Seminary
Lesson 15: Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–67; Doktrina at mga Tipan 6–7


Lesson 15

Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–67; Doktrina at mga Tipan 6–7

Pambungad

Noong tagsibol ng 1829 nadama ni Propetang Joseph Smith na kailangan na niyang matapos ang pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Limitado lamang ang panahon na naiuukol niya sa pagsasalin dahil kailangan niyang magtrabaho para maitaguyod ang kanyang pamilya. Si Emma at ang kapatid ni Joseph na si Samuel ay tumulong bilang tagasulat, ngunit paminsan-minsan lamang. Mahigit isang taon at kalahati na kay Joseph ang mga lamina at, sa pagkawala ng 116 na pahina ng manuskrito, iilang pahina pa lang ang naisasalin niya. Ipinagdasal ni Joseph na magpadala ang Panginoon ng isang taong makatutulong sa kanya sa gawain ng pagsasalin. Bilang tugon sa panalangin ni Joseph, ipinadala ng Panginoon si Oliver Cowdery bilang tagasulat.

Ang mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 6 at 7 ay ibinigay ilang araw mula nang dumating si Oliver. Nakatala sa Doktrina at mga Tipan 6 ang payo kay Oliver hinggil sa gagampanan niya sa gawain ng Panginoon. Nakatala sa Doktrina at mga Tipan 7 ang isinaling bersyon ng ilan sa mga isinulat ni Juan na Pinakamamahal, itinuturo na ipinagkaloob ng Panginoon ang pagnanais ni Juan na manatiling buhay at magdala ng mga kaluluwa kay Jesucristo hanggang sa Ikalawang Pagparito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–67; Doktrina at mga Tipan 6:1–9

Si Oliver Cowdery ay naging tagasulat ni Joseph Smith

Magdrowing ng isang bombilya at ng pagsikat ng araw sa pisara.

Larawan
drowing ng bombilya
Larawan
drowing ng pagsikat ng araw
  • Ano ang pagkakaiba ng pagsisindi o pagbubukas ng bombilya at panonood ng pagsikat ng araw? (Maaaring magmungkahi ang mga estudyante ng ilang pagkakaiba, pero ituro pa rin na sa bombilya, makikita mo agad ang liwanag, at sa pagsikat ng araw, makikita mo ang liwanag nang paunti-unti.)

Ipaliwanag na ginamit ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang analohiyang ito upang ituro ang tungkol sa personal na paghahayag. Itinuro niya na paminsan-minsan, ang paghahayag ay nangyayari “nang mabilis, lubusan, at biglaan [parang pagbubukas ng ilaw sa isang madilim na silid]. … [Ngunit] kadalasan, ang paghahayag ay dumarating nang paunti-unti” (“Ang Diwa ng Paghahayag,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 88). Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na sinagot kaagad ng Panginoon ang kanilang mga panalangin at ang mga pagkakataon na sumagot Siya nang paunti-unti. Sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 6 ngayon, hikayatin silang alamin ang mga katotohanan na tutulong sa kanila na malaman kung kailan sila binibigyan ng Diyos ng paghahayag.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang historikal na konteksto ng paghahayag na ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang unang talata ng pambungad ng lesson na ito. Pagkatapos ay sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:66–67 at alamin kung paano tinulungan ng Ama sa Langit si Joseph sa kanyang pagsisikap na mas mapabilis ang kanyang pagsasalin.

  • Ano ang ginawa ng Panginoon bilang sagot sa isinamo ni Joseph na bigyan siya ng taong makakatulong sa kanya sa pagsasalin?

Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, ipaliwanag na si Oliver Cowdery ay dumating mula sa Palmyra, New York, mahigit 140 milya ang layo, upang makausap si Joseph sa Harmony, Pennsylvania (tingnan sa Mga Mapa at Talatuntunan ng mga Pangalan ng Lugar, Mapa 1, “Hilagang-Silangan ng Estados Unidos”), at dumating siya ilang araw mula nang ipagdasal ni Joseph na tulungan siya.

