Seminary
Lesson 159: Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo


Lesson 159

Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo

Pambungad

Noong Setyembre 23, 1995, sa pangkalahatang pulong ng Relief Society, ipinaalam ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Ang pagpapahayag na ito na mula sa Unang Panguluhan at sa Korum ng Labindalawang Apostol ay nagdedeklara sa mundo ng mga pamantayan at doktrina ng Panginoon hinggil sa pamilya. Nagbibigay din ang pagpapahayag na ito ng payo sa pagpapalakas ng pamilya at babala tungkol sa mga epekto ng pagkakawatak-watak ng pamilya.

Paalala: Tiyakin na bawat estudyante ay may kopya ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Ang dokumentong ito ay matatagpuan sa pahina 129 ng Nobyembre 2010 na isyu ng Ensign o Liahona, sa mga buklet na Tungkulin sa Diyos at Pansariling Pag-unlad sa Tapat sa Pananampalataya sa ilalim ng “Pamilya,” at sa LDS.org. Makakakita ka rin ng kopya ng pagpapahayag tungkol sa pamilya sa apendiks ng manwal na ito.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Naglabas ang Unang Panguluhan at ang Korum ng Labindalawang Apostol ng pagpapahayag sa mundo hinggil sa pamilya

Bago magklase, isulat sa pisara ang mga sumusunod na salita at parirala:

Ang kahalagahan ng kasal at pamilya

Diborsyo

Pagpapakasal ng dalawang taong magkapareho ang kasarian

Kasarian

Pagkakaroon ng mga anak

Seksuwal na relasyon ng dalawang taong hindi kasal

Mga tungkuling ginagampanan ng mga ina

Mga tungkuling ginagampanan ng mga ama

Aborsyon [Pagpapalaglag]

Simulan ang klase sa pagtatanong ng mga sumusunod:

  • Itaas ang mga kamay ng sinuman sa inyo na may mga tanong o may kakilala na may mga tanong tungkol sa isa o mahigit pa sa mga isyu na nasa pisara.

  • Saan natin makikita ang mga instruksyon ng Panginoon sa mga paksang ito?

Magpamahagi ng mga kopya ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo” sa bawat estudyante. (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na lagyan ng bilang ang mga talata sa pagpapahayag para mas madali silang makasunod kapag tinutukoy mo ang iba’t ibang talata.) Ipaliwanag na ipinaalam ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang pagpapahayag na ito noong Setyembre 23, 1995, sa isang pangkalahatang miting ng Relief Society. Bago ito basahin ni Pangulong Hinckley, sinabi niya ang ilan sa mga dahilan kung bakit kailangan ng mundo ang mga katotohanang nakapaloob dito. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Hinckley. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga dahilan kung bakit kailangan ng mundo ang pagpapahayag na ito.

Larawan
Pangulong Gordon B. Hinckley

“Dahil sa dami ng tusong pangangatwiran na ipinapasa bilang katotohanan, dahil sa dami ng panlilinlang na may kinalaman sa mga pamantayan at pinahahalagahan, dahil sa dami ng pang-aakit at panggaganyak na gawin ang mga kasalanang unti-unting lumalaganap sa mundo, nadama namin na kailangan kayong bigyang-babala bago mangyari iyon. Bilang karagdagan dito, kami ng Unang Panguluhan at ng Kapulungan ng Labindalawang Apostol ay nagpalabas ngayon ng isang pagpapahayag sa Simbahan at sa mundo upang ilahad at muling pagtibayin ang mga pamantayan, doktrina, at gawaing may kinalaman sa pamilya na paulit-ulit na binabanggit ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag ng simbahang ito sa buong kasaysayan nito” (“Stand Strong against the Wiles of the World,” Ensign, Nob. 1995, 100).

  • Bakit inilabas ang pagpapahayag na ito sa Simbahan at sa mundo?

Ipaliwanag na kapag pinag-aralan natin ang “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” matatanggap natin ang mga sagot sa maraming tanong tungkol sa pamilya. Upang matulungan ang mga estudyante na matukoy ang mga doktrina na tutulong sa kanila na mas malinaw na maunawaan ang mga paksang nakalista sa pisara, sabihin sa limang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng mga talata 1–5 ng pagpapahayag. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga doktrinang kaugnay ng mga paksa sa pisara. Tumigil pagkatapos basahin ang bawat talata para may oras ang mga estudyante na maibahagi ang nalaman nila. Sabihin sa mga estudyante na markahan ang mga doktrinang makikita nila sa kanilang mga kopya ng pagpapahayag tungkol sa pamilya.

Sa pagrereport ng mga estudyante, sabihin sa kanila na isulat sa pisara ang mga doktrinang natukoy nila. Maaaring matukoy at maisulat ng mga estudyante ang mga sumusunod na doktrina:

Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay inorden ng Diyos [talata 1].

