Seminary
Lesson 127: Doktrina at mga Tipan 121:11–33


Lesson 127

Doktrina at mga Tipan 121:11–33

Pambungad

Doktrina at mga Tipan 121 ay binubuo ng mga sipi mula sa isang inspiradong liham Joseph Smith sa mga banal, na may petsang Marso 20, 1839, mula sa Liberty Jail. Ang Doktrina at mga Tipan 121:11–33 ay naglalarawan sa paghuhukom na darating sa mga masama at ipinangakong paghahayag para sa mga masisigasig.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 121:11–25

Inilarawan ng Tagapagligtas ang paghuhukom na darating sa mga taong umuusig sa mga banal

Bago magklase, isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag. “Ang mga Mormon ay ituring na mga kaaway at dapat lipulin.”

Sa simula ng klase, sabihin sa mga estudyante na isipin kunwari na isang umaga, habang sila ay umaalis ng bahay nila, nakita nila ang pahayag na ito na nakapaskil sa mga pintuan ng kanilang bahay.

  • Matatakot ba kayo na umalis sa inyong tahanan? Saan kayo hihingi ng tulong? Ano ang madarama ninyo kung nalaman ninyong ang pahayag na ito ay naimpluwensyahan ng ilan sa mga dating kaibigan ninyo?

Para matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng kasaysayan ng Doktrina at mga Tipan 121, ipaliwanag na ang ilan sa naging matatapat na kaibigan ni Joseph Smith ay tumalikod laban sa kanya. Ang dalawa sa mga dating kaibigan na sina Thomas B. Marsh at Orson Hyde, ay mga miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Ang dalawang lalaking ito ay pumirma ng affidavit (sinumpaang pahayag) na maling nagpaparatang kay Joseph Smith at iba pang mga miyembro ng Simbahan ng pagpaplano na palayasin ang kanilang mga kaaway sa pamamagitan ng pagsunog at pagwasak ng kanilang ari-arian. Ang affidavit ang nakaimpluwensya sa gobernador ng Missouri para maglabas ng pahayag, na kilala bilang ang utos ng pagpuksa (extermination order), na nagpapahayag na ang lahat ng mga Mormon ay dapat lipulin o itaboy mula sa estado. Ang pahayag sa pisara ay direktang sinipi mula sa utos ng pagpuksa. (Si Thomas B. Marsh ay itiniwalag noong Marso 17, 1839, at muling nabinyagan noong Hulyo 16, 1857. Si Orson Hyde ay tinanggal sa Korum ng Labindalawa noong Mayo 4, 1839, at ibinalik sa Korum noong Hunyo 27, 1839.)

Ipaalala sa mga estudyante na ang Doktrina at mga Tipan 121–123 ay bahagi ng isang inspiradong liham ni Propetang Joseph Smith sa mga Banal noong Marso 1839 habang nakakulong siya sa Liberty Jail. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 121:11–17 nang tahimik upang tuklasin ang natutuhan ng propeta mula sa Panginoon tungkol sa kung ano ang mangyayari sa mga taong nagparatang sa mga lingkod ng Panginoon ng paglabag. Ipabahagi sa kanila ang nalaman nila.

  • Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng mga katagang “ang kanilang pag-asa ay pasasabugin, at ang kanilang mga inaasam-asam ay matutunaw”? (Ang mga taong kumakalaban sa mga lingkod ng Panginoon ay hindi magtagumpay sa kanilang layunin sa huli.)

  • Sa talata 13 at 17, ano ang dahilang ibinigay ng Panginoon kung bakit pinaratangan ng ilan ang mga lingkod ng Panginoon ng kasalanan? (Ang mga “puso [ng mga nagpaparatang ay] tiwali” at sila ay “mga tagapaglingkod ng kasalanan” at “mga anak ng pagsuway.”)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 121:18–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa sa kanilang mga banal na kasulatan, na inaalam ang karagdagang mga bunga na darating sa mga gumagawa ng maling paratang at lumalaban sa mga Banal. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaari mong ipaliwanag na ang “puputulin sa mga ordenansa ng [Panginoon]” (talata 19) ay ang mawalan ng o ihiwalay mula sa mga pagpapala na nauugnay sa mga ordenansa sa templo.

Ipaalam sa klase na ang huwad na mga pahayag mula sa tumiwalag na mga miyembro ng Simbahan at iba pa, kasama ng utos ng pagpuksa ng gobernador, ang nakaimpluwensiya sa mga mandurumog upang madagdagan ang kanilang pag-uusig sa mga Banal. Basahin nang malakas ang sumusunod na salaysay, at sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang mga halimbawa kung paano ang di-makatarungang pagtrato sa mga Banal sa panahong ito:

Noong ika-30 ng Oktubre 1838, tatlong araw lamang matapos ilathala ang utos ng pagpuksa, humigit-kumulang 240 kalalakihan ang pumunta sa isang pamayanan ng mga Mormon na tinatawag na Haun’s Mill. Ang kababaihan at mga bata ay nagtungo sa kakahuyan, samantalang ang mga lalaki ay nagtago sa pandayan. Ang isa sa mga lider ng mga Banal na si David Evans ay nagwagayway ng kanyang sumbrero at sumigaw para sa kapayapaan. Ang tunog ng isang daang riple ang sumagot sa kanya, na ang karamihan ay nakaasinta sa pandayan. Walang awang pinagbabaril ng mga mandurumog ang sinumang nakita nila, kabilang na ang mga babae, matatandang lalaki, at mga bata. Kinuha ni Amanda ang dalawang anak na babae at tumakbong kasama ni Mary Stedwell papunta sa tubigan ng mill sa may daanan. Paggunita ni Amanda, “Bagama’t kami ay mga babae na may kasamang maaamong mga bata, na tumatakas para mabuhay, nagpaputok nang nagpaputok ang mga demonyo para patayin kami” (sa Andrew Jenson, The Historical Record, Hulyo 1886, 84).

Ang mga miyembro ng mga mandurumog ay sa pumasok sa pandayan at natagpuan at pinatay ang 10-taong-gulang na si Sardius Smith, anak na lalaki ni Amanda Smith na nagtago sa ilalim ng bulusan. Kalaunan ay nagpaliwanag ang isang lalaki (na mandurumog), “Ang mga lisa ay nagiging kuto, at kung nabuhay siya, siya ay magiging Mormon” (sa Jenson, The Historical Record, Dis. 1888, 673; tingnan din sa James B. Allen and Glen M. Leonard, The Story of the Latter-day Saints [1976], 127–28). Si Alma Smith, ang pitong taong gulang na kapatid na lalaki ni Sardius, ay nakasaksi sa pagpaslang sa kanyang ama at kapatid, at siya mismo ay binaril din sa balakang. Hindi siya natagpuan ng mga mandurumog at kalaunan ay mahimalang gumaling sa pamamagitan ng panalangin at pananampalataya. Kahit na ang ilang lalaki na kasama ng mga kababaihan at mga bata ay nakatakas patawid sa ilog patungo sa mga burol, hindi bababa sa 17 katao ang namatay, at mga 13 ang nasugatan. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual [Church Educational System manual, 2003], 201, 203–4; tingnan din sa History of the Church 3:183–87.) Wala ni isa sa mga mararahas na mandurumog ang hinatulan para sa mabibigat na krimen ng mga hukuman ng Missouri o ng mga awtoridad ng pamahalaan.

  • Ano ang madarama ninyo kung naranasan ninyo ang mga kalupitang ito? Ano kaya ang mararamdaman ninyo kapag nalaman ninyong hindi pananagutin ang mga umatake sa inyo?

Anyayahan ang mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 121:23–25 nang tahimik, na hinahanap ang mga parirala na nagpapahiwatig na pananagutin ng Diyos ang mga kaaway sa kanilang mga ginawa.

  • Anong mga alituntunin ang natutuhan natin sa mga talata 23–25? (Habang sumasagot ang mga estudyante, bigyang-diin ang sumusunod na mga alituntunin sa pamamagitan ng pagsulat ng mga ito sa pisara: Nakikita at nalalaman ng Panginoon ang lahat ng ating mga ginagawa. Ang mga kumakalaban sa Panginoon at sa Kanyang mga tao ay tatanggap ng paghuhukom ng Diyos sa Kanyang takdang panahon.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga panahon na nakita nila ang mga tao na gumagawa ng mali at nakakaiwas sa mga agarang resulta ng mga ito.

  • Paano kaya maiuugnay ang sitwasyon ngayon kung kailan ay mukhang nakakatakas sa mga bunga ng kanilang maling gawain ang mga tao sa mga alituntuning natukoy natin sa talata 23–25?

Doktrina at mga Tipan 121:26–33

Nangangako ang Diyos na maghahayag ng mga walang hanggang katotohanan sa pamamagitan ng Espiritu Santo

Kung maaari, magdispley ng isang larawan ni Joseph Smith sa Liberty Jail (Aklat ng Sining ng Ebanghelyo [2009], blg. 97; tingnan din sa LDS.org.)

Larawan
Si Joseph Smith sa Liberty Jail
  • Ano ang ilan sa mga paghihirap na tiniis Joseph Smith at ng kanyang mga kasama sa Liberty Jail?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 121:26. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang isang katotohanan na naitala ng Propetang Joseph Smith habang nakakulong siya sa Liberty Jail.

  • Anong katotohanan ang itinala ni Joseph Smith sa talata 26? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod: Bibigyan tayo ng Diyos ng kaalaman sa pamamagitan ng Espiritu Santo.)

Para matulungan ang mga estudyante kung paano magagamit ang katotohanang kapag nakararanas sila ng mga paghihirap, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na patotoo ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Maaari kayong magkaroon ng sagrado, naghahayag, at malalim na karanasan sa pagkatuto mula sa Panginoon sa lubhang kalunos-lunos na mga pangyayari sa inyong buhay—sa pinakagrabeng mga sitwasyon, habang tinitiis ang pinakamasasakit na kawalang-katarungan, hinaharap ang pinakamabibigat na problema at oposisyong naranasan na ninyo” (“Lessons from Liberty Jail,” Ensign, Set. 2009, 28).

