Seminary
Lesson 17: Doktrina at mga Tipan 9


Lesson 17

Doktrina at mga Tipan 9

Pambungad

Noong Abril 1829, ipinangako rin kay Oliver Cowdery na mabibigyan siya ng kaloob na makapagsalin (tingnan sa D at T 6:25–29). Kalaunan, tinagubilinan si Oliver na makatatanggap siya ng paghahayag tungkol sa pagsasalin (tingnan sa D at T 8:1–4), at sinubukan niyang magsalin. Bagama’t maayos sa simula ang kanyang pagsasalin, hindi siya “nagpatuloy tulad ng [kanyang] pinasimulan” (D at T 9:5). Tumanggap ng paghahayag si Propetang Joseph Smith na nagpapaliwanag kung bakit hindi nagtagumpay ang pagsasalin ni Oliver. Sa paghahayag na ito, sinabi ng Panginoon na hindi na kailangang magsalin si Oliver. Nagbigay rin ang Panginoon ng karagdagang payo sa pagtanggap ng paghahayag.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 9:1–6, 11

Ipinaliwanag ng Panginoon kung bakit nahirapang magsalin si Oliver Cowdery

Sabihin sa mga estudyante na magbanggit ng ilang mahahalagang desisyon na gagawin nila sa susunod na taon. Pagkatapos ay sabihin sa kanila na sumulat ng mahahalagang desisyon na gagawin nila sa susunod na 5 hanggang 10 taon. Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong isulat sa pisara ang kanilang mga sagot. Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isa sa mga desisyong ito batay sa sumusunod na tanong.

  • Paano makatutulong sa paggawa ninyo ng desisyong ito ang paghingi ng patnubay mula sa Panginoon?

Matapos sumagot ang isa o dalawang estudyante, ipaalam sa mga estudyante na sa lesson na ito ay malalaman nila ang naranasan ni Oliver Cowdery habang sinusubukang magsalin. Hikayatin ang mga estudyante na alamin ang mga doktrina at alituntunin sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 9 na makatutulong sa kanila sa pagtanggap at pagkilala ng patnubay ng Panginoon habang gumagawa sila ng mahahalagang pagpapasiya.

Ipaalala sa mga estudyante na binigyan ng Panginoon si Oliver ng kaloob na makapagsalin at pahintulot na magsalin kung nais niyang gawin iyon (tingnan sa D at T 6:25–28). Sinabi ng Panginoon kay Oliver na ang kaloob na ito na makapagsalin ay dumarating sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo (tingnan sa D at T 8:1–2). Ang pagsasalin ni Oliver ay maayos na nasimulan, ngunit hindi naging matagumpay sa huli. Matapos ang pagtatangka ni Oliver na magsalin, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala ngayon sa Doktrina at mga Tipan 9.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 9:1–4 at sabihin sa klase na alamin ang ipinagawa ng Panginoon kay Oliver sa halip na magsalin.

  • Ano ang ipinagawa ng Panginoon kay Oliver?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 9:5–6, 11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga dahilan kung bakit hindi nagtagumpay si Oliver nang magtangka siyang magsalin.

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang pariralang “hindi ka nagpatuloy tulad ng iyong pinasimulan” (D at T 9:5), ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

“Nabigong magsalin si Oliver dahil hindi siya nagpatuloy tulad ng kanyang nasimulan, at dahil mahirap ang gawain, nawalan siya ng pananampalataya” (Church History and Modern Revelation [1953], 1:51).

  • Ayon kay Pangulong Smith, bakit hindi naituloy ni Oliver ang kanyang sinimulan? (Nanghina ang kanyang pananampalataya.)

  • Paano nakahahadlang sa atin ang takot, o kawalan ng pananampalataya, sa pagtanggap o pagsunod sa paghahayag mula sa Panginoon?

  • Ano ang maituturo sa atin ng karanasan ni Oliver sa pagtanggap ng paghahayag mula sa Panginoon? (Ang isang alituntunin na maaaring matukoy ng mga estudyante ay upang makatanggap ng paghahayag, dapat tayong kumilos nang may pananampalataya. Maaari mong isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Upang matulungan ang mga estudyante na mas maunawaan ang alituntuning ito, ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Jeffrey R. Holland

“Sa proseso ng paghahayag at sa paggawa ng mahahalagang pasiya, nakasisira o kung minsa’y nakapipigil ang takot. Kay Oliver Cowdery, na pinalampas ang pagkakataon na minsan lang dumating sa buhay dahil hindi siya kumilos nang ibigay ito sa kanya, sinabi ng Panginoon, ‘Hindi ka nagpatuloy tulad ng iyong pinasimulan.’ Pamilyar ba ito sa mga naliwanagan at pagkatapos ay nagdalawang-isip at muling nag-alinlangan? …

“Pagkaraang matanggap ninyo ang mensahe, pagkaraang matumbasan ninyo ang halaga upang madama ang Kanyang pagmamahal at marinig ang salita ng Panginoon, magpatuloy. Huwag matakot, huwag mag-alinlangan, huwag mag-ukol ng panahon sa mga walang kabuluhan, huwag umangal. … Pawiin ang inyong mga takot at ilusong sa tubig ang dalawang paa” (“Cast Not Away Therefore Your Confidence,” Ensign, Mar 2000, 10).

