Seminary
Lesson 106: Doktrina at mga Tipan 101:43–101


Lesson 106

Doktrina at mga Tipan 101:43–101

Pambungad

Noong Disyembre 16 at 17, 1833, tumanggap si Propetang Joseph Smith ng paghahayag hinggil sa mga Banal sa Missouri na iniwanan ang kanilang mga tahanan para matakasan ang matinding pag-uusig. Marami sa mga Banal na iyon ang napilitang iwan ang lahat ng kanilang ari-arian. Ang paghahayag na natanggap ng Propeta na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 101 ay tatalakayin sa tatlong lesson sa manwal na ito. Kabilang sa pangatlong lesson na ito ang talinghaga ng Panginoon tungkol sa taong maharlika at mga puno ng olibo, itinuturo ang Kanyang kalooban hinggil sa pagtubos ng Sion. Kabilang din dito ang payo ng Panginoon na ang mga Banal ay magpatuloy sa pagtitipun-tipon (binanggit ang Kanyang talinghaga tungkol sa trigo at mga agingay o pangsirang damo) at humingi ng bayad-pinsala para sa mabibigat na kasalanang ginawa sa kanila (binanggit ang Kanyang talinghaga tungkol sa babae at ang hindi makatarungang hukom).

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 101:43–62

Ibinigay ng Panginoon ang talinghaga tungkol sa maharlikang tao at mga puno ng olibo

Sa pisara, isulat ang Ang talinghaga tungkol sa …

Ipaliwanag na ang talinghaga ay “isang pangkaraniwang kuwento na ginagamit upang ilarawan at ituro ang espirituwal na katotohanan o alituntunin. Ang talinghaga ay batay sa paghahambing ng karaniwang bagay o pangyayari sa isang katotohanan” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Talinghaga,” scriptures.lds.org).

Sabihin sa mga estudyante na ilista ang ilan sa mga talinghagang itinuro ng Tagapagligtas noong Kanyang mortal na ministeryo. Halimbawa, maaaring mabanggit ng mga estudyante ang talinghaga tungkol sa mabuting Samaritano o talinghaga tungkol sa sampung dalaga.

Ipaliwanag na sa lesson ngayon, tatalakayin ng mga estudyante ang talinghaga na ibinigay ng Tagapagligtas sa pamamagitan ni Joseph Smith. Kumpletuhin ang parirala sa pisara para mabasa nang ganito Ang talinghaga tungkol sa maharlikang tao at mga puno ng olibo.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:43. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mensaheng sinabi ng Panginoon na nais Niyang iparating sa pamamagitan ng talinghagang ito. (Nais Niyang maunawaan ng mga tao ang Kanyang “kalooban hinggil sa pagtubos ng Sion.”) Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:44–45, at sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tingnan mabuti ang mga detalye sa talinghaga. Upang matiyak na nauunawaan ng mga estudyante ang kuwento, itanong ang mga sumusunod:

  • Ano ang ipinagawa ng maharlikang tao sa kanyang mga tagapaglingkod?

  • Bakit nais ng maharlikang tao na maglagay ng mga bantay sa kanyang ubasan? Bakit nais niyang magkaroon ng bantay sa tore?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:46. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung gaano kasigasig sinunod ng mga tagapaglingkod ang mga iniutos ng maharlikang tao.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 101:47–50 at alamin kung gaano kasigasig na sinunod ng mga tagapaglingkod ang mga iniutos ng maharlikang tao.

  • Gaano kasigasig sinunod ng mga tagapaglingkod ang mga iniutos sa kanila?

  • Bakit nabigo ang mga tagapaglingkod na magtayo ng tore?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:51. Sabihin sa klase na alamin ang nangyari dahil hindi naitayo ng mga tagapaglingkod ang tore. Sabihin sa kanila na ibahagi ang nalaman nila.

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 101:52–54 sa mga estudyante. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang mga sinabi ng maharlikang tao sa kanyang mga tagapaglingkod.

  • Ayon sa talata 54, bakit nadismaya ang maharlikang tao sa hindi pagtatayo ng tore ng kanyang mga tagapaglingkod?