Ang mag-anak ang sentro ng plano ng Ama sa Langit [talata 1].

Ang kasarian ay mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago pa ang buhay niya sa mundo, sa buhay niyang mortal, at sa walang hanggan [talata 2].

Ang plano ng kaligayahan ang nagpapahintulot sa mga ugnayan ng mag-anak na magpatuloy sa kabilang buhay [talata 3].

Ang kautusan ng Diyos sa mag-asawa na magkaroon ng mga anak ay nananatiling may bisa [talata 4].

Ipinag-utos ng Diyos na ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas [talata 4].

Ang paglikha ng mortal na buhay ay sagrado at mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit [mga talata 3 at 5].

Habang inilalahad ng mga estudyante ang bawat doktrinang natukoy nila, gamitin ang isa o mahigit pa na follow-up na tanong sa ibaba para matulungan sila na mas maunawaan ang doktrina.

  • Paano nauugnay ang doktrinang ito sa mga paksang nakalista sa pisara?

  • Sa palagay ninyo, bakit mahalagang maunawaan ang doktrinang ito?

  • Paano makakaimpluwensya ang pag-unawa at paniniwala sa doktrinang ito sa mga pagpapasiyang ginagawa ninyo?

Kung hindi nabanggit ng mga estudyante ang alinman sa mga doktrina na nakalista sa itaas, tulungan ang mga estudyante na hanapin at talakayin ang mga ito.

Ang pagpapahayag tungkol sa pamilya ay tumutulong sa atin na bumuo ng matatagumpay na pamilya

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung anong klaseng pamilya ang gusto nilang magkaroon balang araw.

  • Sa inyong palagay, anong uri ng mga aktibidad, katangian, pag-uugali, at paniniwala ang magdudulot ng kaligayahan sa inyong magiging pamilya?

Hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo. Ipabasa nang malakas at sabay-sabay sa bawat grupo ang mga talata 6–7 ng pagpapahayag tungkol sa pamilya. Sabihin sa kanila na alamin ang mga bagay na makatutulong sa kanila na makamit ang kaligayahan sa kanilang pamilya. Matapos ang sapat na oras, itanong ang mga sumusunod sa buong klase:

  • Sa paanong paraan lalong higit na makakamit ang kaligayahan sa pamilya? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Ang kaligayahan sa buhay ng pamilya ay lalong higit na makakamit kapag isinalig sa mga turo ng Panginoong Jesucristo. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang alituntuning ito sa kanilang kopya ng pagpapahayag tungkol sa pamilya.)

  • Ayon sa mga talata 6 at 7, ano ang ilang alituntunin na nakatutulong sa mga pamilya na makamit ang kaligayahan? (Maaari mong ipasulat sa isang estudyante ang mga sagot ng mga estudyante sa pisara.)

Sabihin sa mga estudyante na talakayin ang mga sumusunod na tanong sa mga grupo nila. Bigyan ang bawat grupo ng isang kopya ng mga tanong, o isulat sa pisara ang mga tanong.

Anong mga halimbawa ang nakita ninyo sa mga pamilya na sumusunod sa mga turo na nakalista sa pisara?

Sa inyong palagay, bakit mas malamang na masaya ang mga pamilyang sumusunod sa mga turong ito?

Paalala: Dahil likas na sensitibo ang mga ugnayang may kinalaman sa pamilya, huwag sabihin sa mga estudyante na talakayin nang malakas ang sumusunod na aktibidad. Sa halip, hikayatin ang mga estudyante na isipin sa sarili ang mga turong ito at paano nila pagbubutihin ang pagpapamuhay nito.

Matapos matalakay ng mga grupo ang mga tanong, sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung alin sa mga turong ito ang ipinamumuhay nila sa kanilang pamilya at paano mas napasaya ang pamilya nila dahil sa paggawa rito. Sabihin sa mga estudyante na isipin kung alin sa mga turo sa pagpapahayag ang mas maipamumuhay nila nang mabuti para higit na mapasaya ang kanilang sarili at ang kanilang pamilya. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na magsulat ng mithiin tungkol sa kung paano nila planong ipamuhay nang mas mabuti ang mga turong ito sa kanilang mga pamilya.

Kung may oras pa, pumili ng isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong na tatalakayin sa klase:

  • Ayon sa huling kalahating bahagi ng talata 7, ano ang mga responsibilidad ng mga ama? Sa anong mga paraan ninyo nakikita ang inyong mga ama o ibang mga ama na ginagampanan ang mga responsibilidad na ito?

  • Ayon sa huling kalahating bahagi ng talata 7, ano ang pangunahing reponsibilidad ng mga ina? Sa anong mga paraan ninyo nakikita ang inyong ina o ibang mga ina na ginagampanan ang mga responsibilidad na ito?