Ipaliwanag na di-nagtagal matapos magsimulang maging tagasulat ni Joseph si Oliver, nakatanggap si Joseph ng paghahayag kung saan kinausap ng Panginoon si Oliver. Tinugunan ng paghahayag na ito ang mga ninanais ni Oliver at sinagot ang mga tanong na kanyang ipinagdasal na hindi niya sinabi kay Joseph. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 6:5–6, 8 at alamin ang mga palatandaan na alam ng Panginoon ang ninanais ni Oliver.

  • Ano ang sinasabi sa atin ng mga talatang ito tungkol sa pagkatao ni Oliver at ng paglalakbay niya nang 140 milya para matulungan si Joseph?

Paalala: Ang mga talata sa 1–9 ay inulit sa Doktrina at mga Tipan 11, isang paghahayag para kay Hyrum Smith, at mas tatalakayin sa lesson na iyon.

Doktrina at mga Tipan 6:10–24

Tiniyak ng Panginoon kay Oliver Cowdery ang katotohanan ng gawain

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong:

  • Nakatanggap na ba kayo ng sagot mula sa Diyos at pagkatapos ay nabalisa o nagulumihanan sa sagot? (Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan. Ipaalala sa mga estudyante na may mga karanasan na napakasagrado o napakapersonal para ibahagi.)

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 6:10–13 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon kay Oliver Cowdery na si Oliver ay may kaloob na paghahayag. Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 6:14–17, 20 at alamin ang itinuro ng Panginoon kay Oliver tungkol sa pagtanggap at pagkilala ng paghahayag.

  • Anong mga katotohanan ang itinuro ng Panginoon kay Oliver tungkol sa pagtanggap at pagkilala sa paghahayag?

Maaaring banggitin ng mga estudyante ang mga sumusunod na alituntunin. Maaari mong isulat sa pisara ang mga ito habang binabanggit ng mga estudyante. Maaari mo ring imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga pariralang mahalaga sa kanila sa mga talatang ito.

Kapag humihingi tayo ng mga sagot sa ating Ama sa Langit, bibigyan niya tayo ng tagubilin.

Liliwanagin ng Panginoon ang ating mga isipan sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Nalalaman ng Diyos ang mga saloobin at hangarin ng ating puso.

Kapag nakatanggap tayo ng paghahayag, dapat nating pahalagahan ito sa ating mga puso.

  • Bakit mahalagang malaman natin na pinakikinggan at sinasagot ng Panginoon ang ating mga panalangin?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “nilinaw” ng Panginoon ang ating isipan? (Maaari mo ring ipaliwanag na sa pamamagitan ng Espiritu Santo, bibigyan tayo ng Panginoon ng mga ideya at kakayahang makaunawa.)

  • Bakit mahalagang malaman na tanging Diyos lamang ang nakaaalam ng mga saloobin at hangarin ng ating mga puso?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibg sabihin ng “pahalagahan” ang mga salita ng Panginoon? (Pag-aralan, pagnilayan, at sundin ang mga bagay na ipinahayag ng Panginoon at magtiwala sa paghahayag na tinatanggap natin.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 6:21–24 at sabihin sa mga estudyante na hanapin ang iba pang paraan na nangungusap sa atin ang Panginoon.

  • Ano ang matututuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa iba pang paraan na nangungusap sa atin ang Panginoon? (Ang Panginoon ay nangungusap ng kapayapaan sa ating mga isipan bilang katibayan ng katotohanan. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang pariralang “kapayapaan sa iyong isipan” [D at T 6:23].)

  • Batay sa inyong karanasan, ano ang pakiramdam kapag nangungusap ang Panginoon ng kapayapaan sa ating isipan?

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan kung paano dumarating ang paghahayag sa kanila, ipaliwanag na kung minsan ay mahirap para sa atin na malaman kung nangungusap sa atin ang Panginoon. Sabihin na mas ipinaliwanag pa ni Elder Bednar ang analohiya tungkol sa pagsikat ng araw upang mas linawin kung paano karaniwang dumarating ang mensahe mula sa Panginoon. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag:

Larawan
Elder David A. Bednar

“Kung minsan sumisikat ang araw sa umagang maulap o mahamog. Dahil makulimlim, mas mahirap mabanaag ang liwanag, at imposibleng matukoy kung anong oras talaga sisikat ang araw sa kalangitan.

