Seminary
Home-Study Lesson: Doktrina at mga Tipan 76:81–119; 77–83 (Unit 17)


Home-Study Lesson

Doktrina at mga Tipan 76:81–119; 77–83 (Unit 17)

Mga Materyal sa Paghahanda para sa Home-Study Teacher

Buod ng mga Daily Home-Study Lesson

Ang sumusunod na buod ng mga pangyayari, doktrina, at alituntunin na natutuhan ng mga estudyante sa pag-aaral nila ng Doktrina at mga Tipan 76:81–119; 77–83 (unit 17) ay hindi nilayong ituro bilang bahagi ng iyong lesson. Ang lesson na iyong ituturo ay nakatuon lamang sa ilan sa mga doktrina at mga alituntuning ito. Sundin ang mga pahiwatig ng Banal na Espiritu habang iniisip mo ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.

Day 1 (Doktrina at mga Tipan 76:81–11977)

Nang matapos ng mga estudyante ang kanilang pag-aaral ng mga kaharian ng kaluwalhatian, nalaman nila na yaong magmamana ng kahariang telestiyal ay kinakailangang magdusa sa impiyerno bago sila matubos ng Tapagligtas. Nalaman din nila na ang kaharian ng kaluwalhatian na mamanahin natin ay ibabatay sa mga ginawa natin sa buhay na ito at sa mga hangarin ng ating puso.

Day 2 (Doktrina at mga Tipan 78–80)

Habang pinag-aaralan nila ang kautusan ng Panginoon na magtatag ng Nagkakaisang Samahan, nalaman ng mga estudyante na ang paggawa ng mga bagay na iniutos ng Panginoon ay naghahanda sa atin para sa isang lugar sa kahariang selestiyal. Nalaman din nila na kung tinatanggap natin ang lahat ng bagay nang may pasasalamat, pararamihin ng Panginoon ang ating mga pagpapala.

Day 3 (Doktrina at mga Tipan 81)

Nang malaman ng mga estudyante ang tungkol sa mga tagubilin ng Panginoon sa mga tagapayo sa Unang Panguluhan, natuklasan nila na hawak ng Panguluhan ng Mataas na Pagkasaserdote ang mga susi ng kaharian ng Diyos sa lupa. Bukod pa rito nalaman nila na dapat suportahan at palakasin ng mga tagapayo sa panguluhan ang pangulo. Nalaman din ng mga estudyante na kapag tapat tayo sa ating mga tungkulin, makagagawa tayo ng malaking kabutihan para sa iba.

Day 4 (Doktrina at mga Tipan 82–83)

Mula sa mga tagubilin ng Panginoon sa mga unang lider ng Simbahan, nalaman ng mga estudyante na “sa kanya na siyang binigyan ng marami ay marami ang hihingin” (D at T 82:3). Pinag-aralan ng mga estudyante ang babala ng Panginoon na kung magkakasala tayo matapos magsisi, ang dati nating kasalanan ay babalik. Nalaman din nila na kung susundin natin ang Panginoon, palagi Niyang tutuparin ang Kanyang mga pangako na pagpapalain tayo.

Pambungad

Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na matukoy ang mga alituntunin mula sa halimbawang ipinakita ni Propetang Joseph Smith nang magtanong siya sa Panginoon tungkol sa aklat ng Apocalipsis.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Paalala: Dalawang scripture mastery passage ang natutuhan ng mga estudyante sa linggong ito. Ginamit nila ang Doktrina at mga Tipan 78:19 para sumulat ng dalawang-minutong mensahe. Maaari mong tawagin ang ilang estudyante na sabihin sa klase ang kanilang mensahe. Isinaulo rin nila ang Doktrina at mga Tipan 82:10. Maaari mong sabihin sa klase na bigkasin ang mga talatang ito nang sabay-sabay.

Doktrina at mga Tipan 77

Sinagot ng Panginoon ang mga katanungan ni Joseph Smith tungkol sa aklat ng Apocalipsis

Sabihin sa mga estudyante na tahimik na pag-isipan kung ano ang natutuhan nila kamakailan sa kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Anyayahan ang ilan sa kanila na ibahagi ang kaalamang nalaman nila. Pagkatapos ay sabihin sa ilang estudyante na ibahagi ang mga naging tanong nila sa kanilang personal na pag-aaral. Maaaring kabilang dito ang mga tanong tungkol sa kahulugan ng isang salita o parirala, mga pangyayari sa kasaysayan tungkol sa nabasa nila, o ang kahalagahan ng isang partikular na talata. (Ang layunin ng aktibidad na ito ay hindi para sagutin ang mga tanong ng mga estudyante tungkol sa mga banal na kasulatan kundi para bigyang-diin ang kahalagahan ng pagtatanong sa pag-aaral natin.) Pagkatapos magbahagi ng ilang estudyante, itanong ang sumusunod:

