Seminary
Lesson 27: Doktrina at mga Tipan 20:38–67


Lesson 27

Doktrina at mga Tipan 20:38–67

Pambungad

Sa paghahayag kay Propetang Joseph Smith na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 20, iniutos ng Panginoon na itatag ng Abril 6, 1830 ang Kanyang ipinanumbalik na Simbahan. Nagbigay rin Siya ng mga tagubilin tungkol sa pamamahala ng Kanyang Simbahan, kabilang na ang paliwanag tungkol sa iba’t ibang katungkulan sa priesthood at ang tungkulin ng mga may hawak ng mga katungkulang iyon. Kapag naitatag na ang mga katungkulang ito, matatanggap na ng mga anak ng Ama sa Langit ang mga ordenansa ng priesthood at makagagawa na sila ng mga tipan.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 20:38–59

Ang mga responsibilidad ng mga katungkulan sa priesthood ay inilahad

Bago magklase, isulat sa pisara ang mga sumusunod: mangaral. magturo, magpaliwanag, magbabala, at mag-anyaya sa lahat na lumapit kay Cristo

Sa simula ng klase, patingnan ang mga salita sa pisara at itanong ang sumusunod:

  • Sino ang may responsibilidad sa mga ito?

Maaaring ipaliwanag ng mga estudyante na ang mga propeta, apostol, iba pang mga lider ng Simbahan, at ang mga full-time missionary ay may ganitong mga responsibilidad. Maaari din nilang bigyang-diin na ito ang mga tungkuling maisasagawa ng lahat ng maytaglay ng priesthood, kabilang na ang mga maytaglay ng Aaronic Priesthood. Kung hindi nila binanggit ang mga maytaglay ng Aaronic Priesthood, ikaw na ang magbanggit ng katotohanang ito. Bigyang-diin na ang mga maytaglay ng Aaronic Priesthood sa inyong klase ay pinagkatiwalaan ng mahahalagang pagkakataong maglingkod.

Hatiin ang klase sa tatlong grupo. Ipaliwanag na kaugnay ng pagtatatag ng Simbahan, ipinahayag ng Panginoon kay Joseph Smith ang marami sa mga tungkulin ng mga maytaglay ng priesthood. Sabihin sa isang grupo na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 20:38–45 at alamin ang mga tungkulin ng mga elder. Sabihin sa pangalawang grupo na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 20:46–52 at alamin ang mga tungkulin ng mga priest. Sabihin sa pangatlong grupo na pag-aralan ang Doktrina at mga Tipan 20:53–59 at alamin ang mga tungkulin ng mga teacher at deacon. Habang nag-aaral sila, isulat ang sumusunod sa itaas ng pisara:

Mga Elder

Mga Priest

Mga Teacher at mga Deacon

D at T 20:38–45

D at T 20:46–52

D at T 20:53–59

Matapos ang sapat na oras, papuntahin sa pisara ang isa o dalawang kinatawan mula sa bawat grupo at ipasulat ang mga tungkulin ng katungkulan o mga katungkulan na pinag-aralan nila.

  • Ano ang mga pagkakaibang napansin ninyo sa mga tungkulin ng mga elder, priest, teacher, at deacon? Anong mga pagkakatulad ang nakita ninyo?

  • Anong katungkulan ang may awtoridad na magbigay ng kaloob na Espiritu Santo? (Elder; tingnan sa talata 41.) Aling mga katungkulan ang may awtoridad na mangasiwa ng sakramento? (Elder at priest; tingnan sa mga talata 40 at 46.) Aling mga katungkulan ang may awtoridad na mag-orden ng mga priest, teacher, at deacon? (Elder at priest; tingnan sa mga talata 39 at 48.) Aling mga katungkulan ang may awtoridad na magpaliwanag, maghikayat, at magturo? (Elder, priest, teacher, at deacon; tingnan sa mga talata 42, 46, at 59.)

