Seminary
Lesson 154: Doktrina at mga Tipan 138:1–24, 38–50


Lesson 154

Doktrina at mga Tipan 138:1–24, 38–50

Pambungad

Noong Oktubre 3, 1918, sa Beehive House sa Salt Lake City (ang tahanang tinirahan ni Pangulong Brigham Young noong siya pa ang Pangulo ng Simbahan), natanggap ni Pangulong Joseph F. Smith ang pangitaing nakatala sa Doktrina at mga Tipan 138. Sa pangitain na ito nakita ni Pangulong Smith ang Tagapagligtas, sa panahon sa pagitan ng Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli, na nagmiministeryo sa mabubuting espiritu sa paraiso na naghihintay ng kaligtasan mula sa mga gapos ng kamatayan. Ito ang una sa dalawang lesson tungkol sa Doktrina at mga Tipan 138.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 138:1–11

Pinagnilayan ni Pangulong Joseph F. Smith ang mga banal na kasulatan at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang plano ng kaligatasan at ano ang mangyayari sa espiritu at katawan sa oras ng kamatayan.

  • Ano ang nangyayari sa ating mga espiritu at katawan kapag namatay na tayo? Saan pumupunta ang ating mga espiritu?

  • Ano ang naiisip ninyong kalagayan sa daigdig ng mga espiritu?

Ipaliwanag na nakatanggap si Pangulong Joseph F. Smith, ang ikaanim na pangulo ng Simbahan, ng pangitain tungkol sa daigdig ng mga espiritu. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad sa Doktrina at mga Tipan 138. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang naranasan ni Pangulong Smith ilang buwan bago naganap ang pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 1918. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

Sabihin sa mga estudyante na sa mga panahong iyon ipinagdadalamhati ni Pangulong Joseph F. Smith ang pagkamatay ng kanyang anak na si Hyrum Mack Smith, na naglingkod bilang miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Namatay si Elder Smith dahil pumutok ang apendiks niya sa edad na 45.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang doktrinang pinagninilayan ni Pangulong Joseph F. Smith noong Oktubre 3, 1918, habang nag-iisa siya sa kanyang silid.

  • Anong doktrina ang pinagninilayan ni Pangulong Smith? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na doktrina: Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo, lahat ng tao ay maliligtas.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:5. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang naranasan ni Pangulong Smith habang pinagninilayan niya ang Pagbabayad-sala.

  • Ano ang pumasok sa isip ni Pangulong Smith habang pinagninilayan niya ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

Itanong sa mga estudyante kung may naisip ba sila na scripture passage habang pinagninilayan nila ang isang aspeto ng ebanghelyo. Sabihin sa kanila na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:6–10. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga turo na tumimo kay Pangulong Smith. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila. Pagkatapos ay ipaliwanag na tumanggap si Pangulong Smith ng pangitain na nakatulong sa atin na maunawaan ang mga turo ni Pedro tungkol sa daigdig ng mga espiritu.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:11, at alamin ang nakita ni Pangulong Smith habang pinagninilayan niya ang mga banal na kasulatan. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaliwanag na bago pag-aralan ng mga estudyante ang pangitain ni Pangulong Smith tungkol sa daigdig ng mga Espiritu, dapat nilang pagtuunan ng pansin ang proseso ng paghahayag na inilarawan niya: Habang pinagninilayan niya ang mga banal na kasulatan, inisip niya ang doktrina ng Pagbabayad-sala at ang pagmamahal ng Ama sa Langit at ni Jesucristo para sa lahat ng tao. Ang mga bagay na ito ay nagpaisip sa kanya ng mga salita ni Pedro. At nang pagnilayan niya ang mga salita ni Pedro, “ang mga mata ng [kanyang] pang-unawa ay nabuksan,” nadama niya ang Espiritu Santo, at nakita niya ang daigdig ng mga espiritu.

