Seminary
Lesson 119: Doktrina at mga Tipan 111


Lesson 119

Doktrina at mga Tipan 111

Pambungad

Noong 1836 malaki na ang pagkakautang ng Simbahan. Si Propetang Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan ay naglakbay patungo sa Salem, Massachusetts, kung saan umasa silang magkakaroon ng pera para mabayaran ang mga utang ng Simbahan. Noong Agosto 6, 1836, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 111, kung saan nagbigay ang Panginoon ng katiyakan tungkol sa mga problema sa mga utang at sa kapakanan ng Sion. Nagbigay rin ang Panginoon ng mga tagubilin sa Propeta kaugnay ng pananatili ng mga lider ng Simbahan sa Salem.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 111

Ang Panginoon ay nagbigay ng katiyakan at tagubilin kay Joseph Smith at sa iba pang mga lider ng Simbahan

Simulan ang klase sa pagsasabi sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang kanilang sagot sa sumusunod na tanong:

  • Ano ang ilang bagay na nagdudulot ng pag-aalala o pagkabalisa sa inyong buhay?

Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga naisip sa klase. (Paalalahanan ang mga estudyante na may mga bagay at karanasan na napakapersonal para ibahagi.)

Ipaliwanag na noong tag-init ng 1836, si Joseph Smith at ang iba pang mga lider ng Simbahan ay nabalisa hinggil sa pananalapi ng Simbahan. Sa sumunod na mga taon, ang Simbahan ay nagkaroon ng malaking pagkakautang nang sundin ng mga lider ng Simbahan ang utos ng Panginoon na magtayo ng Kirtland Temple, bumili ng mga lupa sa Ohio at Missouri, at pondohan ang Kampo ng Sion. Nangailangan din ang Simbahan ng perang pambili ng lupa para sa mga Banal sa Missouri na pinalayas sa kanilang mga tahanan. Noong 1834, iniutos ng Panginoon kay Joseph Smith at sa iba pang mga lider ng Simbahan na “bayaran ang lahat ng [kanilang] utang” (D at T 104:78). Gayunpaman, ang kanilang pagsisikap na bayaran ang mga utang na ito ay napigilan nang mawala ang mga negosyo sa Missouri. Dahil dito, walang sapat na pera ang mga lider ng Simbahan para mabayaran ang mga nagpautang sa Simbahan.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 104:80. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinangako ng Panginoon na gagawin upang matulungan ang mga lider ng Simbahan sa kanilang mga problema sa utang. Ipabahagi sa mga estudyante ang natuklasan nila.

Ipaliwanag na noong 1836, isang miyembro ng Simbahan na nagngangalang William Burgess ang dumating sa Kirtland, Ohio, at nagsabi sa mga lider ng Simbahan tungkol sa malaking halaga ng pera na makukuha sa Salem, Massachusetts. Sinabi niya na ang pera ay nasa silong ng isang bahay at siya lamang ang tanging taong nakakaalam tungkol sa lokasyon ng pera.

Ipaalam sa mga estudyante na nilisan nina Joseph Smith, Sidney Rigdon, Oliver Cowdery, at Hyrum Smith ang Kirtland noong Hulyo 25, 1836, upang kausapin ang mga pinagkakautangan ng Simbahan sa New York. Matapos ang ilang araw sa New York, ang grupo ay naglakbay patungo sa Salem. Sinalubong sila roon ni Brother Burgess, ngunit sinabi niya na malaki na ang ipinagbago ng lunsod mula noong huling naroon siya at hindi na niya makita ang bahay na kinaroroonan ng pera. Di nagtagal ay lumisan na roon si Brother Burgess.

Larawan
mapa, northeastern U.S.
  • Ano kaya ang madarama ninyo matapos maglakbay patungo sa Salem sa pag-asang makakahanap kayo ng paraan para makatulong sa pagbabayad ng utang ng Simbahan at hindi nahanap ang inaasam ninyo? Ano kaya ang gagawin ninyo?