  • Ano ang ibig sabihin na ang mga responsibilidad na ito ay ibinigay ayon “sa plano ng Diyos”? (Ito ay itinalaga ng ating Ama sa Langit.) Sa inyong palagay, bakit mahalagang maunawaan ito?

  • Aling mga parirala sa talata 7 ang makatutulong sa atin na maunawaan kung paano dapat magtulungan ang ama at ina? (Dapat matukoy ng mga estudyante ang sumusunod na alituntunin: Ang mga ama at mga ina ay may pananagutang magtulungan bilang magkasama na may pantay na pananagutan sa kanilang mga responsibilidad sa pamilya.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang malaman ng mga ina at mga ama na magkasama sila na may pantay na pananagutan?

Sabihin sa mga estudyante na ibahagi kung paano nila nakitang nagtutulungan ang mga ina at mga ama bilang magkasama na may pantay na pananagutan.

Habang tinatalakay ng mga estudyante na kailangang suportahan ng mga ama at mga ina ang isa’t isa, maaari mong ituon ang pansin nila sa kasunod na pangungusap sa bandang katapusan ng talata 7: “Ang pagkakaroon ng kapansanan, ang kamatayan, o iba pang kalagayan ay maaaring magpabago sa mga takdang tungkulin ng bawat isa sa pagkalinga sa mag-anak.” Tiyakin sa mga estudyante na alam ng Panginoon ang mga kalagayang ito at Kanyang pinagpapala ang mga magulang at pamilya na nagsisikap na gampanan ang kanilang mga obligasyon.

  • Ayon sa huling pangungusap ng talata 7, sino pa ang makatutulong sa mga ina at mga ama sa kanilang mga responsibilidad? (Ang mga kamag-anak. Maaari mo ring banggitin na makatutulong din ang mga anak sa kanilang mga magulang.)

Ipaliwanag na bawat pamilya ay may sariling mga problema ngunit maipamumuhay ng bawat pamilya ang mga turo ni Jesucristo at magiging maligaya.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang mga talata 8 at 9 ng pagpapahayag tungkol sa pamilya. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang mangyayari kung hindi natin gagampanan ang mga responsibidad natin sa ating mga pamilya.

  • Ano ang mangyayari kung pababayaan natin ang mga responsibilidad natin sa pamilya? (Dapat masabi ng mga estudyante na pananagutin tayo ng Panginoon kung hindi natin gagampanan ang mga responsibilidad natin sa ating mga pamilya. Maaari din nilang ilahad na ang pagkawatak-watak ng pamilya ay magdudulot ng kapahamakan.)

  • Sa inyong palagay, ano ang mga responsibilidad ng mga anak sa pamilya?

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung paano nila nagagampanan ang kanilang mga responsibilidad sa kanilang mga pamilya. Kung sinabi mo sa kanila na magsulat sila ng isang mithiin para mas maipamuhay sa kanilang pamilya ang isang turo mula sa pagpapahayag tungkol sa pamilya, hikayatin silang humingi ng tulong sa Panginoon habang sinisikap nilang isagawa ang kanilang mga mithiin.

Tapusin ang lesson sa pag-anyaya sa ilang estudyante na magpatotoo sa alinman sa mga katotohanang itinuro sa lesson na ito. Maaari mo ring ibahagi ang iyong patotoo tungkol sa mga doktrina at alituntunin sa pagpapahayag tungkol sa pamilya.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae

Binabanggit ang dalawang sipi mula sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit mahalaga ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae sa plano ng Ama sa Langit:

Larawan
Elder David A. Bednar

“Ang matwid na pag-aasawa ay isang kautusan at mahalagang hakbang sa paglikha ng magiliw na ugnayan ng pamilya na maaaring magpatuloy sa kabilang-buhay.

“May dalawang nakahihikayat na dahilan ng doktrina na nakatutulong sa atin na maunawaan kung bakit ang walang-hanggang kasal ay mahalaga sa plano ng Ama.

“Unang dahilan: Ang likas na pagkatao ng mga espiritu ng lalaki at babae ay ginagawang kumpleto at perpekto ang isa’t isa, kaya nga, ang kalalakihan at kababaihan ay nilayong umunlad na magkasama tungo sa kadakilaan.

“Ang kawalang-hanggan at kahalagahan ng kasal ay lubos na mauunawaan lamang sa loob ng pinakapangunahing konteksto ng plano ng Ama sa Kanyang mga anak. …

“‘Ang kasarian ay mahalagang katangian ng pagkakakilanlan at layunin ng isang tao sa kanyang buhay bago pa ang buhay niya sa mundo, sa buhay niyang mortal, at sa walang hanggan’ at may malaking kinalaman sa paliwanag sa kung sino tayo, bakit tayo narito sa lupa, at ano ang dapat nating gawin at kahinatnan. Dahil sa mga banal na layunin, ang espiritu ng mga lalaki at mga babae ay magkaiba, natatangi, at magkabagay.

