Seminary
Home-Study Lesson: Doktrina at mga Tipan 106–8; 137 (Unit 23)


Home-Study Lesson

Doktrina at mga Tipan 106–108; 137 (Unit 23)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 106–108; 137 (unit 23) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Doktrina at mga Tipan 106; 107:1–20)

Sa pag-aaral ng ipinayo ng Panginoon kay Warren Cowdery sa Doktrina at mga Tipan 106, nalaman ng mga estudyante na kung magpapakumbaba tayo ng ating sarili sa harapan ng Panginoon, kaaawaan Niya tayo, palalakasin, at bibigyan ng biyaya at katiyakan. Sinimulan na ring pag-aralan ng mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 107, na isang paghahayag tungkol sa priesthood. Mula sa bahaging ito nalaman nila na ang Pagkasaserdoteng Melquisedec o Melchizedek Priesthood ay alinsunod sa orden ng Anak ng Diyos. Pinag-aralan din nila ang iba’t ibang katungkulan at responsibilidad ng Melchizedek Priesthood at Aaronic Priesthood.

Day 2 (Doktrina at mga Tipan 107:21–38)

Sa patuloy na pag-aaral ng mga estudyante ng Doktrina at mga Tipan 107, nalaman nila ang mga responsibilidad ng mga namumunong korum sa Simbahan: Ang Unang Panguluhan, ang Korum ng Labindalawang Apostol, at ang Korum ng Pitumpu. Nalaman din nila na ang mga pasiya ng mga namumunong korum na ito ay ginagawa nang may pagkakaisa at sa kabutihan.

Day 3 (Doktrina at mga Tipan 107:39–100108)

Mula sa Doktrina at mga Tipan 107, nalaman ng mga estudyante na ang mga patriyarka ay tinatawag sa pamamagitan ng paghahayag at inoordenan sa pamamahala ng Labindalawang Apostol at ang mga ama na maytaglay ng Melchizedek Priesthood ay may awtoridad na basbasan ang kanilang mga anak. Pinag-aralan din ng mga estudyante ang mga salita ng Panginoon kay Lyman Sherman na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 108. Natuklasan nila na kapag sinusunod natin ang tinig ng Panginoon, inaanyayahan natin ang Kanyang pagpapatawad, na nagdudulot ng kapahingahan sa ating mga kaluluwa.

Day 4 (Doktrina at mga Tipan 137)

Sa lesson na ito, nalaman ng mga estudyante ang tungkol sa pangitain ni Propetang Joseph Smith tungkol sa kahariang selestiyal at ang mga taong nakita niya roon. Binigyang-diin sa lesson ang sumusunod na alituntunin: Lahat ng tao na namatay nang walang kaalaman sa ebanghelyo, na tatanggapin ito nang buong puso, ay magmamana ng kahariang selestiyal; hahatulan tayo ng Panginoon batay sa ating mga gawa at mga hangarin ng ating puso; at lahat ng bata na namatay bago sumapit sa edad ng pananagutan ay maliligtas sa kahariang selestiyal.

Pambungad

Sa kanilang lingguhang mga assignment, ang mga estudyante ay hindi sinabihang pag-aralan nang husto ang Doktrina at mga Tipan 107:60–100. Bibigyan sila ng ganyang pagkakataon sa lesson na ito. Matutulungan sila nito na maging pamilyar sa mga katungkulan sa priesthood at mas maunawaan ang kanilang mga tungkulin bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. Matututo rin ang mga estudyante mula sa ipinayo kay Lyman Sherman na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 108.

Sa pag-aaral ng mga katungkulan sa priesthood sa lesson na ito, mahalagang tulungan ang mga estudyante na maunawaan na bagama’t nanunungkulan ang mga kalalakihan sa iba’t ibang katungkulang ito bilang mga maytaglay ng priesthood, ang mga pagpapala ng priesthood ay matatamo ng lahat. Itinuro ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang priesthood ay ang kapangyarihan ng Diyos na ginagamit para [pagpalain] ang lahat ng Kanyang anak, na lalaki’t babae. Ang ilan sa mga pinaikli nating kataga, tulad ng ‘ang kababaihan at ang priesthood,’ ay nagpapahiwatig ng maling ideya. Ang kalalakihan ay hindi ‘ang priesthood.’ Ang miting ng priesthood ay miting ng mga maytaglay at gumagamit ng priesthood. Ang mga [pagpapala] ng priesthood, tulad ng binyag, pagtanggap ng Espiritu Santo, endowment sa templo, at walang hanggang kasal, ay makakamit kapwa ng kalalakihan at kababaihan. Ang awtoridad ng priesthood ay nagagamit sa pamilya at sa Simbahan, alinsunod sa mga alituntuning itinakda ng Panginoon” (“Awtoridad ng Priesthood sa Pamilya at sa Simbahan,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 25–26). Ang kalalakihan at kababaihan ay may pantay at mahahalagang ginagampanan sa pamilya at sa Simbahan (tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 107:60–100

