Seminary
Lesson 128: Doktrina at mga Tipan 121:34–46


Lesson 128

Doktrina at mga Tipan 121:34–46

Pambungad

Ang Doktrina at mga Tipan 121:34–46 ay bahagi ng inspiradong liham ni Joseph Smith mula sa Liberty Jail. Sa bahaging ito ng liham, itinuro ng Propeta ang mga alituntunin tungkol sa kapangyarihan at awtoridad ng priesthood. Ipinaliwanag niya kung bakit marami ang tinawag subalit iilan ang napili at kung paano makahuhugot ang mga maytaglay ng priesthood ng kapangyarihan ng langit upang mapaglingkuran ang iba.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 121:34–40

Itinuro ni Joseph Smith na ang mga karapatan ng Priesthood ay may kaugnayan sa mga kapangyarihan ng langit

Ipakita ang isang lampara na hindi nakasaksak. Tiyaking ang switch ng ilaw ay nakapatay para hindi umilaw ang lampara kapag isinaksak. Kung hindi ka makapagdadala ng isang lampara, idrowing ang kalakip na diagram (nang walang mga salita) sa pisara.

Larawan
diagram ng lampara

Ipaliwanag na sa lesson ngayon, ang lampara ay sumasagisag sa maytaglay ng priesthood. Ang liwanag sa lampara ay sumasagisag sa mga pagpapalang matatanggap ng mga tao mula sa Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod ng isang maytaglay ng priesthood. Kung may dala kang lampara, lagyan ito ng label na maytaglay ng Priesthood. Kung wala, isulat ang parirala sa angkop na lugar sa diagram.

Sa pagsisimula ng mga estudyante ng pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 121:34–46 ngayon, sabihin sa kanila na isipin kung paano nakakaapekto ang sariling kabutihan ng isang maytaglay ng priesthood sa kanyang kakayahang tulungan ang ibang tao na matanggap ang mga pagpapala ng priesthood. Ipaliwanag na bagama’t ang pinatutungkulan ng mga talatang ito ay ang mga maytaglay ng priesthood, ang mga ito ay naglalaman ng mga alituntuning angkop sa lahat ng mga miyembro ng Simbahan.

Ipaalala sa mga estudyante na ang Doktrina at mga Tipan 121 ay naglalaman ng mga piniling bahagi ng liham na isinulat ni Propetang Joseph Smith noong siya ay nasa Liberty Jail. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 121:34. Sabihin sa klase na pansinin ang tanong sa talatang ito.

Upang matulungan ang mga estudyante na pag-isipan at talakayin kung ano ang ibig sabihin ng “tinawag” at “napili” ang isang maytaglay ng priesthood, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan para sa mga maytaglay ng priesthood:

Larawan
Pangulong James E. Faust

“Tinawag tayo kapag ipinatong ang mga kamay sa ating mga ulo at binigyan tayo ng priesthood, ngunit hindi tayo napili hangga’t hindi natin naipapakita sa Diyos ang ating kabutihan, ating katapatan, at ating katatagan” (“Tinawag at Pinili,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 55).

  • Ayon kay Pangulong Faust, ano ang ibig sabihin kapag sinabing “tinawag” ang isang kabataang lalaki?

Ipaliwanag na ang “tinawag” ay hindi katulad ng “napili.” Upang maging isa sa mga “napili” ng Diyos, ang isang maytaglay ng priesthood ay dapat mamuhay sa paraang mahuhugot niya ang kapangyarihan ng langit upang tulungan ang iba na matanggap ang mga pagpapala ng priesthood.

Ipaliwanag na sa Doktrina at mga Tipan 121:35–39, malalaman natin kung bakit may mga maytaglay ng priesthood na hindi napili. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 121:35–36. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang aral na dapat matutuhan ng bawat lider ng priesthood.

  • Ayon sa talata 36, anong aral ang dapat matutuhan ng bawat maytaglay ng priesthood?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang aral sa talata 36, patingnan ang pinagmumulan ng kuryente sa silid-aralan o sa diagram sa pisara.

  • Anong parirala sa talata 36 ang sumasagisag sa kuryente? (“Ang mga kapangyarihan ng langit.” Isulat sa pisara ang Mga kapangyarihan ng langit sa tabi ng larawan ng outlet, o maglagay ng label sa tabi ng mismong outlet o pinagmumulan ng kuryente.)

