Seminary
Lesson 109: Doktrina at mga Tipan 104


Lesson 109

Doktrina at mga Tipan 104

Pambungad

Noong tagsibol ng 1834, nagkaroon ng problema sa pananalapi ang Simbahan, at ang pagsisikap na makatipon ng pondo para makatulong ay nabigo. Noong Marso 1832, ang pamunuan ng Simbahan sa Ohio ay nagtatag ng isang organisasyon na tinawag na Nagkakaisang Samahan upang pamahalaan ang kalakal at negosyo sa paraang tutulong sa pagtatatag ng Sion at pangangalaga sa mga maralita (tingnan sa D at T 78). Noong Abril 1832, nakipagkita si Joseph Smith at ang iba pa sa mga lider ng Simbahan sa Missouri at nagtatag ng sangay ng Nagkakaisang Samahan sa Jackson County (tingnan sa D at T 82). Ang dalawang sangay na ito—isa sa Ohio at isa sa Missouri—ay nagpatuloy sa loob ng dalawang taon. Sa isang pulong na ginanap noong Abril 10, 1834, nagpasiya ang mga kasapi ng samahan na lansagin na ang samahan. Gayunman, nakatanggap si Joseph Smith ng isang paghahayag mga dalawang linggo pagkaraan nito na “[sa halip na lansagin ay] isasaayos muli” ang samahan at “ang mga ari-arian [nito] bilang mga pangangasiwaan ay kailangang hatiin sa mga kasapi ng samahan” (pambungad sa D at T 104). Sa ilalim ng pamamahala ni Joseph Smith, ang katawagang “Nagkakaisang Samahan” ay napalitan kalaunan ng “Nagkakaisang Orden” sa paghahayag na ito. Pinayuhan din ng Panginoon ang mga lider ng Simbahan hinggil sa kanilang mga pagkakautang at itinuro sa lahat ng miyembro ng Simbahan kung paano nila pangangalagaan ang mga maralita.

Mga Mungkahi sa Pagtuturo

Doktrina at mga Tipan 104:1–18

Nagbigay ang Panginoon ng mga tagubilin hinggil sa Nagkakaisang Orden

Maglagay ng isang mabigat na bagay (gaya ng malaking aklat o bato) sa harapan ng silid-aralan. Sabihin sa isang estudyante na buhatin ang bagay na iyon gamit lamang ang isang daliri. Mahirap o imposible ito, pero pasubukan pa rin sa estudyante. Pagkatapos ay sabihin sa estudyante na anyayahan ang mga kaklase niya na tumulong sa pagbuhat ng bagay na iyon. Ang mga tumulong na estudyante ay dapat mangako na tutulong hanggang sa mabuhat ang bagay, at isang daliri rin ang gagamitin nila. Hayaang magpatuloy ang unang estudyante sa pag-anyaya ng mas maraming kaklase hanggang sa mabuhat nila ang bagay.

  • Ano ang kailangan para mabuhat ang mabigat na bagay? (Maaaring kasama sa mga sagot ang pagtutulungan, pagkakaisa, at iba pa.)

Ipaliwanag na sa mga unang araw ng Simbahan, mabigat na pasanin ng Simbahan ang problema sa pananalapi. Noong Marso at Abril 1832, iniutos ng Panginoon sa mga lider ng Simbahan na itatag ang Nagkakaisang Samahan, kung saan ang mga kasapi nito ay nakipagtipan na magtutulungan at magiging responsable sa pamamahala ng negosyo at palimbagan ng Simbahan upang mabawasan ang pagkakautang ng Simbahan, mapangalagaan ang mga maralita, at maisulong ang gawain ng Panginoon. Ang orihinal na pangalan ng institusyong ito ay United Firm o Nagkakaisang Samahan (tingnan sa mga pambungad sa mga bahaging 78, 82, at 104 sa 2013 edisyon ng Doktrina at mga Tipan). Noong tagsibol ng 1834, dahil sa pagkakautang ipinasya ng mga lider ng Simbahan na lansagin ang samahan. Noong Abril 23, 1834, natanggap ni Propetang Joseph Smith ang paghahayag na nakatala sa Doktrina at mga Tipan 104, kung saan inihayag ng Panginoon kung ano ang gagawin sa Nagkakaisang Samahan at sa mga ari-arian nito.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang pambungad ng Doktrina at mga Tipan 104. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang nais ng Panginoon na gawin ng mga lider ng Simbahan sa Nagkakaisang Samahan. (Bago magbasa ang mga estudyante, ipaliwanag na iniutos kalaunan ni Joseph Smith na ang katawagang “Nagkakaisang Samahan” ay palitan ng “Nagkakaisang Orden” sa inilathalang paghahayag.) Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 104:1–4. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at tukuyin ang isa sa mga dahilan ng pagkakaroon ng mga problema sa Nagkakaisang Orden. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na sa talata 4, ang salitang kasakiman ay tumutukoy sa sakim na hangaring angkinin ang isang bagay, lalo na ang isang bagay na pag-aari ng ibang tao.