Ipaliwanag na nag-ukol ng ilang oras ang mga lider ng Simbahan sa paghahanap ng bahay na kinatataguan ng pera. Noong Agosto 6, 1836, habang sila ay nasa Salem, natanggap ni Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 111.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 111:1. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang nadama ng Panginoon tungkol sa paglalakbay ng mga kalalakihang ito patungo sa Salem. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. (Sa pagsagot ng mga estudyante, maaari mong ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang kahangalan ay “pagkilos nang hindi pinag-iisipan nang mabuti” [Noah Webster, An American Dictionary of the English Language, facsimile of the first edition (1828; repr., 1967), “Folly”].)

  • Anong bahagi ng paglalakbay papunta sa Salem ang maituturing na kahangalan?

Ipaalam sa mga estudyante na bagama’t ang paghahanap ng pera sa Salem ay hindi nagtagumpay, sinabi ng Panginoon na ang paglalakbay na ito ay nakabuti pa rin sa Kanyang kaharian. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 111:2. Sabihin sa klase na alamin kung ano ang sinabi ng Panginoon na mayroon Siya sa lunsod ng Salem.

  • Ano ang sinabi ng Panginoon na mayroon Siya sa lunsod ng Salem? (Maraming kayamanan at maraming tao.)

  • Kailan sinabi ng Panginoon na titipunin Niya ang Kanyang mga tao sa Salem? (Sa tamang panahon.)

Ipaalam sa mga estudyante na si Joseph Smith at ang mga kasama niya ay nagtagal ng ilang linggo sa Salem, at ipinangaral nila ang ebanghelyo sa kanilang pananatili roon. Makalipas ang limang taon, si Erastus Snow ay tinawag na magmisyon sa Salem, kung saan inorganisa niya ang isang branch na mayroong 120 miyembro (tingnan sa Church History in the Fulness of Times Student Manual, Ika-2 ed. [Church Educational System manual, 2003], 170–71).

  • Ano ang matututuhan natin mula sa karanasan ni Joseph Smith sa Salem at sa mga itinuro ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 111:1–2? (Maaaring makapagbigay ng maraming magagandang sagot ang mga estudyante. Bilang bahagi ng kanilang talakayan, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Ang Panginoon ay makapagpapalabas ng mabuti mula sa ating tapat na pagsisikap.)

  • Sa paanong mga paraan makapagpapalabas ng mabuti ang Panginoon mula sa ating mga pagsisikap, kahit na sa simula ay nagkulang tayo ng mabuting pagpapasiya? (Ang isang posibleng sagot ay tutulungan Niya tayo na matuto mula sa ating mga karanasan.)

  • Paano nakakaimpluwensya sa inyo na alam ninyo na makapagpapalabas ng mabuti ang Panginoon mula sa inyong tapat na pagsisikap?

Ipaliwanag na nagbigay ang Panginoon ng mga tagubilin kay Joseph Smith at sa kanyang mga kasama upang tulungan silang makagawa ng mabuti habang naroon sila sa Salem. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 111:5–8. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang nais ng Panginoon na gawin ni Joseph Smith at ng kanyang mga kasama.

  • Paano pinanatag ng Panginoon si Joseph Smith at ang kanyang mga kasama hinggil sa mga utang ng Simbahan at sa kalagayan ng Sion?

  • Ayon sa talata 8, paano nalaman ni Joseph Smith at ng iba pang mga lider ng Simbahan kung saan sila mananatili sa mga natitirang araw nila sa Salem?

  • Anong katotohanan ang malalaman natin mula sa tagubilin ng Panginoon sa talata 8? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na alituntunin: Matatanggap natin ang tagubilin ng Panginoon sa pamamagitan ng kapayapaan at kapangyarihan ng Espiritu Santo.)