  • Sa talata 36, ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng pariralang “mga karapatan ng pagkasaserdote”? (Dapat maipahayag sa mga sagot ng mga estudyante na natatanggap ng isang tao ang karapatang gamitin ang priesthood kapag iginawad ang awtoridad ng priesthood sa kanya sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay.)

Lagyan ng label ang kurdon ng awtoridad ng Priesthood. Kung may ipapakita kang lampara, sabihin mo sa isang estudyante na isaksak ang kurdon sa saksakan ng kuryente.

  • Bakit hindi bumukas ang lampara? (Dahil nakasara ang switch.)

  • Anong parirala sa talata 36 ang maikukumpara sa switch? (“Mga alituntunin ng kabutihan.” Ipaliwanag na ang pariralang ito ay tumutukoy sa responsibilidad ng mga maytaglay ng priesthood na mamuhay nang matwid.)

Lagyan ng label ang switch ng Mga alituntunin ng kabutihan. Sabihin sa isang estudyante na buksan ang switch.

  • Sa analohiyang ito, paano maitutulad sa pamumuhay nang matwid ang pagbukas ng switch?

Sabihin sa mga estudyante na ipahayag sa sarili nilang mga salita ang isang alituntunin mula sa talata 36. Ibuod ang kanilang mga sagot sa pamamagitan ng pagsulat ng sumusunod na alituntunin—o parang katulad nito—sa pisara: Makahuhugot lamang ang mga maytaglay ng priesthood ng kapangyarihan ng langit kung sila ay mamumuhay nang matwid. Maaari mong imungkahi sa iyong mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 121:37–38. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mangyayari sa kakayahan ng isang maytaglay ng priesthood na makahugot ng mga kapangyarihan ng langit kung hindi siya mamumuhay nang matwid.

  • Ano ang nangyayari kapag hindi namumuhay nang matwid ang isang maytaglay ng priesthood? (Ang mga kapangyarihan ng langit ay lalayo, at ang kanyang awtoridad ay mawawalan ng bisa. Maaari mong ipaliwanag na ang pariralang “sumikad sa mga matulis” ay tumutukoy sa hayop na ayaw pansinin ang matulis na patpat na ginagamit para ituro ito sa dapat nitong puntahan. Para sa atin, ang pariralang ito ay tumutukoy sa pagtutol natin sa tagubilin ng Panginoon o ng Kanyang mga tagapaglingkod.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntunin sa pisara, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Pangulong Boyd K. Packer

“Ang awtoridad sa priesthood ay nakukuha sa pamamagitan ng ordenasyon; ang kapangyarihan sa priesthood ay nagmumula sa tapat at masunuring pamumuhay sa pagtupad ng mga tipan. Nag-iibayo ito sa pamamagitan ng matwid na paggamit ng priesthood” (“Ang Kapangyarihan ng Priesthood,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 9).

Isulat sa pisara ang sumusunod:

Nagpapahina ng koneksyon Nagpapalakas ng koneksyon

Sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang mga talata 35 at 37 nang tahimik, at alamin ang masasamang pag-uugali at gawain na nagpapahina sa koneksyon ng isang maytaglay ng priesthood sa mga kapangyarihan ng langit. Maaari mong imungkahi na markahan nila ang nalaman nila. Matapos ang sapat na oras, sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Hilingin sa isang estudyante na maging tagasulat at sabihin sa kanya na isulat ang mga sagot sa ilalim ng “Nagpapahina ng koneksyon.” Matapos maisulat ang mga sagot ng mga estudyante, basahin ang mga sumusunod na halimbawa. Para sa bawat halimbawa, sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga pag-uugali o gawain na inilista nila sa pisara.

  1. Para makibagay sa ilan sa popular na kaedad niya, isang maytaglay ng priesthood ang nakisali sa kanila sa panunukso sa isang kaklase sa paaralan.

  2. Isang teachers quorum president ang mahilig sa isport, at ayaw niyang sumali sa pagpaplano ng anumang aktibidad ng korum na walang kasamang soccer o basketball. Sa tuwing may aktibidad ang korum o nagbibigay ng serbisyo, gusto niyang gawin ng ibang binatilyo ang sinasabi niya dahil siya ang quorum president.

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga taong pinipilit na ilihim ang kanilang mga kasalanan?

  • Ano ang ilang halimbawa ng mga taong nakatuon sa mga bagay ng daigdig na ito at naghahangad ng mga parangal ng tao?