  • Kailan kayo nakatanggap ng sagot mula sa Panginoon at sinunod ito nang walang pag-aalinlangan? (Tiyakin na nauunawaan ng mga estudyante na hindi sila dapat magbahagi ng mga karanasan na napakapersonal o napakapribado.)

Doktrina at mga Tipan 9:7–10

Naghayag ang Panginoon ng mga alituntunin na nauugnay sa paghahayag

Ipaliwanag na naghayag ang Panginoon ng mahalagang alituntunin hinggil sa kung paano dapat humingi ng Kanyang patnubay. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 9:7–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang isa pang dahilan kaya nahirapan si Oliver na matanggap ang tulong ng Panginoon sa kanyang pagsisikap na makapagsalin.

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 9:7, ano ang inakala ni Oliver na kailangan lang niyang gawin para makatanggap ng paghahayag habang nagsasalin?

  • Ano ang itinuro ng Panginoon na dapat munang gawin ni Oliver bago humingi ng patnubay?

Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong imungkahi na markahan nila sa kanilang banal na kasulatan ang payo ng Panginoon. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaang mabuti ang kahulugan ng mga talatang ito, itanong ang mga sumusunod:

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “pag-aralan ito sa iyong isipan”? (Pag-isipan ang mga desisyon at opsiyon, na inaalam na mabuti ang lahat ng alternatibo o mapagpipilian.) Paano ninyo ginawa ito noong kailangan ninyong gumawa ng mga desisyon?

  • Ayon sa Doktrina at mga Tipan 9:8, ano ang kailangan nating gawin matapos nating pag-aralan ang bagay na ating pinag-iisipan? (Piliin ang sa palagay natin ay tama at manalangin at itanong sa Ama sa Langit kung ito ay tama.)

  • Anong aral ang matututuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 9:8 tungkol sa inaasahan ng Panginoon na gawin natin kapag hinihingi natin ang Kanyang tagubilin at patnubay? (Maaaring isagot ng mga estudyante ang tulad ng sumusunod na katotohanan: Ang pagtanggap at pagkilala sa paghahayag ay nangangailangan ng ating pagsisikap. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang katotohanang ito, itanong ang sumusunod:

  • Sa inyong palagay, paano nakatutulong sa pagtanggap ninyo ng paghahayag ang pag-aralan muna sa inyong isipan ang bagay na hinihiling ninyo?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano naaakma ang katotohanang ito sa mga sitwasyon sa kanilang buhay, basahin ang mga sumusunod na halimbawa. Pagkatapos ng bawat isa, sabihin sa mga estudyante na ipaliwanag kung paano magagamit ng mga tao sa inilahad na mga sitwasyon ang mga katotohanan sa Doktrina at mga Tipan 9:7–8 para makatanggap ng paghahayag.

  1. Isang binata ang inalok ng isang magandang trabaho, pero kailangan niyang magtrabaho ng Linggo. Pinag-iisipan niya kung tatanggapin ba niya ang trabaho.

  2. Matagal nang pinag-iisipan ng isang dalaga ang pakikihalubilo niya sa mga kaibigan at ang masamang impluwensya nito sa kanya. Gusto niyang tigilan ang pagsama sa kanila, pero hindi niya alam kung ano ang pinakamagandang paraan na malayuan sila nang hindi sila magtatampo.

  3. Pinag-iisipan ng isang dalagita kung ano ang kursong pag-aaralan niya sa kolehiyo pagkatapos niya ng high school. Gusto niyang magkolehiyo pero hindi niya alam kung saan siya dapat mag-aral.

Matapos talakayin ang mga halimbawang ito sa klase, sabihin sa mga estudyante na isipin ang karanasan nila kung kailan nagamit nila ang alituntuning ito sa pamamagitan ng pagsulat ng sumusunod na tanong sa pisara: Kailan ninyo nadama na nakatulong ang pagsisikap ninyo upang makatanggap ng paghahayag mula sa Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na sandaling pag-isipan ang tanong na ito. Pagkatapos ay tawagin ang ilang estudyante na gustong magbahagi ng kanilang mga karanasan sa klase.

Sabihin sa mga estudyante na basahing muli ang Doktrina at mga Tipan 9:8, at alamin kung paano malalaman ni Oliver kung tama ang kanyang desisyon.

  • Ano ang matututuhan natin sa talata 8 tungkol sa paraan ng pagsagot ng Panginoon sa ating mga tanong? (Ang paghahayag ay maaaring dumating sa pamamagitan ng ating mga nadarama kapag hinihingi natin ang patnubay ng Panginoon. Isulat sa pisara ang katotohanang ito.)

Maaari mong ipaliwanag na ang pag-aalab sa dibdib na ipinangako kay Oliver ay isa lamang sa mga paraan ng pagpapatibay ng Espiritu na tama ang isang desisyon. Ang mga pagpapatibay ng Espiritu ay maaaring madama sa iba’t ibang paraan na personal at malalim.