  • Paano nauugnay ang mga pangyayaring inilarawan sa talinghagang ito sa nangyari sa mga Banal sa Missouri?

Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari mong ipaalala sa mga estudyante na sa paghahayag na ibinigay noong Hulyo 1831, itinalaga ng Panginoon ang lugar na pagtatayuan ng templo sa Independence, Missouri (tingnan sa D at T 57). Noong Agosto 3, 1831, inilaan ni Joseph Smith ang lugar na pagtatayuan ng templo sa Independence. Gayunpaman, walang ginawa ang mga Banal para maitayo ang templo. Noong Agosto 2, 1833, muling iniutos ng Panginoon sa mga Banal sa Missouri na magtayo ng templo (tingnan sa D at T 97).

  • Paano maaaring iugnay ang tore sa talinghaga sa templo na hindi naitayo ng mga Banal?

  • Ano ang ilang alituntunin sa talinghagang ito na maipamumuhay natin? (Dahil ang talinghaga ay maaaring magkaroon ng maraming kahulugan, maaaring magmungkahi ang mga estudyante ng ilang alituntunin, kabilang ang sumusunod: Kapag sinusunod natin ang mga kautusan ng Panginoon, tayo ay napapalakas upang madaig ang mga espirituwal at pisikal na kaaway. Ang mga propeta ay nagsisilbing mga bantay sa tore, binabalaan tayo sa paparating na mga panganib. Sa pamamagitan ng gawain sa templo, naghahanda tayong madaig ang kaaway.)

Sabihin sa ilang estudyante na magsalitan sa pagbasa nang malakas ng Doktrina at mga Tipan 101:55–62. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung ano ang ipinagawa ng maharlikang tao sa Kanyang tagapaglingkod.

  • Ano ang ipinagawa ng maharlikang tao sa kanyang mga tagapaglingkod? (Sama-samang tipunin ang mga mandirigma at tubusin ang ubasan.)

Ipaliwanag na ang tagapaglingkod na binanggit sa talata 55 ay kumakatawan kay Joseph Smith (tingnan sa D at T 103:21). Sinunod ni Joseph Smith ang utos ng Panginoon at bumuo ng isang grupo na tinawag na Kampo ng Sion upang tubusin ang lupain ng Sion. Ang Kampo ng Sion ay tatalakayin sa mga lesson 108 at 110.

Doktrina at mga Tipan 101:63–75

Pinayuhan ng Panginoon ang mga Banal na ituloy ang gawain ng pagtitipon

Ipaliwanag na bagama’t ang mga Banal sa Jackson County, Missouri, ay pinalayas mula sa kanilang mga tahanan, iniutos ng Panginoon sa kanila na patuloy na itayo ang Kanyang kaharian. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:63–64, at sabihin sa klase na alamin ang sinabi ng Panginoon na patuloy Niyang gagawin. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Sabihin sa mga estudyante na basahin nang tahimik ang Doktrina at mga Tipan 101:65–66 at alamin ang talinghagang binanggit ng Tagapagligtas.

  • Ano ang sinisimbolo ng trigo at mga agingay o pangsirang damo sa talinghagang ito? (Ang trigo ay sumisimbolo sa mabubuting miyembro ng Simbahan, at ang mga agingay ay sumisimbolo sa masasamang tao ng mundo. Maaari mong ipaliwanag na ang mga agingay ay mga damo na parang mga trigo kapag maliit pa ang mga ito.)

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang talinghagang ito, ipaliwanag na noong sinaunang panahon, ang mga bangan ay mga lugar kung saan tinitipon ang mga trigo at iniimbak para maproteksyunan. Tinukoy ang talinghagang ito at ang iba pang mga turo sa mga banal na kasulatan, ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang bangan ay ang mga banal na templo” (“Marangal na Humawak ng Pangalan at Katayuan,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 97). Isulat sa pisara ang sumusunod: mga bangan = mga banal na templo.