  • Sa palagay ninyo, bakit hadlang ang ganitong pag-uugali at gawain para makahugot ng mga kapangyarihan ng langit?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 121:39–40 at sabihin sa klase na alamin ang dahilan kung bakit may ilang tao na gumagamit ng hindi makatwirang pamamahala. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

Doktrina at mga Tipan 121:41–46

Itinuro ni Joseph Smith kung ano ang dapat na pag-uugali at ginagawa ng mga maytaglay ng priesthood

Ipaliwanag na matapos ituro ang tungkol sa mga pag-uugali at gawain na nagpapahina ng koneksyon sa pagitan ng mga maytaglay ng priesthood at ng mga kapangyarihan ng langit, itinuro ni Joseph Smith ang mga pag-uugali at gawain na nagpapalakas ng ugnayang iyan. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, at sabihin sa kanila na basahin ang Doktrina at mga Tipan 121:41–45 nang magkasama. Sabihin sa kanila na alamin ang mga pag-uugali at gawain na nakatutulong sa mga maytaglay ng priesthood na magamit ang mga kapangyarihan ng langit upang makatulong sa iba. (Bago sila magbasa, maaari mong bigyang-diin na sa talata 41, ang ibig sabihin ng mga salitang tangi lamang ay “maliban lamang.”)

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Hilingin sa isang estudyante na maging tagasulat at ipasulat sa kanya ang mga sagot sa ilalim ng “Nagpapalakas ng koneksyon.” Habang nagbabanggit ang mga estudyante ng mga alituntunin ng kabutihan, maaari mong sabihin sa kanila na ipaliwanag ang bawat alituntunin o magbigay ng mga halimbawa ng bawat isa nito. Kung kailangan, itanong ang mga sumusunod:

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng kumilos nang walang pakunwaring pag-ibig at walang pagkukunwari o walang pandaraya? (Maaaring kasama sa mga sagot na ang ibig sabihin nito ay mahalin ang mga tao nang tapat at tunay at nang may mabuting dahilan.) Bakit mahalagang taglayin ng mga maytaglay ng priesthood ang mga katangiang ito?

  • Sa talata 43, ang salitang pagsabihan ay tumutukoy sa pagsasabi sa isang tao na mali ang ginagawa niya, kadalasan sa mahinahon o magiliw na paraan. Ang ibig sabihin ng mga salitang sa tamang pagkakataon ay “maaga” o “nasa tamang panahon.” Ang salitang kataliman ay tumutukoy sa pangangailangang ipahayag nang malinaw ang ating sarili. Sa inyong palagay, bakit mahalaga sa isang lider ng priesthood na pagsabihan ang isang tao nang malinaw, sa tamang panahon, at ayon sa gabay ng Espiritu Santo? Sa palagay ninyo, bakit mahalagang magpakita ng ibayong pagmamahal matapos pagsabihan ang isang tao? Kailan nakatulong sa inyo ang pagtanggap ng gayong pagtatama?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng punuin ang inyong sisidlan ng pag-ibig para sa lahat ng tao? (Tingnan sa talata 45.) Sa inyong palagay, bakit mahalaga sa mga lider ng priesthood na maging mahinahon at magiliw sa pakikitungo sa iba?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng puspusin ng kabanalan ang inyong mga iniisip nang walang humpay? (Tingnan sa talata 45.) Ano ang ilang bagay na magagawa natin para mapanatiling banal ang ating isipan?

  • Sa inyong palagay, bakit kailangan ng mga lider ng priesthood na sundin ang mga alitintuning ito para makahugot ng mga kapangyarihan ng langit?

Banggitin ang mga salitang sa gayon sa talata 45. Ipaliwanag na tumutukoy ang salitang ito sa mga ibinubunga ng pamumuhay ayon sa mga alituntunin ng kabutihan na matatagpuan sa mga talata 41–45. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 121:45–46. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga pagpapalang darating sa mga maytaglay ng priesthood na nakahuhugot ng mga kapangyarihan ng langit sa pamamagitan ng mabuting pamumuhay. (Bago magbasa ang mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang setro ay isang bagay na dala-dala ng hari at reyna. Ito ay sumasagisag sa awtoridad at kapangyarihan.)

  • Ano ang ilan sa mga pagpapala ng pamumuhay ng mga alituntunin ng kabutihan?