“Matapos likhain ang mundo, si Adan ay inilagay sa Halamanan ng Eden. Gayunman, napakahalaga ng sinabi ng Diyos na ‘hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa’ (Genesis 2:18; Moises 3:18), at si Eva ang naging asawa at katuwang ni Adan. Ang natatanging kombinasyon ng espirituwal, pisikal, mental, at emosyonal na mga kakayahan kapwa ng mga lalaki at babae ay kinailangan para maisakatuparan ang plano ng kaligayahan. Hindi matutupad ng lalaki o babae ang mga layunin ng kanyang pagkakalikha nang mag-isa.

“Sa banal na plano, ang mga lalaki’t babae ay nilayong umunlad na magkasama tungo sa kaganapan at puspos na kaluwalhatian. Dahil sa magkaiba nilang mga pag-uugali at kakayahan, hatid ng mga lalaki’t babae sa pagsasama nila ang mga natatanging pananaw at karanasan. Magkaiba ngunit magkapantay ang ambag ng lalaki at babae tungo sa pagkakaisa na hindi makakamit sa ibang paraan. Ang lalaki ay kukumpletuhin at ginagawang ganap ang babae at ang babae ay kukumpletuhin at ginagawang ganap ang lalaki habang natututo sila sa isa’t isa at parehong napapalakas at napagpapala ang bawat isa. ‘Ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon’ (I Mga Taga Corinto 11:11; idinagdag ang pagbibigay-diin).

“Pangalawang dahilan: Sa plano ng Diyos, kailangan kapwa ang lalaki at babae upang iluwal ang mga anak sa mundo at mailaan ang pinakamabuting lugar para sa pagpapalaki at pangangalaga sa mga anak.

“Ang utos na ibinigay noong araw kina Adan at Eva na magpakarami at kalatan ang lupa ay nananatiling may bisa ngayon. ‘Ipinag-utos ng Diyos na ang banal na kapangyarihang lumikha ng bata ay nararapat lamang gawin ng lalaki at babae na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas. … Ang paraan ng paglikha ng mortal na buhay ay itinakda ng Diyos.’ Kaya nga, ang kasal ng isang lalaki at isang babae ang tamang pamamaraan kung saan papasok sa mortalidad ang mga premortal na espiritu. Ang hindi pakikipagtalik bago ikasal at lubusang katapatan kapag kasal na ang nagpoprotekta sa kabanalan ng sagradong pamamaraang ito.

“Ang tahanang may mapagmahal at tapat na mag-asawa ang pinakamainam na lugar kung saan mapapalaki ang mga anak sa pagmamahal at kabutihan at kung saan matutugunan ang espirituwal at pisikal na pangangailangan ng mga bata. Tulad ng mga magkakaibang katangian ng mga lalaki at babae na nakatutulong sa pagiging kumpleto ng pagsasama ng mag-asawa, ang mga katangian ding iyon ay mahalaga sa pagpapalaki, pangangalaga, at pagtuturo ng mga anak” (“Marriage Is Essential to His Eternal Plan,” Ensign, Hunyo 2006, 82–84).

Ang pananaw ng Simbahan sa pagpapakasal ng dalawang taong magkapareho ang kasarian

“Magkaiba ang pananaw ng Simbahan ukol sa atraksyon sa kapwa babae o kapwa lalaki at sa kilos o pag-uugali na alinsunod dito. Bagama’t ang pagkaakit sa kapwa babae o kapwa lalaki ay hindi naman kasalanan, ang gawaing homoseksuwal ay salungat sa ‘alituntunin ng doktrina, na nakabatay sa sagradong banal na kasulatan … na ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay kailangan at mahalaga sa plano ng Manlilikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak’ [“First Presidency Statement on Same-Gender Marriage”].

“Dahil naniniwala ang Simbahan na ang sagradong kapangyarihan na magkaroon ng anak ay ‘dapat lamang gamitin sa pagitan ng isang lalaki at isang babae na ikinasal ayon sa batas bilang mag-asawa, … ang iba pang seksuwal na relasyon, pati na sa pagitan ng mga taong magkapareho ang kasarian, ay nagpaparupok sa nilikha ng langit na institusyon ng pamilya.’ Dahil dito, pinapanigan ng Simbahan ang mga hakbangin na nagpapakahulugan sa kasal bilang pagsasama ng isang lalaki at isang babae. Gayunman, ‘ang pagprotekta sa kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ay hindi nag-aalis sa obligasyon ng mga miyembro ng Simbahan bilang Kristiyano na maging mapagmahal, mabait at makatao sa lahat ng tao’ [“The Divine Institution of Marriage,” Ago. 13, 2008, mormonnewsroom.org]” (“Same-Sex Attraction,” LDS.org).