  • Batay sa talinghagang ito, anong mga pagpapala ang matatanggap natin sa pagtitipon sa mga templo at paglilingkod roon? (Maaaring iba-ibang salita ang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang sumusunod na alituntunin: Kapag nagtitipon tayo sa templo, tumatanggap tayo ng proteksyon at inihahanda ang ating sarili para sa buhay na walang hanggan.)

  • Sa inyong palagay, paano tayo pinoprotektahan at inihahanda ng mga ordenansa at tipan sa templo para sa buhay na walang hanggan?

Anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi kung paano naging proteksyon at paghahanda para sa kanila at kanilang pamilya ang templo. Maaari mong idagdag ang iyong patotoo sa alituntuning ito.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 101:67–75 na ipinapaliwanag na bagama’t pinalayas ang mga Banal sa Jackson County, Missouri, pinayuhan sila ng Panginoon na patuloy na bumili ng lupain doon at sa mga kalapit na bayan.

Doktrina at mga Tipan 101:76–101

Pinayuhan ng Panginoon ang mga Banal na patuloy na maghanap ng paraan na makabalik sa kanilang mga tahanan sa Missouri

Ipaliwanag na bukod pa sa pagtagubilin sa mga Banal na bumili ng mga lupain, sinabi ng Panginoon sa kanila na “magsumamo para sa bayad-pinsala” dahil sa ginawa ng mga yaong nang-usig sa kanila (tingnan sa D at T 101:76). Sa madaling salita, iniutos Niya sa kanila na humingi ng katarungan sa pamahalaan sa pamamagitan ng sistemang legal.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:76–80. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang sistema ng mga batas na magtutulot sa mga Banal na humingi ng tulong mula sa mga lider ng pamahalaan.

  • Ayon sa mga talatang ito, pinatnubayan ng Panginoon ang pagtatatag ng Saligang-batas ng Estados Unidos maraming taon na ang nakaraan. Bakit gusto ng Panginoon na mapanatili ang saligang-batas na ito?

  • Sinabi ng Panginoon na ang isang layunin ng “moral na kalayaan sa pagpili” ay matiyak na tayo ay “ma[na]nagot sa [ating] sariling mga kasalanan” (D at T 101:78). Bakit ang pananagutan—responsibilidad para sa ating mga ginawa—ay mahalagang bahagi ng kalayaan? Paano ninyo sasagutin ang isang taong nagsasabi ng, “Malaya akong gawin anuman ang gusto ko”?

  • Sinabi ng Panginoon na hindi tama na ang sinuman ay nasa gapos o pagkaalipin ng ibang tao. Sa inyong palagay, bakit mahalaga na wala sa pagkaalipin ang mga tao?

Bilang bahagi ng talakayang ito, isulat ang sumusunod sa pisara: Binigyan tayo ng Diyos ng kalayaang moral, ang kalayaang pumili, ngunit tayo ang …

Sabihin sa mga estudyante na kumpletuhin ang pahayag na ito batay sa Doktrina at mga Tipan 101:78. (Sa pagtukoy ng mga estudyante sa sumusunod na alituntunin, kumpletuhin ang pahayag na nasa pisara: Binigyan tayo ng Diyos ng kalayaang moral, ang kalayaang pumili, ngunit tayo ang mananagot para sa mga pinili natin.)

Ipaliwanag na gumamit ang Panginoon ng talinghaga upang hikayatin ang mga Banal na humingi ng tulong sa mga lider ng pamahalaan. Ipabasa sa isang estudyante ang talinghaga sa Doktrina at mga Tipan 101:81–84 (tingnan din sa Lucas 18:1–8). Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung paano naangkop ang talinghaga sa mga Banal sa Missouri. Pagkatapos ay ipabasa sa isa pang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:85–88. Sabihin sa klase na alamin ang paraan kung paano iniangkop ng Tagapagligtas ang talinghaga sa mga Banal na iyon.

  • Sa panahong ito ng kasaysayan ng Simbahan, sino ang maaaring sinasagisag ng balong babae? (Mga miyembro ng Simbahan.) Sino ang sinasagisag ng hukom? (Maaaring ang sinasagisag ng hukom ay ang mga hukom at lider ng pamahalaan na hihingan ng tulong ng mga Banal. Maaari ding sinasagisag Niya ang Ama sa Langit, kung kanino patuloy na mananalangin ang mga Banal.)