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan kung paano maaaring iparamdam sa atin ng Panginoon “kung [ang desisyon] ay tama” (D at T 9:8), ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag ni Elder Richard G. Scott:

Larawan
Elder Richard G. Scott

“Ang [nadaramang] kapayapaan ang pinaka-karaniwang pagpapatibay na nararanasan ko mismo. Kapag mag-aalala akong mabuti tungkol sa isang bagay na mahalaga, na sinisikap na tagumpay itong malutas, patuloy akong nagsisikap nang may pananampalataya. Sa huli, dumarating ang ganap na kapayapaan, na lumulutas sa aking mga problema, tulad ng ipinangako Niya” (“Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 10).

  • Kailan ninyo nadama na pinagtibay ng Panginoon ang desisyon ninyo? Ano ang naramdaman ninyo sa pagpapatibay na iyon? (Paalalahanan ang mga estudyante na hindi sila dapat magbahagi ng anumang karanasan na napakapersonal o napakapribado.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 9:9. Sabihin sa mga estudyante na tukuyin ang mga pariralang naglalarawan kung paano natin malalaman na hindi tama ang desisyong ginawa natin. Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang pariralang “pagkatuliro ng pag-iisip,” ipabasa sa isang estudyante ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott, kung saan ipinaliwanag niya ang isang paraan na mararanasan ang pagkatuliro ng isipan:

Larawan
Elder Richard G. Scott

“[Ito ang] pagkatuliro ng pag-iisip. Para sa akin, magulo iyan, at hindi ako mapapanatag” (“Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” 10).

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang natutuhan nila tungkol sa pagtanggap ng paghahayag na makatutulong sa kanila na makagawa ng mahahalagang desisyon.

Doktrina at mga Tipan 9:12–14

Hinikayat ng Panginoon si Oliver na magpatuloy sa gawaing ipinagawa sa kanya

Ipaalala sa mga estudyante ang pagtawag kay Oliver na maging tagasulat para sa Propeta (tingnan sa D at T 9:1, 4). Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 9:12–14, at hanapin ang mga salita o parirala na maaaring nakahikayat kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa pagkakataong ito. Sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga salita at mga parirala na mahalaga sa kanila at ipaliwanag kung bakit.

Maaari mong tapusin ang lesson na ito sa pagbabahagi ng iyong patotoo na makatatanggap tayo ng personal na paghahayag kapag sinunod natin ang mga alituntuning nakasaad sa Doktrina at mga Tipan 9.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 9:7–9. Pagkilala sa mga sagot sa panalagin

Ipinayo ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit nadarama natin kung minsan na parang hindi tayo agad nakatatanggap ng sagot sa panalangin:

Larawan
Elder Richard G. Scott

“Ano ang gagawin ninyo kapag kayo ay nakapaghandang mabuti, taimtim na nanalangin, naghintay nang sapat na panahon para sa sagot, at wala pa ring nadamang kasagutan? Maaari kayong magpasalamat kapag nangyari iyon, dahil patunay ito ng Kanyang pagtitiwala. Kapag namumuhay kayo nang marapat at ang inyong pasiya ay naaayon sa mga turo ng Tagapagligtas at kailangan ninyong kumilos, magpatuloy nang may tiwala. Kapag sensitibo kayo sa mga paramdam ng Espiritu, isa sa dalawang bagay ang tiyak na mangyayari sa tamang panahon: maaaring matuliro ang isipan, na ibig sabihin ay mali ang pasiya, o kaya’y kapayapaan o pag-aalab sa dibdib ang madarama, na nagpapatunay na tama ang inyong pasiya. Kapag namumuhay kayo nang matwid at kumikilos nang may tiwala, hindi hahayaan ng Diyos na magpatuloy pa kayo nang hindi nababalaan kung mali ang inyong desisyon” (“Paggamit sa Kaloob ng Langit na Panalangin,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 10).

Doktrina at mga Tipan 9:7–9. Ano ang pag-aalab sa dibdib?

Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks:

Larawan
Elder Dallin H. Oaks

“May kilala akong mga tao na nag-iisip na hindi sila nagkaroon ng patotoo kahit kailan mula sa Espiritu Santo dahil hindi nila nadama kailanman na ‘nag-alab’ ang kanilang dibdib.

“Ano ang ibig sabihin ng ‘pag-aalab sa dibdib’? Kailangan bang mag-init ang ating damdamin, gaya ng pagniningas na dulot ng apoy? Kung iyan ang ibig sabihin niyon, hindi pa ako nakadama ng pag-aalab sa dibdib. Siguradong ang ibig sabihin ng salitang ‘pag-aalab’ sa talatang ito ay damdamin ng kapanatagan at katiwasayan. Iyan ang patotoong natatanggap ng marami. Dumarating ang paghahayag sa ganyang paraan.

“Tunay ngang ang marahan at banayad na tinig ay ganyan, ‘marahan’ at ‘banayad’” (“Teaching and Learning by the Spirit,” Ensign, Mar. 1997, 13).