  • Anong mga katotohanan ang malalaman natin tungkol sa mga katungkulan sa priesthood kapag pinagkumpara ang kanilang mga tungkulin?

Maaaring iba-iba ang matukoy na mga alituntunin ng mga estudyante, ngunit tiyaking mabigyang-diin ang sumusunod:

Sa pagtanggap ng mga anak na lalaki ng Ama sa Langit ng nakatataas na mga katungkulan sa priesthood, tumatanggap sila ng mas maraming responsibilidad at pagkakataong maglingkod sa iba.

Kapag ang isang maytaglay ng priesthood ay inorden sa karagdagang katungkulan sa priesthood, nasa kanya pa rin ang nakabababang katungkulan at ang mga kaakibat na responsibilidad.

Lahat ng maytaglay ng priesthood ay may responsibilidad na magsagawa ng mga ordenansa at pangalagaan ang mga miyembro ng Simbahan at paglingkuran sila.

Matapos mong tulungan ang mga estudyante na matukoy ang huling katotohanan na nakasaad sa itaas, isulat ito sa pisara sa ilalim ng mga responsibilidad sa priesthood.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang mga responsibilidad ng mga maytaglay ng priesthood, patingnan sa kanila ang listahan sa pisara at itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang ilang paraan na magagawa ng mga maytaglay ng Aaronic Priesthood na “pangalagaan ang simbahan” at “makapiling at palakasin sila”? (Maaaring kabilang sa mga halimbawa ang home teaching, pagkalinga sa mga maralita at nangangailangan, pangangalaga sa meetinghouse at bakuran nito, at paggawa ng iba pang mga iaatas ng bishop at mga lider ng korum.)

  • Ano ang ilang paraan na magagawa ng mga maytaglay ng Aaronic Priesthood na “mag-anyaya sa lahat na lumapit kay Cristo”?

Habang tinatalakay ng mga miyembro ng klase ang tanong na ito, maaari mong ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na payo:

“Kung kayo ay maytaglay ng priesthood, tandaan na dapat maging bahagi ninyo ang priesthood sa lahat ng oras at sa lahat ng sitwasyon. Hindi ito parang balabal na masusuot at mahuhubad ninyo kung kailan ninyo gusto. Anumang ordenasyon sa isang katungkulan sa priesthood ay isang tawag na maglingkod habambuhay, na may kaakibat na pangakong [gagawin kayong marapat] ng Panginoon na gawin ang Kanyang gawain ayon sa inyong katapatan.

“Dapat kayong maging karapat-dapat na matanggap at magamit ang kapangyarihan ng priesthood. Makaaapekto ang mga salitang sinasambit ninyo at ang inaasal ninyo sa araw-araw sa kakayahan ninyong maglingkod. Hindi kayo dapat magpakita ng maling asal sa publiko. Mas mahalaga pa nga ang inyong tagong pag-uugali” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 203–4).

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, at ipabasa ito nang malakas sa isang estudyante. (Ang pahayag na ito ay matatagpuan sa “Igalang ang Priesthood at Gamitin Itong Mabuti,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 46.) Maaari mong sabihin sa mga estudyante na isulat ito sa margin ng kanilang banal na kasulatan sa Doktrina at mga Tipan 20 o sa kanilang class notebook o scripture study journal.

“Ang layunin ng awtoridad ng priesthood ay magbigay, magsilbi, magpasigla, magbigay inspirasyon” (Elder Richard G. Scott).

Sabihin sa mga estudyante na ikuwento ang mga pagkakataong nakakita sila ng mga maytaglay ng priesthood na nagbibigay, naglilingkod, nagpapasigla, at nagbibigay-inspirasyon. Maaari mong idagdag ang iyong sariling mga obserbasyon.