“Sa gayunding paraan, maraming pagkakataon na tumatanggap tayo ng paghahayag nang hindi alam kung paano o kailan natin ito natatanggap” (“Ang Diwa ng Paghahayag,” 89).

  • Paano natin napapalampas o hindi napapansin kung minsan ang mga sagot ng Panginoon sa ating mga panalangin?

  • Ano ang maipapayo ninyo sa isang tao na gustong malaman kung paano higit na malalaman kung nangungusap sa kanya ang Panginoon?

Ipaliwanag na noong matanggap ang paghahayag na ito ay saka lamang sinabi ni Oliver kay Joseph ang tungkol “sa gabi” na binanggit ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 6:22. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang natutuhan ni Propetang Joseph matapos matanggap ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 6:

Larawan
Propetang Joseph Smith

“Matapos naming matanggap ang paghahayag na ito, sinabi sa akin ni Oliver Cowdery na matapos siyang pumunta sa aking ama para doon tumira pansamantala, at matapos sabihin sa kanya ng pamilya ang tungkol sa mga laminang nasa akin, na isang gabi bago siya matulog ay itinanong niya sa Panginoon kung totoo ang mga bagay na ito, at ipinahayag sa kanya ng Panginoon na totoo ang mga ito, ngunit wala siya ni isang pinagsabihan tungkol dito; kaya matapos maibigay ang paghahayag na ito, alam niya na totoo ang gawain, sapagka’t walang buhay na nilalang ang nakakaalam ng tungkol sa bagay na binanggit sa paghahayag, maliban lamang sa Diyos at sa kanya” (History of the Church, 1:35).

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga pagkakataon na binigyang-liwanag ng Diyos ang kanilang mga isipan o binigyan sila ng kapayapaan. Sabihin sa kanila na isulat ang ilan sa mga alaalang ito. Hikayatin silang magtiwala sa personal na paghahayag na natanggap nila noon. Ipaliwanag na ang dalawang susunod na lesson ay tutulong sa kanila na malaman kung sinagot ang kanilang mga panalangin.

Doktrina at mga Tipan 6:25–37

Pinayuhan ng Panginoon sina Joseph at Oliver na magsalin at huwag mag-alinlangan o matakot

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 6:25–31 na ipinapaliwanag na sinabi ng Panginoon kay Oliver na kung nais niya, ipagkakaloob sa kanya ang kaloob na makapagsalin at makasama ni Joseph bilang pangalawang saksi sa Aklat ni Mormon.

  • Kung kayo si Oliver, ano kaya ang mararamdaman ninyo matapos marinig ang responsibilidad na ibinibigay ng Panginoon sa inyo?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang mga panahong nakadama sila ng pag-aalinlangan o takot sa isang bagay na ipagawa sa kanila ng Panginoon. Sabihin sa mga estudyante na tahimik na basahin ang Doktrina at mga Tipan 6:32–37 at hanapin kung paano pinayuhan ng Panginoon si Joseph at Oliver na daigin ang pag-aalinlangan at takot habang nagpapatuloy sila sa Kanyang gawain.

  • Anong mga katotohanan o alituntunin mula sa payong ito ang maipamumuhay natin? (Maaaring magmungkahi ang mga estudyante ng iba-ibang alituntunin, ngunit tiyakin na mabigyang-diin na kung magtitiwala tayo kay Jesucristo, mapaglalabanan natin ang pag-aalinlangan at takot.)

  • Ano ang ilang halimbawa ng paraan kung paano maisasaalang-alang ng isang tao si Cristo sa bawat pag-iisip?

Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang mga karanasan nila kung saan nakatulong sa kanila ang kanilang kaalaman tungkol sa Tagapagligtas upang mapaglabanan ang pag-aalinlangan o takot. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan.