  • Gamit ang talinghagang ito, anong mga partikular na bagay ang ipinagagawa ng Panginoon sa mga Banal?

Ipaliwanag na nag-apila ang mga Banal sa mga hukom na nasa mga lokal na hukuman ngunit hindi tumanggap ng suporta na inasam nila. Humingi sila ng tulong kay Daniel Dunklin, ang gobernador ng Missouri, at kay Andrew Jackson, ang presidente ng Estados Unidos, na makabalik sila sa kanilang tahanan at lupain at bigyan sila ng proteksyon. Hindi sila tinulungan ng dalawang lider na ito. Nagpetisyon din ang mga Banal sa lehislatura ng Missouri, pero tumanggi silang tumulong.

Patingnan ang alituntuning isinulat mo sa pisara. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:89–91. Sabihin sa klase na alamin kung paano papanagutin ang mga lider ng pamahalaan kung tatanggi silang tulungan ang mga Banal. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nahanap nila.

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 101:92–95, at alamin ang ipinagagawa ng Panginoon sa mga Banal para sa mga lider nila sa pamahalaan.

  • Ano ang itinuro ng talata 92 sa atin tungkol sa Panginoon? (Ayaw Niyang magparusa ng mga tao. Nais Niyang magsisi ang lahat ng tao upang maging maawain Siya sa kanila.)

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 101:96–101 na ipinapaliwanag na ipinayo ng Panginoon sa mga Banal na panatilihin ang kanilang mga ari-arian sa Jackson County, kahit hindi sila pahintulutang manirahan doon. Ipinangako ng Panginoon na kung mamumuhay sila nang matwid, maninirahan sila roon balang-araw.

Tapusin ang lesson sa pagpapatotoo sa mga alituntuning tinalakay ng mga estudyante.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 101:44–64. Ang talinghaga tungkol sa maharlikang tao at mga puno ng olibo

Ipinaliwanag ng mga sumusunod na talata ang isang paraan para mabigyang-kahulugan ang talinghaga tungkol sa maharlikang tao at mga puno ng olibo:

“Tila ganito binigyang-kahulugan ang talinghaga: ang maharlikang tao ay ang Panginoon, na ang piling lupain sa Kanyang ubasan ay ang Sion sa Missouri. Ang mga lugar kung saan maninirahan ang mga Banal sa Sion ay ang mga puno ng olibo. Ang mga tagapaglingkod ay ang mga naninirahang Banal sa mga Huling Araw, at ang mga bantay ay ang mga lider sa Simbahan. Habang itinatayo ang Sion, sila ay nagtalu-talo at hindi itinayo ang tore o Templo na ang lugar na pagtatayuan nito ay inilaan noon pang Agosto 3, 1831. Kung itinayo nila ito ayon sa iniutos sa kanila, ito sana ay naging espirituwal na kanlungan nila, dahil mula rito makikita ng mga bantay ng Panginoon sa pamamagitan ng paghahayag ang mga kilos ng kaaway mula sa malayo. Ang kaalamang ito sa una pa lang ay nagligtas sana sa kanila at sa kanilang pinagpaguran nang umatake ang kaaway.

“Ngunit ang mga Banal sa Missouri ay tamad, pabaya, at tutulug-tulog. Dumating ang kaaway, at ang ibinunga ay pag-uusig sa Missouri. Nakalat ang mga tao ng Panginoon at nasayang ang marami nilang pinagpaguran. Kinundena ng Makapangyaring Diyos ang Kanyang mga tao, tulad ng nakita natin, ngunit iniutos Niya sa isa sa Kanyang mga tagapaglingkod (t. 55), si Joseph Smith (103:21), na tipunin ang ‘lahat ng lakas ng aking sambahayan’ at sagipin ang Kanyang mga lupain at ari-arian mula sa mga yaong nagtipon laban sa kanila.