  • Ano ang ilan sa mga bagay na sinuway ng mga kapatid dahil sa kasakiman?

Ipaalala sa mga estudyante ang object lesson sa simula ng lesson. Sabihin sa kanila na isipin kung ano ang mangyayari kung ang ilan sa mga estudyanteng nangakong tutulong ay nagbago ng kanilang isip at nagpasiyang umalis habang binubuhat ang bagay.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 104:5–10 na ipinapaliwanag na inihayag ng Panginoon na kabilang sa mga bunga ng pagsuway sa tipan na nauugnay sa Nagkakaisang Orden ay pagkasumpa at pagkatiwalag sa Simbahan (tingnan din sa D at T 78:11–12; 82:11–21).

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 104:11–13 at alamin ang sinabi ng Panginoon na matatanggap ng bawat kasapi ng Nagkakaisang Orden. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila. Maaaring kailangan mong ipaliwanag na ang katiwala ay isang tao na binigyan ng responsibilidad para sa ari-arian na pag-aari ng ibang tao.

  • Ayon sa mga talata 12–13, bakit nagtalaga ang Panginoon ng isang pangangasiwaan sa bawat kasapi ng Nagkakaisang Orden?

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 104:14. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin kung sino ang may-ari ng mga ari-arian na may kaugnayan sa Nagkakaisang Orden.

  • Sino ang may-ari ng mga ari-arian na ibinigay sa mga kasapi ng Nagkakaisang Orden? (Matapos sumagot ang mga estudyante, isulat sa pisara ang sumusunod na katotohanan: Nilikha ng Panginoon ang lupa, at lahat ng bagay na narito ay sa Kanya.)

  • Paano maaaring makaimpluwensya ang katotohanang ito sa pananaw at paggamit ninyo ng inyong mga ari-arian o kayamanan?

Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang Doktrina at mga Tipan 104:15–18. Sabihin sa kanila na tukuyin kung paano itinuro ng Panginoon na gamitin ng Kanyang mga katiwala ang mga bagay na nasa lupa.

  • Paano ninanais ng Panginoon na maglaan para sa Kanyang mga Banal?

  • Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng upang “ang mga maralita ay dakilain, sa gayon yaong mayayaman ay ibababa”?

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang ibig sabihin ng pahayag na ito, ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang sumusunod na paliwanag ni Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Larawan
Elder Joseph B. Wirthlin

“Ang paraan ng Panginoon ay kinapapalooban ng pagtulong sa mga tao na tulungan ang kanilang mga sarili. Ang mga maralita ay nadadakila dahil pinagtatrabahuhan nila ang mga temporal na tulong na natatanggap nila, sila ay naturuan ng mga tamang alituntunin, at nakakayang iangat ang kanilang mga sarili mula sa kahirapan at nagiging self-reliant. Ang mayayaman ay naibababa dahil nagpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa pagbibigay nang taos-puso sa mga nangangailangan” (“Inspired Church Welfare,” Ensign, Mayo 1999, 77).

  • Anong mga alituntunin ang itinuturo sa mga talata 17–18 tungkol sa ating responsibilidad na tulungan ang iba? (Maaaring iba-ibang alituntunin ang matukoy ng mga estudyante, kabilang ang sumusunod: Mananagot tayo sa paggamit ng mga bagay na ibinigay sa atin ng Panginoon upang tulungan ang iba. Isulat sa pisara ang alituntuning ito.)

Sabihin sa mga estudyante na isipin na ang “mga maralita at nangangailangan” ay hindi lamang ang mga yaong nangangailangan ng pinansyal na tulong kundi ang mga nangangailangan din ng tulong sa aspetong espirituwal, emosyonal, mental, at sosyal. Maaari din nating ituring na ang ating kasaganaan ay higit pa sa pera o materyal na pag-aari natin. Kabilang sa ating kasaganaan ang ating panahon, mga talento, kaalaman, patotoo, at mga kasanayan.

  • Sa inyong palagay, bakit mahalaga na ibinabahagi natin ang ating kasaganaan sa mga nangangailangan?