Doktrina at mga Tipan 7

Ipinangako kay Juan na Pinakamamahal na siya ay mabubuhay at makapagdadala ng mga kaluluwa kay Cristo hanggang sa Ikalawang Pagparito

Paalala: Maliban sa pahayag na ito, wala na tayong alam na detalye tungkol sa ministeryo ni Juan bilang nilalang na nagbagong-kalagayan. Huwag magbigay ng haka-haka tungkol sa kinaroroonan o mga nagawa ni Juan.

Ipaliwanag na noong Abril 1829, habang tinutulungan ni Oliver si Joseph sa pagsasalin, nagkaroon sila ni Joseph ng “magkaibang opinyon … tungkol sa salaysay ni Apostol Juan, na binanggit sa Bagong Tipan [tingnan sa Juan 21:20–23] … , kung siya ay namatay, o kung patuloy siyang [nabuhay]” (Histories, Volume 1: 1832–1844, tomo 1 ng Histories series of The Joseph Smith Papers [2012], 284).

Ipabasa sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 7:1–3 para malaman ang sagot sa tanong nina Joseph at Oliver. (Kung nahihirapang matukoy ng mga estudyante ang sagot, maaari mong imungkahi na basahin nila ang section summary para sa Doktrina at mga Tipan 7:1–3.)

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 6:14–15. Pagkilala sa mga sagot sa panalagin

Inilarawan ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol ang tungkol sa kahalagahan ng panalangin at kung paano makilala o malaman ang mga sagot mula sa Diyos:

Larawan
Elder Richard G. Scott

“Ang pagkilala sa mga sagot sa dalangin ay maaaring napakahirap kung minsan. Kung minsan walang ingat nating sinusubukang harapin ang buhay sa pamamagitan ng pagdepende sa sarili nating karanasan at kakayahan. Mas matalino ang hangarin natin sa pamamagitan ng panalangin at banal na inspirasyon na malaman kung ano ang gagawin. Ang ating pagsunod ay tumitiyak na kapag kailangan, maaari tayong maging marapat sa banal na kapangyarihang maisagawa ang isang inspiradong mithiin.

“Tulad ng marami sa atin, hindi nakilala ni Oliver Cowdery ang katibayan ng mga sagot sa dalangin na ibinigay na ng Panginoon. …

“Kung nadarama ninyo na hindi pa sinasagot ng Diyos ang inyong mga dalangin, pagnilayan ang mga banal na kasulatang ito [D at T 6:14–15]—pagkatapos ay maghanap na mabuti ng katibayan sa sarili ninyong buhay na maaaring nasagot na Niya kayo” (“Paano Makatatanggap ng Paghahayag at Inspirasyon sa Inyong Personal na Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 47).

Si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindawalang Apostol ay nagbahagi ng kaalaman tungkol sa kung paano makikilala ang personal na paghahayag:

Larawan
Elder David A. Bednar

“Maaaring hindi tayo makakita ng mga anghel, makarinig ng mga tinig mula sa langit, o makadama ng kagila-gilalas na mga espirituwal na karanasan. … Ngunit kung igagalang natin ang ating mga tipan at susundin ang mga utos, habang nagsisikap pa tayong gumawa ng mabuti at maging mas mabuti, mabubuhay tayo nang may tiwala na gagabayan ng Diyos ang ating mga hakbang. …

“… Kung minsan ay dumarating ang diwa ng paghahayag nang mabilis at matindi, kung minsan naman ay di-kapansin-pansin at dahan-dahan, at kadalasan ay napakabanayad kaya hindi man lang ninyo ito mapapansin. Ngunit anuman ang paraan na matatanggap ang pagpapalang ito, ang liwanag na ibinibigay nito ay magliliwanag at palalakihin ang inyong kaluluwa, liliwanagin ang inyong pang-unawa (tingnan sa Alma 5:7; 32:28), at papatnubayan at poprotektahan kayo at ang inyong pamilya” (“Ang Diwa ng Paghahayag,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 90).