Bilang bahagi ng talakayang ito, ipaliwanag na bagama’t ang paghahayag sa Doktrina at mga Tipan 20 ay tungkol sa mga maytaglay ng priesthood, lahat ng miyembro ng Simbahan ay may responsibilidad at pribilehiyo na maglingkod sa iba. Ang mga kabataang babae ay maraming pagkakataong maglingkod. Ilan sa kanila ay maaaring magpasiyang magmisyon, at balang araw ay may pribilehiyo na maging miyembro ng Relief Society, at “kasabay silang gumagawa ng kalalakihang maytaglay ng priesthood upang mapag-ibayo ang pananampalataya at sariling kabutihan, mapalakas ang mga pamilya at tahanan, at mahanap at matulungan ang mga nangangailangan” (Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society [2011], 8).

Bigyan ng ilang sandali ang mga estudyante na isulat ang natutuhan nila mula sa Doktrina at mga Tipan 20:38–59. Hikayatin ang mga kabataang lalaki na magsulat ng isang mithiin na tutulong sa kanila na tapat na pangalagaan at palakasin ang mga miyembro ng Simbahan. Maaari itong gawin bilang bahagi ng kanilang mga ginagawa sa Tungkulin sa Diyos.

Doktrina at mga Tipan 20:60–67

Ibinigay ang mga tuntunin sa mga ordenasyon ng priesthood

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 20:60, at sabihin sa klase na alamin ang ginagampanan ng Espiritu Santo kapag inoordenan ang isang tao sa katungkulan sa priesthood.

Sabihin sa mga estudyante na itaas ang kanilang mga kamay kung nakakita na sila ng inordenan sa priesthood o inordenan sila sa katungkulan sa priesthood. Anyayahan ang ilan sa mga nagtaas ng kamay na ibahagi ang kanilang mga karanasan at anumang nadama nila habang inoordenan. Maaari mong itanong ang sumusunod:

  • Paano naging bahagi ng ordenasyon ang Espiritu Santo?

Isulat sa pisara ang sumusunod na pahayag: Kailangan ng mga maytaglay ng Priesthood ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa pagganap nila ng kanilang mga tungkulin.

Upang matulungan ang mga kabataang lalaki na sikaping maging karapat-dapat sa paggawa ng mga ordenansa ng priesthood, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Pangulong Boyd K. Packer

“Ang inyong awtoridad ay nagmumula sa inyong ordinasyon; ang inyong kapangyarihan ay nagmumula sa inyong pagsunod at pagkamarapat. …

“Ang kapangyarihan ng priesthood ay nagmumula sa paggawa ng inyong tungkulin sa mga karaniwang bagay: pagdalo sa mga pulong, pagtanggap ng mga gawain, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagsunod sa Word of Wisdom” (“The Aaronic Priesthood,” Ensign, Nob. 1981, 32–33).

Sabihin sa mga kabataang lalaki na isipin nang may panalangin kung ano ang ipagagawa sa kanila ng Panginoon upang madama nila ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa pagganap ng kanilang mga tungkulin sa kasalukuyan at sa hinaharap. Bigyang-diin na may mahahalagang responsibilidad din sa Simbahan ang mga kabataang babae. Sabihin sa kanila na isipin kung ano ang ipagagawa sa kanila ng Panginoon upang madama nila ang kapangyarihan ng Espiritu Santo sa pagganap nila ng mga tungkuling iyon.

Maaari mong ipaliwanag na binanggit sa Doktrina at mga Tipan 20:61–63 ang ilan sa mga layunin ng pagdaraos ng mga kumperensya sa Simbahan, tulad ng hayagang pangangasiwa sa gawain ng Simbahan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 20:65. Ipaliwanag na sa talatang ito, ang salitang boto ay tumutukoy sa boto ng pagsang-ayon na tinatanggap ng isang tao bago maordena sa isang katungkulan sa priesthood. Sabihin sa mga kabataang lalaki sa klase na gunitain ang huling pagkakataon na sinang-ayunan sila ng mga miyembro ng kanilang ward o branch upang maordena sa katungkulan sa priesthood.