  • Ano ang matututuhan natin mula kay Pangulong Joseph F. Smith tungkol sa paghahanda na makatanggap ng paghahayag? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag binabasa at pinagninilayan natin ang mga banal na kasulatan, inihahanda natin ang ating sarili na makatanggap ng paghahayag. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan sa tabi ng talata 11.)

  • Paano nakapag-aanyaya ng paghahayag ang pagbabasa at pagninilay ng mga banal na kasulatan?

Ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. (Kung maaari, bigyan ang mga estudyante ng mga kopya ng pahayag na ito at sabihin sa kanila na tahimik na sumabay sa pagbasa.) Sabihin sa mga estudyante na pakinggan ang paglalarawan ni Elder Christofferson ng dapat na paraan natin ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan:

Larawan
Elder D. Todd Christofferson

“Kapag sinabi kong ‘pag-aralan,’ higit pa ito sa pagbabasa. … Kung minsa’y nawawari kong nagbabasa kayo ng ilang talata, tumitigil sandali para pag-isipan ito, at muling binabasa ang talata, at habang pinag-iisipan ang kahulugan nito, ay nagdarasal kayong maunawaan ito, nag-iisip ng mga tanong, naghihintay ng espirituwal na mga paramdam, at isinusulat ang damdamin at kabatirang dumarating para mas matandaan ito at matuto pa kayo” (“Kapag Ikaw ay Nagbalik-loob,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 11).

  • Kailan ninyo sinunod ang pamamaraang ito sa pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan? Paano nito nabago ang karanasan ninyo?

Sabihin sa mga estudyante na naising pag-aralan at pagnilayan ang mga banal na kasulatan sa pamamaraang inilarawan ni Elder Christofferson.

Doktrina at mga Tipan 138:12–24, 38–50

Nakita ni Joseph F. Smith ang mga namatay na matwid na naghihintay na mabuhay na mag-uli

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na talakayin ang sumusunod na tanong kasama ang kanilang mga kapartner:

  • Anong pangyayari sa hinaharap ang pinaka-inaasam ninyo? Bakit gustung-gusto ninyo itong mangyari?

Matapos ang sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi sa klase ang mga sagot nila. Ipaliwanag na noong nakita ni Pangulong Joseph F. Smith sa pangitain ang daigdig ng mga espiritu, nakita niya ang malaking pagtitipon ng mga espiritu.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:12–13. Sabihin sa klase na alamin ang pagkakalarawan sa mga nagtipong espiritu.

  • Paano inilarawan ni Pangulong Smith ang mga espiritu na nakita niya?

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 138:38–49 at alamin ang mga pangalan ng ilan sa mga espiritung naroon. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang mga pangalang ito sa kanilang banal na kasulatan.) Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang ilan sa mga pangalang nalaman nila.

  • Ayon sa talata 49, ano ang hinihintay ng mga espiritung ito? (Kaligtasan.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:14–16, 50. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang dahilan kung bakit napuspos ng tuwa at galak ang mabubuting espiritung ito.

  • Bakit napuspos ng tuwa at galak ang mabubuting espiritung ito? (“Dahil ang araw ng kanilang kaligtasan ay dumating na” [talata 15]. Sa madaling salita, alam nila na malapit na silang mabuhay na muli dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.)

  • Sa palagay ninyo, bakit kaligtasan para sa mabubuting espiritung ito ang pagsasamang muli ng kanilang mga espiritu at mga katawan?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:17 at sabihin sa klase na alamin ang mga pagpapalang ibibigay sa mabubuti matapos na magkasamang muli ang kanilang mga espiritu at mga katawan. Maaari mong sabihin sa mga estudyante na markahan ang nalaman nila.

  • Ano ang matatanggap natin kapag tayo ay nabuhay na muli? (Ganap na kagalakan.)

