Seminary
Lesson 101: Doktrina at mga Tipan 98:1–22


Lesson 101

Doktrina at mga Tipan 98:1–22

Pambungad

Noong Hulyo 20, 1833, mahigpit na hiniling ng isang grupo ng 400–500 taga Missouri na wala nang mga Banal ang dapat lumipat sa Jackson County at dapat umalis ang mga Banal na naninirahan na roon. Bago makatugon ang mga Banal sa Missouri, sinimulang wasakin ng mga mandurumog ang kanilang ari-arian at pinagbantaan ang kanilang buhay. Noong Agosto 6, 1833, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 98, kung saan tinagubilinan ng Panginoon ang mga Banal kung ano ang gagawin sa pag-uusig. Bagama’t ang ilang balita tungkol sa mga suliranin sa Missouri ay nakarating na marahil sa Propeta sa Kirtland, Ohio, mga 900 milya (1,450 kilometro) ang layo, nalaman niya ang kalubhaan ng sitwasyon sa pamamagitan lamang ng paghahayag. Sa paghahayag na ito, kinilala ng Panginoon ang mga pagdurusa ng mga Banal sa Missouri at Ohio. Pinayuhan Niya sila na sundin ang batas ng lupain at tuparin ang kanilang mga tipan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 98:1–3

Muling binigyan ng katiyakan ng Panginoon ang mga Banal sa kanilang mga pagdurusa

Bago magsimula ang klase, isulat sa pisara ang sumusunod na tanong: Ano ang madarama ninyo?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata. Sabihin sa klase na isipin ang madarama nila kung nasa ganito silang sitwasyon.

Noong Sabado, Hulyo 20, 1833, 400 hanggang 500 galit na mamamayan ng Missouri ang nagtipun-tipon sa courthouse sa Independence, Missouri. Pumili sila ng isang komite na gagawa ng dokumento na nagsasaad ng mahigpit na kahilingan nila sa mga Mormon. Hiniling nila na wala nang Banal sa mga Huling Araw ang dapat pahintulutang lumipat sa Jackson County at sinabing ang mga naninirahan na roon ay dapat mangakong umalis sa lalong madaling panahon. Bukod pa rito, hiniling nila na itigil na ang paglalathala ng pahayagan ng Simbahan. Nang ipresenta ang mga kahilingang ito sa mga lider ng Simbahan sa Missouri, nabigla ang mga lider ng Simbahan at humingi ng tatlong buwang palugit para pag-isipan ang kahilingan at para sumangguni sa mga lider ng Simbahan sa Ohio. Hindi tinanggap ng grupong iyon ng mga mamamayan ng Missouri ang kahilingan ng mga lider ng Simbahan. Dahil dito, humiling ng 10 araw ang mga Banal, ngunit 15 minuto lamang ang ibinigay sa kanila para tumugon. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 132–33.)

Patingnan sa mga estudyante ang tanong na nasa pisara, at itanong ang sumusunod:

  • Ano ang madarama ninyo kung isa kayo sa mga Banal na naninirahan sa Independence, Missouri, sa panahong iyon?

Matapos sumagot ang mga estudyante, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na talata:

Ang mga taga-Missouri sa pulong sa courthouse sa Independence ay kaagad naging mararahas at nagpasiyang wasakin ang palimbagan. Pinasok nila ang palimbagan, inihagis ang mga kasangkapan sa kalsada at sa hardin, sinira ang makina sa pag-imprenta, ikinalat ang type, at sinira ang halos lahat ng nakalimbag, kabilang ang karamihan sa hiwa-hiwalay pang papel ng Aklat ng mga Kautusan. Ang kasunod na pinuntahan ng mga mandurumog ay ang Gilbert and Whitney Store. Gayunman, nakausap ni Sidney Gilbert ang mga mandurumog bago nila magawa ang kanilang balak at nangako siya na hahakutin ang mga paninda at aalis sa loob ng tatlong araw. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times, 133.)