  • Ano ang nadama ninyo nang makita ninyong sinang-ayunan ng mga miyembro ng inyong ward (o branch) ang inyong ordenasyon? Paano makatutulong sa paglilingkod ninyo sa priesthood ang pag-alaala sa kanilang boto ng pagsang-ayon? (Maaaring kasama sa sagot na mas madarama nilang dapat nilang paglingkuran ang ward at susuportahan sila ng mga miyembro ng ward.)

Maaari mong sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung bakit nagpapasalamat sila para sa awtoridad ng priesthood. Ibahagi rin ang iyong patotoo tungkol sa mga katotohanang tinalakay sa lesson.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga tipan 20:42. Pangangalaga sa Simbahan

Patungkol sa pinakalayunin ng priesthood, sinabi ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan:

Larawan
Pangulong James E. Faust

“Ang pagmamalasakit sa kapwa ang pinakadiwa ng responsibilidad ng priesthood. Ito ang kapangyarihang magbasbas, magpagaling, at mangasiwa ng mga nakapagliligtas na ordenansa ng ebanghelyo” (“Power of the Priesthood,” Ensign, Mayo 1997, 41).

Nagsalita si Elder W. Grant Bangerter ng Pitumpu tungkol sa mga nagtataglay ng priesthood bilang “mangangaral” na nangangalaga sa mga miyembro ng Simbahan:

Larawan
Elder W. Grant Bangerter

“Sa loob ng ilang taon, nagkaroon ako ng pribilehiyo na personal na matuto mula kay Pangulong Marion G. Romney, na nagturo sa amin kung ano ang ‘konstitusyon ng Simbahan’—iyon ay ang paghahayag na ibinigay noong itatag ang Simbahan kung saan inilahad ng Panginoon ang dapat na mga pamamaraan sa pamamahala nito. Ang mga elder, ayon sa bahagi 20 ng Doktrina at mga Tipan, katuwang ang mga nakabababang priesthood, ay dapat ‘pangalagaan ang Simbahan.’ (Mga talata 42, 53.) Bahagi ng ‘pangangalagang’ iyan ay nagagawa sa pagbisita sa mga tahanan ng mga miyembro at pagtagubilin sa kanila na gawin ang kanilang tungkulin. Sa isa pang paghahayag, partikular na binanggit ang mga korum ng mga elder bilang ‘mga tumatayong mangangaral.’ (D at T 124:137.) Ang mga maytaglay ng Aaronic Priesthood ay tinatawag ding ‘mga tumatayong mangangaral.’ (D at T 84:111.) “The Priesthood of Aaron,” Ensign, Nob. 1975, 69).

Ikinuwento ni Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan ang sumusunod na kuwento tungkol sa isang batang maytaglay ng priesthood na tinulungan at pinalakas ang isang kapitbahay na nangangailangan:

Larawan
Pangulong James E. Faust

“Ilang taon na ang nakararaan nagpasiya ang isang korum ng mga priest na mag-ipon ng pagkain para sa mga nangangailangan bilang proyekto nila sa paglilingkod. Natuwa si Jim, isa sa mga priest, na makasali at nagpasiyang mangolekta ng mas maraming pagkain kaysa iba. Dumating ang oras na nagkita-kita sa chapel ang mga priest. Sabay-sabay silang lumabas at nagbalik sa takdang oras kinagabihan. Sa gulat ng lahat, walang laman ang kariton ni Jim. Parang malungkot siya, at pinagkatuwaan siya ng ilang bata. …

“… Nang nasa labas na sila, tinanong ng adviser si Jim kung napikon siya. Sabi ni Jim, ‘Hindi naman po. Pero nang lumabas ako para mangolekta ng pagkain, marami talaga akong nahanap. Napuno ang kariton ko. Nang pabalik na ako sa chapel, tumigil ako sa bahay ng isang babaeng hindi miyembro na diborsiyada at nakatira sa lugar na sakop ng ating ward. Kumatok ako sa pintuan at ipinaliwanag kung ano ang ginagawa namin, at pinapasok niya ako. Sinimulan niyang maghanap ng isang bagay na ibinibigay sa akin. Binuksan niya ang refrigerator, at nakita kong halos walang laman ito. Walang laman ang mga paminggalan. Bandang huli, nakakita siya ng maliit na lata ng peaches.’