  • Paano makatutulong sa inyo ang alituntuning ito na maharap ang mga alalahanin at problema?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 111:9–10 at alamin ang karagdagang gawain na iniutos ng Panginoon na tapusin ni Joseph Smith at ng kanyang mga kasama habang naroon sila sa Salem. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipaalam sa mga estudyante na sinunod ni Joseph Smith at ng ibang kalalakihan ang payo ng Panginoon na “masigasig na magtanong hinggil sa mga naunang naninirahan at nagtatag ng lunsod” (D at T 111:9). Pinuntahan nila ang mga makasaysayang pook habang naroon sila sa Salem. Sa mga pagpunta nila sa mga pook na ito, nalaman nila na ang ilang residente ng Salem, Massachusetts, at ang kalapit na New England ay inusig at pinaslang dahil sa kawalan ng kalayaan sa relihiyon at pagiging panatiko. (Tingnan sa History of the Church 2:464–65.) Ang pangyayaring ito ay naghikayat kay Joseph Smith na isulat sa kanyang kasaysayan, “Kailan titigil ang tao sa pakikidigma sa kanyang kapwa, at kunin sa kanya ang kanyang sagradong karapatan na sumamba sa Diyos alinsunod sa idinidikta ng kanyang konsiyensya?” (sa History of the Church, 2:465). Kalaunan, muling binigyang-diin ng Propeta ang kahalagahan ng pagtutulot sa lahat ng tao na gamitin ang karapatang malayang sumamba (tingnan sa Mga Saligan ng Pananampalataya 1:11). Bagama’t hindi nakuha ni Joseph Smith at ng kanyang mga kasama ang perang inakala nilang matatagpuan nila sa Salem, nakamtan nila ang iba pang mga kayamanan mula sa paglalakbay na ito, kabilang ang mga kayamanan ng kaalaman.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 111:11. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang huling payo ng Panginoon sa paghahayag na ito.

  • Paano ninyo sasabihin sa sarili ninyong mga salita ang ipinayo ng Panginoon sa talata 11? (Bagama’t maaaring iba-iba ang mga salitang gamitin ng mga estudyante, tiyaking natukoy nila ang sumusunod na alituntunin: Kung magiging matalino tayo at iiwasan ang kasalanan, isasaayos ng Panginoon ang lahat ng bagay para sa ating ikabubuti. Maaari mong ipaliwanag na bagama’t nakakaranas ng mga pagsubok ang mabubuting tao, “isasaayos [ng Panginoon] ang lahat ng bagay para sa [kanilang] kabutihan.”)

  • Ano ang ilang matatalinong pasiya na magagawa natin? (Maaaring iba-iba ang isagot ng mga estudyante, kabilang ang pagsisikap na sundin ang mga kautusan.)

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “isasaayos [ng Panginoon] ang lahat ng bagay para sa [ating] kabutihan”?

  • Kailan kayo nakakita ng halimbawa ng alituntuning ito?

Iparebyu sa mga estudyante ang isinulat nilang sagot sa itinanong mo sa simula ng klase. Sabihin sa kanila na pag-isipan ang natutuhan nila mula sa kanilang pag-aaral ng Doktrina at mga Tipan 111 na makatutulong sa mga hamong kinakaharap nila. Sabihin sa kanila na isulat ang mga naisip nila sa kanilang notebook o scripture study journal.

Tapusin ang lesson sa pagbabahagi ng iyong patotoo tungkol sa mga alituntuning tinalakay ninyo. Hikayatin ang mga estudyante na kumilos ayon sa mga alituntuning ito.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 111:9. “Ang lugar na ito ay matatamo ninyo sa pamamagitan ng pag-upa”

Nang nakarating na si Joseph Smith at ang kanyang mga kasama sa Salem, Massachusetts, umupa sila ng isang bahay. Hindi ito ang bahay na sinasabing may nakalagak na pera sa silong. Ang bahay na ito ang tinukoy ng Panginoon nang sabihin Niyang, “Ang lugar na ito ay matatamo ninyo sa pamamagitan ng pag-upa” (D at T 111:9).