  • Paano natin matutulungan ang iba ayon sa paraan ng Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang kanilang pagsisikap na tulungan ang mga maralita at nangangailangan. Sabihin sa mga estudyante na magsulat ng isang mithiin kung paano nila gagamitin ang ibinigay ng Panginoon sa kanila upang matulungan ang isang taong nangangailangan.

Doktrina at mga Tipan 104:19–77

Nagbigay ang Panginoon ng mga tagubilin hinggil sa Nagkakaisang Orden, mga pangangasiwa, at ingatang-yaman o kabang-yaman

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 104:19–53 na ipinapaliwanag na nagbigay ng mga partikular na instruksyon ang Panginoon tungkol sa mga pangangasiwa na iniatas sa mga miyembro ng Nagkakaisang Orden. Isulat sa pisara ang sumusunod: Doktrina at mga Tipan 104:23, 25, 31, 33, 35, 38, 42, 46. Ipabasa nang tahimik sa mga estudyante ang mga talatang ito at alamin ang huwaran o pattern sa mga pangako ng Panginoon sa bawat kasapi ng orden. Sabihin sa mga estudyante na ibahagi ang nalaman nila.

Itanong sa mga estudyante kung anong mga salita o parirala ang inulit-ulit sa mga talatang ito. Ipaliwanag na ang ibig sabihin ng salitang “yayamang” ay “dahil” o “sapagkat.”

  • Ano ang itinuturo sa atin ng salitang ito tungkol sa kung paano nakakaapekto sa ating pagsunod ang mga pagpapalang natatanggap natin?

Isulat sa pisara ang Yayamang tayo ay mapagkumbaba at matapat, ang Panginoon ay …

Tanungin ang mga estudyante kung paano nila kukumpletuhin ang alituntuning ito. (Gamitin ang kanilang mga salita upang makumpleto ang hindi kumpletong alituntunin sa pisara. Halimbawa: Yayamang tayo ay mapagkumbaba at matapat, ang Panginoon ay pararamihin ang ating mga pagpapala.)

  • Kailan kayo nakakita ng taong pinagpala dahil sa katapatan niya sa kanyang mga responsibilidad sa Panginoon?

Sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano sila magiging matapat sa mga responsibilidad na ibinigay sa kanila ng Panginoon.

Ibuod ang Doktrina at mga Tipan 104:54–77 na ipinapaliwanag na nagbigay ang Panginoon ng mga tagubilin para sa pagkakaroon ng mga kabang-yaman upang mapangalagaan ang mga pondo na gagamitin para sa kapakinabangan ng Simbahan, tulad sa pagpapalimbag ng mga banal na kasulatan.

Doktrina at mga Tipan 104:78–86

Tinagubilinan ng Panginoon ang mga lider ng Simbahan hinggil sa mga pagkakautang ng Nagkakaisang Orden

Sabihin sa mga estudyante na pag-isipan kung nautusan na ba silang gawin ang isang bagay na sa palagay nila ay imposibleng gawin. Anyayahan ang ilan na ibahagi ang kanilang mga karanasan.

Ipaliwanag na sa pagsunod sa mga utos ng Panginoon, nagkaroon ng malaking utang ang Nagkakaisang Orden. Maraming pangyayari ang nakahadlang sa pagbabayad ng mga inutang. Halimbawa, ang pagwasak ng mga mandurumog sa palimbagan sa Jackson County, Missouri, ay nakaragdag sa patuloy na kagipitan sa pananalapi, at hinadlangan ng mga mandurumog ang mga Banal na gamitin ang kamalig o storehouse sa Independence.

Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 104:78. Sabihin sa klase na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang tagubilin ng Panginoon hinggil sa mga pagkakautang ng Simbahan.

  • Ano ang ipinagawa ng Panginoon sa mga kasapi ng Nagkakaisang Orden?

Ipaliwanag na maaaring tila imposible sa mga Banal ang pagbabayad ng mga utang, ngunit nagbigay ng mga tagubilin ang Panginoon upang tulungan sila. Isulat ang KUNG (SANHI) at SAMAKATWID (EPEKTO) sa itaas ng dalawang column sa pisara. Ipabasa nang malakas sa isang estudyante ang Doktrina at mga Tipan 104:80–82. Hatiin ang klase sa dalawang grupo at sabihin sa unang grupo na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinagawa ng Panginoon sa mga miyembro upang matanggap ang Kanyang tulong sa pagbabayad ng kanilang mga utang. Sabihin sa pangalawang grupo na tahimik na sumabay sa pagbasa at alamin ang ipinangako ng Panginoon na gagawin Niya upang tulungan ang mga Banal sa pagbabayad ng kanilang mga utang. Sabihin sa unang grupo na isulat sa pisara ang kanilang mga sagot sa ilalim ng “KUNG,” at sabihin sa pangalawang grupo na isulat ang kanilang mga sagot sa ilalim ng “SAMAKATWID.”