“‘Hindi ako makapaniwala. Narito ang maliliit na batang nagtatakbuhan sa paligid at kailangang pakainin, at iniabot niya sa akin ang lata ng peaches. Kinuha ko iyon at inilagay sa aking kariton at umalis na. Nangangalahati na ako sa kalye nang madama ko na kailangan kong bumalik sa bahay na iyon. Ibinigay ko sa kanya ang lahat ng pagkain.’

“Sabi ng adviser, ‘Jim, huwag mong kalimutan kailanman ang nadama mo ngayong gabi, dahil ang ginawa mo ang siyang dahilan ng lahat ng ito.’ Natikman ni Jim ang di-makasariling paglilingkod na nagpapalakas sa espirituwalidad” (“Mga Espirituwal na Sustansya,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 54).

Doktrina at mga Tipan 20:46. “Ang tungkulin ng saserdote [priest] ay mangaral, magturo, magpaliwanag, manghikayat, at magbinyag, at pangasiwaan ang sakramento”

Larawan
Pangulong Wilford Woodruff

Sinabi ni Pangulong Wilford Woodruff: “Naglakbay ako nang libu-libong milya at nangaral ng Ebanghelyo bilang Priest, at, tulad ng sinabi ko noon sa kongregasyon, ang Panginoon ay nagpalakas sa akin at ipinaalam ang Kanyang kapangyarihan sa pagprotekta ng aking buhay nang labis noong hawak ko ang katungkulang iyon gaya ng ginawa Niya noong hawak ko ang katungkulan ng Apostol. Tinutulungan ng Panginoon ang sinumang maytaglay ng Priesthood, siya man ay Priest, Elder, Pitumpu, o Apostol, kung ginagampanan niyang mabuti ang kanyang tungkulin” (Deseret Weekly, Nob. 7, 1896, 641). (Tingnan din sa Boyd K. Packer, “The Aaronic Priesthood,” Ensign, Nob. 1981, 33.)

Doktrina at mga Tipan 20:60–67. Wastong ordenasyon sa priesthood

Binigyang-diin ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang wastong ordenasyon sa priesthood ay napakahalaga sa Panginoon:

Larawan
Pangulong Boyd K. Packer

“Matatanggap lamang ninyo ang priesthood mula sa isang may awtoridad at ‘alam sa Simbahan na mayroon siyang awtoridad.’ (D at T 42:11.)

“Ang priesthood ay hindi maaaring ipagkaloob na tulad ng diploma. Hindi ito maaaring iabot sa inyo bilang sertipiko. Hindi ito maaaring ipahatid sa inyo bilang mensahe o ipadala sa inyo sa sulat. Nakukuha lamang ito sa pamamagitan ng wastong ordenasyon. Kailangan ay may isang awtorisadong maytaglay ng priesthood doon. Dapat niyang ilagay ang kanyang mga kamay sa inyong ulo at ordenan kayo.

“Iyan ang isang dahilan kung bakit ang mga General Authority ay madalas naglalakbay—para ipagkaloob ang mga susi ng awtoridad ng priesthood. Bawat stake president sa lahat ng dako sa mundo ay tumanggap ng kanyang awtoridad sa ilalim ng kamay ng isa sa mga namumunong kapatid sa Simbahan. Walang eksepsyon dito noon pa man.

“Tandaan ang mga bagay na ito. Ang priesthood ay napakahalaga sa Panginoon. Napakaingat Niya sa paraan ng paggawad nito, at kung sino ang naggawad. Hindi ito ginagawa nang palihim kailan man” (“The Aaronic Priesthood,” Ensign, Nob. 1981, 32).