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot sa tanong na nasa pisara kaugnay ng pangyayaring ito. Matapos sumagot ang mga estudyante, ipabasa nang malakas sa pangatlong estudyante ang sumusunod na talata:

Makalipas ang tatlong araw, noong Hulyo 23, dumating muli ang mga mandurumog sa Jackson County, Missouri, at sa pagkakataong ito sila ay armado ng mga riple, pistola, latigo, at pambambo. Sinunog nila ang mga bangan at bukirin at winasak ang ilang tahanan, kamalig, at negosyo. Sa huli, hinarap nila ang anim na lider ng Simbahan na, dahil nakitang nanganganib ang mga ari-arian at buhay ng mga Banal, ay nag-alok na buhay na lang nila ang kabayaran. Hindi tinanggap ng mga lider ng mga mandurumog ang alok na ito, sa halip ay nagbanta na lahat ng mga lalaki, babae, at bata ay lalatiguhin maliban kung sumang-ayon sila na lisanin ang bayan. Sa panggigipit na ito, pinirmahan ng mga kapatid ang isang kasunduang lisanin ang Jackson County. Kalahati ng mga miyembro ng Simbahan at karamihan sa mga lider ay aalis ng Enero 1, 1834, at ang iba ay aalis ng Abril 1, 1834. Tinulutan ng mga mandurumog sina John Corrill at Sidney Gilbert na manatili para ibenta ang mga ari-arian ng mga Banal na pinaalis sa lupain. (Tingnan sa Church History in the Fulness of Times, 134.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 98. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung bakit ibinigay ang paghahayag na ito. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga sagot.

  • Ayon sa pambungad, ano ang pinakanapansin ninyo tungkol sa tiyempo ng pagkakabigay ng paghahayag na ito?

Ipaliwanag na ang mga Banal sa Ohio ay nakararanas din ng pag-uusig sa panahong iyon. Ang mga alituntunin sa paghahayag na ito ay angkop sa kanila, at maaari ding itong angkop sa atin. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:1–2. Sabihin sa klase na alamin ang mga payo na ibinigay ng Panginoon sa mga Banal. (Makatutulong na ipaliwanag na ang Sabaoth, sa talata 2, ay salitang Hebreo na ang ibig sabihin ay “mga hukbo.” Ang paggamit nito dito ay nagpapahiwatig na pinamumunuan ng Panginoon ang mga hukbo ng anghel, at mga hukbo ng Israel, o ng mga Banal. [Tingnan sa Bible Dictionary, “Sabaoth.”])

  • Ano ang ipinayo ng Panginoon sa mga Banal? (Isulat sa pisara ang mga sagot ng mga estudyante.)

  • Bakit mahalagang magpasalamat ang mga Banal sa mahihirap na panahon?

  • Ano sa palagay ninyo ang kahulugan ng matiyagang maghintay sa Panginoon?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sabihin sa klase na pakinggan kung ano ang kahulugan ng matiyagang maghintay sa Panginoon.

Larawan
Elder Robert D. Hales

“Ano nga ba ang ibig sabihin ng maghintay sa Panginoon? Sa mga banal na kasulatan, ang ibig sabihin ng salitang maghintay ay umasa, umasam, at magtiwala. Ang umasa at magtiwala sa Panginoon ay nangangailangan ng pananampalataya, tiyaga, pagpapakumbaba, kaamuan, mahabang pagtitiis, pagsunod sa mga utos, at pagtitiis hanggang wakas” (“Paghihintay sa Panginoon: Mangyari Nawa ang Iyong Kalooban,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 72).

  • Bakit ang payo na matiyagang maghintay sa Panginoon ay mahalaga para sa mga Banal sa Missouri?

  • Anong mga salita ng kapanatagan ang nakita ninyo sa talata 2?

Isulat sa pisara ang sumusunod na hindi kumpletong pahayag: Kung tayo ay magpapasalamat sa lahat ng bagay at matiyagang maghihintay sa Panginoon, …

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:3. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinangako ng Panginoon sa mga Banal kung susundin nila ang Kanyang payo.