Inihayag ng Panginoon ang mga tungkulin ng mga pangulo ng mga korum ng priesthood

Bilang maikling rebyu, isulat ang mga heading na Melchizedek Priesthood at Aaronic Priesthood sa pisara. Sabihin sa mga estudyante na ilista sa pisara ang mga katungkulan ng priesthood sa ilalim ng angkop na mga heading. Sabihin sa isang estudyante na magsulat ng isang katungkulan ng priesthood at pagkatapos ay ipasa ang chalk o marker sa isa pang estudyante, tuluy-tuloy na gawin ito hanggang sa mailista ng mga estudyante ang lahat ng katungkulan sa priesthood. Hikayatin ang mga estudyante na tulungan ang isa’t isa kung kailangan. (Ang mga katungkulan sa Melchizedek Priesthood ay elder, high priest, patriarch, Pitumpu, at Apostol. Ang mga katungkulan sa Aaronic Priesthood ay deacon, teacher, priest, at bishop.)

  • Ano ang korum ng priesthood? (Isang inorganisang grupo ng mga kalalakihan na magkakapareho ang taglay na katungkulan sa priesthood.)

Sabihin sa isang estudyante na lumapit sa pisara at bilugan ang mga katungkulan sa priesthood na naorganisa sa mga korum. Hikayatin ang klase na tumulong kung kailangan. (Ang mga sumusunod na katungkulan ay mayroong korum: Apostol, Pitumpu, high priest, elder, priest, teacher, at deacon. Maaari mong ipaliwanag na bawat stake ay mayroong isang korum ng mga high priests, at ang stake president ang pangulo ng korum na ito. Sa bawat ward, ang mga high priest ay inoorganisa bilang high priests group.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 107:60–63, 85–89, 93–94. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin kung ano ang karaniwan sa mga korum na binanggit sa mga talatang ito.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang pagkakatulad ng mga korum na ito ng priesthood? (Maaaring iba-iba ang gamiting salita ng mga estudyante, ngunit tiyaking natukoy nila ang sumusunod na katotohanan: Ang pangulo ay itinatalagang mamuno at mamahala sa gawain ng bawat korum ng priesthood.)

  • Ayon sa mga talata 87–88, ano ang pagkakaiba ng priests quorum sa deacons at teachers quorum? (Ang bishop ng ward ang namumuno sa priests quorum. Siya rin ang namumuno sa lahat ng maytaglay ng Aaronic Priesthood sa ward. Sa isang branch, ang branch president ang tumatayong pangulo ng priests quorum.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga na mayroong pangulo ang bawat korum ng priesthood? Paano nakatutulong ang pangulo ng korum ng priesthood sa mga miyembro ng kanyang korum?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 107:65–66. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang lider ng Simbahan na namumuno sa lahat ng maytaglay ng priesthood. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Tiyakin na naunawaan ng mga estudyante na ang mga talatang ito ay tumutukoy sa Pangulo ng Simbahan.

Ipabasa nang malakas sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 107:67, 91–92. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga salita at mga parirala na naglalarawan sa awtoridad at mga responsibilidad ng Pangulo ng Simbahan.