  • Ano ang nalaman natin mula sa Doktrina at mga Tipan 138:14–17, 50 tungkol sa pagkaligtas mula sa pisikal na kamatayan? (Maaaring makatukoy ang mga estudyante ng iba-ibang doktrina at alituntunin, ngunit tiyaking nauunawaan nila ang sumusunod na dalawang doktrina: Sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos Ama at ni Jesucristo, tayo ay maliligtas mula sa mga gapos ng kamatayan, at makatatanggap tayo ng ganap na kalagalakan sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli. Maaari mong isulat sa pisara ang mga doktrinang ito.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, na nagsabing kailangan natin ang pisikal na katawan at pagpapalain tayo dahil dito. Sabihin sa klase na pakinggan ang mga dahilan kung bakit mahalaga ang pagkakaroon ng pisikal na katawan sa plano ng Ama sa Langit para sa atin upang makatanggap ng ganap na kagalakan.

Larawan
Elder David A. Bednar

“Dahil sa ating pisikal na katawan nararanasan natin ang iba’t ibang matitinding karanasang hindi natin pagdaraanan sa buhay bago tayo isinilang sa mundo. Kaya nga, ang pakikipag-ugnayan natin sa ibang tao, ang kakayahang kumilala at kumilos ayon sa katotohanan, at kakayahang sundin ang mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nagagawa dahil sa ating katawan. …

“Layunin ng plano ng ating Ama sa Langit na patnubayan ang Kanyang mga anak, upang tulungan silang lumigaya, at ibalik sila nang ligtas sa Kanya taglay ang nabuhay na mag-uli at dinakilang katawan” (“Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 41, 43).

  • Bakit kailangan natin ang pisikal na katawan para makatanggap ng ganap na kagalakan?

Para makadagdag sa mga sagot ng mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang ganap na kagalakan ay ang uri ng kagalakan na nararanasan ng Ama sa Langit. Ang Ama sa Langit ay may katawang may laman at mga buto (tingnan sa D at T 130:22). Kapag magkahiwalay ang ating espiritu at katawan, hindi tayo katulad Niya at hindi makatatanggap ng ganap na kagalakan (tingnan sa D at T 93:33–34). Kapag ang ating espiritu at katawan ay hindi mapaghihiwalay—kapag nabuhay tayong muli—kalaunan ay magiging katulad tayo ng ating Ama sa Langit at magkakaroon ng ganap na kagalakan.

Ipaliwanag na ang mabubuti sa daigdig ng mga espiritu ay naghihintay para sa “pagparito”, o pagdating, ng Anak ng Diyos upang palayain sila at ipanumbalik sila sa kanilang “ganap na pangangatawan,” (D at T 138:16–17). Sabihin sa mga estudyante na ilarawan sa isipan ang nangyayari sa mundo habang nakatipon ang mabubuting espiritung ito. Si Jesucristo ay nagbabayad-sala para sa mga anak ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa sa Getsemani at sa krus. Ilan sa mabubuting espiritu sa daigdig ng mga espiritu ay naghintay nang libu-libong taon para sa kanilang kaligtasan. Kabilang sa pagsasakripisyo ni Jesucristo ang katubusan mula sa kanilang mga kasalanan gayundin ang kaligtasan mula sa kamatayang pisikal.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:18–19. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at isipin kung ano ang masasabi nila sa pangyayaring inilarawan sa mga talatang ito.

  • Ano sa palagay ninyo ang naramdaman ng mga espiritung dinalaw ni Jesucristo sa daigdig ng mga espiritu?

  • Ano ang itinuro ng Tagapagligtas sa mga espiritung ito?

  • Paano kaya kayo tutugon sa Tagapagligtas, na katatapos lang magbayad-sala para sa inyo, kung naroon kayo para pakinggan Siyang mangaral sa daigdig ng mga espiritu? (Maaari mong sabihin sa mga estudyante na pag-isipan nang tahimik ang tanong na ito sa halip na sumagot nang malakas.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138:23–24. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano tumugon ang mabubuting espiritu sa pagdalaw ng Tagapagligtas. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Patingnan ang unang doktrinang isinulat mo sa pisara: Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at pagsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo, lahat ng tao ay maliligtas. Ipaliwanag na kapag patuloy na pinag-aralan ng mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 138 malalaman nila kung paano naglaan ang Ama sa Langit ng paraan para sa lahat ng Kanyang mga anak upang mapagpala sila ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 138. Personal na karanasan ni Pangulong Joseph F. Smith