  • Paano ninyo kukumpletuhin ang pahayag na nasa pisara batay sa talata 3? (Ang sumusunod ay isang paraan na makukumpleto ng mga estudyante ang alituntuning ito: Kung tayo ay magpapasalamat sa lahat ng bagay at matiyagang maghihintay sa Panginoon, papangyarihin ng Panginoon na ang mga paghihirap natin ay magkakalakip na gagawa para sa ating ikabubuti.)

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang tao na kilala nila na matiyagang naghintay sa Panginoon sa mahihirap na panahon at nakahanap ng mga kadahilanan upang magpasalamat.

  • Sa paanong paraan nakabuti sa buhay ng taong iyan ang mga paghihirap?

Doktrina at mga Tipan 98:4–10

Pinayuhan ng Panginoon ang mga Banal na makipagkaibigan sa batas ng lupain

Ipaliwanag na bukod pa sa pagpapayo sa mga Banal na matiyagang maghintay, iniutos sa kanila ng Panginoon na sundin ang lahat ng Kanyang kautusan (tingnan sa D at T 98:4) at sinabing sila ay nabigyang-katwiran “sa pakikipagkaibigan [o pagsunod] sa batas na yaon na siyang saligang-batas ng lupain” (D at T 98:6). Ipaliwanag Niya na itinataguyod ng saligang-batas ng lupain “ang alituntunin ng kalayaan sa pagpapanatili ng mga karapatan at pribilehiyo” at para “sa buong sangkatauhan” (D at T 98:5).

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:9–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa mga lider ng pamahalaan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Doktrina at mga Tipan 98:11–18

Iniutos ng Panginoon sa mga Banal na tuparin ang kanilang mga tipan, maging sa mahihirap na panahon

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan ang sumusunod na tanong:

  • Anong gantimpala ang darating sa mga nag-alay ng kanilang buhay para sa layunin ni Jesucristo at para sa Kanyang pangalan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:11–15. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sagot sa tanong na iyon at ang sinabi ng Panginoon sa mga Banal tungkol sa pagsubok.

  • Anong kautusan ang ibinigay ng Panginoon sa mga Banal? (Tingnan sa D at T 98:11–12.)

  • Ayon sa mga talata 13–15, ano ang isang dahilan kung bakit tayo sinusubukan ng Panginoon? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Sinusubukan tayo ng Panginoon upang makita kung tutuparin natin ang ating mga tipan kahit mahirap itong gawin.)

  • Bakit kaya mahalaga para sa mga Banal na naninirahan sa Missouri noong 1833 na malaman ang katotohanang ito? Sa palagay ninyo, bakit mahalagang maalaala natin ang katotohanang ito ngayon?

Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang taong kilala nila na mabuting halimbawa ng pagtupad sa mga tipan sa mahihirap na panahon. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga sagot sa klase.

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung ano ang gagawin nila para manatiling matatag at matupad nila ang kanilang mga tipan kahit mahirap itong gawin.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:16–18. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, na inaalam ang sinabi ng Panginoon na gawin ng mga Banal. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga nalaman.

Doktrina at mga Tipan 98:19–22

Sinabihan ng Panginoon ang mga Banal sa Kirtland na magsisi

Ipaliwanag na sa panahong ibinigay ng Panginoon ang paghahayag na ito, ang mga Banal sa Kirtland, Ohio, ay dumaranas din ng mga paghihirap. Sa Doktrina at mga Tipan 98:19–22, nabasa natin ang mensahe ng Panginoon para sa kanila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 98:19–22. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sinabi ng Panginoon tungkol sa mga Banal sa Kirtland. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

  • Paano nauugnay ang mga salita ng Panginoon tungkol sa mga Banal sa Kirtland sa sinabi Niya sa mga Banal sa Missouri? (Tingnan sa D at T 98:11.)

  • Paano naaangkop sa atin ang mensahe ng Panginoon sa talata 11? (Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na ang ibig sabihin ng “mangunyapit sa” mabuti ay hindi natitinag sa paggawa nito.)