  • Batay sa nalaman ninyo sa mga talatang ito, paano ninyo ibubuod ang awtoridad at mga responsibilidad ng Pangulo ng Simbahan? (Iba-iba man ang gamiting salita ng mga estudyante, dapat nilang matukoy ang sumusunod na katotohanan: Hawak ng Pangulo ng Simbahan ang awtoridad na mangasiwa sa lahat ng mga ordenansa at pagpapala at mamuno sa buong Simbahan. Sabihin sa isang estudyante na isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Maaari mong linawin pa ang ilan sa mga salita sa talata 92 gamit ang mga sumusunod na paliwanag ni Elder John A. Widtsoe ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder John A. Widtsoe

“Ang isang propeta ay nagtuturo ng mga katotohanang nahayag na; ang isang tagakita ay nakakakita at nakauunawa ng mga nakatagong katotohanan, ang isang tagapaghayag ay naghahayag ng bagong katotohanan. Sa malawak na kahulugan, ang isang titulong madalas gamitin ay ang titulong propeta. Ang titulong propeta ay kinabibilangan ng iba pang mga titulo” (Evidences and Reconciliations, arr. G. Homer Durham, 3 tomo sa 1 [1960], 258).

Magdispley ng larawan ng kasalukuyang Pangulo ng Simbahan.

  • Paano kayo napagpala dahil sa awtoridad ng priesthood na hawak ng Pangulo ng Simbahan?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 107:99–100.

  • Ayon sa mga talatang ito, ano ang dapat nating gawin upang makatayong karapat-dapat sa harapan ng Panginoon? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Upang makatayong karapat-dapat sa harapan ng Panginoon, dapat nating matutuhan ang ating tungkulin at kumilos nang buong sigasig upang magawa ito.)

Bagama’t ang mga talatang ito ay talagang tumutukoy sa mga maytaglay ng priesthood, ang alituntuning itinuturo nito ay angkop sa lahat ng mga miyembro ng Simbahan.

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa kanila na talakayin ang mga sumusunod na tanong. Basahin nang paisa-isa ang mga tanong, o isulat ang mga ito sa pisara.

  • Paano kayo napagpala sa pamamagitan ng paglilingkod ng isang miyembro ng Simbahan na masigasig na ginagawa ang kanyang tungkulin?

  • Ano ang ginagawa ninyo upang matutuhan ang inyong tungkulin at magawa ito nang buong sigasig?

Bigyan ng pagkakataon ang mga estudyante na magpatotoo tungkol sa kahalagahan ng paggawa ng ating tungkulin sa Simbahan at sa ating pamilya.

Doktrina at mga Tipan 108:4–8

Nagbigay ang Panginoon ng payo at pangako kay Lyman Sherman

Ipaalala sa mga estudyante na ang Doktrina at mga Tipan 108 ay naglalaman ng paghahayag ng kalooban ng Panginoon kay Lyman Sherman, na lumapit kay Propetang Joseph Smith at humiling na malaman pa ang hinggil sa kanyang tungkulin.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 108:7–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa, at alamin ang mga tagubiling ibinigay ng Panginoon kay Lyman. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng panghihikayat ay pagpapayo o pagpapalakas ng loob.

  • Sa paanong paraan nais ng Panginoon na patatagin ni Lyman Sherman ang kanyang mga kapatid?

Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang isang alituntunin mula sa tagubilin ng Panginoon kay Lyman sa mga talata 7–8. Maaaring makatukoy sila ng iba-ibang alituntunin, kabilang ang sumusunod: Dapat nating patatagin ang iba sa lahat ng ating pakikipag-usap at ginagawa. (Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na markahan ang alituntuning ito sa kanilang banal na kasulatan.)

  • Paano ninyo mapatatatag ang nasa paligid ninyo sa inyong mga pakikipag-usap?

  • Paano ninyo mapatatatag ang nasa paligid ninyo sa inyong mga ginagawa?

Sabihin sa mga estudyante na ilarawan ang naranasan nila nang patatagin sila ng isang tao sa pamamagitan ng paggawa ng isang bagay na nakalista sa Doktrina at mga Tipan 108. Maaari ka ring magbahagi ng sarili mong karanasan. Sabihin sa mga estudyante na mag-isip ng isang tao na mapapatatag nila ngayon at ng isang bagay na gagawin nila para magawa ito.

Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 109–112)

Upang matulungan ang mga estudyante na maghanda sa pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 109–112, maaari mong sabihin sa kanila na pag-isipan ang sumusunod: Bakit mahalaga ang mga templo? Nakadalo ka na ba sa paglalaan ng isang templo? Ipaliwanag na sa susunod na unit malalaman nila ang tungkol sa paglalaan ng Kirtland Temple. Marami pa silang malalaman tungkol sa nangyari doon at kung sino ang nagpakita roon at kung paano sila at ang kanilang mga pamilya ay mapagpapala magpakailanman ng mga inihayag doon.