarihang magturo ng ebanghelyo at mamahala sa mga ordenansa ng kaligtasan. (Tingnan sa Ang Mahalagang Perlas, Joseph Smith—Kasaysayan 1:1–75, at D at T 20.)

    Ang mga banal na paghahayag na ito ay natanggap bilang kasagutan sa panalangin, sa panahon ng pangangailangan, at ito ay mula sa mga pangyayari sa tunay na buhay na kinabibilangan ng mga tunay na tao. Ang Propeta at ang kanyang mga kasama ay naghangad ng banal na patnubay, at ang mga paghahayag na ito ay nagpapatunay na natanggap nila ito. Sa mga paghahayag ay makikita ang pagpapanumbalik at ang paglalahad ng ebanghelyo ni Jesucristo at ang pagsisimula ng dispensasyon ng kaganapan ng panahon. Ang pakanlurang paglipat ng Simbahan mula sa New York at Pennsylvania, patungo sa Ohio, sa Missouri, sa Illinois, at sa wakas sa Great Basin ng kanlurang Amerika, at ang masidhing pagpupunyagi ng mga Banal sa pagtatangkang makapagtayo ng Sion sa mundo sa makabagong panahon, ay ipinakita rin sa mga paghahayag na ito.

    Ilan sa naunang bahagi ay kinabibilangan ng mga bagay-bagay tungkol sa pagsasalin at paglalathala ng Aklat ni Mormon (tingnan sa mga bahagi 3, 5, 10, 17, 19). Ilan naman sa mga huling bahagi ay naglalarawan sa gawain ng Propetang si Joseph Smith sa paggawa ng isang makapukaw na pagsasalin ng Biblia, kung kailan ang maraming dakilang doktrinal na bahagi ay natanggap (tingnan, halimbawa, bahagi 37, 45, 73, 76, 77, 86, 91, at 132, ang bawat isa ay may tuwirang kaugnayan sa pagsasalin sa Biblia).

    Sa mga paghahayag ang mga doktrina ng ebanghelyo ay ibinigay lakip ang mga paliwanag tungkol sa mga pangunahing bagay-bagay gaya ng katangian ng Panguluhang Diyos, ang pinagmulan ng tao, ang katotohanan ni Satanas, ang layunin ng buhay sa mundo, ang pangangailangan sa pagsunod, ang pangangailangan sa pagsisisi, ang mga gawain ng Banal na Espiritu, ang mga ordenansa at gawain na nauukol sa kaligtasan, ang kahihinatnan ng mundo, ang hinaharap na kalagayan ng tao pagkatapos ng Pagkabuhay na mag-uli at ng Paghuhukom, ang kawalang-hanggang ugnayan ng kasal, at ang walang hanggang katangian ng mag-anak. Gayon din ang unti-unting paglalahad ng balangkas ng Pangangasiwa ng Simbahan ay ipinakita sa pagtawag ng mga obispo, ng Unang Panguluhan, ng Kapulungan ng Labindalawa, at ng Pitumpu, at ng pagtatatag ng iba pang mga namumunong katungkulan at korum. Panghuli, ang patotoong ibinigay tungkol kay Jesucristo—ang kanyang kabanalan, ang kanyang kamahalan, ang kanyang kaganapan, ang kanyang pagmamahal, at ang kanyang kapangyarihang tumubos—ay nagbigay sa aklat na ito ng dakilang kahalagahan sa mga angkan ng tao at higit na kahalagahan kaysa sa mga yaman ng buong mundo.

    Ilan sa paghahayag ay inilathala sa Sion (Independence), Missouri, noong 1833, sa ilalim ng pamagat na A Book of Commandments for the Government of the Church of Christ. Hinggil sa paglalathalang ito, ang mga elder ng Simbahan ay nagbigay ng taimtim na patotoo na ang Panginoon ay nagbigay-patotoo sa kanilang mga kaluluwa na ang mga paghahayag na ito ay totoo. Samantalang ang Panginoon ay patuloy na nakikipag-usap sa kanyang mga tagapaglingkod, isang pinalaking talaan ang inilathala pagkalipas ng dalawang taon sa Kirtland, Ohio, na may pamagat na Doctrine and Covenants of the Church of the Latter-Day Saints. Sa paglalathalang ito noong 1835, ang nakasulat na patotoo ng Labindalawang Apostol ay nakalakip gaya ng sumusunod:

    Patotoo ng
    Labindalawang Apostol sa Katotohanan ng
    Aklat ng Doktrina at mga Tipan

    Ang Patotoo ng mga Saksi sa Aklat ng mga Kautusan ng Panginoon, yaong mga kautusan na Kanyang ipinagkaloob sa Kanyang Simbahan sa pamamagitan ni Joseph Smith, Jun., na siyang hinirang sa pamamagitan ng tinig ng Simbahan ukol sa layuning ito:

    Kami, samakatwid, ay nakahandang magbigay ng patotoo sa buong daigdig ng sangkatauhan, sa bawat nilalang sa ibabaw ng lupa, na ang Panginoon ay nagpatotoo sa aming mga kaluluwa, sa pamamagitan ng Espiritu Santo na napasaamin, na ang mga kautusang ito ay ipinagkaloob sa pamamagitan ng patnubay ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa lahat ng tao at tunay na totoo.

    Aming ibinibigay ang patotoong ito sa daigdig, ang Panginoon bilang aming katuwang; at ito ay sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos Ama, at ng Kanyang Anak, na si Jesucristo, na kami ay pinahintulutang magkaroon ng pribilehiyong magbigay ng patotoong ito sa daigdig, na kung saan kami ay labis na nagagalak, nananalangin sa Panginoon tuwina na ang mga anak ng tao ay makinabang dito.

    Ang mga pangalan ng Labindalawa ay:

    Thomas B. Marsh

    David W. Patten

    Brigham Young

    Heber C. Kimball

    Orson Hyde

    Wm. E. McLellin

    Parley P. Pratt

    Luke S. Johnson

    William Smith

    Orson Pratt

    John F. Boynton

    Lyman E. Johnson

    Sa mga sumunod na edisyon ng Doktrina at mga Tipan, may mga karagdagang paghahayag o iba pang mga tala ang idinagdag, matapos tanggapin at sang-ayunan ng mga angkop na pagtitipun-tipon o kapulungan ng Simbahan.

    Simula sa edisyon ng 1835, pitong magkakasunod na aralin sa teolohiya ang ibinilang; ang mga ito ay pinamagatang Lectures on Faith. Ang mga ito ay inihanda upang gamitin sa Paaralan ng mga Propeta sa Kirtland, Ohio, mula 1834 hanggang 1835. Bagaman kapaki-pakinabang para sa doktrina at pagtuturo, ang mga panayam na ito ay hindi ibinilang sa Doktrina at mga Tipan simula sa edisyon ng 1921 sapagkat ang mga yaon ay hindi ibinigay o iniharap bilang mga paghahayag sa buong Simbahan.

    Malinaw na may ilang pagkakamali ang napanatili sa mga naunang edisyong inilathala sa Inggles, lalo na sa mga kasaysayan sa ulo ng mga bahagi. Dahil dito ang edisyong ito ay naglalaman ng mga pagwawasto ng mga petsa at pangalan ng lugar at gayon din ng ilan pang bahagyang pagwawasto na pinaniniwalaang naaangkop. Ang mga pagbabagong ito ay ginawa upang maiangkop ang lathalain sa mga kasulatan ng mga kasaysayan. Iba pang natatanging katangian ng pinakahuling edisyong ito ay kinabibilangan ng mga mapa na nagpapakita sa mga pangunahing kinaroroonan ng mga lugar kung saan tinanggap ang mga paghahayag, gayon din ng mga pagpapabuti ng mga sanggunian, ulo ng mga bahagi, at mga buod ng paksang tinatalakay, lahat ng ito ay nilayon upang matulungan ang mga mambabasa na makaunawa at magalak sa mga mensahe ng Panginoon na inilahad sa Doktrina at mga Tipan.

    Ang mga pambungad sa mga bahagi ng Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng mga sanggunian sa History of the Church. Ang History of the Church ay isang pitong-tomong talaan ng kasaysayan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw mula noong 1820 hanggang sa 1848. Dahil ang mga tomong ito ay hindi pa naisasalin at makukuha lamang sa Ingles, ang mga sanggunian sa History of the Church sa pambungad ng mga bahagi ng edisyong ito ng Doktrina at mga Tipan ay tumutukoy sa mga tomong Ingles ng kasaysayang ito.