Magtapos sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga doktrina at alituntuning tinalakay ngayon. Hikayatin ang mga estudyante na talikuran ang kanilang mga kasalanan at mangunyapit sa mabuti.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 98. Mga dahilan ng hindi pagkakasundo sa Jackson County

“Lalong tumindi ang paghihinala ng mga orihinal na nakatira sa lugar nang mabilis na dumami ang mga miyembro ng Simbahan sa Jackson County. Maraming tao ang natakot na kalaunan ay mas dumami kaysa sa kanila ang mga taong nagmula sa Silangang bahagi ng Estados Unidos na nahikayat ng kanilang relihiyon. Ang ‘mga naunang nanirahan’ doon ay iba-iba ng kalagayan kaysa sa mga nagdatingang Banal sa mga Huling Araw, at natural lamang na magkaroon ng pagkakaiba-iba sa kultura, pulitika, relihiyon, at ekonomiya.

“Ang mga residente ng Jackson County ay mababagsik at malalakas na grupo na nagmula sa bulu-bunduking rehiyon ng ilang katimugang estado hanggang sa kanluraning hangganan ng Estados Unidos para makalaya mula sa pagkontrol ng sibilisadong lipunan. Karamihan sa kanila ay hindi nakapag-aral at kulang ng kagandahang-asal na hindi karaniwan sa New England at sa Silangang Estados Unidos. Marami sa kanila ay palamura, walang paggalang sa araw ng Sabbath, nangangarera ng kabayo, nagsasabong, tamad, lasenggo, sugarol, at mararahas. …

“Itinuring ng mga naunang nanirahan doon na ang dumaraming Banal ay banta sa pulitika, bagama’t hindi tumakbo ang mga miyembro ng Simbahan para manungkulan sa pamahalaan o nagkaisa sa pagboto sa maikli nilang pananatiili sa Jackson County. Pagsapit ng Hulyo 1833, ang populasyon ng Mormon sa bayan ay halos isang libo’t dalawang daan, na nadaragdagan kada buwan. Ilang miyembro ang nagyabang na libu-libo pa ang darating para manirahan sa bayan. … Nag-alala ang mga lokal na mamamayan tungkol sa ibinadyang lilipulin ang lahat ng ‘Gentil’ (hindi Mormon) kapag naitayo na ang kahariang pang-milenyo sa Jackson County.

“Nagalit din ang mga ministrong Protestante sa pagpasok nang walang pahintulot ng mga Mormon sa bayan. Ang mga Banal sa mga Huling Araw ay itinuring na mga panatiko at kriminal at pinaratangan na mga mangmang at ignorante dahil naniniwala sila sa mga himala, propesiya, pagpapagaling, paghahayag, at pagsasalita sa iba’t ibang wika at madalas maranasan ang mga ito. Nakaragdag sa pagkapoot ng mga ministro ang pagkainggit at takot na mawala ang ilan sa kanilang miyembro. …

“Bukod pa rito, tagumpay na nakuha ng mga negosyante at nagtitindang Mormon ang bahagi ng maunlad na kalakalan sa Santa Fe Trail na dating dominado ng mga taga Missouri. Natakot ang ilan sa mga naunang nanirahan sa Missouri na determinado ang mga miyembro ng Simbahan na kunin ang kanilang mga lupain at negosyo. At ang mga Banal ‘ay hindi bumibili ng mga kalakal mula sa mga lokal na negosyante, dahil wala silang pera, ngunit nagpapalitan ng mga kalakal sa isa’t isa sa storehouse o kamalig ng Simbahan. … Ilan sa mga naunang nanirahan ay nagbenta ng kanilang ari-arian sa mga Mormon at lumipat sa ibang lugar. Nangahulugan ito ng papaunting mga kustomer sa mga tindahan, at pagkalugi sa mga darating na panahon’ para sa mga naiwan pang naunang nanirahan sa Missouri [T. Edgar Lyon, “Independence, Missouri, and the Mormons, 1827–1833,” BYU Studies, autumn 1972, 17–18].