“Matapos ang maikling panahon, ang Propeta at ang kanyang mga kapatid sa kilalang Kampo ng Sion ay nagtungo sa Missouri noong 1834 sa pagtatangkang isagawa ang mga tagubilin sa talinghaga. Bago sila nagtungo roon, tumanggap sila ng karagdagang paghahayag (tingnan sa 103:21–28) hinggil sa pagtubos ng Sion. Tinagubilinan ang mga kapatid na sikaping makabili ng lupain sa Missouri, huwag gumamit ng karahasan; at kung salakayin sila ng kaaway, isusumpa nila ang mga ito. Hindi natubos ang Sion sa panahong iyon, ngunit magtiwala tayo na hindi magtatagal ay mangyayari ito. … Ito ay matutubos kung nanaisin ng Panginoon.” (Sidney B. Sperry, Doctrine and Covenants Compendium [1960], 521–22; binanggit sa Doctrine and Covenants Student Manual [Church Educational System manual, 2001], 243).

Doktrina at mga Tipan 101:78. Kalayaang moral at pananagutan

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit ang katagang kalayaang moral ay mas magandang gamitin kaysa sa katagang kalayaang pumili:

Larawan
Elder D. Todd Christofferson

“Noon, karaniwan nating ginagamit ang katagang kalayaan. Hindi ito mali, ngunit kamakailan lamang natanto namin na ang kalayaang pumili ay hindi makikita sa mga banal na kasulatan. Nakasaad sa mga ito ang tungkol sa ‘malaya [tayong] makapipili’ at ‘malayang makakikilos’ para sa ating sarili at tungkol sa obligasyon natin na gawin ang maraming bagay ayon sa sarili nating ‘kalooban.’ Ngunit ang salitang kalayaan ay makikita nang mag-isa o, sa Doktrina at mga Tipan, bahagi 101, talata 78, nang may panuring na moral: ‘Nang ang bawat tao ay makakilos sa doktrina at alituntunin … alinsunod sa moral na kalayaan sa pagpili na aking ibinigay sa kanya, upang ang bawat tao ay managot sa kanyang sariling mga kasalanan sa araw ng paghuhukom’ (idinagdag ang pagbibigay-diin). Kapag ginamit natin ang mga katagang moral na kalayaan sa pagpili, angkop nating binibigyang-diin ang pananagutan na mahalagang bahagi ng banal na kaloob na kalayaan. Tayo ay mga nilalang na may moralidad at may kalayaang kumilos para sa ating sarili, malayang pumili ngunit may pananagutan din sa ating mga pagpili” (“Moral Agency” [Brigham Young University devotional address, Ene. 31, 2006], 1, speeches.byu.edu).

Doktrina at mga Tipan 101:80. Itinatag ng Diyos ang Saligang-batas ng Estados Unidos

Sinabi ni Pangulong J. Reuben Clark ng Unang Panguluhan:

Larawan
Pangulong J. Reuben Clark

“Para sa akin, mga kapatid, ang pahayag na iyan ng Panginoon na, ‘Aking itinatag ang Saligang-batas ng lupaing ito,’ ay naglagay sa Saligang-Batas ng Estados Unidos sa posisyon kung saan ito nararapat kung ito ay nakasulat mismo sa aklat ng Doktrina at mga Tipan. Dahil dito ang Saligang-batas ay salita ng Panginoon sa atin. Ang katotohanang ibinigay ito, hindi sa pamamagitan ng salita, ngunit sa pamamagitan ng pagkilos ng kanyang isipan at espiritu sa mga isipan ng tao, nagbigay-inspirasyon sa kanila na gawin ang kahanga-hangang dokumento ng pamahalaan ng mga tao, ay hindi nagpabago sa awtoridad nito” (sa Conference Report, Abr. 1935, 93).