  • Ano ang nakatulong sa inyo para mas maunawaan ninyo ang mga banal na kasulatan at mahanap ang mga sagot sa mga tanong ninyo?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang konteksto ng Doktrina at mga Tipan 77, ipabasa sa kanila ang pambungad nito at alamin ang ginagawa ni Propetang Joseph Smith nang matanggap niya ang paghahayag na ito. Matapos ibahagi ng mga estudyante ang nalaman nila, maaari mong ipaliwanag na ang pariralang “kaugnay sa pagsasalin ng mga Banal na Kasulatan” ay tumutukoy sa utos ng Panginoon na gumawa si Joseph Smith ng mga inspiradong rebisyon sa King James Version ng Biblia. Ang mga rebisyong ito ay kilala ngayon bilang Pagsasalin ni Joseph Smith. Ipaliwanag na habang isinasalin ni Joseph Smith ang aklat ng Apocalipsis, tinanong niya ang Panginoon tungkol sa kahulugan ng ilan sa mga talata. Ang mga itinanong niya at ang mga inihayag na sagot ng Panginoon ay nakatala sa Doktrina at mga Tipan 77. Hikayatin ang mga estudyante na hanapin sa Doktrina at mga Tipan 77 ang mga kaalaman na makatutulong sa kanila na mas mapalalim ang kanilang pang-unawa sa mga banal na kasulatan.

Sabihin sa mga estudyante na pansinin kung paano naiiba ang pormat ng Doktrina at mga Tipan 77 sa iba pang mga bahagi sa Doktrina at mga Tipan. Dapat nilang mapansin ang mga salitang Tanong at Sagot na katabi ng bawat talata sa buong bahagi. Ipaliwanag na ang bawat Tanong ay mula kay Joseph Smith, at ang bawat Sagot ay mula sa Panginoon.

Itanong sa kung may sinuman sa kanila na nakabasa na ng ilang bahagi o ng buong aklat ng Apocalipsis.

  • Ano ang maaaring mahirap sa pagbabasa ng aklat ng Apocalipsis? (Kung hindi ito nabanggit ng mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang aklat ng Apocalipsis ay maaaring mahirap maunawaan dahil sa mga simbolismong nakapaloob dito.)

Para makapagbigay ng isang halimbawa ng simbolismo sa aklat ng Apocalipsis, sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Apocalipsis 4:2–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at hanapin ang mga simbolo sa mga talatang ito. Sabihin sa klase na banggitin ang mga simbolong ito, at sabihin sa isang estudyante na isulat ang mga ito sa pisara. (Maaaring kabilang sa mga sagot ang isang luklukan o trono na napaliligiran ng isang bahaghari, dalawampu’t apat na luklukan o upuan, mga putong o korona na ginto, pitong ilawang apoy, dagat na bubog na katulad ng salamin, at apat na nilalang o hayop.)

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang tanong ni Joseph Smith sa Doktrina at mga Tipan 77:1. Sabihin sa isang estudyante na bilugan sa pisara ang simbolo na hiniling ni Joseph Smith sa Panginoon na tulungan siya na maunawaan (ang dagat na salamin). Pagkatapos ay ipabasa sa isa pang estudyante ang paliwanag ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 77:1.

  • Paano nakatulong ang sagot na ito na mas maunawaan natin ang Apocalipsis 4:6?

Pagpartner-partnerin ang mga estudyante. Sabihin sa magkakapartner na magkasamang basahin ang Doktrina at mga Tipan 77:2–5 at alamin ang mga karagdagang tanong ni Joseph Smith tungkol sa mga simbolo sa Apocalipsis 4 at ang mga sagot na ibinigay ng Panginoon sa mga tanong na iyon. Pagkatapos ng sapat na oras, sabihin sa ilang estudyante na ibahagi kung paano nakatulong sa kanila ang mga sagot ng Panginoon sa mga tanong ni Joseph Smith para maunawaan ang ilan sa mga simbolismo sa Apocalipsis 4:2–8.

Sabihin sa mga estudyante na isiping mabuti kung paano nila gagamitin ang natutuhan nila mula sa Doktrina at mga Tipan 77 upang mabuod ang inilarawan ni Juan sa Apocalipsis 4:2–8. Ipabahagi sa ilang estudyante ang kanilang mga buod. Pagkatapos ay itanong ang sumusunod:

  • Ano ang natutuhan natin mula sa Doktrina at mga Tipan 77 tungkol sa ginagampanan ng propeta sa pagtulong sa atin na maunawaan ang kahulugan ng banal na kasulatan? (Iba-iba man ang gamiting mga salita ng mga estudyante, dapat matukoy nila ang sumusunod na doktrina: Inihahayag ng Panginoon ang tamang kahulugan ng mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Maaari mong imungkahi sa mga estudyante na isulat ang doktrinang ito sa kanilang banal na kasulatan malapit sa simula ng Doktrina at mga Tipan 77.)