“At ang nagpatindi pa ng problema ay noong tagsibol ng 1833 umapaw ang Missouri River, sinira ang daungan sa Independence, at iniba ang daan sa ilog palayo sa komunidad. Isang bagong bayan, sa Westport, na may mas maayos na daungan, ang itinayo nang mas malayo sa bandang itaas ng ilog, at bumagsak ang negosyo sa Independence. Ang sitwasyong ito ay isinisi ng mga negosyante sa Independence sa mga Mormon. Nakikinita ang maaaring mangyari sa hinaharap, inalok ng ilang naunang nanirahan ang mga Banal na bilhin ang lahat ng kanilang ari-arian. Gustong bilhin ng mga miyembro ng Simbahan ang mga bukirin at ari-arian, ngunit wala silang sapat na perang pambili. Nainis ang mga taga Missouri dahil dito, at di-nagtagal ay nagpakalat ng mga kasinungalingan kung gaano kahirap ang mga Mormon.

“Kinatakutan at kinapootan ng mga taga Missouri ang mga Indian. Naragdagan ang kanilang pagkapoot noong 1830s nang patirahin ng gobyerno ang mga tribo mula sa silangan sa mga lupain sa may kanluran lamang ng Independence. Matapos ang Black Hawk War noong 1832, nagpetisyon ang mga mamamayan ng kanlurang Missouri sa Kongreso na magtayo ng himpilan ng militar para sa kanilang proteksyon. Dumating ang mga unang Mormon missionary sa tensyonadong sitwasyong ito na ipinahahayag ang tadhana ng mga katutubong Amerikano ayon sa propesiya. Nangamba ang mga naunang nanirahan sa Missouri na gagamitin ng mga Banal ang mga Indian upang tulungan sila sa pagsakop sa lugar para sa kanilang Bagong Jerusalem. Lalo pang lumala ang sitwasyon dahil sa inggit ng mga ministrong Protestante sa pangangaral ng mga Banal sa mga Huling Araw sa mga Indian.

“Ang hindi pagkakasundo ng mga Banal at naunang nanirahan sa Missouri ay lalong tumindi sa isyu tungkol sa pang-aalipin. Naging bahagi ng Estados Unidos ang Missouri kung saan legal ang pang-aalipin sa ilalim ng popular na Compromise noong 1820. Gayunpaman, nalimitahan ang pagkakaroon ng alipin. Pinanghawakan ng mga unang nanirahan sa Missouri ang kanilang karapatan na magkaroon ng alipin at hindi nila gustong alisin ito. Taglay ng ilan sa mga Banal ang damdamin o opinyon ng mga pabor sa pag-alis ng pang-aalipin mula sa Hilaga at Silangan, at ang takot sa posibilidad na maghimagsik ang mga itim na alipin ay lumaganap sa iba’t ibang bahagi ng Timog sa panahong ito. Ang paghihimagsik ng mga alipin sa pamumuno ni Nat Turner noong 1831 sa Virginia ay humantong sa pagkamatay ng mahigit pitumpung puti at isandaang alipin. Lumaganap ang takot sa paghihimagsik nang walang batayan sa mga estado na may mga alipin. Sa gayon, labis na nabalisa ang mga taga Missouri sa mga unang araw ng 1832 ng mga bali-balita na tangkang udyukan ng mga Banal ang mga alipin na suwayin ang kanilang mga amo o tumakas.

“Upang agad mapigilan ang pagkalat ng ganitong balita, naglathala ng artikulo ang Evening and Morning Star noong Hulyo 1833 na nagbibigay ng babala sa mga missionary sa pangangaral sa mga alipin at sa mga dating alipin na kilala bilang ‘free people of color.’ Ang nakalulungkot ay inakala ng mga lokal na taga Missouri na ang ibig sabihin ng payong ito ay inaanyayahan ni Brother Phelps ang malalayang itim na sumapi sa mga Mormon sa Jackson County. Nagbunga ng pagkapoot ang artikulo kaya’t naglathala si Phelps ng ‘Extra’ na nagpapaliwanag na walang intensyon ang Simbahan na anyayahan ang malalayang itim sa Missouri, ngunit walang nangyari sa paliwanag niyang ito” (Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 130–32).