Doktrina at mga Tipan 101:80. “Matatalinong tao na aking ibinangon sa tanging layuning ito”

Nagsalita si Pangulong Brigham Young tungkol sa ilan sa kalalakihan na naging kasangkapan sa mga kamay ng Diyos upang itatag ang Saligang-batas ng Estados Unidos:

Larawan
Pangulong Brigham Young

“Naniniwala kami na inihanda iyan ng Panginoon upang kapag isasakatuparan niya ang kanyang gawain, na, kapag dumating ang itinakdang panahon, maaaring magkaroon ng lugar sa kanyang tuntungan kung saan naroon ang lubos na kalayaan ng budhi, makapamumuhay ang mga Banal nang may kapayapaan sa ilalim ng malawak na pagprotekta ng saligang-batas at may pantay na karapatan. Sa pagkaunawang ito maituturing natin na ang mga kalalakihan sa Rebolusyon ay binigyang-inspirasyon ng Makapangyarihang Diyos, upang makalaya sa kamay ng namamahalang gobyerno (ang Great Britain), at sa relihiyong itinatag ng gobyernong ito. Sa kadahilanang ito sina Adams, Jefferson, Franklin, Washington, at maraming iba pa ay nahikayat na kalabanin ang pamahalaan ng Hari ng Great Britain … sa gayon ay nakapagtatag ng isang bagong pamahalaan batay sa alituntunin ng kalayaan, nagsasariling pamahalaan na nagtutulot ng kalayaan sa relihiyon.

“Iyon ay tinig ng Panginoon na nagbigay-inspirasyon sa mabubuting kalalakihang iyon na may impluwensya sa mahihirap na panahong iyon, hindi lamang sa pakikipaglaban kundi sa paggamit ng karunungan sa kapulungan, katatagan, katapangan, at pagtitiis sa digmaan, gayon din sa pagbuo at pagsunod sa mabuti at mahusay na polisiyang iyon na naging dahilan para matamo nila sa kanilang sarili at ng mga susunod na henerasyon ang mga pagpapala ng isang malayang pamahalaan” (Discourses of Brigham Young, sel. John A. Widtsoe [1954], 359–60).

Doktrina at mga Tipan 101:81–95. “Sila ay dapat na magpatuloy na magsumamo para sa bayad-pinsala”

Sa paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 101, inulit ng Panginoon ang Kanyang talinghaga tungkol sa babae na paulit-ulit na nagsumamo sa isang hukom hanggang sa ipagkaloob nito ang hinihiling niya (tingnan sa Lucas 18:1–8). Inihalintulad Niya ang talinghaga sa sitwasyon ng mga Banal na pinalayas sa kanilang mga tahanan sa Missouri. Kailangan nilang lumapit sa mga lider ng pamahalaan para humingi ng katarungan at proteksyon, simula sa isang hukom at, kung kailangan, lumapit sa gobernador ng Missouri at sa presidente ng Estados Unidos. Kung hindi pakikinggan ang mga pagsamo ng mga Banal, sinabi ng Panginoon na Siya ay mapopoot at parurusahan ang mga yaong nagpalayas sa mga Banal, sapagkat lahat ng tao ay “ma[i]iwang walang dahilan” (D at T 101:93). Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith:

Larawan
Pangulong Joseph Fielding Smith

“Ang mga banal ay tinagubilinan ding iparating ang kanilang mga hinaing sa angkop na pinuno ng pamahalaan at humingi ng bayad-pinsala para sa kasamaang ginawa sa kanila. Napakahalagang hakbang ito, at nang gawin ito ng mga Banal at ipagkait sa kanila ang kanilang karapatan bilang mamamayan at ang karapatan nila sa relihiyon, ang mga pinunong iyon ay naiwang walang dahilan, at ang kahatulan ng Makapangyarihang Diyos na dumating kalaunan sa kanila sa panahon ng Civil War, ay makatwiran. …

“Dahil may makatwirang batas ng paghihiganti, na hindi nagbabago at walang hanggan tulad ng iba pang mga batas ng Makapangyarihang Diyos [tingnan sa II Mga Taga Corinto 9:6; D at T 6:33], darating ang araw na magkakaroon ng mga pagbabago sa harapan ng isang Matwid na Hukom na hindi matatakot sa mga pagbabanta ng mga mandurumog” (Church History and Modern Revelation, 2 tomo [1953], 1:462, 469).