  • Sa inyong palagay, bakit mahalagang malaman ang mga itinuturo ng mga propeta hinggil sa dapat nating pag-aralan sa mga banal na kasulatan?

  • Saan natin makikita ang mga turo ng mga propeta tungkol sa kahulugan ng mga nababasa natin sa mga banal na kasulatan?

Sa pagsagot ng mga estudyante sa tanong na ito, ipaliwanag na ipinapakita sa Doktrina at mga Tipan 77 na ang mga salita ng mga propeta na nakatala sa mga banal na kasulatan ay makatutulong sa pagpapaliwanag ng iba pang mga banal na kasulatan. Maraming beses, ipinapaliwanag o binibigyang-kahulugan ng isang scripture verse ang inihayag sa isa pang scripture verse. Ipaliwanag na ang mga footnote na nasa mga banal na kasulatan ay kadalasang nagbibigay ng mga reference sa mga tulong na scripture passage na ito.

Upang maipaliwanag ang bagay na ito, sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Apocalipsis 5:1 at alamin ang nakita ni Juan sa kamay ng taong nakaupo sa luklukan o trono. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Sabihin sa mga estudyante na basahin ang Doktrina at mga Tipan 77:6 matapos nilang mailarawan ang nakita nila sa Apocalipsis 5:1.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 77:6–7. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga tanong ni Joseph Smith tungkol sa Apocalipsis 5:1 gayon din ang mga sagot ng Panginoon. Makatutulong na ipaliwanag na ang 7,000 taon ay tumutukoy sa panahon mula noong Pagkahulog nina Adan at Eva. Hindi ito tumutukoy sa aktuwal na edad ng mundo kasama ang panahon ng paglikha.

Sabihin sa mga estudyante na ibuod ang mga tanong at mga sagot gamit ang kanilang sariling salita. Matapos makumpleto ang aktibidad na ito, ipaliwanag kung paano makatutulong sa atin ang paggamit ng mga footnote sa pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan para matuklasan ang sinabi ng mga propeta tungkol sa mga banal na kasulatan na binasa natin.

Ipaliwanag na bagama’t tanging mga propeta lamang ang may awtoridad na bigyang-kahulugan ang mga banal na kasulatan para sa sanlibutan, dapat magsaliksik ang bawat isa sa atin upang maunawaan at maipamuhay ito kapag personal nating pinag-aralan ang mga banal na kasulatan.

  • Paano natin maihahalintulad ang ginawa ni Joseph Smith sa pag-aaral at pagninilay niya ng aklat ng Apocalipsis sa ating personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan? (Maaaring matukoy ng mga estudyante ang ganito: Kung magtatanong tayo sa Panginoon, tutulungan Niya tayo na maunawaan ang mga banal na kasulatan.)

  • Bakit mahalagang saliksikin ang tamang kahulugan ng mga banal na kasulatan at pagkatapos ay sikaping maipamuhay ito?

Sabihin sa mga estudyante na isipin ang isang pagkakataon na humingi sila ng tulong sa Panginoon na maunawaan ang mga banal na kasulatan at kung paano ipamumuhay ang mga turo sa mga banal na kasulatan sa sarili nilang kalagayan. Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

Sabihin na ang natitirang bahagi ng Doktrina at mga Tipan 77 ay naglalaman ng mas maraming tanong ni Joseph Smith tungkol aklat ng Apocalipsis at ng mga sagot ng Panginoon sa mga tanong na ito. Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 77:8–15 sa pagsasabi sa mga estudyante na ang paghahayag na ito ay nagbigay ng pagkakataon kay Joseph Smith na malaman ang ilan sa mga pangyayaring magaganap bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas.

Sabihin sa mga estudyante na kapag pinag-aralan nila balang araw ang aklat ng Apocalipsis, ang mga sagot ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 77 ay makatutulong sa kanila na maunawaan ang kahulugan ng mga simbolo sa aklat.

Tapusin ang lesson na ito sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga doktrina at alituntuning tinalakay sa lesson na ito o sa pagbabahagi ng isang karanasan mo nang humingi ka ng tulong sa Panginoon para maunawaan ang mga banal na kasulatan.

Susunod na Unit (Doktrina at mga Tipan 84–87)

Upang maihanda ang mga estudyante sa pag-aaral nila sa susunod na linggo, maaari mong sabihin sa kanila na pag-isipan ang sumusunod: Naisip ba ninyo ang lahat ng mayroon ang Ama sa Langit? Alam ba ninyo na ipinangako Niyang ibabahagi sa atin ang lahat ng mayroon Siya? Ang pag-aaral ninyo ng Doktrina at mga Tipan 84–87 ay tutulong sa inyo na mas maunawaan ang dapat ninyong gawin upang makilala ang Diyos at matamo ang lahat ng pagpapala na inilaan Niya para sa inyo.