  • Isipin ang isang maytaglay ng priesthood na kilala ninyo na namumuhay sa paraan na nakatutulong sa kanya na makahugot ng mga kapangyarihan ng langit. Paano kayo napagpala sa pamamagitan ng kanyang paglilingkod?

Ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga pagpapalang natanggap mo sa pamamagitan ng awtoridad at kapangyarihan ng priesthood. Anyayahan ang mga estudyante na ibahagi rin ang kanilang mga patotoo. Sabihin sa kanila na pumili ng isang alituntunin ng kabutihan na binanggit sa Doktrina at mga Tipan 121:41–45 at magtakda ng mithiin na ipamuhay nang mas mabuti ang alituntuning iyan.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 121:36–37. Ang “mga karapatan ng pagkasaserdote” at ang “mga kapangyarihan ng langit”

Binigyang-diin ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na kailangang mamuhay nang karapat-dapat ang mga maytaglay ng priesthood upang mataglay nila kapwa ang awtoridad at ang kapangyarihan ng priesthood:

Larawan
Elder David A. Bednar

“Ang kapangyarihan ng priesthood ay kapangyarihan ng Diyos na gumagana sa pamamagitan ng mga lalaki at binatilyong katulad natin at nangangailangan ng personal na kabutihan, katapatan, pagsunod, at kasigasigan. Ang isang binatilyo o lalaki ay maaaring tumanggap ng awtoridad ng priesthood sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ngunit mawawalan ng kapangyarihan ng priesthood kung siya ay suwail, hindi karapat-dapat, o ayaw niyang maglingkod. …

“… Kailangan ng mga mayhawak ng priesthood na bata at matanda ng awtoridad at kapangyarihan—ang mahalagang pahintulot at espirituwal na kakayahang maging kinatawan ng Diyos sa gawain ng kaligtasan” (“Ang mga Kapangyarihan ng Langit,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 49).

Doktrina at mga Tipan 121:34, 40. “Marami ang tinawag, subalit iilan ang napili”

Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder David A. Bednar

“Ang mapili o mahirang ay hindi sa atin lamang ibibigay. Sa halip, ikaw at ako ang magpapasiya kung mapipili nga ba tayo. …

“Naniniwala ako na ang pahiwatig ng mga talatang ito ay madaling unawain [D at T 121:34–35]. Ang Diyos ay walang listahan ng mga paborito kung saan maaari tayong umasa na balang araw ay maidaragdag ang ating pangalan sa listahan. Hindi Niya inililimita ‘ang [napili]’ sa iilang tao lang. Sa halip, ang ating puso at ating mga pangarap at ating pagsunod ang siyang magpapasiya kung mapapabilang tayo sa mga hinirang [o pinili] ng Diyos” (“Ang Magiliw na Awa ng Panginoon,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 101).

Doktrina at mga Tipan 121:43. “Pagsabihan sa tamang pagkakataon nang may kataliman”

Itinuro ni Elder H. Burke Peterson ng Pitumpu:

Larawan
Elder H. Burke Peterson

“Marahil dapat nating alamin kung ano ang kahulugan ng pagsabihan [ang isang tao ] nang may kataliman. Ang ibig sabihin ng pagsabihan [ang isang tao ] o magsaway nang may kataliman ay magsaway nang may kalinawan, nang mahigpit ngunit may pagmamahal, at may taimtim na layunin. Hindi ibig sabihin nito ay magsaway nang nangungutya, naghihinakit, nagngangalit ang mga ngipin at nagtataas ng boses. Ang isang nagsasaway ayon sa tagubilin ng Panginoon ay ginagawa ito batay sa mga alituntunin, hindi batay sa pagkatao. Hindi siya naninira ng pagkatao o nang-iinsulto ng tao.

“Sa halos bawat sitwasyon kung saan may kailangang itama, mas nakabubuti ang sumaway nang hindi lantaran kaysa hayagang pagsaway. Maliban na lang kung kailangang pagsabihan ang buong ward, mas nakabubuti na kausapin ng bishop nang isa-isa ang mga tao kaysa kausapin sila nang lahatan. Gayundin, ang isang anak o asawa ay may karapatang mapagsabihan tungkol sa mga nagawa nilang mali nang sarilinan. Ang hayagang pagtatama ay kadalasang malupit o, masasabing wala sa katwiran” (“Unrighteous Dominion,” Ensign, July 1989, 10).