  • Paano tayo matutulungan ng pagtanggap ng kaalaman sa pamamagitan ng Espiritu Santo kapag dumaranas tayo ng paghihirap?

  • Kailan kayo tumanggap ng kaalaman o patnubay ng Espiritu Santo na nakatulong sa inyo sa isang mahirap na panahon? (Paalalahanan ang mga estudyante na may mga karanasan na napakasagrado o napakapersonal para ibahagi.)

Para lalo pang mailarawan ang katotohanang tinukoy sa talata 26 ng mga estudyante, maaari mong ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Lucy Mack Smith, na tumanggap ng kaalaman at kapanatagan mula sa Espiritu Santo matapos madakip upang ibilanggo at pagbantaang papatayin sina Joseph at Hyrum:

Larawan
Lucy Mack Smith

“Sa gitna ng aking pagdadalamhati, natagpuan ko ang kasiyahan na higit pa sa lahat ng pang-aalo dito sa mundo. Ako ay napuspos ng Espiritu ng Diyos, at natanggap ang sumusunod sa pamamagitan ng kaloob na propesiya: ‘Hayaang ang iyong puso ay mapanatag hinggil sa inyong mga anak, sila ay hindi masasaktan ng kanilang mga kaaway. …’ Ito ay pumayapa sa isipan ko, at ako ay handa nang panatagin ang mga anak ko. Sinabi ko sa kanila kung ano ang inihayag sa akin, na lubhang nagpapanatag sa kanila”(History of Joseph Smith by His Mother, inedit ni Preston Nibley [1958], 291).

  • Sa paanong paaraan maaaring nakapanatag ang pangako ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo kay Joseph Smith at sa mga Banal sa panahong ito ng pag-uusig?

Ibuod ang mga talata 26–33 na ipinapaliwanag na nangako ang Panginoon na ihahayag ang kaalaman na “hindi pa naipahahayag simula pa ng pagkakatatag ng daigdig” (D at T 121: 26) at na magkaloob ng mga dakilang pagpapala sa lahat ng “magiting na nagtiis para sag ebanghelyo ni Jesucristo”(D at T 121:29).

Ipaalam sa klase na sa Doktrina at mga Tipan 121:33, ang Propetang Joseph Smith ay gumamit ng analohiya upang tulungan ang mga Banal na maunawaan na ang Panginoon ay mas makapangyarihan kaysa sa mga taong umuusig sa mga banal at nagsisikap na hadlangan ang gawain ng Diyos.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 121:33. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang imaheng ginamit ni Joseph para ilarawan ang kapangyarihan ng Panginoon. (“Umaagos na tubig” at “ang ilog ng Missouri.” Maaari mong ipaliwanag na ang ilog ng Missouri ay isang malaki at malakas na ilog at tumira malapit dito at pamilyar sa ilog na ito ang mga unang Banal.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang panahon na nakakita sila ng umaagos na tubig, gaya ng isang ilog o mountain stream. Sabihin sa kanila na isipin rin ang mga pagkakataon na nakakita sila ang hindi umaagos na tubig, tulad ng isang lawa. Kung maaari, maaari mong idispley ang mga larawan ng mga magkakaibang uri ng tubig.

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa talatang ito? (Tulungan ang mga estudyante na matukoy ang sumusunod na alituntunin: Walang makapipigil sa pagsulong ng gawain ng Panginoon.)

  • Ano ang nararamdaman mo na nalaman mo na ang gawain ng Panginoon ay magpapatuloy anuman ang oposisyon?

Bilang pagtatapos, maaari mong balik-aralan ang mga alituntuning natutuhan ng mga estudyante mula sa Doktrina at mga Tipan 121. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nila isasabuhay ang mga alituntuning ito. Maaari mo ring patotohanan kung paano ka napagpala ng mga katotohanang ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 121:16. “Magtataas ng sakong laban sa aking hinirang”

Napansin ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Pangulong Boyd K. Packer

“Tulad ng dati, maraming sasabihin at isusulat upang siraan siya [Joseph Smith]. Noon pa naman, at kahit ngayon, at sa hinaharap ay may magsasaliksik sa mga 200-taon nang mga tala, na umaasang makakakita sila ng kahina-hinalang sinabi o ginawa ni Joseph para hamakin siya.

“Sinasabi sa atin sa mga paghahayag na ‘yaon na magtataas ng kanyang sakong laban sa aking hinirang, wika ng Panginoon, at sumisigaw na sila ay nagkasala kahit na hindi sila nagkasala sa aking harapan, wika ng Panginoon, kundi ginawa ang yaong nararapat sa aking mga paningin, at yaong aking iniuutos sa kanila’ (D at T 121:16). Tunay na mahigpit ang parusa sa kanila”(“Ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo—Malilinaw at Mahahalagang Bagay, ” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 9).