  • Anong alituntunin ang matututuhan natin sa Doktrina at mga Tipan 104:80–82? (Maaaring iba-iba ang salitang gamitin ng mga estudyante, ngunit dapat nilang matukoy ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung tayo ay mapagkumbaba at matapat at tatawag sa pangalan ng Panginoon, samakatwid tutulungan Niya tayo na magawa ang iniuutos Niya sa atin.)

  • Ano ang iniuutos ng Panginoon na gawin ng mga miyembro ng Simbahan ngayon na maaaring ituring na mahirap? Ano sa palagay ninyo ang naitutulong ng pagpapakumbaba, katapatan, at panalangin sa paggawa sa mga bagay na iniuutos ng Panginoon sa inyo?

  • Sinong mga tao mula sa banal na kasulatan ang halimbawa ng alituntuning natukoy natin sa mga talata 80–82? Sino ang kilala ninyo ngayon na halimbawa ng alituntuning ito?

Sabihin sa mga estudyante na isulat sa kanilang notebook o scripture study journal ang isang paraan na sila ay magiging mas mapagkumbaba, matapat, o madasalin upang matulungan sila ng Panginoon na magawa ang mga bagay na iniuutos Niya.

Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon

Doktrina at mga Tipan 104:15–18. Ang ating responsibilidad na pangalagaan ang mga maralita at nangangailangan

Nagsalita si Pangulong Marion G. Romney ng Unang Panguluhan tungkol sa mga pagpapalang natatanggap natin kapag pinangangalagaan natin ang mga maralita at nangangailangan:

Larawan
Pangulong Marion G. Romney

“Napakasimpleng bagay para sa Panginoon na ihayag sa [Pangulo ng Simbahan] kung saan nakalagak ang langis at mamahaling bato. Pagkatapos ay uupa tayo ng isang tao para hukayin ito at magiging napakayaman natin—at ang kayamanang iyan ang magpapabagsak sa atin patungo sa Hades. Talagang hindi tayo kailangan ng Panginoon para pangalagaan ang mga maralita, ngunit kailangan natin ang karanasang ito; sapagkat sa pagkatuto lamang natin kung paano pangalagaan ang isa’t isa nagkakaroon tayo ng pag-ibig at ugaling katulad ng kay Cristo na kinakailangan para maging karapat-dapat tayo na makabalik sa kanyang kinaroroonan” (“Living Welfare Principles,” Ensign, Nob. 1981, 92).

Doktrina at mga Tipan 104:16. Ang paraan ng Panginoon sa pagtulong sa mga Banal

Itinuro ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan ang tungkol sa paraan ng Panginoon sa pagtulong sa mga Banal:

Larawan
Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Napakaraming mabubuting tao at organisasyon sa mundo ang nagsisikap na tugunan ang mahalagang pangangailangan ng mga maralita at nangangailangan saan man. Pinasasalamatan natin ito, ngunit ang paraan ng Panginoon sa pagkalinga sa mga nangangailangan ay iba sa paraan ng mundo. Sinabi ng Panginoon, ‘Ito ay talagang kinakailangang magawa sa aking sariling pamamaraan’ [D at T 104:16]. Hindi lang Siya interesado sa ating mga agarang pangangailangan; nag-aalala din Siya sa ating walang-hanggang pag-unlad. Dahil dito, laging kabilang sa paraan ng Panginoon ang pag-asa sa sarili at paglilingkod sa ating kapwa bukod sa pagkalinga sa mga maralita” (“Pagtulong sa Paraan ng Panginoon,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 54).

Larawan
Pangulong Marion G. Romney

Itinuro din ni Pangulong Marion G. Romney ng Unang Panguluhan ang tungkol sa mas dakilang layunin ng pagtulong ayon sa paraan ng Panginoon: “Ang pangunahing tungkulin sa pagtulong ng mga maralita sa Simbahan ay hindi ang magbigay ng temporal na kaginhawaan, kundi kaligtasan sa kanilang mga kaluluwa” (“The Role of Bishops in Welfare Services,” Ensign, Nob. 1977, 81).