Sa pagitan ng 1869 at 1918, dumanas si Pangulong Joseph F. Smith ng pighati at kalungkutan dahil sa pagkamatay ng mga miyembro ng kanyang pamilya. Naglibing siya ng labintatlong anak, siyam rito ang namatay na mga bata pa lang, at isang asawa. Isinulat ni Pangulong Smith ang sumusunod na liham sa kanyang asawang si Edna nang mamatay ang kanyang panganay na anak, si Mercy Josephine, na magtatatlong-taong gulang pa lang.

Larawan
Pangulong Joseph F. Smith

“Halos hindi ko mapangahasang magtiwala sa sarili ko na magsulat, ngayong nagdadalamati ang aking puso, at magulo ang aking isip; kung ako ma’y bumulung-bulong, nawa’y patawarin ako ng Diyos, ang aking kaluluwa ay masidhing namimighati, ang aking puso ay bagbag at halos sumabog. Hungkag ang aking pakiramdam, mapanglaw ang aking tahanan at halos walang sigla, ngunit narito ang aking pamilya at ang aking musmos; subalit hindi ko mapigilang madama na ang pinakamagiliw, pinakamatamis ngunit pinakamatibay na lubid na nagtatali sa akin sa tahanan at sa mundong ito ay napatid na, ang aking musmos, ang aking mimanahal na si Dodo ay wala na! Hindi ako halos makapaniwala at ang puso ko’y nagtatanong, totoo ba ito? Tiningnan ko ang paligid, ngunit walang nakita, nakinig, ngunit walang narinig, lumibot sa mga silid, ngunit ang naroo’y kalungkutan, kapanglawan, kahungkagan. Bumaba ako sa hardin, minasdan ang buong bahay, lumilinga-linga, inaapuhap ang ulong may ginintuang buhok at ang mapupulang pisngi, ngunit wala, oh, walang maliliit na yabag na tumatalun-talon. Wala ang naglalakihan at maiitim na mga matang nagniningning sa pagmamahal para kay Itay; wala ang malambing na tinig na paulit-ulit na nagtatanong, at nagkukuwento, at masayang humahagikgik, wala ang malambot at maliliit na mga kamay na nakakapit sa aking leeg, ang mapulang labi at matamis na halik at mahigpit na yakap ng isang walang malay na musmos, kundi ang naroon lamang ay maliit na silyang walang nakaupo. Nailigpit na ang kanyang mga laruan, naitabi na ang kanyang mga damit, at ang tanging malungkot na nagsusumiksik sa aking isipan at dumudurog sa aking puso ay—wala siya rito, wala na siya! Ngunit siya ba’y magbabalik? Hindi niya ako dapat iwan nang matagal, nasaan na siya? Halos mabaliw ako, at Diyos lamang ang tanging nakaaalam kung gaano ko kamahal ang anak kong babae, at siya ang nagpasigla at nagbigay kagalakan sa aking puso.

“Noong umaga bago siya pumanaw, pagkatapos ng magdamag na pagbabantay sa kanya, sapagka’t gabi-gabi ko siyang binabantayan, sinabi ko sa kanya, ‘Hindi yata nakatulog nang magdamag ang munti kong mahal.’ Umiling siya at sumagot, ‘Matutulog ako sa araw na ito, itay.’ O! nabagabag ako nang lubos sa mga salitang iyon. Batid ko, ngunit ayaw kong maniwala, na iyon ay ibang tinig at ibig-sabihin niyon ay ang pagtulog dahil sa kamatayan, at siya nga ay natulog. At, O! ang liwanag sa aking puso ay naparam. Ang larawan ng langit na nakaukit sa aking puso ay halos mabura” (sa Joseph Fielding Smith, Life of Joseph F. Smith [1938], 455–56).